5 years ago
HALOS WALA pa siyang tulog. Hindi niya alintana ang pagod at puyat. Nasa pinangyarihan siya ng aksidente ng asawa. Medyo nahihirapan ang mga rescuers dahil sa bangin nahulog ang sinasakyan ng kanyang asawa.
Hindi siya madasaling tao ngunit ng araw na iyon ay hindi niya mabilang kung ilang beses na siyang nagdasal sa Diyos para iligtas ang asawa.
She is his life. Ayaw niyang isipin na iiwanan siya ng asawa sa ganitong paraan. Hindi niya alam kung paano mabubuhay kung mawawala ito.
"Sir, na-recover na po ang bangkay at nakita itong kwintas na ito sa pinangyarihan." Tinig iyon ng isa sa mga rescuers.
Hindi siya makagalaw ng makilala ang kwintas na regalo niya sa asawa. It's his wife's crucifix gold necklace! Pakiramdam niya ay namanhid ang buong katawan niya. Lalo na ng makita niya ang bangkay. Hindi mo na ito makikilala sunog na sunog ito.
Kusang naglandas ang mga luha sa kanyang pisngi. Hindi niya matanggap na iniwan na siya ng kanyang asawa. Pinaparusahan ba siya ng Diyos? Hindi, isa itong masamang panaginip! Hindi siya iiwan ng kanyang asawa. Hindi ito totoo! Hindi pa patay ang asawa niya.
Ngunit muli niyang naramdaman ang init ng mga luhang nag-landas sa kanyang pisngi. Bakit tila ayaw ng Diyos na maging masaya siya? Halos isang taon palang silang namumuhay ng masaya. At sa loob ng isang taong ito ay sinikap niyang maging mabuting tao, asawa at ama. Isang taon na puno ng saya at pagmamahal ngunit ngayon ang lahat ay tinangay sa kanya.
Paano niya haharapin ang buhay na wala ang pinakamamahal niyang asawa. At paano siya mag-uumpisa sa pag-kalinga sa kambal nilang anak kung ang katuwang at tanging inspirasyon niya ay iniwan na siya?