Chereads / Her IGNORANCE / Chapter 29 - Chapter 29

Chapter 29 - Chapter 29

29

KINABUKASAN, maaga akong ginising ni 'Nay Lourdes dahil naririto raw sa bahay at naghihintay daw sa akin si Sir Rod sa masikip naming sala.

Windang tuloy akong napabalikwas ng bangon upang ikumpirma ang sinabing iyon ni 'Nay Lourdes. Sumilip ako sa maliit na butas ng dingding naming gawa sa kahoy na humahati sa aming sala at kwarto. At takte, narito nga si Sir Rod! Prenteng nakaupo sa silyang kahoy habang nagtitipa ng kung ano sa kanyang cellphone.

Por Diyos, Por Santo! Anong ginagawa ng lalaking iyan rito ng ganito kaaga? Alas singko pa lang at ni hindi pa nga nagbubukang-liwayway.

Halos maloka tuloy ako kung anong una kong gagawin. Itong may muta at laway pa ako at hindi pa nakakaligo. Jusko naman! Paano ako nito lalabas para pumunta sa banyo kung nariyan siya sa sala? Bakit kasi hindi siya nagsasabing pupuntahan niya ako ngayon? E'di sana nakapaghanda ako.

"Kriselda, bumangon ka na riyan! 'Wag mong pinaghihintay si Sir Roderick!" sigaw ni 'Nay Lourdes mula sa kusina.

"O-opo!" tugon ko habang mabilis na inaalis ang mga muta sa aking mata at pinupunasan ang natuyong laway sa gilid ng aking labi. Sinuklay ko rin ang gulong-gulo kong buhok gamit ang aking mga daliri nang umayos konti ang hitsura ko. Pagkatapos ay dahan-dahan akong lumabas ng kwarto bitbit ang isang tuwalya at mga damit pampalit.

Dahil mumunti lang naman ang aming bahay, pagkalabas ko ng kwarto ay sala na agad. Mabilis na tumayo si Sir Rod pagkakita sa akin. Akma sana itong lalapit sa akin kaso napahinto kaagad siya dahil nataranta ako at napasigaw ng, "Diyan ka lang! 'Wag kang lalapit!" Naduro ko pa siya kaya tumikwas ng todo ang kanyang kilay.

"Kriselda, ba't ka sumisigaw diyan? Ba't mo sinisigawan si Sir Roderick?" entrada ni 'Nay Lourdes galing ng kusina na ilang hakbang lang naman mula rito sa sala.

Nabaling kay 'Nay Lourdes ang mga mata ni Sir Rod kaya ginamit ko ang pagkakataong iyon para mabilis na tumakbo patungo ng banyo. Nakahinga ako ng maluwag nung nasa loob na ako ng banyo namin. Pero takte, nakaligtaan kong kurtina lang pala ang nagsisilbing pinto nitong banyong ito at isang hawi lang ay mapapasok na kaagad ako rito.

Kapag kami lang ni 'Nay Lourdes dito sa bahay ay wala naman akong pakialam kung kurtina lang 'yang pinto ng banyo. Pero ngayong nandito si Sir Rod ay hindi ako mapakali, pakiramdam ko ano mang oras ay may hahawi sa kurtina kaya binilisan ko na lamang ang pagligo.

Pag nagkapera talaga ako, palalagyan ko ng matinong pinto iyang banyo namin.

Sa biyahe naman ay tahimik lamang ako. Hiyang-hiya pa rin ako sa sinapit ko kanina. At kaya pala naparoon si Sir Rod sa bahay ng ganun kaaga dahil ihahatid niya raw kami sa kanilang mansiyon para hindi na kami gumastos pa ng pamasahe sa tricycle. Panay pasalamat naman si 'Nay Lourdes dahil malaking tulong daw iyon sa amin.

"Kriselda, magpasalamat ka kay Sir Roderick," utos ni 'Nay Lourdes dahil kanina pa ako walang kibo.

"S-salamat ho, Sir..." mahinang anas ko. Kita ko ang pag-igting ng kanyang panga dahil sa katabing upuan niya lang ako nakaupo.

Unang bumaba si 'Nay Lourdes ng sasakyan pagkaparada ni Sir Rod sa kanilang paradahan. Susunod sana ako ngunit hinawakan niya ako sa braso dahilan para mapahinto ako.

"Not so fast, love..." aniya bago inalis ang seatbelt na nakaligtaan kong nakapulupot pa pala sa katawan ko.

Mariin akong napapikit nang masuyo niya akong kintalan ng mabilis na halik sa labi. May kinuha siya sa drawer ng kanyang kotse saka inabot iyon sa akin.

Isa iyong bulaklak na rosas. Tatanungin ko sana kung para saan iyon kaso lumabas na siya ng kotse para pagbuksan ako ng pinto.

Amoy-amoy ko ang rosas na mukhang kapipitas pa lang habang papasok kami ng kanilang mansiyon. Tahimik ang bahay, mukhang nasa trabaho na sina Señor at Señora Tuangco. Si Ma'am Mira siguro'y tulog pa.

Dumiretso si Sir Rod paakyat ng hagdanan samantalang huminto ako sa malawak nilang sala, hindi alam kung susunod ba sa kanya paakyat o hindi. Ngunit nung huminto si Sir Rod sa pag-akyat at pinagtaasan ako ng kilay ay dali-dali na rin akong umarangkada ng akyat para sumunod.

"Ba't ang tahimik mo?" tanong niya pagkapasok namin ng kanyang silid.

Hindi ako makatingin sa kanya. Naiilang ako.

Takte naman, Kriselda! At talagang ngayon ka pa nailang pagkatapos ng mga pinaggagawa niyong dalawa? Asik ng utak ko.

Humugot ako ng malalim na hininga bago nagsalita. "Sir--"

"Love," pagtatama niya.

"Uhh... L-love..." Tumaas ang gilid ng kanyang labi kaya halos mamula ako sa hiya.

Nagulat na lang ako nang higitin niya ako sa baiwang para ilapit lalo sa kanya. "Nahihiya ka ba sa akin?" Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya sa labi. Pinasadahan niya ng magagaang haplos ang aking mukha na nagpatindig sa mga balahibo ko sa katawan.

Yumuko ako kaya mabilis niyang inangat ang aking ulo saka ginawaran ng mabilis na halik ang tungki ng aking ilong. "Don't be shy, Krisel. You're even prettier with your morning look."

Hinalikan niya ako sa labi bago siya dumistansiya para hayaan akong maupo sa paanan ng kanyang malambot na kama.

"Magsha-shower ako, Krisel. Wanna join?" Nanlaki ang mga mata ko at ilang ulit akong umiling kaya mahina siyang tumawa. "Alright then, wait for me here," kindat niya. Sinundan ko ang bawat galaw niya hanggang sa pumasok siya sa banyo ng kanyang kwarto para maligo.

May kakaiba sa mga ikinikilos ni Sir Rod ngayon. Una, yung pagpunta niya sa bahay kanina para maihatid kami ni 'Nay Lourdes papunta rito. Sumunod 'yung pagbigay niya ng bulaklak sa akin. Hindi niya naman madalas gawin ang mga bagay na iyon kaya nakapagtataka at bigla-bigla na lang niyang ginawa ngayon.

Hindi kaya—

Naputol ang malalim kong pag-iisip nang biglang tumunog ang cellphone ni Sir Rod na nakapatong sa study table. Dahil may sa pagkapakialamera ako ay tumayo ako at pinakialaman iyon.

Mensahe iyon galing sa barkada niya at lalong lumakas ang kutob ko nang mabasa ang mensaheng iyon.

From: Jasper

Seriously, bro? What's with you at nagtatanong ka bigla kung paano manligaw? Akala ko ba ikaw ang nililigawan ng mga babae? Lol. Finally, you found your match.

Kinagat ko ang aking labi para pigilan ang sarili sa pagngiti. Ngunit nang pinindot ko ang back button ng cellphone ay hindi ko na napigilan pa ang pag-alpas ng ngiti sa aking mga labi nang bumungad ang Google at ang bagay na ni-research niya roon.

How to court a girl?

1. Do not just court her, court her parents as well.

2. Give her flowers.

3. Make her feel beautiful, special and loved.

Marami pa iyon ngunit hindi ko na inisa-isa pa. Sapat na ang nabasa ko. Sobra-sobra pa nga para patunayan niya ang kanyang sarili sa akin.