Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 43 - Duty and Love

Chapter 43 - Duty and Love

TAHIMIK na nakatayo ang makisig na binata sa dulo ng mataas na talampas habang pinagmamasdan ang nakamamanghang dagat ng mga ulap at tuktok ng mga sumisilip na bulubundukin. Ninanamnam niya ang lamig ng sariwang hangin na tumatama sa kanyang balat. Wala man siyang suot na saplot maliban sa puting pantalon ay hindi niya alintana ang lamig. Kakasibol lamang ng haring araw. Wala ng iba pang mas gaganda sa kulay ng pinaghalong dilaw at kahel na sumasakop sa dating madilim na kalangitan. Hudyat ng panibagong umaga at pag-asa.

"Mukhang malalim ang `yong iniisip, Cael." Dahan-dahang siyang pumihit sa likuran. Natagpuan niya ang kanilang pinuno na naglalakad papalapit sa kanya. "Ang mortal ba ang `yong inaaalala?"

Makisig ang pangangatawan ng kanilang pinuno. Katulad niya ay wala itong suot na pangtaas maliban sa puting pantalon. Iyon ang normal na bihis ng mga kalalakihan sa kanilang lahi. Moreno ang balat nito na katulad niya habang kakulay ng lupa ang kulot nitong buhok.

Agad nagbigay galang si Cael nang sandaling tumigil ang pinuno sa harapan niya. Lumuhod siya gamit ang isang tuhod, iniyuko ang kanyang ulo at nilapat ang kanang palad sa dibdib.

"Wala `kong ibang iniisip kundi si Alexine lamang pinunong Gabriel. Simula nang ipinanganak siya sa mundo ng mga tao, wala na `kong ibang pinanggugulan ng aking panahon kundi siguraduhin ang kanyang kaligtasan."

Tumabi ito sa gilid niya. "Maari ka nang tumayo." Agad siyang sumunod at tumayo nang tuwid. Sabay nilang pinagmasdan ang magandang tanawin habang ninanamnam ang sikat ng araw na tumatama sa kanilang balat.

"Maraming salamat at ginagampanan mo nang maayos ang `yong tungkulin. Alam kong hindi mo pababayaan ang mortal sa `yong pangangalaga. Subalit nais lamang kitang paalalahanan." Muli siya nitong nilingon.

Nasa mukha ni Gabriel ang karangalan at tindig ng isang kagalang-galang na pinuno. Subok sa mahabang panahon na walang kahit sinung makapagsasabi kung gaano katagal. Taimtim na tumitig kay Cael ang mga mata nitong kakulay ng kagubatan. Mga matang naging saksi sa lahat ng bagay na nangyari mula sa unang pagsibol ng kalawakan.

Napalunok nang madiin si Cael habang inaantay ang sasabihin nito. Kahit hindi pa ito nagsasalita ay may kutob na siya sa kung ano ang nais nitong iparating.

"Huwag mo sanang kalilimutan ang `yong responsibilidad at kung bakit sa `yo binigay ang misyon upang protektahan ang mortal. Huwag mo rin sanang kalilimutan kung sino siya. Sana ay hindi mo bibiguin ang Ama."

"Alam ko po ang aking tungkulin. Itataya ko ang buong buhay ko upang protektahan si Alexine."

Hinawakan nito ang balikat niya at marahan iyong pinisil. "Kahit hindi mo man aminin alam ko na may espesyal kang pagtingin sa kanya, Cael. Hindi kita masisisi dahil tunay na nakabibighani ang dalagang mortal."

Maliit itong ngumiti. Hindi napigilan ni Cael ang pamumula ng magkabilang pisngi.

"Tiwala ako na alam mo kung hanggang saan lamang ang limitasyon natin. `Wag ka sanang tumulad sa dating pagkakamali." 

Hindi na siya tumutol pa sa sinabi ni Gabriel. Yumuko na lamang siya rito senyales ng pag sang-ayon at paggalang sa mga hinabilin nito. Hindi naman niya nakalilimutan ang mga batas at kautusan. Lalo na sa nangyaring malaking kasalanan noon na walang sinuman sa kanila ang makalilimot. Noon pa man ay tanggap na niyang hindi magiging posible ang nararamdaman niya para sa dalagang mortal.

Binitiwan ni Gabriel ang balikat niya. Nag-unat ito ng leeg habang inikot-ikot ang malapad na balikat. Ilang sandali pa at walang pag-aalinlangan itong tumalon mula sa hangganan ng talampas at diretsong nagpahulog.

Lumusot si Gabriel sa makakapal na ulap at matapos ang ilang segundo ay lumabas mula sa likuran nito ang malaki at napakagandang pakpak. Nakasisilaw ang gintong liwanag na bumabalot sa pakpak nito. Kung pagmamasdan ay animo gawa `yon sa tubig sa sobrang linaw. Muling lumipad pataas si Gabriel at dumaan sa harapan ni Cael.

Hindi nagtagal at naisipan na rin ng binata na sundan ito. Tinalon niya ang bangin at malayang nagpahulog. Mula sa dalawang pahabang peklat sa likuran ni Cael ay lumabas ang kanyang higanteng pakpak. Katulad kay Gabriel ay malinaw at binabalot `yon ng nakamamanghang liwanag. Kung sa pinuno nila ay gintong liwanag, ang katulad niyang mga ordinaryong anghel naman ay puti.

Nilasap ng binata ang malamig na hangin na tumatama sa kanyang balat. Nilibot ni Cael ang buong Paraiso ng Eden. Mula sa himpapawid, natatanaw niya ang malawak na kagubatan at bulubundukin na sumasakop sa kanilang paraiso.

Tila higanteng ahas na gumagapang ang mahaba at kumikinang na ilog na nakadugtong sa malawak na karagatan. Sa itaas ng mga ulap ay matatanaw ang mga nakalutang na isla. Bawat isla ay mayroong mahiwagang talon. Bumubuhos ang malakas na agos ng tubig ng talon pababa sa kalupaan. Matatagpuan din sa mga isla ang mga bato at matatayog na gusali na nagsisilbi nilang tahanan. Sadyang walang katulad ang taglay na kagandahan at kapayapaan ng kanilang paraiso.

Bawat Anghel na Tagabantay ay may isang mortal na pinangangalagaan sa mundo ng mga tao. Tungkulin nilang bantayan ang mga ito mula sa pagsilang hanggang sa edad na labing pitong taong gulang. Sa pagtungtong ng ikalabing walong taon ay mapuputol na ang kanilang responsibilidad sapagkat iyon na ang tamang edad ng isang mortal. Lilipat na sila sa mga panibagong sanggol na kanilang pangangalagaan.

Sa kanya napunta ang tungkulin na maging Tagabantay ni Alexine. Tahimik niya lang itong pinagmamasdan, sinusubaybayan, at paminsan-minsan ay binibisita sa lupa upang mas matignan ito ng malapitan. Hindi siya nito nakikita dahil tinatago niya ang sarili. Mahigpit na ipinagbabawal ng kanilang Banal na Kautusan ang makipag-ugnayan sila ng pisikal sa mga mortal sa mundo. Kaya naman nakuntento na lamang siyang pagmasdan ito sa malayo. Hanggang isang araw ay natagpuan na lang ni Cael ang sarili na nakararamdam ng kakaibang pagtibok ng puso para sa dalaga.

Ngunit isang gabi ay may nangyaring hindi nila inaasahan. Sa gabi ng pagkamatay ni Alexine ay nakielam ang prinsipe ng kadiliman. Nabali ang isang mahigpit na batas at nagulo ang balanse ng mundo.

Ito rin ang dahilan kung kaya kahit lagpas na sa wastong gulang si Alexine ay hindi pa rin binibitawan ni Cael ang responsibilidad sa mortal. Isang mabigat na tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya ng kanilang pinunong Gabriel. Dahil lubos silang nangangamba sa maaaring masamang pinaplano ng Tagasundo lalo na't itinali ni Night ang kaluluwa ni Alexine sa mga kamay nito.

Hindi sigurado si Cael kung ano ang totoong pinaplano ng prinsipe ng kadiliman pero kahit ano man ang mangyari ay hinding-hindi siya makapapayag na mapunta si Alexine sa kamay ng kasamaan. Kahit maging kapalit ay ang sariling buhay.

Kaya naman ginawa niya ang lahat ng makakaya upang bigyan ito ng babala. Nagpakita siya sa panaginip ni Alexine at gumamit ng mga tao upang makapagpadala ng babala. Sa ganitong paraan ay makakausap niya si Alexine nang hindi nakikipag-ugnayan ng pisikal sa mortal.

Nasaksihan mismo ni Cael kung paano tinali ni Night sa sumpa ang kaluluwa ni Alexine. Bumalik sa alaala niya ang mga nangyari anim na taon na ang nakalilipas.