Katherina
Nasa tapat na ako ng bahay, pinagmamasdan si Inang na nagtitinda sa harap ng bahay. Hindi muna ako nagpakita o kumibo man lamang. Gusto ko kasi siyang makita at matitigan nang maayos. Mula kasi nang mamatay si Itay, bihira na lang itong tumawa. Ngumingiti naman ito kaso hindi ito umaabot sa kanyang mga mata. Nang magsawa akong pajatitigan si Inang, ngumiti ako at hinanda ang sarili ko sa pagsigaw.
"Inaanngg!" sigaw ko na nakapagpatigil dito at lumingon-lingon sa paligid. Nang makita niya ako, lumaki ang mata nito at kinusot-kusot pa.
"Ako'y namamalikmata nga lang ba?" tanong nito sa sarili niya at kinusot na muli ang mata saka pinakatitigan ako nang mabuti. Nang makita niya ang pag-ngiti ko, napangiti na din ito at dali-daling tinawag ang mga kapatid ko.
"Pamela! Kasandra! Isabela! Ang ate niyo!" sigaw nito at hindi magkumahog na lumabas ng tindahan para salubungin ako.
"Bakit Inang? Anong nangyari kay Ate?" humihingal na tanong ni Pamela kay Inang. Halata mong nagmadali ito sa paglabas dahil may uling pa ito sa pagmumukha.
"Dumating ang Ate niyo! Salubungin niyo siya! Madali kayo!" masayang sigaw nito sa mga kapatid ko.
Nang dumako ang paningin ni Pamela sa gawi ko ay napamulagat ito at hindi makapaniwalang nakikita niya ako.
"Ateee!" sigaw din nito at nauna nang nagtatatakbo palapit sa akin. Masyado siyang galak na makita ako kaya hindi na niya napansin pa ang paglabas din ng dalawa at ang patakbo ding paglapit nila. Kaya ang resulta, nagbanggaan silang tatlo.
Agad akong lumapit sa kanila habang tumatawa. Nagmadali naman silang tumayo at sabay-sabay na yumakap sa akin.
"Ate, namiss ka namin nang sobra-sobra. Akala namin hindi ka na uuwi." naiiyak na sambit ni Pamela sa akin habang nakayakap. Siya ang pangatlo sa aming magkakapatid. Masayahin at maganda ding tulad ko.
"Oo nga naman, Ate, buti nakauwi ka." tanong ni Isabela, siya ang pangalawang pinakamatanda sa amin.
Hinihintay kong magsalita si Kasandra pero hindi ko ito nahintay. Agad kong iniangat ang mukha nito, hindi na ako nagulat nang makita ko na umiiyak ito. Siya ang iyakin naming bunso.
"Tama na Bunso, huwag na ikaw umiyak. Andito na si Ate, inaaway ka ba nitong dalawa?" nakangiting tanong ko dito at ginulo ang mahaba din nitong buhok.
"Hindi Ate ha! Siya kaya lagi ang nang-aaway sa amin. Kahit itanong mo pa kay Inang." depensa ni Isabela at mas humigpit ang yakap nito sa akin.
"Totoo ba 'yon, Kasandra?" tanong ko na ikinangiti nito at nagpeace sign sa harap ng mukha niya. Napailing nalang ako sa inasta niya. Umiiyak tapos biglang nangiti. Aba, may saltik na din ata ang kapatid ko.
"Tignan mo 'yan, Ate, kawawa kaya kami diyan." pagsusumbong ni Pamela sa akin.
"Tama na 'yan. Baka kung saan na naman mapunta ang usapan niyo. Baka gusto niyong buhatin ang mga dala ng Ate niyo at papasukin siya sa loob ng bahay? Ang dami na namang naglipanang mata at mga bubuyog sa paligid." sambit ni Inang na ikinatawa ko. Hindi na kasi maiiwasan ang mga ganyan lalo na sa probinsiya.
Agad namang nagsikalas ang mga kapatid ko at isa-isang kinuha ang mga dala ko. Lumapit ako kay Inang at yumakap nang napakahigpit. Pinapadama ko sa yakap ko kung gaano ko siya namiss. Hindi ko na napigilan pa ang hindi umiyak.
"Sobrang namiss ko kayo, Inang. Sampung buwan, Inang, hindi niyo alam kung gaano ako nangulila sa inyo. Litrato niyo lang niyayakap ko at ngayon totoong kayo na ang yakap ko." umiiyak na litanya ko.
"Tahan na, Anak ko, miss na miss din kita ng sobra. Hindi ko inaasahang darating din ang panahon na magkakasama tayo. Miss na miss kita, Anak ko." Iniharap ni Inang ang mukha ko sa kanya at pinunasan ang mga luha ko.
"Tahan na, Anak, pumapangit ka na." Natawa ako sa sinabi ni Inang kaya hindi ko maiwasang haplusin ang mukha nito.
"Inang..." tawag ko, "...nangayayat ata kayo? May nakakain pa ba kayo dito?" agad kong tanong dito.
"Anak, hindi mo ata alam ang tumingin ng pumapayat sa nagkakalaman?" Taas kilay na tanong ni Inang sa akin.
"Aba Inang! Marunong ka na palang magtaas ng kilay ngayon." natatawang puna ko dito na ikinahampas niya nang mahina sa braso ko.
"Loka-loka ka talaga, Anak. Pasok na tayo sa loob at nagpi-piyesta na naman ang mga bubuyog." mahinang bulong nito sa tenga ko kaya napatawa na lang ako at sinabayan si Inang sa paglalakad papasok ng bahay.
Pagpasok namin sa loob, napangiti ako nang makita ko silang nakaupo sa upuang gawa sa kawayan habang naghihintay sa akin. Ipinatong lang nila sa mesang gawa din sa kawayan ang mga dala ko. Alam kong naghihintay sila sa akin para buksan ang mga 'yon. Hindi kasi nila ugali ang mangialam ng mga gamit na hindi naman sa kanila.
Pinaupo ko muna si Inang sa upuan bago ko inabot ang mga dala ko. Una kong binuksan ang puting plastic bag na malaki. Isa-isa kong inilabas ang mga damit na inipon ko ng ilang buwan at inabot sa kanila isa-isa. Nakita ko ang saya nila sa mukha nang makita ang mga pasalubong ko.
Natawa ako nang maghubad ang talo sa harap namin ni Inang at isinukat ang bestida na binigay ko sa kanila. Pare-parehas ito nang disenyo ngunit magkakaiba lamang ng kulay.
"Ang ganda, Ate!" namamanghang bulalas ni Pamela at umikot ikot pa.
"Para na kaming Prinsesa nito, Ate." umiikot ding sabi ni Isabela.
"Ang ganda, Ate, sobra. Paano kayo ni Inang? Wala kayong ganito?" Tila nalungkot ito nang tanungin niya 'yan sa akin. Napangiti ako dito at inilabas ang dalawa pang bestida na gaya nang sa kanila. Nakita ko ang pagkamangha sa mga mata nila nang buklatin ko at isukat ito sa harap nila.
"Ang ganda mo, Ate!" sabay-sabay nilang bulalas sa akin habang nagkokorteng puso ng kanilang mga mata.
"Maliit na bagay," nangingiting sambit ko at sabay-sabay kaming natawa.
"Paano naman si Inang, Ate?" nakangusong tanong ni Kasandra.
"Aba! Siyempre, hinding-hindi ko makakalimutan si Inang. Siya pa ba?Kung anong mayroon ang isa, dapat lahat mayroon." masayang sabi ko at inilabas sa plastic ang isa pang bestida na parehas din ng disenyo sa mga bestida namin.
"Maraming salamat, Anak ko. Ang laki na nang naitulong mo sa amin. Patnubayan ka nawa ng Panginoon sa kabaitan mo Anak." umiiyak na sambit ni Inang. Tinignan ko ang tatlo at isinenyas ang gagawin.
Sabay-sabay kaming apat sa pagyakap kay Inang habang hinahagod ang likod nito. Kaya kong gawin ang lahat para sa kanila. Kahit pa mahirapan ako.
"Tahan na, Inang. Madami pa po akong dala. May mga tsokolate din akong imported galing kina Senyora. Inipon ko lahat para may maiuwi ako sa inyo." sabi ko na ikinakalas ng aking mga kapatid at tumingin sa akin ng nakamulagat. Hindi sila makapaniwala sa sinabi ko. Sa tanang buhay kasi namin ay ni minsan ay hindi kami nakatikim ng tsokolate.
"Totoo, Ate?" sabay-sabay ulit nilang tanong na ikinatawa ko. Napansin ko kasi na nagsasabay sila sa pagsasalita mula kanina pa.
"Oo, totoo ang sinabi ko. Para sa inyo lahat nang mga 'yon. Isa lang ang pakiusap ni Ate sa inyo." sabi ko at tinignan sila isa-isa.
"Ano 'yon, Ate? Kahit ano pa 'yan, Ate. Alam mo naman kung gaano kami kasunurin, 'diba?" nagmamalaking sagot ni Kasandra sa akin na ikinangiti ko ng malawak.
"Gusto ko, huwag na huwag kayong mag-aaway na magkakapatid kahit na anong mnagyari." nakita kong nakangiti silang tumatango sa akin kaya nagpatuloy uli ako. "At gusto ko makapagtapos kayo nang pag-aaral ninyo. Gagawin ko ang lahat, maigapang lang kayo sa pag-aaral. Maipapangako niyo ba sa akin ang dalawang kahilingan ko?" Tumingin ako kay Pamela at hinintay ang isasagot nito.
"Pangako, Ate. Hinding-hindi ka namin bibiguin." nakataas pa ang kanan nitong kamay at nangako sa akin. Sumunod kong tinignan ay si Isabela.
"Pangako din, Ate. Hindi namin sasayangin ang pinaghihirapan mo para pag-aralin kami." sabi nito at ginaya din ang ginawa ni Pamela. Huli kong tinignan si Kasandra.
"Pangako, Ate. Ipapakita namin sa 'yo na hindi ka nagkamali sa pagpapaaral sa amin. At oras na makapagtapos ako?" putol nito at tumingin sa akin, kay Inang at sa mga kapatid ko bago nagsalita ulit. "Gagawin ko ang lahat para maiahon kayo sa kahirapan. Hinding-hindi ka na maninilbihan sa kung sino man, Ate. Magkakasama tayo hanggang sa huli." nakangiting sabi nito at itinaas din ang kanan nitong kamay.
"Pangako!" sabay-sabay nilang sigaw at yumakap sa amin ni Inang. Nagalak ang puso ko sa mga sinabi nila.
"Salamat, mga kapatid ko. Aasahan ko 'yan sa inyo." sambit ko at hindi ko na napigilang mapangiti nang malapad. Masaya ako dahil napalaki kami nina Itay at Inang nang maayos.
Inilabas ko pa lahat ng mga pasalubong ko sa kanila. Sobrang saya nila nang ilabas ko ang halos isang cartoon na tsokolate. Sa sampung buwan kasing pamamalagi ko sa kanila. Pag umaalis sila at dumarating galing abroad ay may pasalubong silang tsokolate para sa amin. Iniipon ko ang lahat ng mga 'yon para maipadala sa kanila. Mabait lang ang Panginoon at nakauwi ako ngayon. Kung hindi siguro kami nagpang-abot ni Senyorito Marco. Malamang wala ako ngayon dito.
Ngayon ko napagtanto, na lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may rason ang Diyos. Magtiwala lang tayo sa kanya at manalig. Walang problemang binigay ang Diyos na hindi natin kayang lutasin. Nakangiti na ako habang pinagmamasdan ko ang pamilya ko na masayang nagtatawanan habang nagsusubuan pa ng tsokolate.
"Gagawin ko ang lahat para lang sa inyo, Inang at mga kapatid ko. Basta makita kong masaya kayo, masaya na din ako." nakangiting sambit ko at sumali na sa pakikipagkuwentuhan sa kanila.