Chapter 40 - Chapter 40

Marahas na inagaw ni Kael ang isang libro sa kamay ng lalaki at iniabot ito sa babae. Natatayang nasa labing-pitong taon na ito o mahigit habang ang lalaki naman ay nasa dalawampu o mahigit.

"Kalalaki mong tao, pumapatol ka sa babae. Ano ka bata?" Gigil na tanong ni Kael at napahagikgik na lamang si Elysia. Marahas siyang nilingon nito at naitakip niya ang kamay sa bibig at mabilis na nag-iwas ng tingin.

Marahas na binitiwan ni Kael ang lalaki at nagkukumahog itong tumakbo palayo habang sumisigaw ng pagbabanta sa dalaga.

"Ayos ka lang ba?"

"Opo, salamat. Wala lang talagang magawa ang lalaking 'yon, pero mabait naman po siya. Minsan may pagkapilyo lang talaga." Pinunasan ng babae ang aklat bago ito isinilid sa kaniyang mailit na bag.

"Isa ka rin bang sorceress? 'Yong libro mo, pamilyar kasi ang wangis nito." Wika ni Elysia at kumislap ang mata ng dalaga.

"Hindi pa po, pero pinag-aaralan ko. Ang libro ay galing pa sa mga ninuno ko." Nakangiting tugon ng babae, tipid na ngumiti si Elysia habang pinagmamasdan ang mga mata ng dalaga.

Magalang na nagpaalam na sa kanila nag babaeng nagngangalang Esme at pinagpatuloy namn nila ang kanilang paglilibot. Tahimik ang lugar na iyon at halatang payapa na silang naninirahan sa bayan ng Targus.

Simple lang ang pamumuhay nila roon, tulad ng ibang bayan, may mga nakakaluwag at mayro'n din namang salat, subalit nakikita naman niyang maayos silang nakikitungo sa isa't-isa.

Sa kanilang paglalakad ay muli nilang nasalubong ang binata. Nakaupo ito sa lilim ng isang malaking puno habang tahimik na pinagmamasdan ang mga taong dumaraan.

Marahang nilapitan ito ni Elysia at kunot-noong tumitig naman ito sa kanila.

"Ruka ang pangalan mo 'di ba?" Mahinahong tanong ni Elysia.

"Ano naman ngayon kung ganoon nga?" Umismid ito at iniwas ang tingin sa kanila.

"Hoy bata, ayusin mo ang sagot mo?" Saway ni Kael nang maulinigan ang kabastusan ng bunganga nito.

"Bakit, sino ba kayo?" Paasik pa nitong tanong. Akmang sasagot na si Kael pero mabilis siyang pinigilan ni Elysia.

"Elysia ang pangalan ko, ito naman si Kael, kapatid ko. Bakit mo ba ginawa ang bagay na 'yon. Ramdam kong may mabigat kang dahilan kung bakit nais mong makuha ang libro." Wika ni Elysia.

"Pakialam niyo ba? Dayo lang kayo riyo, ano bang kailangan niyo at nangingialam kayo?" Galit nitong tanong pabalik sa kanila. Tila masama pa rin amg timpla ng mukha nito dahil panay pa rin ang kunot ng noo ng lalaki na tila ba nakikipagtalo sa sarili nito.

Hindi naman magawang maialis ni Elysia ang tingin dito at nahimasmasan na lamang siya nang pilit na siyang hinatak ni Kael papalayo rito.

"Magsasayang ka lang ng oras sa kaniya. Wala naman siyang balak sagutin ang mga tanong mo." Wika ni Kael habang hatak-hatak palayo si Elysia. Wala nang nagawa pa ang dalaga kun'di ang magpatianod rito, hanggang sa pag-uwi ay nakasimangot si Elysia na animo'y hindi natutuwa sa kaniyang pamamasyal.

Walang oras na hindi sila nagbabangayan ni Kael at ibig na niyang magsisi na ito ang sinaman niya sa kaniyang pamamasyal. Lahat na lang ng gawin niya ay hinaharang nito. Dinaig pa ng lalaki si Loreen sa pagiging mahigpit.

"Bakit, tila yata hindi maipinta ang iyong mukha?" Bungad na tanong ni Vladimir. Kasalukuyan siyang nasa silid habang nakatanaw sa malayo. Bahagya pang nakakunot ang noo ni Elysia.

"Wala 'to. Naasar lang ako nang kaunti kay Kael. Dinaig pa sa higpit si Loreen eh." Tugon niya.

"Talaga ba? Mukhang maasahan nga siya bilang tagabantay mo. Ano ba ang nangyari?"

"Wala naman gaano. Pero may isang lalaki at babae kaming nakilala kanina, tao rin sila kagaya ko, hindi ko alam pero parang may kakaiba sa kanilang dalawa." Kunot-noong saad ni Elysia.

"Kakaiba, bakit naman?"

"Hindi ko rin alam, may kakaiba akong nararamdaman doon sa libro na pilit inaagaw ng lalaki sa babae. Malakas talaga ang kutob ko na hindi 'yon basta-basta, hindi ko maipaliwanag pero kailangan kong makasiguro, Vlad." Sagot ni Elysia.

"Pakinggan mo ang kutob mo, minsan ang mga kutob natin ay tama. Pero hindi makabubuti kung lalamunin ka ng pag-aalala. Hayaan mong kumalma ang isipan mo upang mas makapag-isip ka pa ng mas maayos." Masuyong hinaplos ng binata ang buhok ni Elysia habang nakangiti.

Napatitig naman si Elysia sa gintong mga mata ni Vladimir. Animo'y nanghahalina ito at ang kaninang gulo ng isipan niya ay biglang napayapa.

"Ayos ka na ba?" Malamyos ang mga boses nito na tila ba pinaghehele siya.

"M-maayos na." Wala sa sariling tugon ni Elysia. Naging kalmado na siya at muli nang napangiti. Matapos ang kanilang hapunan ay nagpahinga na sila. Katulad ng nakasanayan ay sumabay na rin si Vladimir sa kaniya.

Kinabukasan, paglabas pa lamang niya ng silid nila ay naghihintay na si Kael. Prente itong nakatayo sa harap ng pintuan habang nakasandal ang likod sa pader ng pasilyo.

"Ang aga mo yata." Tumaas ang kilay ni Elysia nang makita ito.

"Kung hindi ko aagahan, may isang pasaway na prinsesa ang tatakas sa kaniyang bantay." Tugon ni Kael at napipilan ang dalaga.

Tama nga naman ito, dahil kagabi pa lamang ay naisipan na niyang takasan si Kael. Ang hindi niya inaasahan ay mas nauna pa ito sa kaniyang magising.

"Hindi mo naman kailangang timakas, kung gusto mo talagang malaman ang tunay na nangyayari sa Targus, sasamahan naman kita dahil responsibilidad kita," dugtong ng binata na lalong nagpataas sa kilay ng dalaga.

"Talaga lang ha, kapag ako talaga pinigilan mo mamaya, magpapalit ako ng tagabantay." Paismid na wika ni Elysia at tuloy-tuloy nang naglakad palabas.

Pagdating pa lamang sa Targus ay agad nang iginala ni Elysia ang mga mata sa paligid.

Sa dinami-rami ng mga tao roon ay hindi niya makita ni anino ng kaniynag hinahanap. Tahimik silang naglalakad-lakad, habang nagmamasid sa paligid.

Wala silang imikan ni Kael, na pinagpasalamat namn ng dalaga dahil hindi magugulo ang kaniyang iniisip.

Sa kanilang paglalakad ay nakaramdam naman ng pagod si Elysia. Huminto sila sa isang magarang kainan sa bayan at nakilala nila ang matandang may-ari nito.

"Sina Ruka at Esme ba ang hinahanap niyo? Bakit niyo naman sila hinahanap. Sa wari ko ay hindi kayo tagarito, saang bayan ba kayo nagmula?" Usisa ng matanda habang inilalagay sa mesa ang binili nilang pagkain.

"Opo, sila nga po. Tama po kayo, hindi kami tagarito. Galing pa po kami sa sentro at hinahanap po namin sila dahil may itatanong lang po sana kami." Paliwanag naman ni Elysia at tumango-tango ito.

"Minsan lang kung gumawi rito ang dalawa, pero doon sila nakatira sa malaking bahay sa dulo nitong bayan. Nag-iisa lang ang malaking bahay roon na katabi ng isnag malaking puno." Saad ng matanda at nagkatinginan naman si Kael at Elysia.

"Magkasama po sila?" Naguguluhang tanong ni Elysia.

"Aba! Oo, iisang bahay lamang ang tinutuluyan nila. Alam niyo kasi ang dalawang 'yon ay matagal ng ulila sa magulang, halos lahat silang naninirahan sa bahay na iyon." Turan ng matanda.

Natahimik naman si Elysia. Matapos maibigay ng matanda ang kanilang pagkain ay dagli rin itong umalis sa mesa nila at inasikaso ang iba pa niyang parokyano. Simple lang ang kainan na iyon ngunit magara. Kakaiba rin ang desinyo ng kugar dahil mapapalingon ka talaga. Nakakaagaw nga naman ng pansin ang mga nakasabit na mga ulo ng hayop na ginawnag palamuti, animo'y may mga buhay pa ang mga ito.

Ayon naman sa kuwento ng matanda, mga totoong hayop iyon na hinuli ng anak niyang isang mangangaso noong nabubuhay pa ito.

Matapos kumain at makapagpahinga, ay tinunton naman nila ang bahy na sinasabi ng matanda. Pagdating sa dulo ay agad na tumambas sa kanila ang isang mala-mansiyong bahay na bato. Kapansin-pansin rin ang matayog na malaking puno sa gilid nito na nagsisilbing lilim naman sa unahan.

Malamig ang simoy ng hangin roon at sumasama sa hangin ang mabangong amoy ng mga rosas na nakahilera sa hardin.

Isang tarangkahang gawa sa metal rin ang nagsisilbing bakod nito at may kalumaan na rin iyon. Mula sa kinaroroonan nila ay kitang-kita naman nila ang tatlong batang babae na naglalaro sa damuhan.

"Ito na yata ang bahay. Wala na akong nakikitang ibang bahay dito." Puna ni Kael.

"Oo, pero mukhang wala riyan sina Ruka at Esme." Ani Elysia habang tinatanaw ang looban ng bahay. Bukod sa tatlong batang babae ay wala na siyang nakikita pang iba.

Ilang minuto pa silang nanatili roon bago nila makitang papalapit si Ruka sa bahay. Agad namang hinarang ni Kael si Ruka na ikinagulat namang nito.

"Ano na naman ba ang kailangan niyo? Hanggang dito, sinusundan niyo 'ko?" Inis na wika ni Ruka habang masama ang tinging ipinupikol sa kanila.

"Gusto ka lang naming makausap. Wala naman kaming masamang pakay sayo." Paliwanag ni Elysia, ngunit nanatiling bingi ito sa kanilang mga sinasabi.

"Makausap? At ano naman ang kailangang pag-usapan natin?" Tanong nito.

"Tungkol doon sa librong kinuha mo kay Esme. Anong libro 'yon?" Tanong naman ni Elysia at tila natigilan si Ruka. Naestatwa ito sa kinatatayuan at nagjng malikot ang mga mata nito.

"May alam ka 'di ba? Hindi ordinaryo ang librong iyon at alam kung hindi isang sorceress si Esme. Wala siyang kaalaman sa mahika, pero paano napunta sa kaniya ang librong iyon?