Katherina
Ang tagal ko na dito sa mansiyon ng mga De La Torre at masaya naman ako. Nagkikita naman kami ni Tiya Meling dalawang beses ito sa isang buwan. Pinapasyal niya ako sa mga pasyalan at mahilig kaming pumunta sa isang napakalawak na perya. Ang kaibahan nga lang ay wala itong mga sugal at puro sinasakyan lang, sabi nga Tiya EK daw ang tawag doon.
Huling pagkikita namin ay binigay niya na sa akin ang selpon na gamit-gamit nito. Ayaw ko sanang tanggapin kaso mapilit ito. Ang gusto pa nga ni Tiya ay 'yong tachscreen ang ibigay sa akin at sa kanya daw 'yung de-pindot. Mas lalo ko itong tinanggihan dahil hindi ko naman alam kung paano gamitin ang ganoong klase nang selpon. Sa de-pindot pa nga lang hirap na ako, sa tachscreen pa kaya. Bobo na ako kung sa bobo, sadyang wala lang akong interes sa mga ganoong bagay. Kung hindi lang laking tulong nang selpon na ito para makausap sina Inang, nunka kong kukunin ang selpon.
Itinago ko muna ito sa bulsa ko at tinungo na ang kusina para tumulong.
"Katherina, padalhan naman si Senyorito at mga bisita niya nang pagkain at maiinom. Nakahanda na lahat, ipupunta mo nalang sa kanila." pakiusap ni Lhynne sa akin habang nagbabalat ng patatas.
"Sige, 'yon lang naman pala. Asan ba sila?" tanong ko at kinuha na ang tray na naglalaman ng pagkain at apat na juice.
"Nasa may pool, mag-iingat ka sa mga 'yon. Matatamis magsalita ang mga kaibigan ni Senyorito, huwag kang padadala." paalala nito sa akin.
"Mas masarap at mas matamis pa din ang binibigay ni Senyora na tsokolate kaysa sa kanila. Huwag ka mag-alala, hindi ko sila titikman. Promise!"
Narinig ko ang pagtawa nito at naiiling na tinitignan ako. Ano naman kayang nakakatawa sa sinabi ko? Naku nahawaan na ata siya ni Senyorito. Pagsabihan ko nga siya mamaya na magkulong nalang sa kuwarto nang hindi na makahawa pa. Dapat pala umiwas din ako para hindi din ako mahawaan.
"Hoy Katherina! Masyado na namang malayo nag nilakbay ng isip mo. Naloloka ako sa 'yo. Sige na baka hinihintay na ni Senyorito 'yan. Ops... huwag ka na magsalita, larga na." pagtataboy nito at isinenyas pa ang kamay nito para itaboy ako.
Ang sama niya sa akin noh? Makalayas na nga. Binitbit ko na ang tray at dahan-dahang naglakad papuntang likod bahay dahil nandoon ang pool.
Pagbungad ko palang, naririnig ko na ang tawanan nila. Naglakad lang ako nang diretso at lumapit sa mesa malapit sa kanila. Nasa pool silang apat, naglalangoy kaya walang nakapansin sa akin.
Agad kong nilapag ang mga pagkain sa mesa at kinuha na 'yong tray. Pag-angat ng mukha ko ay napasigaw ako sa gulat dahil sa mukhang nakatitig malapit sa mukha ko.
"Anak ng tinapa ka!" sigaw ko at ihahampas na sana ang tray sa lalake nang marinig ko ang boses ni Senyorito Marco.
"Anong nanyayari dito?" tanong nito at lumipat-lipat ang paningin sa akin at sa lalakeng nakangiti sa harapan ko. Sasagot na sana ako nang magsalita ang lalakeng nasa harapan ko.
"Wala, Bru. Hindi mo sinasabing may maganda pala kayong katulong dito? Bakit ngayon ko lang ata siya nakita?" tanong nito kay Senyorito.
"Bago lang siya kaya huwag kang magkakamali. Huwag mo nang balakin kung ayaw mong ipatapon kita sa labas. Seryoso ako, Ezra." matalim ang tingin na sabi nito sa kaibigan niya.
"Ikaw, bumalik ka na sa kusina. At huwag ka nang babalik rito. Sabihin mo kay Lhynne na pumunta dito at may sasabihin ako. Naiintindihan mo?" sabi nito.
"Senyorito, madami pong ginagawa si Lhynne. Kung uutusan niyo lang naman po siya. Ako nalang po, wala naman na po akong ginagawa." pagprepresinta ko.
May sinabi ang kaibigan niya sa kanya sa lengguwaheng English kaya hindi ko maintindihan. Narinig ko nalang na parang nagsasagutan sila ng kaibigan niya. Hindi ko alam kung nag-aaway ba sila o hindi dahil hindi ko maintindihan. Busangot ang mukha ni Senyorito kaya hindi ko maiwasang mangialam.
"Ayos lang po ba kayo, Senyorito?" tanong ko na ikinalingon nito. Nakita kong inakbayan siya ng kasama niya at siya na ang nagsalita.
"Okay lang siya, huwag ka mag-alala." sagot nito sabay kindat sa akin. Napangiti ako dahil doon, para kasi siyang may epilepsi kung makakindat. Narinig kong may sinabi ito habang tunatawa na mas ikinabusangot ni Senyorito.
"Pumasok ka na, Katherina, at huwag ka nang babalik dito. Sabihin mo kay Lhynne na may sasabihin ako." Nakita kong siniko nito ang kasama na nagpaigik sa katabi nito dahil na rin siguro sa sakit.
"Pero..." pinutol niya ang sasabihin ko at matalim akong tinignan. "Sabi ko nga Senyorito, tatawagin ko na po siya." pilit na ngiting sabi ko at tumalikod na. Pero hindi pa ako nakakahakbang nang humarap uli ako para magtanong. Pero hindi pa ako nakakapagsalita nang mulagatan niya ako at binilangan.
"Isa, Katherina!" sigaw nito na nagpalaki ng mata ko.
"Opo, Senyorito, aalis na nga po." sigaw ko pabalik at nagmadali nang pumasok sa loob. Magbibilang din sana ako kaso baka lunurin niya ako sa pool, mahirap na.
Pagdating ko sa loob halos hingalin ako nang sobra sa pagod ko dahil sa pagtakbo. Napasandal ako sa may hamba nang pinto. Pag-angat ko ng aking mukha, nagtatakang mukha ni Lhynne ang tumambad sa akin.
"Oh bakit parang pagod na pagod ka?" takang tanong niya. Huminga muna ako ng malalim bago sumagot,
"Ewan ko ba kung bakit galit si Senyorito sa akin. Naghatid lang naman ako ng pagkain ah. Binilangan pa ako, kaya ayon napatakbo tuloy ako. Ikaw ba naman ang sigawan at mulagatan ng mata. Malamang tatakbo ka talaga." dire-diretsong sabi ko na nakapagpatawa sa kanya at umiiling.
"Ganoon lang talaga minsan si Senyorito. Kaya masanay ka na." natatawang sambit nito at tinapik pa ako sa balikat.
"Siyangapala, punta ka daw kay Senyorito, may sasabihin daw sa 'yo." sabi ko nang maalala ko na pinapatawag nga pala siya.
"Sige, pwede ka nang magpahinga. Wala naman nang masyadong gagawin. Kami na ni Lola ang bahala dito sa kusina." Napailing ako sa sinabi niya, uutusan siya ni Senyorito kaya walang makakasama si Lola.
"Hindi pa naman ako pagod, tutulong nalang muna ako dito. Baka utusan ka ni Senyorito, walang makakasama si Lola dito." magsasalita sana siya nang putulin ko ito sa pamamagitan ng pagselyo ko ng bibig niya gamit ang aking daliri.
"Ssshhhh... Huwag ka nang kumontra."
Nakita kong napaikot nalang siya ng kanyang mata bago napipilitang tumango. Madali lang naman pala siyang kausap eh. Nang bitawan ko ang bibig niya, nagsalita agad ito habang umiiling.
"Hay naku, Katherina, hindi na namin alam ng gagawin namin ni Lola sa'yo. Sobrang napapagod ka na sa maghapon, tapos anong oras ka na natutulog sa gabi. Baka magkasakit ka niyan." napapabuntong hiningang sabi nito.
"Ayos lang ako, Lhynne, huwag kayo mag-alala. Ang lakas ko kaya," nagbibidang sambit ko at itinaas ang sleeve ng uniporme ko at ipakita dito ang muscle ko sa braso kahit wala naman.
Parehas kaming natawa ng wala naman akong maipakita na muscle sa kanya.
"Nahiya sa 'yo Lhynne kaya nagtago." natatawa kong sabi na mas lalong ikinatawa nito.
"Huwag mo daw kasi masyadong ipagyabang para hindi siya magtago." natatawa ding sagot niya sa akin. Nagtawanan kami hanggang sa may pumasok sa loob na nakapagpatigil sa aming tumawa.
May sinabi ito na nakapagpatigil kay Lhynne sa pagtawa at parang kinakabahang umayos. English kasi ito kaya hindi ko naintindihan. Bakit ba kasing pinanganak akong bobo, hmmp!
"Opo, Senyorito, pasensiya na po. Hindi na po mauulit." nakayukong sabi nito na ikinataka ko. Bakit ito humihingi ng tawad kay Senyorito. Napaharap ako bigla kay Senyorito nang magsalita ito at tawagin ang pangalan ko.
"At ikaw naman, Katherina. Huwag matigas ng ulo mo. Kung sinabi kong huwag kang lalabas. Huwag kang lalabas!" sigaw nito sa akin na ikinakunot ng noo ko. Sa pagkakaalam ko wala kaming ginawang masama para sigawan niya kami. Matalim ko siyang tinignan at nagsalita.
"Aba, Senyorito. Sa pagkakaalam namin, wala kaming ginawang masama para sigawan mo kami. Ginagawa namin ng maayos ang trabaho namin. Bigla kang papasok dito tapos sisisgawan mo kami ng walang dahilan! Aba Senyorito!" napatingin ako kay Lhynne nang hilahin niya ako at nakikiusap ang mata na tumigil na ako pero naiinis na ako sa kaharap namin.
Umiling ako at saka nagpatuloy, "Ano po bang problema niyo at pumasok kayo dito sa kusina para sigawan kami na para bang may nagawa kaming napakalaking kamalian?" inis na tanong ko at pinameyawangan pa ito.
"Ikaw!" turo niya sa akin, aba! bakit napunta sa akin. Malay ko ba sa kanya. "Ang kapal naman ng mukha mong pagsabihan ako nang ganyan. Katulong ka lang rito at dapat marunong kang lumugar!" natawa ako ng pagak sa sinabi niya.
"Ay oo nga naman pala. Katulong lang pala kami dito." pinagdiinian ko ang salitang katulong sa mukha nito at nagpatuloy. "Alam ko kung saan ako lulugar, sa pagkakaalam ko wala kaming maling ginagawa para masigawan nang ganyan. Ikaw itong papasok dito at maninigaw tapos kasalanan pa namin. Aba Senyorito! Ibang usapan na ata 'yan!" galit na sagot ko dito, hinding-hindi ako papatalo dahil alam kong wala kaming kasalanan.
"Binabayaran namin kayo para sa lahat ng serbisyo dito sa bahay. Kaya wala kang pakiaalam kahit sigawan ko kayo. Ako ang amo niyo kaya huwag kang masyadong matapang kung ayaw mong matanggal sa trabaho!" duro niya sa akin. Nagpanting ang tenga ko sa narinig ko. Galit ko siyang sinagot.
"Eh di sa inyo na ang pera niyo! Maayos kaming nagtatrabaho kaya wala kang karapatang sigawan kami. At isa pa lahat ng binabayad niyo sa 'min ay tinutumbasan namin ng maayos na pagtatrabaho. Kung ganyan din pala ang tingin niyo sa amin. Pasensiya na po pero hindi po ako magsasawalang kibo nalang. Isaksak niyo sa baga niyo 'yang pera niyo!" galit na sigaw ko at tinabig ang kamay ni Lhynne at umalis na ako sa harap nila. Pumasok agad ako sa kuwarto para mag-impake ng mga gamit ko.
Hindi ko kailangang magtrabaho para sa mga taong wala namang kuwenta. Mas maganda nalang sigurong magtanim at magtiis nalang sa probinsiya kaysa ang laitin ng mga taong mapanlait dahil lang sa mayayaman sila.