Katherina
"Katherina, pinapatawag ka ni Senyora Maggie sa opisina niya." sabi ni Lhynne pagkapasok nito sa kusina.
"Bakit daw?" nagtatakang tanong ko.
"Hindi ko alam. Hindi naman sinabi. Baka ikaw alam mo?" balik tanong niya sa akin na ikinairap ko.
"Alam mong andito ako tapos ikaw ang galing kay Senyora. Malay ko ba kung sinabi niya sa 'yo." Napailing nalang si Lhynne sa harap ko bago sumagot.
"Hay naku ka talaga, Katherina. Bago ako maloka sa 'yo nang pagkaaga-aga. Hugasan mo na ang mga kamay mo at magpunta ka na doon. Bilisan mo daw at aalis na ang Senyora." Mabilis itong lumapit sa akin at mahina niya akong itinulak papuntang lababo para makapaghugas.
"Nagmamadali, Lhynne?" nakangusong sabi ko dito dahil nag-eenjoy pa ako sa pinapagawa ni Lola sa akin. Pinaghihimay niya kasi ako ng malambot na karne ng manok para sa lulutuin niyang sopas.
"Oo, dali na, Katherina." taboy nito sa akin na mas lalo kong ikinanguso.
"Hmmmp! Huwag mong gagalawin 'yan ha. Ako ang tatapos niyan." paalala ko dito at itinuro ang kanina lang ay ginagawa ko.
"Ang kulit naman. Oo na po. Alis na at naghihintay na si Senyora sa 'yo." Tumango nalang ako at naglakad palabas ng kusina. Pagdating ko sa opisina ni Senyora ay bukas na ang pinto. Kumatok muna ako bago ako tuluyang pumasok sa loob. Nakita ko si Senyora na nag-aayos na ng mga gamit nito para pumasok sa opisina.
"Magandang umaga po, Senyora. Pinapatawag niyo raw po ako." nakangiting bati ko dito. Agad naman siyang tumingin sa akin at nginitian din ako pabalik.
"Magandang umaga din sa 'yo, Hija. Maupo ka." Sinenyasan niya akong maupo sa harap nitong silya.
Agad akong tumalima at umupo sa upuan. Napatingin ako sa papel na iniaabot niya sa harap ko.
"Kunin mo." sabi nito sa akin pero tinitigan ko lamang. "Hindi ito nangangagat, Katherina. Kunin mo at basahin mo." nakangiting saad nito at siya na mismo ang naglagay sa kamay ko.
Nang tignan ko ay napanganga ako. Muntik pa nga akong maluha dahil sa nakikita ko.
"Oh bakit ka naiiyak diyan? Nabasa mo na ba?" nagtatakang tanong ni Senyora na ikinailing ko.
"Paano ba naman, Senyora. Hindi ko po maintindihan ang nakasulat dito. Baka po pag pinilit ko eh maubusan ako ng dugo. Wala po bang tagalog diyan." naiiyak na tanong ko habang pinagmamasdan ang papel na hawak-hawak ko.
Narinig ko ang marahang pagtawa ni Senyora kaya napatingin ako dito.
"Kailangan mong pag-aralan ang lengguwaheng 'yan, Katherina. Nang hindi ka maibenta sa mga susunod na araw." sabi nito at ngumiti sa harap ko.
"Waaahh! Senyora! Huwag niyo po akong ibebenta ha. Magagalit po si Inang sa inyo. Mawawalan po kayo ng magandang katulong. Sige kayo." mabilis kong sambit na ikinatawa lamang nito. Eh?
"O may God, Katherina." may kadugtong pa ang sinabi ni Senyora kaso hindi ko naintindihan. Nakatitig lang ako dito habang tumatawa ito. Nang hindi na ako nakatiis ay nagtanong na ako.
"Senyora? Ano pong nakakatawa? Baka gusto niyo pong sabihin din sa akin ng may kasama po kayong tumatawa." alanganing sabi ko at medyo lumayo nang kaonti dito. Nakita ko namang napaupo ito sa upuang nasa likod nito at humarap sa akin na nagpipigil nang tawa.
"Senyora, kahit ibulong niyo nalang para walang makarinig. Mag-isa niyo lang kasi na tumatawa diyan baka sabihing may topak na rin kayo kagaya ni Senyorito." bulong ko dito at itinakip pa ang isang kamay ko sa gilid ng aking bunganga para kaming dalawa lang ang makarinig. Baka marinig pa nang iba diyan, mahirap na.
"Tama na, Katherina." tumatawang sabi nito na ikinakunot ng noo ko. Wala naman akong ginagawa ah. Napanguso nalang ako dahil sa inaakto ni Senyora. Pagsasabihan ko nga mamaya si Senyorito na huwag maglalalabas nang hindi nakakahawa. Mas malala na ata kasi si Senyora eh. Halos hindi na ito tumigil kakatawa.
"Awat na po, Senyora, baka kabagin na kayo niyan." pagpapatigil ko dito na agad niya namang tinanguan pero makikita mo pa din sa mukha nito ang pagpipigil na huwag matawa.
"Nakakatawa po ba ang mukha ko, Senyora?" takang tanong ko na ikinatingin niya nang diretso sa akin.
"Bakit mo naman nasabi 'yan, Hija?" takang tanong nito.
"Eh ako lang naman po ang kaharap niyo pero kung makatawa kayo, wagas. Hindi po ba ako maganda? Kapalit-palit po ba ako? Then why!?" pasigaw na sabi ko sa huling tanong ko. Ginaya ko lang 'yong napanood ko noong isang araw sa tv. Napahagalpak nalang nang tawa si Senyora habang umiiling-iling na nakatitig sa akin. Makikita mo ang paghanga sa mga mata nito.
"Okay, okay, tama na." Huminga muna nang malalim si Senyora at pinigil ang pagtawa. Napanguso ako dahil hindi niya sinagot ang tanong ko. Ang ganda pa man din nang isinagot ni Enrique ba 'yon. Basta 'yong guwapong kausap niya sa TV. Umasa pa naman ako na ganoon din ang isasagot niya.
"Maghanda ka bukas dahil maaga kang papasok sa eskuwelahan mo."
"Eskuwelahan ko? Kailan pa ako nagkaroon ng eskuwelahan, Senyora? Baka nagkakamali kayo?" nagtatakang tanong ko at hindi ko na naiwasang mapakunot ang aking noo. Napahinga muna ulit ito nang malalim para pigilan ang pagtawa saka tinuloy ang sinasabi. Inignora niya na lamang ang tinanong ko kahit nakita kong nahihirapan itong gawin.
"Huwag ka munang magsasalita hangga't hindi pa ako tapos magsalita. Sasabihin ko sa 'yo kung maaari ka nang magsasalita ha? Naiintindihan mo ba ako?" tanong nito na ikinatango ko. May itatanong pa sana ako nang itaas na nito ang kanan nitong kamay para patigilin ako sa pagsasalita. Agad ko namang isinenyas dito ang pagsipper ko sa aking bibig.
"Good!" sabi nito at sumandal sa upuan niya. "Okay, papalitan ko ang sinabi ko kanina. Mula bukas at sa mga susunod na araw. Ikaw ay papasok sa paaralan ng umaga at maninilbihan ka sa amin pag hapon. Wala kang dapat ipag-alala dahil bayad na ang tuition mo sa unibersidad. Nagawan na rin namin nang paraan lahat nang kailangan mo. Ang gagawin mo nalang ay pumasok bukas ng maaga. 'Yang papel na hawak mo ay ang oras ng pagpasok at mga susunod mong klase. Naiintindihan mo ba?" tumingin ito sa akin pero nanatili akong tahimik.
"Mamaya, pagkagising nang Senyorito mo ay sasamahan ka niyang bumili ng mga gagamitin mo. Wala kang gagastusin dahil sagot namin ang lahat. Ang gusto ko lang na kapalit ay ang mag-aral kang mabuti at makita kitang maglakad sa entablado habang kinukuha ang diploma mo. Maipapangako mo ba iyon sa akin, Katherina?" Napatanga ako nang magtugma-tugma sa utak ko ang sinabi ni Senyora. Hindi ako makapaniwala na may mga ganito pang amo na sobrang bait at kaya kang tulungan na maabot ang pangarap mo. Hindi ako nakapagsalita at tulala lang habang naiiyak na nakatingin dito.
"Naiintindihan mo ba ako, Katherina?" ulit na tanong nito na ikinatango ko lang at hindi napigilang pumatak ang luha sa mga mata ko.
Magsasalita na sana ako nang maalala kong hindi pa pala sinasabi ni Senyora kung puwede na akong magsalita. Kaya ang kaninang pabukang bibig ko ay naisara ko ulit.
"Huwag ka nang umiyak. Pasasalamat na namin 'yan sa 'yo sa matiyaga mong paninilbihan sa amin. Huwag mo akong bibiguin, Katherina." nakangiting sabi nito at tumingkayad siya palapit sa akin at pinunasan ang luha ko gamit ang inilabas nitong panyo. Nakatitig lang ako sa kanya at pinipigilang huwag magsalita kahit kanina pa ako atat na atat na magpasalamat.
Narinig ko nalang itong tumawa nang maupo ito sa upuan niya pagkatapos niyang punasan ang luha ko.
"Puwede ka nang magsalita, Hija. Hindi ko alam na seseryosohin mo pala ang sinabi ko na huwag magsalita hangga't hindi ko sinasabi." naiiling sa sabi nito sa akin habang natatawa. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa sinabi ni Senyora.
"Hindi po ako makapaniwala sa sinabi niyo, Senyora. Sobrang salamat po. Hindi niyo po alam kung gaano ako kasaya ngayon. Isipin ko palang na makakapag-aral akong muli. Sobrang nagagalak na po ang puso ko dahil iyon sa inyo, Senyora." Tumayo ako at lumapit dito para yakapin ito ng mahigpit. Hindi ko na napigilang hindi umiyak dahil sa saya.
"Nababagay lang sa 'yo 'yan, Hija. Basta mag-aral ka nang mabuti. Para din iyan sa ikabubuti mo." yakap nito sa akin pabalik habang hinahagod ang likod ko. Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayon.
"Sobrang thank you po talaga, Senyora. Pinapangako ko po sa inyo na hindi po kayo magsisisi sa pagpapaaral sa akin. Gagalingan ko po at sisiguraduhin ko sa inyo na maiuuwi ko po ang diploma ko." umiiyak pa ding sambit ko.
"Aasahan ko 'yan, Katherina. Siya, tahan na at baka mabasa mo ang suot ko. Papasok pa ako ng opisina." Agad akong napakalas dito at tinignan kong nabasa ko ba o hindi. Nang makita ko namang hindi naman ito natuluan ng kahit isang patak lang ay napangiti ko.
"Salamat po ulit, Senyora." pasasalamat ko ulit dito at hinawakan ang dalawang kamay niya at inilagay ang noo ko doon habamg nagpapasalamat ng paulit-ulit.
"Tama na ang minsang pasasalamat, Hija. Sige na, baka gising na ang Senyorito. Magbibihis ka pa." nakangiting sabi nito at pinaayos ako ng upo.
"Sige po, Senyora. Mauuna na po ako at baka mainip si Senyorito sa akin. Maraming salamat po ulit." paalam ko dito at tumayo na mula sa pagkakaupo ko. Habang naglalakad patungong pinto ay hindi ko maiwasang hindi ito lingunin ulit at magpasalamat. Alam kong paulit-ulit na ako sa pagpapasalamat pero anong magagawa ko. Sobrang galak ng puso ko at umaapaw na ito sa kasiyahan. Gusto kong makita nila iyon sa akin. Nang ngumiti ito sa akin at tumango. Lumabas na ako ng opisina nito na may ngiti sa aking mga labi.