Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 42 - Madame Winona [2]

Chapter 42 - Madame Winona [2]

MALIGAMGAM na tyaa na gawa sa dried rose buds ang pinainom ni Madame Winona kay Lexine matapos ang nangyari. Kahit papaano'y naibsan ang labis na panginginig niya. Nakaupo sila ni Ms. Garcia sa sala habang pinaghahanda sila nito ng makakain.

Habang umiinom ay inabala naman ni Lexine ang sarili sa paglalaro sa itim na pusang si Amethyst. Nakahiga ito sa kanyang hita at maamong nakikipagtitigan sa kanya.

"Sigurado ba kayong babiyahe kayo ngayon? Madilim na sa labas, delikado at baka kung mapano pa kayo sa daan. Maaari ko kayong patuluyin dito hanggang sa mag-umaga," alok ng manghuhula sa kanila.

Ngumiti si Ms. Garcia. "Hindi na ho, nakaaabala na kami ng sobra sa inyo. Mabilis lang naman ang biyahe kaya makakauwi rin kami agad."

Kahit nag-aalangan ay tumungo na lang si Winona bilang pagsangayon. Panay ang tingin nito kay Lexine. Bakas sa mukha ang pag-aalala para sa kanya. Saglit itong umalis ng kusina.

Naiwan silang dalawa. "Okay ka na ba?" tanong ni Ms. Garcia at umupo sa tabi niya.

Tipid siyang ngumiti rito. "Salamat ho talaga Ms. Garcia sa lahat ng tulong mo. I don't know what to do anymore kung wala ka."

"Don't think about it. You're like a sister to me. Hindi ka na naiiba sa `kin. Basta `pag kailangan mo ng tulong, `wag na `wag kang magdadalawang isip na tawagan ako. Darating agad ako."

Nagpasalamat siya at muli itong hinagkan nang mahigpit. Naubos ang lahat ng enerhiya niya sa araw na ito lalo na't masyadong mabigat ang mga rebelasyong nalaman niya. Ang gusto na lang niya sa mga sandaling `yon ay makauwi at magpahinga.

Ilang sandali pa at bumalik si Madame Winona. May inabot itong maliit rectangular box kay Lexine. "Anu po `to?" tanong niya.

"`Yan lang ang maibibigay kong tulong sa `yo sa ngayon, anak. Magagamit mo `yan sa tamang panahon," makahulugang sagot nito.

"Salamat po sa lahat ng tulong niyo."

"Walang anuman. Mag-iingat ka anak. Bukas ang aking tahanan kung kakailangan mo ulit ng tulong."

Matapos magpalitan ng ngiti ay nagpaalam na rin sila sa ginang nang sa gano'n ay makauwi sila agad. Hinatid sila nito hanggang sa labas ng pinto.

"Salamat po ulit," aniya. Wala na siyang ibang masabi rito kundi salamat at bukal iyon sa puso niya.

"Thank you, Madame Winona," saad ni Ms. Garcia. Magalak na ngumiti pabalik sa kanila ang ginang.

"Ingatan mo ang batang ito—" hinawakan ng manghuhula sa balikat si Ms. Garcia nang bigla itong natigilan.

Parehong nagsalubong ang kilay nilang dalawa sa naging akto nito. "Are you okay, Madame?" tanong ni Ms. Garcia.

Matapos ang ilang segundo ay bumalik uli ang atensyon nito sa kanila. Namumutla ito at nagpabalik-balik ang tingin sa kanilang dalawa. "M-mag iingat k-kayo." Nagtagal ang titig nito sa kanya.

Sa labis na pagod at panghihina ay hindi na niya `yon masyadong binigyan pansin at tuluyang na silang nagpaalam. Naglakad sila ni Ms. Garcia pabalik ng sasakyan. Binuksan niya ang pintuan ng passenger seat at agad sumakay. `Di nagtagal at umaandar na paalis ang kotse nila.

Habang palayo ang sasakyan nila'y natatanaw ni Lexine sa side mirror si Madame Winona. Naiwan itong nakatayo sa tapat ng bahay nito. Hindi niya sigurado pero parang may kung anung binibigkas ang ginang habang sinusundan ng mga mata ang kanilang sasakyan.