Seryosong tinititigan ni Elysia ang tatlo nang magsalita si Vladimir.
"Kung gayon ay susundin natin ang lahat ng suhestiyon mo Ely. May iba pa ba kayong nais na sabihin?" Tanong ni Vladimir.
Nang wala nang masabi ang tatlo ay mabilis na silang pinaalis ni Vladimir. Taas-kilay naman itong napatingin kay Elysia.
"Pinaghihinalaan mo ba na isa sa kanilang tatlo ang traydor?" Tanong ni Vladimir.
"Noong una oo, pero nang makita ko ang mga reaksyon nila ay napatunayan kung hindi sila. Naniniguro lang ako na wala sa tatlong malalapit sa'yo ang traydor. Siya nga pala Vlad, kung sakaling mahuli natin ang traydor ano ang kaparusahan niya?" Tanong ni Elysia at bigla namang naningkit ang mga mata ni Vladimir. Tumalim ang pagkakatitig nito at bahagyang naging pula ang mga mata nito.
"Kamat*yan." Simpleng tugon ni Vladimir ngunit ramdam ni Elysia ang matinding kilabot na dulot ng boses nito. Natahimik naman siya at napatingin sa malayo. Naguguluhan man, ay pilit siyang humahanap ng palatandaan sa mga nakakasalamuha niya sa loob ng palasyo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ni Elysia kung sino ba talaga ang traydor sa loob ng palasyo. Paano nito natatakasan ang libro, gayong lahat ng nakasulat na pangalan doon ay wala namang reaksiyon.
"Wala sa sino man sa atin ang traydor, hindi nagsisinungaling ang aklat ng pagkilala. Sumpa ng dugo ang nakatala sa aklat, kaya kahit gumamit pa siya ng ibang pangalan ay hindi niya ito maloloko. Maliban na lamang kung may nakapasok rito na hindi nakatala sa aklat," saad ni Vladimir habang tila nahulog sa malalim na pag-iisip.
"Hindi nakatala, posible ba iyon? Halos lahat naman na nagsisilbi rito sa palasyo ay nakatala hindi ba?" Tanong ni Elysia at lalo lamang siyang naguluhan. Naging palaisipan sa kanila kung paano at sino ang nakapasok sa kaharian nang hindi nila natutunugan.
"Ano ang plano mo sa paghahanap kay Mariella?" Tanong ni Vladimir.
"Mag-iikot-ikot lang ako sa palasyo habang naghahanap. Sa ganoong paraan hindi agad makakatunog ang impostor na naghahanap ako. Natural lang naman na mag-ikot ako sa palasyo, hindi ba. Isasama ko si Ruka at Esme para hindi kami gaanong mahalata." Wika ni Elysia at napatango naman si Vlad. Bumuntong-hininga ito at binuksan ang maliit nitong drawer sa mesa.
"Ito gamitin mo. Mapa iyan ng kabuuan ng palasyo. Nakatala riyan ang mga tagong silid dito sa palasyo." Iniabot ni Vladimir ang isang nakatuping lumang papel sa kaniya. Nang buklatin iyon ni Elysia ay doon niya malinaw na nakita ang kabuuan ng palasyo maginga ng mga nasa paligid nito.
"Salamat, malaki ang maitutulong nito sa akin." nakangiting wika ni Elysia at itinago na sa kaniyang bulsa ang mapa. Matapos ng kaniloang pag-uusap ay lumabas na si Vladimir sa aklatan at naiwan naman doon si Elysia upang pag-aralan ang mapa. Kailangan niyang kabisaduhin ang bawat pasikot-sikot ng pasilyo doon upang hindi na siya mahirapan sa kanilang pag-iikot.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay inihatid na ni Elysia ang ibang mga bata sa pangangalaga ni Raion at Raya. Samantalang si Kael naman, Esme at Raku ay isinama niya sa kanilang magiging misyon. Walang kaalam-alam ang dalawang bata at ang tanging alam lang ng mga ito ay iikutin nila ang buong palasyo.
"Kaya ba nating ikutin ang palasyo sa isang araw lang?" Tanong ni Raku.
"Hindi naman tayo nagmamadali. Marami pang araw, kung hindi man natin matapos ngayon, may susunod pa naman, hindi ba? At isa pa, paano niyo masusulit ang pag-iikot kung nagmamadali tayo." saad naman Elysia.
"Oo nga naman Raku, mag-isip ka nga." Saway ni Esme.
"O, wag na kayong magtalo. Kayo ang mas nakakatanda kaya higit kanino man kayo ang dapat na mas may malawak na pang-unawa. Kambal pa man din kayo, pero kayo pang dalawa ang palaging nagtatalo." Saway ni Kael. Nangungunot ang noo nito at napasimangot naman ang dalawang bata.
Napatawa naman si Elysia dahil sa reaksiyon ng mga ito. Nagpatuloy na sila sa kanilang paglilibot at bawat lugar ay mahigpit na sinusuri ni Elysia.
"Sa tingin mo?" Pabulong na tanong ni Kael.
"Saka na natin pag-usapan. Mahirap dito, hindi natin alam kung sino ang nakikinig."mahinang sagot ni Elysia at napatango naman si Kael.
Sa buong araw na iyon ay ang unang palapag lamang ang natapos nilang libutin. Pagod na pagod na napasalampak si Ruka at Esme pagdating nila sa kusina.
Napapangiti naman si Elysia at iniwan na ang mga ito kay Loreen, habang sila ni Kael ay tumuloy na patungo sa bulwagan ng trono ni Vladimir.
Nang maabutan nilang abala pa si Vladimir ay dumiretso naman sila sa silid aklatan.
"Wala sa unang palapag. Subukan natin bukas sa pangalawa. Sana lang hindi pa tayo maging huli." Wika ni Elysia.
"Sigurado ka bang narito lang sa loob ng palasyo ang hinahanap mo?" Tanong ni Kael.
"Malakas ang kutob ko. Kung makakausap ko lang sana ang alalay ni Mariella. Pero mukhang hindi rin siya nakakawala sa paningin ng impostor na iyon." Sambit ni Elysia.
Matapos ilahad kay Kael ang mga susunod nilang lilibutin kinabukasan ay nagpaalam na ito. Mas minabuti naman ni Elysia na muling pag-aralan ang mapa at hanapin ang mga silid na posibleng pagtaguan kay Mariella nang hindi nila nalalaman. Sa lawak ng palasyo ay tiyak aabutin pa sila ng linggo bago matapos ito.
"Nasaan ka na ba Mariella, paano ba kita mahahanap na hindi na kami mahihirapan sa paglilibot?" Mahinang tanong ni Elysia sa sarili habang iginagala ang paningin sa mapa.
"Hindi ka maaaring masaktan. Hindi puwede, ano ba ang nangyari sa'yo?" Tanong niya at malalim na napabuntong hininga. Dahil sa malalim na pag-iisip at gawa na rin ng matinding pagod ay hindi niya namalayang nakatulog na siya.
Nagising na lamang siya dahil sa malamig na hanging buglang yumakap sa kaniya. Nanayo ang kaniyang mga balahibo at pupungas-pungas na napabagon. Naroroon pa rin siya sa silid-aklatan, nakayukyok sa mesa kung saan hinihigaan niya ang nakalatag na mapa.
Bahagya pa siyang napakamot ng ulo. Tumayo siya at lumabas ng silid. Nagtaka pa siya nang makitang wala sa trono nito si Vladimir. Imposibleng hindi siya gigisingin ni Vladimir gayong alam nitong naroroon siya. Lumabas siya sa bulwagan at binaybay ang madilim na pasilyo.
Nadagdagan pa ang kaniyang pagtataka nang makitang walang katao-tao ang mga pasilyo. Isa pa sa kinakabahala niya ay tila may sariling utak ang kaniyang mga paa. Sa halip na patungo sa kaniyang silid ang tatahakin ay tila ba patungo siya sa isang lugar na hindi pa pamilyar sa kaniya.
"Bakit parang patungo ito sa ikaapat na palapag?" Tanong ni Elysia ngunit bago pa man siya makarating doon ay bigla siyang nakarinig ng sigaw. Umaalingawngaw iyon sa buong pasilyo at pamilyar din ang boses na iyon. Kung hindi siya nagkakamali ay boses iyon ni Mariella.
Akmang tatakbuhin niya ang pasilyo at bigla namang umikot ang kaniyang paningin at dumilim ang buong paligid.
Napabalikwas siya ng gising at hingal na hingal niyang inilibot ang kaniyang paningin. Kasalukuyan siyang nasa higaan at nasa tabi niya si Vladimir na mahimbing nang natutulog.
"Panaginip lang ba 'yon? Panaginip lang ba talaga?" Naguguluhang tanong niya. Naihilamos niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mukha bago muling napahiga.
Muli siyang nahulog sa pag-iisip kung bakit ganoon ang kaniyang panaginip. Paisa-isa niyang binabalikan ang mga naganap sa panaginip na iyon, ngunit ang tanging naging malinaw lang sa isip niya ay ang pasilyo sa ikaapat na palapag at ang nakakahindik na sigaw ni Mariella bago tuluyang nandilim ang kaniyang paningin.