MAGAAN NA NGUMITI ang ginang. "Mabuti naman, anung mapaglilingkod ko sa inyo?" Maaliwalas ang mukha nito. Kahit paano'y nabawasan ang kaba ni Lexine.
"Nai-rekomenda po kayo ng isang kaibigan sa `kin. My name is Kristine Garcia and this is Alexine Vondeviejo Alonzano. We're here to ask for your help."
Mula sa mukha ni Ms. Garcia ay lumipat ang tingin ni Madame Winona sa kanya sa unang pagkakataon. Bigla itong natigilan. Tumagal ang pagkakatitig nito sa kanya habang nakakunot ang noo nito at bahagyang nakauwang ang labi. Ilang segundo pa itong naging ganoon bago muling bumaling sa katabi niya.
"Anong tulong ba'ng kailangan niyo?"
Nagkatinginan sila ni Ms. Garcia. Napagpasyahan niyang siya na ang sumagot. "Marami po sana akong gustong malaman. There is someone who keeps on bothering me and there are others too. Kailangan na kailangan ko po talaga ng tulong niyo, so please, help me."
Matagal siyang tinitigan ni Madame Winona na tila ba nagkakaroon ng matinding pagdedebate sa kalooban nito. Ilang sandali pa at mabigat itong bumuntong-hininga. Nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto. "Sige, tuloy kayo."
Nabuhayan ng loob si Lexine at napangiti sa katabi. Sabay silang pumasok sa loob ni Ms. Garcia. Labis siyang namangha nang mapagmasdan ang kabuuan ng bahay dahil mas malaki pa pala iyon sa loob.
Gawa sa bato ang buong bahay habang gawa sa kahoy ang mga muwebles. May malaking chandelier sa kisame na gawa sa pinagbuhol-buhol na malalaking ugat ng puno. Hanggang sa loob ng tahanan nito ay may mga paso at vase na punong-puno ng red roses. Napapalilibutan rin ng iba't ibang raw crystals, gemstones, dried flowers at mga insenso ang bawat sulok ng bungalow. May mga nakasabit na maliliit na jar sa bawat bintana. Sa loob niyon ay may iba't iba uri ng herbs at kung anu-anu pang laman na hindi siya pamilyar. Umaalingasaw ang amoy ng sunog na bulaklak at kahoy.
Napatalon si Lexine nang may itim na pusa ang biglang dumaan sa paanan niya.
"Si Amethyst, mabait `yan," saad ni Madame Winona. Napangiti siya sa pusa. Nakatitig lang ang kulay dilaw nitong mga mata sa kanya.
Ginayak sila ng ginang patungong kusina. Huminto sila sa tapat ng isang kahoy na pintuan na katabi ng kubeta. Pumasok sila sa loob at nakarating sa basement ng bahay. Mas kakaiba ang ambience sa ibaba. Pinaghalong amoy ng wax at rosas ang tumusok sa ilong niya. Nagkalat ang sandamakmak na white candles sa kabuuan ng madilim na silid na tila mga nakalutang na kulisap sa gabi. Isang pabilog na lamesa ang nag-iisang muwebles na nakapwesto sa gitna at may dalawang parihabang upuan. Sa ibabaw ng lamesa may nakalatag na isang deck ng tarot cards at isang bolang kristal.
Pinaupo sila ni Winona sa upuan na nasa harapan. Umupo na rin ito sa kabila. Sinindihan nito ang insenso sa gilid ng crystal ball at sinimulang balahasahin ang mga tarot card.
"Sinung kaibigan mo ang nagrekomenda sa `kin?" tanong nito kay Ms. Garcia.
Ngumiti ang dalaga. "Asawa po ng kapatid ko. Minsan na silang nagtungo rito para magpatulong sa inyo kasi matagal na silang kasal pero hindi pa nagkaka-anak. Matapos daw po nilang lumapit sa inyo, after two months ay nabuntis si Mina."
Nakangiting tumungo ang ginang. "Marami nga `kong mga naging kliyente na nais magka-anak. Maaring isa ang hipag mo sa mga natulungan ko." Nang matapos mag-shuffle ng baraha ay nagseryoso na ito. "Isa `kong eksperto sa agham ng pagbabasa ng mga kapalaran. Ang Divine Consciousness ang hinihingan namin ng tulong upang makita at malaman ang mga kasagutan sa mga tanong sa `ting buhay. Lahat tayo ay konektado sa ating Tagapaglikha. Kailangan lang natin palawakin ang `ting isipan at makukuha natin ang kahit na anong naisin.
"Isang babala lamang mga anak. Bawat sagot na hinahanap natin ay may kapalit. Bawat kilos natin ay may kaakibat na resulta. Dapat maging handa kayo sa kung anuman ang hihingin ng tadhana na kabayaran sa mga bagay na maari ninyong matuklasan."
Namawis ang mga kamay ni Lexine. Natatakot siya pero walang mangyayari kung magpapadaig na lang siya sa nararamdaman. Besides, ano pa ba'ng mawawala sa kanya gayong ang sariling kaluluwa na ang sinangla niya sa isang prinsipe ng kadiliman?
"Handa po `ko sa kahit anung kapalit," buong loob niyang sagot dito.
"Kung ganoon, ibigay mo ang `yong kaliwang kamay anak," utos ni Madame Winona sabay lahad ng isa nitong palad.
Lumingon muna siya kay Ms. Garcia. Tumungo ito at sinasabi ng mga mata nito na magtiwala siya. Huminga siya nang malalim bago pinatong ang kaliwang kamay sa manghuhula at nang sandaling maglapat ang mga palad nila ay may agad siyang naramdaman na kakaibang init na mabilis na gumapang sa kanyang braso pataas sa kanyang batok.
Kinulong ni Madame Winona ang kamay ni Lexine sa pagitan ng dalawang palad nito. Pumikit ito at nagsimulang magbigkas ng isang ritwal.
"Natura terrae, verum quaeram... Natura terrae, verum quaeram... Natura terrae, verum quaeram..."
Bigla naman ang pagbaba ng temperatura sa buong silid.
"Responsio ad omnia secreta Ostende..."
Umuga ang lamesa at humigpit ang pagkakahawak ni Madame Winona sa kamay niya. Walang paawat ang malakas na kabog ng dibdib ni Lexine. Lumingon siya sa katabi. Nagsisimula na rin mamutla ang mukha ni Ms. Garcia.
Mas lumakas ang paggalaw ng lamesa at umihip ang malakas na hangin kahit wala namang bintana sa basement. Nagpatay sindi ang mga kandila pagkatapos ay mataas na lumiyab ang apoy ng mga ito. Tumusok sa ilong niya ang amoy ng nasusunog na wax na humahalo sa halimuyak ng mga rosas sa paligid.
"Ostende mihi!"
Biglang dumilat ang mga mata ni Madame Winona at nagimbal si Lexine nang makitang naging puti ang lahat ng mga `yon. Parang may nakikita ito na hindi naman nila nasisilayan. Nakatingin ang puting mata nito sa kawalan.
"Isang madugong gabi, isang madilim na kinabukasan... kamatayan!"
Tumindig ang balahibo ni Lexine kasabay nang panlalamig ng buo niyang katawan. Nagsimulang bumara ang lalamunan niya.
"Ang pananatili mo rito ay isa lamanh pagtakas sa kapalaran sapagkat ang kaluluwa mo ay matagal ng dapat lumisan sa mundong ito. Nakatakda ka nang pumanaw ng gabing `yun subalit isang napakamakapangyarihang nilalang ang bumago ng `yong kapalaran. Hinugot niya ang `yong kaluluwa at tinali sa kanyang mga kamay. Nakagapos ka sa kanya at hinding-hindi ka niya pakakawalan."
Nagsimula nang humapdi ang mga mata ni Lexine. Umiling siya. Hindi siya makapapayag na habang buhay na magpatali kay Night. "Wala na ho bang paraan para makatakas ako sa kanya? Ano ho ba'ng dapat kong gawin para makawala sa kanya?"
Umiling si Madame Winona. "Masyado siyang makapangyarihan. Matagal na siyang nabubuhay sa mundong ito at sa tagal ng panahon na `yun ay walang sino man ang makakapantay sa angkin niyang lakas."
Tinakpan niya ng isang kamay ang bibig upang pigilan ang nagbabadyang pag-iyak. Pinipilipit ang lalamunan niya. Panay ang paghagod ni Ms. Garcia sa kanyang likuran, katulad niya ay mababakas dito ang labis na takot.
"Hindi pwede, hindi ako papayag na makuha niya. Gusto ko pa hong mabuhay. Gusto kong makalaya sa kanya. Please... tulungan niyo ho `ko."
"Mapuputol lamang ang sumpa kung mapuputol ang sinulid na nakakabit sa inyong mga palad."
Naalala niya ang sinulid na minsang pinakita sa kanya ni Night nang kinorner siya nito sa locker. "Paano ko ho `yun puputulin?"
Ilang saglit itong tumahimik. Labis na lakas ng pagtibok ng dibdib ni Lexine at nabibingi na siya roon.
"Pareho kayong sisingilin ng tadhana sa desisyon na inyong ginawa. Ang paglabag sa batas ng balanse ng mundo ay may kaakibat na kapalit."
Lalo lamang siyang naguluhan sa binitiwan nitong mga salita.
"Luha, pighati, sakit at galit." Dahan-dahan itong umiling. "Napakalupit ng laro ng tadhana."
"Wala na ho bang ibang paraan?" Hindi nakatiis na tanong ni Ms. Garcia. Humigpit ang kapit nito sa nanginginig niyang kamay.
Saglit na natigilan si Madame Winona. Kumunot ang noo nito. "May nakita ako..." Napatigil si Lexine sa pag-iyak. Inabangan ang nais nitong sabihin. "Kakaibang liwanag ang aking nakikita, nasisilaw ako."
"Liwanag?" ulit niya.
"Mga nilalang na gawa sa nakasisilaw na liwanag. Dalawang nilalang. Dalawang makapangyarihang nilalang na galing sa magkabilang dulo ng mundo ang handang makipaglaban para sa `yo. Ang isa'y galing sa liwanag at ang isa'y sa dilim. Ang isa sa kanila ay handang magbuwis ng buhay para protektahan ka at ang isa naman ang siyang magdadala sa `yo sa kapamahakan."
Si Night at Cael ba ang tinutukoy ng manghuhula?
"Mag-iingat ka anak dahil madami pa silang nakapaligid sa `yo."
"Sino pong sila?"
"Mga nilalang na galing sa kailaliman ng mundo. Nais ka nilang makuha at hindi sila titigil kaya't nasa panganib ang `yong buhay. Magiging mapait sa `yo ang kapalaran. Puro kadiliman ang nakikita ko sa `yong kinabukasan. Isang natatanging pag-ibig at busilak na puso lamang ang `yong magiging sandata laban sa hari ng kadiliman."
Biglang nabitawan ni Madame Winona ang kamay ni Lexine. Tila hinatak ito pabalik sa mundo at biglang naggising. Hingal na hingal ito habang namumuo ang mga butil ng pawis sa noo. Namumutla ang labi nito. Bumalik na rin sa dating kulay ang mga mata ng ginang at sumasalamin roon ang matinding takot.
Hindi makapaniwala si Lexine sa mga bagay na kanyang nalaman. Hindi pa pumapasok sa sistema niya ang lahat ng mga sinabi ng manghuhula. Pakiramdam niya isa siyang lobo na pinakawalan sa kalangitan at patuloy na lumulutang at walang patutunguhan.
Nag-aalalang bumaling sa kanya ni Winona. Muli nitong kinuha ang mga kamay niya. "Hindi basta-basta ang mga nilalang na nagnanais sa `yo anak. Mag-iingat ka."
Walang ibang nagawa si Lexine kundi ang umiyak at tumungo sa mga sinasabi nito.