Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 44 - Battle for her

Chapter 44 - Battle for her

Five years ago...

HINDI PAAWAT ang malakas na kabog ng dibdib ni Cael. Kasalukuyan niyang pinapanood ang kaganapan sa ibaba ng mundo. Dinukot si Alexine ng mga masasamang loob kung kaya hindi na siya nagdalawang isip pa at nagmadaling nagtungo sa Puno ng Karunungan.

Ang Puno ng Karunungan na nakatayo sa gitna ng Kagubatan ng Eden ay ang nag-iisa nilang lagusan upang makalabas-pasok sa mundo ng mga mortal. Pinagmasdan ni Cael ang gintong dahon ng mahiwagang puno. Nakamamangha ang liwananag niyon. Higit na mas nakasisilaw kumpara sa pakpak ng mga anghel. Napakatayog, napakalaki at nababalot iyon ng nagmumukudtanging kagandahan na walang katulad sa buong kalawakan.

Kahit wala sa oras (dahil limitado lang kung kailan sila maaring bumaba ng lupa) ay naglakas loob pa rin si Cael na pumasok sa lagusan at nagtungo sa mundo ng mga tao. Hindi na niya inisip kung mapaparusahan siya dahil sa pag-labag ng kanilang patakaran. Mas mahalaga na maprotektahan niya si Alexine.

Naabutan ni Cael si Alexine na tumatakbo palabas ng bodega. Nagpaputok ng baril ang masamang loob. Tila tumigil ang kanyang buong mundo. Sinubukan ni Cael na pigilan ang bala ngunit sa kasamaang palad ay hindi na siya umabot. Tuluyang tinamaan ang payat na katawan ng dalagita. 

"ALEXINE!!! HINDI!!!" sigaw niya.

"Gago ka, Boyet bakit mo binaril?"

Natulala si Cael sa kinatatayuan habang namamanhid ang buo niyang katawan. Ang makita si Alexine sa masalimuot na sitwasyon ay para na rin siyang pinutulan ng pakpak. Nabigo siya. Hindi niya ito naprotektahan. Wala siyang ibang sinisisi ng mga sandaling `yon kundi ang kanyang sarili.

Higit pa sa pag-aalala bilang isang Tagabantay ang nararamdaman ni Cael para sa mortal. Dahil sa mga sandaling `yon ay tuluyan na niyang natanggap sa sarili ang katotohanang pilit niyang itinatanggi noon pa man—siya ay umiibig kay Alexine. 

"S-sorry bossing nabigla kasi ako—"

"Tignan mo ang ginawa mo! Magkakaletse-letse tayo nito sinira mo ang plano inutil!"

"Bossing! Napuruhan ata `to!" 

Bumuhos ang mabilis na agos ng mga luha ni Cael. Masakit sa kanya na masaksihan ang kamatayan ng babaeng tapat niyang iniibig.

Mula sa pagkakagulo ng apat na masasamang loob napansin ni Cael ang isang itim na portal na nabubuo sa isang sulok. Tumindig ang bawat balahibo ng kanyang pakpak. Alam niya kung ano'ng ibig sabihin niyon. Dumating na ang Tagasundo.

Nasaksihan ni Cael kung paano lumitaw mula sa maitim na portal ang prinsipe ng dilim. Nakagigimbal ang malakas na kapangyarihang pumapalibot dito. Nanginginig ang bawat kalamnan niya. Ramdam niya ang nag-uumapaw nitong lakas at kahit ang Anghel na Tagabantay na katulad niya'y mahihirapang manalo rito.

Naghihirap na pinanood ni Cael ang ginawa nitong pagpaslang sa mga masasamang loob na dumukot kay Alexine. Nais man niyang makielam ngunit nakatakda na rin mamamatay ang apat na kriminal ng gabing `yon.

Natanaw niya ang paglapit ng Tagasundo sa nakaratay na katawan ni Alexine. Susunduin na nito ang kaluluwa ng dalagita. Nais niyang tumutol. Hindi niya matanggap na tuluyan nang mawawala si Alexine at kailanman ay hindi na niya ito makikita o mapagmamasdan man lang. Dinudurog ang kanyang damdamin. 

Nag-uumapaw ang emosyon ni Cael dahilan upang hindi na siya makapag-isip pa nang tuwid. Tuluyang nasira ang kanyang katinuan nang halikan ng Tagasundo ang nag-aagaw buhay na dalagita.

Mabilis na pumaloob kay Cael ang isang emosyon na kailanman ay hindi niya naranasan. Nilamon siya ng matinding selos. Isang bagay na hindi niya dapat nararamdaman ngunit sa mga sandaling iyon napatunayan ni Cael na kahit ang katulad niyang anghel ay hindi perpekto.

Sumiklab ang kakaibang galit sa kanyang dibdib. Hindi na siya nakapagpigil pa. Binuka ni Cael ang kumikinang na pakpak at mabilis na lumipad patungo sa Tagasundo. Agad siyang pumitas ng isang hibla ng balahibo mula sa kanyang pakpak.  Umilaw `yon at nagpalit anyo sa isang mahabang espada na gawa sa kristal. Binabalot `yon ng puting liwanag.

"Bitawan mo siya!" Tinaas ni Cael ang armas at tinutok kay Night. Pero isang invisibile shield ang nakapalibot sa dalawa. Nakuryente at nangisay si Cael nang madikit sa harang. Sa lakas ng impact ay tumilapon siya sa malayo. 

"I did not expect another visitor." Dahan-dahan naglakad ang Tagasundo patungo sa kanyang direksyon. "From the Kingdom of the idiot birds. What a surprise!"

Nananakit ang buong katawan ni Cael habang pilit na bumabangon.  "Layuan mo si Alexine. Anung ginawa mo sa kanya!?" Muli niyang tinutok ang espada sa binata. Mas humigpit ang kapit niya sa kanyang armas.

"Bulag ka ba? I'm doing my job." Umikot ang mga mata nito.

Nagkiskis ang kanyang ngipin. "Hindi ko hahayaang saktan mo si Alexine!"

Pumailanglang sa buong bodega ang malakas nitong halakhak. "And then what? You'll fight me using your glowing stick?" Nagseryoso ito. "Do you really believe that you can defeat a great demon like me?"

Nagsimulang dumilim ang mga mata ng prinsipe ng kadiliman. Binalot ito ng ubod ng itim na aura. Muling kumislap ang nakasisilaw na kidlat kasunod ng makapagtindig-balahibong kulog. Pumutok ang mga bumbilya sa kisame at sabay-sabay na bumukas ang pintuan at bintana habang pinasok ang bodega ng malakas na ihip ng hangin. Nilipad ang mga kahoy at sako sa paligid. Nagkaroon ng malakas na ipo-ipo sa loob ng bodega.

Nanginig ang bawat kalamnan ni Cael. Sa buong buhay niya bilang Tagabantay ay kailanman hindi sumagi sa isip niya na darating ang araw na makakaharap niya ang napakamakapangyarihang nilalang na kinatatakutan ng lahat. 

Dumako ang tingin ni Cael kay Alexine. Nakahiga ang dalagita sa sahig. Naglaho ang bigat ng kanyang dibdib nang makitang humihinga pa rin ito. Ngunit bakit hindi pa ito patay?

"Anung ginawa mo sa kanya?"

Umiling ang Tagasundo. "Tsk. Puro lang kayo pakpak wala naman kayong utak." Lumakad ito pabalik kay Alexine at pinangko ang dalagita. 

"Saan mo siya dadalhin!? Bitawan mo siya!"

Agad tumakbo si Cael papalapit sa mga ito. Ilang hakbang bago tuluyang makalapit ay hinumpas ng Tagasundo ang kamay nito dahilan upang manigas ang buo niyang katawan. May malakas na pwersa ang pumipigil sa kanyang makagalaw. Unti-unting pinipiga ang buo niyang katawan.

"Stay there, birdie. This girl is mine. The only reason why she's still breathing is because I saved her. Now, her soul is tied in my hands. She's under my power."

Binaling ng Tagasundo ang mata kay Alexine na mahimbing na natutulog. Marahan nitong hinaplos ang pisngi ng dalagita at pinadaan ang hinlalaki nito sa nakauwang na labi ni Lexine. Makahulugang ngumiti ang binata.

Nagyeyelong kilabot ang bumalot kay Cael. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa maaaring pinaplano ng Tagasundo at kung bakit nito niligtas sa kamatayan si Alexine.

Muli siyang nilingon ng Tagasundo. Matalim na tumitig sa kanya ang tsokolate nitong mga mata. "But the next time that I'll see your fucking face again. I won't hesitate to kill you."

Sa labis na galit ay napasigaw na lamang si Cael. Wala siyang laban dito. Masyado itong malakas at makapangyarihan.

Ngumisi sa kanya ang prinsipe ng dilim bago ito nagsimulang malakad palayo bitbit si Lexine. 

"Alexine! Alexine! Bitawan mo siya!"

Buong pag-iingat na binaba ni Night si Lexine sa sahig. Dumikit ang labi nito sa noo ng dalagita."I'll see you again," bulong nito.

Nilamon ito ng itim at makapal na usok at tuluyang naglaho.

Muling nakagalaw si Cael. Lalapitan niya sana ang dalagita ngunit narinig niya ang mga yabag na paparating. Nakita niya ang pagpasok ni Alejandro. Nagilalas ang matanda sa nakitang kalagayan ni Alexine. Magmamadali nitong tumakbo patungo sa apo.

***

MATAPOS ang pagbabalik tanaw ay bumaba si Cael sa kapatagan. Dinala siya ng kanyang pakpak sa tapat ng mahiwagang Puno ng Karunungan.

"Patawarin mo `ko Alexine kung hindi kita nagawang maprotektahan laban sa Tagasundo noon. Ngunit ipinapangako ko na lalaban ako hanggang huli, mailigtas ka lang sa mga kamay ng prinsipe ng kadiliman."

Muli siyang tumingala sa puno. Inihanda niya ang sarili sa malaking laban na kanyang kahaharapin. Sa laban na hindi lang buhay niya ang maaring maging kapalit.  Isang laban para sa babaeng tapat niyang iniibig.