Lumipas pa ang maraming araw at sa bawat araw na nagdaan ay hindi ito nakukompleto nang hindi nagkakasagutan o nagkakabangga sina Elysia at Mariella. Tila nakasanayan na rin ni Elysia ang mapang-asar nitong presensiya at minsan pa nga ay hinahanap-hanap niyaito kapag hindi niya ito nakakasalubong.
Tila ba naging parte na rin ng buhay ni Elysia ang away nila ni Mariella at sa bawat away na iyon ay may kung anong awa siyang nararamdaman sa dalaga.
"Hindi ka ba naiirita kay Mariella, Elysia?" tanong ni Vivian.
Kasalukuyan silang nasa kusina at tinutulungan si Loreen na maghanda para sa magiging hapunan nila.
"Dati, oo. Pero ngayon, nakasanayan ko na yata. Bakit mo naman naitanong?" tanong ni Elysia sa bata.
"Wala naman, napapansin ko kasi , parang natutuwa ka pa kapag nag-aaway kayo. Pakiramdam ko, naliligayahan ka sa tuwing magkakasagutan kayo." puna naman ni Vivian at natawa lang si Elysia.
"Gano'n ba. Nakakatuwa naman kasi, asar na asar siya na hindi ko mawari at natatawa ako sa mga ekspresiyon ng mukha niya kapag natatalo na siya sa mga argumento namin. Mukhang hindi naman masama si Mariella, nararamdaman ko na nagseselos lang siya," tugon naman ni Elysia at nagkibit-balikat lang si Vivian na tila hindi pa rin maintindihan ang lahat.
"Ewan ko sa'yo, Ely. Hindi kita maintindihan, kung siguro ibang tao ang kaharap ni Mariella, malamang nagsumbong na kay Vlad o di kaya naman ay nakipagsakitan na sa kaniya." umiiling na wika ni Vivian.
"Hayaan mo na si Ely, Vivian. Alam naman niya kung ano ang ginagawa niya. Ang mahalaga naman ay hindi sila nagkakasakitan. Isa pa, mabuting bampira din naman si Duke Morvan, kaya kabastusan naman kung masasaktan dito ang anak niyang si Mariella." Wika ni Loreen at tumango-tango naman si Elysia.
Isa rin iyon sa dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hinahayaan niya si Mariella na makipagbangayan sa kaniya. Mabait na nilalang si Morvan at isa ito sa mga nanatili at tumulong kay Vladimir noong papasimula pa lamang ito sa pagtatag ng kaharian ng Nordovia matapos nilang mag-alsa sa pamumuno ni Vincent.
"Kahit na, ako ang naiirita. Nakakarindi kaya ng boses niya." reklamo ni Vivian at nagkatawanan naman si Elysia at Loreen. Kitang-kita kasi ang matinding pagka-inis sa mukha ng bata habang nakahalukipkip ang mga braso nito.
Matapos maghapunan ng gabing iyon ay maaga nang nagpahinga si Elysia. Naging mahimbing ang tulog niya hanggang sa bigla na lamang siyang maalimpungatan sa hatinggabi.
Pabalikwas siyang napabangon at nagpalinga-linga sa paligid. Mahimbing na natutulog si Vladimir sa kaniyang tabi at wala naman siyang nakikitang kakaiba sa paligid. Dinama niya ang kaniyang dibdib at naguguluhan siya dahil tumatahip iyon na animo'y kinakabahan siya dahil may nangyayaring hindi niya mawari kung ano.
"Ano ba 'yon? Bakit kaya bigla na lamang akong nagising?" Tanong niya sa sarili at humugot ng malalim na buntong-hininga. Muli na siyang humiga at tila naramdaman naman ni Vlad ang kaniyang paggalaw dahil mabilis na pumulupot ang braso nito sa kaniyang beywang. Nang maramdaman niya ang mainit nitong yakap at tila kumalma naman ang puso niya at muli na siyang nakatulog.
Kinabukasan, habang nasa hardin sila ng mga bata ay muli na naman niyang nakasalubong si Mariella. Inaasahan niyang bubungangaan siya nito ngunit nakakapagtakang nilagpasan lang siya nito matapos siyang bigyan ng matalim na titig.
"Himala, mukhang sinapian yata ng anghel ang bruha." Puna ni Vivian.
"Nakakapagtaka naman. Anong nangyari doon?" Tanong ni Elysia habang kunot-noong sinundan ng tingin ang dalaga. Pinagkibit-balikat na lamang niya ito at hindi na pinansin pa.
Nang sumunod na araw ay naging ganoon pa rin ang pakikitungo sa kaniya ni Mariella. Tahimik ito at matatalim na tingin lamang ang pinupukol nito sa kaniya na labis na nagpabahala naman kay Elysia.
"Parang may mali." Pabulong na wika ni Elysia.
"Ano ang mali? Prinsesa, bakit parang nasasanay ka na sa ingay ni Mariella. Hindi ka ba talaga nagagalit sa kaniya?" Tanong ni Lira at mabilis namang napailing si Elysia.
"Sabi ko naman sa'yo, hindi naman nananakit si Mariella, hanggang bunganga lang siya at nararamdaman kung hindi siya masama talaga. Natural na reaksiyon lamang iyon dahil, may gusto siya kay Vlad at bilang isang babae, naiintindihan ko siya." Paliwanag ni Elysia at nasapo naman ni Lira ang kaniyang ulo.
"Sabagay, mabuti ang puso mo kaya ramdam mo kung mabuti o masama rin ang kaharap mo. Pero ngayon nabanggit mo iyan, mukhang may kakaiba nga sa kinikilos ni Mariella ngayon. Parang ibang tao na siya?" Wika ni Lira at napatango nang wala sa oras si Elysia. Ganoon din kasi ang nararamdaman niya.
Sa ilang buwang pagbabangayan nila araw-araw ay hindi niya ito nakitang lagpasan lang siya. Palagi itong may nakahandang pang-asar sa kaniya. Pero ngayon araw, dumaan lang ito at hindi man lang nangbato ng mga salita. Malaking palaisipan talaga sa kaniya ang malaking pagbabago nito. Imposible namang biglaan na lang itong naging tahimik at walang pakialam.
Dahil dito, napagpasiyahan ni Elysia na palihim na pasundan ito kay Lira upang magkaroon sila ng mas matibay na batayan na may mali talaga kay Mariella. Hindi sila maaaring magpabara-bara ng desisyon dahil malaki ang magiging pinsala nito sa pangalan ni Vladimir kapag nagkataon.
"Anong nalaman mo?" Tahimik na tanong ni Elysia. Kasalukuyan silang nasa silid aklatan sa loob ng bulwagan ng trono ni Vladimir. Tahimik kasi roon at walang sino man ang nakakapasok bukod kay Vladimir at sa mga pinagkakatiwalaan nito.
"Mukhang may mali nga kay Mariella. Nakita kong sinasaktan niya ang kaniyang alalay kanina dahil sa isang maliit na pagkakamali. Kung hindi ako nagkakamali ang alalay na iyon ay malayo nilang kamag-anak. At hindi lang iyon basta alalay ni Mariella kaya imposible talaga na sasaktan iyon ng babae." Salaysay ni Lira.
"Ibig sabihin hindi si Mariella ang narito ngayon sa palasyo? Nasaan si Mariella kung gano'n? Imposible, paano na naman tayo nalusutan?" Kunot-noong tanong ni Elysia. Maging si Lira ay natahimik rin. Isa lang ang sigurado, matindi ang kalabang gumagalaw ngayon dahil ilang beses na silang nalusutan.
"Ano'ng gagawin mo prinsesa, sasabihin mo ba ito sa hari?" Tanong ni Lira.
"Mamaya, pagkatapos ng pagpupulong niya sa kaniyang mga alagad. Tamang-tama at nandito sina Alastair, Florin at kaniyajg Maestro." Tugon ni Elysia at nagpatihulog na siya sa malalim na pag-iisip.
Pilit niyang inaanalisa ang mga posibilidad ng kinaroroonan ng totoong Mariella. Ilang araw pa lamang niyang napapansin ang pagbabago sa dalaga. At posibleng naroroon lamang ito sa palasyo. Napakalawak ng palasyo at napakaraming silid na maaaring pagtaguan dito na hindi basta-bastang makikita. Katulad na lamang noong nangyari sa kaniya.
Dahil sa isiping iyon ay bigla siyang natigilan.
"Posible kaya?" Bulalas ni Elysia at napatingin naman sa kaniya si Lira.
"Posible ang alin, prinsesa? May naiisip ka na ba?" Tanong ni Lira.
"Minsan na rin akong nakuha noong wala ka pa. Dito lang din ako sa palasyo tinago ng kumuha sa akin. Posible na naririto pa si Mariella. At kailangan natin siyang hanapin ng tahimik. Hindi pwedeng malaman ng impostor na may alam na tayo." Saad ni Elysia bago ipinilig ang ulo.
Matiyagang hinintay ni Elysia at Lira ang oras ng pagtatapos ng pagpupulong ni Vladimir. Nang makita niyang paisa-isa nang umaalis ang mga kasama sa pulong ay sinenyasan naman ni Elysia sina Florin, Alastair at Arowen na manatili.
Nakakaunawang napatitig naman si Vladimir sa paglapit ng dalaga sa kaniya at muli na silang pumasok sa silid aklatan lahat.
"May problema ba prinsesa?" Tanong ni Florin. Nang makaupo na si Vladimir ay paisa-isang naupo na rin ang kaniyang mga kasama.
"Malaki at kailangan ko ang tulong niyo." Tugon niya at muling inilinga ang piningin sa paligid.
"May nakapasok na namang kalaban sa palasyo at ngayon ay nasa katauhan siya ni Mariella." Wika ni Elysia ay napakunot naman ng noo si Vladimir.
"Paano ka nakasisiguro, kausap ko siya kanina at ganoon pa rin naman ang amoy niya." Tanong ni Vladimir na tila naguguluhan.
"Hindi ko rin alam. Pero malakas ang kutob kong hindi na si Mariella ang nakakaharap natin. Napakalaki ng pinagbago sa ugali niya. Dati-rati, kapag nagkakasalubong kami ay palaging kaming nagbabangayan pero nitong nakaraan, tahimik lang siya at walamg imik. Vlad, kilala mo si Mariella, hindi siya magpapatalo kahit sa maliliit na diskusyon. Imposible naman yatang nahimasmasan siya ng tuluyan at mas pinili na lamang na tanggapin na talo siya." Sagot ni Elysia at patuloy niyang sinabi sa mga ito ang mga napapansin niyang kakaiba sa dalaga.
Noon lang din tila napaisip ng malalim si Vladimir.
"Naalala mo ba 'yong nangyari sa akin, hindi ba't may kumuha rin sa akin noon at itinago ako sa isang lugar dito sa palasyo? Posible na gano'n din ang nangyari kay Mariella." Salaysay ni Elysia at doon na nakuha ang atensyon ni Vladimir.
"Kung totoo man 'yan, ito na ang pangalawamg beses na nasalisihan tayo. Napakaimposible naman yata nito." Napapaisip na wika ni Vladimir. Maging sina Florin, Arowen at Alastair ay nagkatinginan na.
"Ibig sabihin may traydor sa loob ng palasyo. Pero sino?" Tanong ni Alastair.
"Saka na natin problemahin kung sino ang traydor. Ang naisi ko ay hanapin muna natin si Mariella. Gagalaw tayo ng tahimik at hindi ito maaarinv malaman ng impostor. Batid kong hindi pa niya nagagalaw si Mariella dahil paniguradong ako ang punterya niya. Kaya ko sinasabi ito ay para alam niyo ang mga gagawin ko." Saad ni Elysia habang ang mga mata niya ay masuring nagpapalipat-lipat sa tatlong binata.