Chereads / My Innocent Maid / Chapter 14 - My Innocent Maid XIV

Chapter 14 - My Innocent Maid XIV

Katherina

Paglabas ko ng kuwarto, nagulat talaga ako sa nakita ko. Ang tatlo kong kapatid ay nakapaligid kay Senyorito habang nakikipagtawanan naman ang huli. Aba, ang bibilis ng mga kapatid ko. Dinaig pa ako.

Agad akong lumapit sa kanila, pero wala man lang nakapansin sa akin kaya napatikhim ako.

"Ehemmm!" sinadya ko talagang lakasan para wala na silang idahilan pa na hindi nila narinig. Kilala ko na ang mga kapatid ko kaya wala na silang lusot.

"Ikaw pala, Ate, maupo ka." tayo ni Pamela at hinila ako paupo sa bakanteng upuan. Pagkatapos ay bumalik na rin ito sa tabi ni Senyorito. Napataas ang kilay ko nang ignorahin nila ako at magkuwentuhan lang sila na para bang wala ako sa harap nila. Namumuro na ata 'tong mga ito ah.

"Nasaan si Inang?" tanong ko na ikinalingon ni Kasandra sa akin.

"Nasa kusina, Ate." turo nito sa kusina pagkatapos ay bumaling ulit kay Senyorito.

"Wala ba kayong balak tulungan si Inang?" tanong ko sa kanila.

"Estimahin daw muna namin ang bisita mo, Ate, habang wala ka pa sabi ni Inang." nakangiting sabi ni Pamela.

"Ano pa ang ginagawa niyo? Andito na ako. Bakit 'di niyo na tulungan si Inang?" seryosong sabi ko.

"Kaya na daw ni Inang, sabi niya Ate. Siya kaya nagpalabas sa amin." nakangusong sambit ni Pamela sa akin na ikinairap ko.

"Porke't sinabi ni Inang 'yan, talagang hindi niyo na siya tutulungan. Ganyan ba kayo pag wala ako?" Hindi ko na hinintay pang sumagot ang tatlo. Tumayo agad ako, maglalakad na sana ako papasok ng kusina ng magtanong si Isabela.

"Saan ang punta mo, Ate?" nagtatakang tanong nito habang nakatingin sa akin.

"Pupunta akong Pacific Ocean, kakausapin ang mga pating doon at ipapakuha ko ang mga kerengkeng kong mga kapatid." sabi ko at tuluyan ng naglakad papasok ng kusina. Narinig ko pa ang tawanan nila sa sala kaya napairap nalang ako sa hangin. Nagulat nalang ako nang marinig kong mahinang tumawa si Inang.

"Tama na ang irap, Anak, baka hindi na bumalik ang mata mo." natatawang sabi nito habang hinahalo ang niluluto niyang tinola.

"Inang naman eh," maktol ko dito at inayos ang timpla ng mukha ko. Baka magkatotoo ang sinabi ni Inang, mahirap na.

"Mabait ng amo mo, Katherina. Pero..." Napatingin ako kay Inang nang pinutol nito ang dapat nitong sabihin at ibinaba sa lutuan ang kaldero. Tumingin muna ito ng makahulugan sa 'kin bago isinalang ang takore. Tuluyan na itong humarap sa akin at hinawakan ang mukha ko. "...hanggang amo at tagasilbi lang dapat ang mamagitan sa inyo, Anak. Hindi tayo nababagay sa mundong ginagalawan nila. Hindi masama ang mangarap, Anak, pero pakaisipin mong mabuti na ang katulad nila ay nararapat sa mayayaman din katulad nila. Naintindihan mo ba ako, Katherina."

"Ano bang pinagsasabi mo, Inang? Hindi kita maintindihan." kunot noo kong tanong dahil naguguluhan talaga ako sa sinasabi niya. "Saan mo naman hinugot ang mga salitang 'yan, Inang?" tanong ko pa dito pero nginitian lang ako.

"Maiintindihan mo din ako, Anak, pagdating ng araw." sabi nito sabay haplos nito sa pisngi ko. Niyakap ko si Inang at hinalikan ito sa pisngi saka ngumiti ng malapad.

"Kung ano man 'yang pinagdadaanan mo, Inang, andito lang kami para sa 'yo. Hindi ka namin iiwan." Nagulat ako ng batukan ako ni Inang.

"Aba Inang! Nakakasakit ka na ah." Bitaw ko at humarap dito, nakita kong nagpipigil ito ng tawa.

"Ginawa mo pa akong may pinagdadaanang matindi sa buhay, Katherina. Kanino ka ba nagmana at ganyan ang utak mo? Hindi naman ganyan ng Tatang mo nang nabubuhay pa siya." natawa na ito ng tuluyan sa harap ko.

Napanguso ako, "Kung ano-ano naman kasi ang pinagsasabi niyo. Akala ko kasi malapit na kayo masiraan ng bait."

Nakatanggap na naman ako ng isa pang batok.

"Nakakadalawa ka na, Inang!" medyo malakas na sambit ko. "Isa pa, Inang! Makukurot na kita sa sin--"

"Makukurot mo ako?"  minulagatan niya ako ng mata bago muling nagsalita. "Saan? Aba, baka nakakalimutan mong Inang mo ako, Katherina. Baka ikaw ang kurutin ko diyan." sabi nito at tumingin ng matalim sa ibabang bahagi ng katawan ko. Alangin akong napangiti at tinakpan ang tinitignan ni Inang.

"Hindi ka na mabiro, Inang. Joke, joke, joke ko lang kaya iyon. Ang ganda talaga ni Inang." lambing ko dito at niyakap siya.

"Tsee! Inuto mo pa ako. Sige na, ihanda mo na ang mesa at tayo'y kakain na para makapagpahinga na ang bisita mo." utos niya sa akin na agad ko namang sinunod. Nagsalute pa ako sa kanya na parang sundalo bago umalis sa kusina at kumuha ng mga plato at kutsara sa lalagyanan. Naiiling nalang na napapangiti si Inang habang pinagmmasdan niya ako.

Nilalagay ko na ang mga plato sa mesa ng may tumabi sa akin at tulungan ako sa ginagawa ko. Nang makita kong si Senyorito ito ay agad kong inagaw sa kanya ang plato at pilit na pinaupo sa upuan.

"Ako na po, Senyorito. Maupo nalang po kayo doon. Makipagkuwentuhan nalang po kayo sa mg kapatid ko. Mukhang ang sasaya niyo nga eh." sambit ko dito at tuluyan ng naagaw ang plato sa kamay nito.

"Nagseselos ka ba?" tanong nito sa akin na ikinatigil ko at humarap dito.

"Nananaginip po ata kayo ng gising, Senyorito. Gumising na kayo, baka tuluyan kayong bangungutin." sabi ko at tinampal ng mahina ang pisngi nito. Kung ano-ano ang pinagsasabi eh. Bakit naman ako magseselos, hindi ko naman siya nobyo.

Narinig kong natawa ito at tinulungan pa rin ako sa paghahanda ng mesa kahit anong pigil ko. Narinig ko nalang ang mahinang hagikgikan ng mga kapatid ko kaya napataas ang kilay ko sa kanila. Agad naman silang napangiti at tinutukso ako gamit ang mga ngiti nila.

"Ayusin niyo 'yang mga mukha niyong tatlo kung ayaw niyong mawalan ng baon bukas." banta ko sa kanila na kaagad naman nilang ikinasimangot.

"Ang kj talaga ni Ate kaya hindi nagkakanobyo e." nakangusong sambit ni Pamela sa akin kaya minulagatan ko siya. Nakita ko namang napakamot ito sa ulo.

"Maghugas na kayo ng mga kamay niyo. Huwag kayong tumunganga lang diyan." utos ko sa kanila na agad naman nilang sinunod nang nakangiti.

Paglingon ko sa katabi ko ay wala na ito. Nagulat nalang ako nang lumabas ito mula sa kusina at hawak nito ang dalawang plato na may kanin. Agad ko siyang sinalubong at kukunin na sana ang hawak nito nang inilihis niya ang mga plato sa akin.

"Ako na, maupo ka nalang. Wala tayo sa mansiyon para pagsilbihan mo ako. Ako ang nakikitira sa inyo kaya dapat na tumulong ako sa gawaing bahay." nakangiting sabi nito at nilagpasan ako.

"Wala po kaming isasahod sa inyo, Senyorito. Hindi po kami mayamang katulad niyo." seryosong sabi ko dito na ikinailing niya lamang.

"Hindi porke't tutulong ako ay magpapasahod na ako. Gusto ko lang ipakita sa iyo na kaya din kitang pagsilbihan gaya ng pagsisilbi mo sa akin sa mansiyon." nginitian niya ako ng matamis at inilapit ang mukha niya sa mukha ko. "Gusto ko lang bumawi sa 'yo." nakangiting sabi nito at inilayo na ang mukha niya sa akin at bumalik ulit ng kusina.

Bigla nalang bumilis ang tibok ng puso ko sa ginawa at sinabi niya. Napasapo ako sa dibdib ko at pinakiramdaman ito. Bigla nalang kasi itong tumibok ng napakalakas at napakabilis.

"Anong nangyayari sa akin? Bakit ka biglang bumilis?" mahinang tanong ko sa puso ko habang dinadama ang pagtibok nito.

Nasa ganoon akong hitsura nang lumapit si Senyorito sa akin ng nagtatanong.

"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong nito sa akin na ikinailing ko lamang dahil tulala pa din ako kakaisip bakit bigla nalang tumibok ng mabilis ang puso ko.

"Anong nararamdaman mo? May malapit bang hospital dito sa inyo? Anong masakit sa 'yo?" sunod-sunod na tanong nito sa akin.

"Ang puso ko..." mahinang sambit ko. Nagulat ako nang alalayan niya ako paupo sa silya at nagmadaling tinawag si Inang.

Naiwan pa rin akong tulala habang nakasapo sa dibdib ko. Lumabas naman si Inang sa kusina at nag-aalalang lumapit sa akin pati ang mga kapatid ko.

"Anong nangyayari sa 'yo, Anak?" makikita mo sa mukha ni Inang ang sobrang pag-aalala kaya medyo napangiti ako at hinaplos ito sa muka.

"Ate, anong masakit sa 'yo?" naiiyak na tanong ni Kasandra at hinawakan ang kamay kong nakasapo sa dibdib ko.

"Inang..." mahinang tawag ko dito. "...'yong puso ko. Bakit bigla nalang tumibok ng mabilis at malakas. Mamamatay na ba ako?" takot na sabi ko at nagtatanong ang matang tumingin kay Inang.

"Hindi ka mamamatay, Anak. Kailan mo pa naramdaman 'yan? Ano pang nararamdaman mo?" nag-aalala pa ring tanong ni Inang sa akin. Napatingin naman ako sa kanila at napatingin sa nag-aalalang mukha ni Senyorito.

"Kanina lang, Inang. Nang ilapit ni Senyorito ang mukha niya sa mukha ko at sinabi niyang babawi siya sa akin." makatotohanang sabi ko kay Inang.

Nagulat nalang ako ng mapatawa si Inang at mga kapatid ko habang umiiling. Pag tingin ko kay Senyorito ay napakalapad na ng ngiti sa mga labi nito.

"Umayos ka diyan, Katherina. Pinag-alala mo kami dahil diyan. May mamamatay na ba akong nalalaman ka pa diyan. Normal lang na maramdaman mo 'yan sa taong nagugustuhan mo. Ikain mo nalang 'yan nang mahimasmasan ka." naiiling na sabi ni Inang at bumalik na sa kusina. Nakatingin lang ang mga kapatid ko sa akin at nagpipigil ng tawa.

"Nagkakagusto? Ibig sabihin..." putol ko sa sinasabi ko at napatingin sa nakangiting tao sa harap ko. "...may gusto ako sa Senyorito ko?"