"Makinig ka Esme, ang pagbuhay sa mga matagal ng namayapa ay bawal sa batas ng ating mundo. Namamahinga na sila at hindi na kailanman pa dapat ginagambala. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa'yo para gawin ito, pero sana maintindihan mo na ang gagawin naming pagsira sa ritwal ay para sa kabutihan ng nakakarami." Wika ni Elysia kay Esme. Nanlaki naman ang mga mata ng huli at umiling-iling na tila hindi ito sang-ayon sa nais nilang gawin.
"Hindi! Hindi niyo maaaring pigilan ang ritwal." Sigaw ni Esme at nagpumiglas ito sa pagkakahawak ni Elysia. Dahil sa pagkabigla ay halos matumba si Elysia nang walang pakundangan siyang itinulak ng babae. Mabuti na lamang at mabilis siyang nasalo ni Vladimir.
Maagap naman pinigilan ni Ruka ang kapatid at sinapal ito dahilan para matigilan ang babae.
"Makinig ka muna Esme. Pinapairal mo na naman ang katigasan mg ulo mo."
"Esme, makinig ka. Kapag nagpatuloy ang ritwal, buhay ng mga kasama mo amg kapalit. Ilang buhay ba ang gusto mong ibalik? Katumbas ng isang kaluluwa at sampong buhay na kukunin niya. Lahat ng nabubuhay dito sa bahay na ito ay mamamat*y kung hindi namin ito pipigilan." Pabulyaw na paliwanag ni Elysia at doon na natulala si Esme.
"Totoo ba 'yan Elysia?" gulat na tanong ni Ruka. Galit itong napatingin sa kapatid at kulang na lang ay tumumba ito sa sama ng tingin ni Ruka.
"Nakita mo na, Esme. Ano na ngayon? Ito ba ang gusto mo, ang idamay ang lahat ng nasa paligid mo para lang mapagbigyan ang nais mo?" Galit na sabi ni Ruka at padabog itong umalis sa kanilang harapan.
"Hindi ko alam. Maniwala kayo sa akin, hindi ko alam na iyon ang hihingin na kapalit. Kung alam ko, hindi ko ito itutuloy, pero ano'ng gagawin ko ang sabi niya, magpapatuloy ang ritwal dahil tapos na ito at alay na lang ang kulang." Humahagulgol na wika ni Esme. Niyakap naman ito ni Elysi para pakalmahin.
Nang bumalik na si Ruka sa kinaroroonan nila ay kasama na niya ang limang bata na halos nasa edad lima hanggang walo, tatlo dito ay babae at dalawang lalaki.
"Sasapat ba ang buhay namin? Ano ang mangyayari kung hindi sapat ang alay dito?" Seryosong tanong ni Ruka.
"Mangunguha ang dem*nyo sa mga bahay na malapit dito." Simpleng tugon ni Vladimir na lalong nagpadilim ng ekspresyon sa mukha ni Ruka.
"Ibig sabihin mas marami ang madadamay?" Umiiling na wika ni Ruka. "Kasalanan ko 'to, ako ang mas nakakaintindi. Dapat pinigilan ko si Esme noon. Hindi ko na dapat siya hinayaan." Sinabunutan ni Ruka ang kaniyang sarili sa sobrang pagkainis. Tila nawawalan na ito ng iba pang solusyon.
"Kaya nga kami narito, hindi ba. Ruka, tutulungan ka naming itama ang lahat. Kaya patawarin mo na si Esme. Biktima lang din ang kapatid mo. Wala siyang kasalanan dahil pareho lang kayong walang alam. Sadyang may mga tao lang talagang mapagsamantala sa kahinaan ng iba." Paliwanag ni Elysia, mariing napapikit naman si Ruka at tumango.
"Alam ko naman 'yon. Nakakainis lang kasi, wala man lang akong nagawa. Humantong pa talaga sa ganito." Saad ni Ruka.
"Bata ka lang ding katulad ni Esme. Hindi mo na dapat sinisisi ang sarili mo. Hayaan mong ayusin namin ito. Narito si Vlad para tulungan tayo kaya huwag ka ng mag-alala." Pagpapalakas ng loob ni Elysia. Tumango naman si Ruka at tuluyan na itong huminahon. Sa pagkakataong iyon ay wala silang ginawa kundi ang maghintay.
Magkakasama sila sa iisang silid. Habang si Vladimir naman ay tahimik lang na naghihintay sa gitna ng silid na iyon. Si Loreen ay nakaupo kasama sina Elysia at nagsasambit ito ng mga dasal na siyang magbibigay proteksyon sa kanila laban sa mga puwersa ng kadiliman na magtatangkang kunin sila.
Matapos maisakatuparan iyon ni Loreen ay nilapitan naman ni Vladimir si Elysia. May isinuot itong singsing sa kaniya na ikinagulat naman ng dalaga.
"Para saan ito?" Tanong ni Elysia. Sinuri niya ang singsing at wala namang kakaiba rito.
"Palatandaan na pag-aari ka ng isang hari. Huwag mong tatanggalin 'yan. At kahit anong mangyari, huwag kang magpapadala sa mga udyok ng dem*nyo."
"Sige, maraming salamat. Mag-iingat ka Vlad." May pag-aalalang wika ni Elysia. Ngumiti si Vladimir at masuyong hinaplos ang mukha ng dalaga.
"Buwan na lang ang bibilangin upang tuluyan kang maging akin. Hindi ako basta-basta magpapatalo rito. Huwag kang mag-alala, iingatan ko ang buhay ko, nang sa gayon ay pormal na kitang maging reyna." Pabulong na wika nito bago dinampian ng halik sa labi ang dalaga.
Namula naman ng husto ang mukha ni Elysia. Hindi siya makapaniwala na kahit sa mga pagkakataong iyon ay makukuha pang lumandi ni Vladimir sa kaniya. Wala talagang pinipiling oras at lugar ang kapilyuhan nito.
Kahit anong tagala yata ng pagsasama nila ay hindi na siya masasanay rito.
Dumaan pa ang ilang oras at halos nakatulog na rin ang mga batang kasama nila. Maging si Elysia ay napapaidlip na rin nang mapabalikwas siya dahil sa malakas na pagyanig ng lupa.
Naging alerto siya at nakita niyang sa iisang lugar lamang nakatuon ang panungin ni Vladimir at Loreen. Animo'y alam nila kung saan magmumula ang kanilang kalaban.
Muling yumanig ang lupa at tila dumagundong ito na animo'y may gumugulong na naglalakihang mga bato. Dahil sa lakas ng tunog ay nagising na rin ang mga bata at nagsigawan ang mga ito sa sobrang takot.
Nanlalaki naman ang mga mata ni Elysia nang makita ang pagbiyak ng lupa sa silid na iyon, sa harapan mismo ni Vladimir. Habang ang binata ay nanatiling nakatayo roon, hindi alintana ang anomang nilalang na lalabas roon. Walang bahid ng takot o pangamba sa mukha nito at tila nakangisi pa ito.
Kitang-kita ni Elysia ang paglutang ng isang nakaitim na nilalang mula roon. Matinding kilabot ang namayani sa kaniyang pagkatao nang masilayan nang malinaw ang wangis nito. Purong itim ang suot nitong damit, maputlang na parang abo na hindi niya mawari ang kulay ng balat nito. May kung anong marka din ito sa noo, mga simbolo na hini niya maintindihan at dalawang pares ng sungay ang nakausli sa ulo nito. Ang isang pares ay nasa magkabilang gilid ng ulo nito. Malaki at kulay dugo habang ang isang pares naman ay maliit at nakausli sa noo nito.
Ito ang unang pagkakataong nakasilay si Elysia ng ganitong nilalang at halos himatayin siya sa labis na sindak at takot rito. Ramdam niya ang panghihina ng tuhod niya ngunit pilit niya itong nilabanan.
"Elysia, halika rito." Tawag ni Loreen. Nanghihina man ay pinilit niyang makalapit sa mga ito. Niyakap niya ang mga bata at doon siya humugot ng lakas upang mapanatiling nasa matino ang kaniyang pag-iisip.
Kahit sino naman siguro, kung makakakita ng aktuwal na dem*nyo ay papanawan ng ulirat o di kaya naman ay mawawala sa sarili.
"Huwag kang matakot, hindi ka pababayaan ng hari." Wika ni Loreen. Tumango si Elysia at muling itinuon ang pansin sa mga ito. Takot, kaba, pag-aalala. Halo-halo ang mga emosyong nararamdaman niya na kahit laway niya ay nahihirapan siyang lunukin.
"Magandang gabi, kaibigan. Mukhang naligaw ka yata sa mundo ng mga mortal," bati ni Vladimir.
Umismid naman ang dem*nyo at nang mapatingin sa kanila ay napangisi ito.
"Naligaw? Hindi kao naligaw. Narito ako para kunin ang alay na dapat ay sa akin." Sagot nito sa mababa at nakakagimbal nitong tinig. Nanunuot hanggang buto ang tinig nito na walang ibinigay kun'di takot sa kanila.
"Wala ang alay rito. Nasa labas." Sagot ni Vladimir.
"Vladimir, kailan ka pa naging isang mabuting lalang at nagagawa mo nang makialam sa kasunduan ng mga tao at naming mga dem*nyo?" Nagagalit nang tanong nito sa binata.
"Wala akong pakialam. Kung hindi sa teritoryo ko, mababang uri ka lamang, may batas kayong sinusunod at may lagda iyon ng hari niyo. Ang lakas naman ng loob mo na pasukin ang aking teritoryo."
"Hindi ko ito mapapasok kung hindi ako pinapasok." Bulyaw nito sabay turo kay Esme na noo'y nanginginig na sa takot. "Tinawag ako ng batang 'yan. Sino ba naman ako para hindi dinggin ang pagtawag niya?" Nakangising dugtong nito sabay halakhak ng malakas.
"Nilinlang mo ang tao, hindi niya alam ang ritwal. Wala siyang alam, ginamit lamang siya. Kung ayaw mong magkagulo, putulin mo ang ritwa at hayaan mo na ang mga batang ito." Utos ni Vladimir sa mataas na boses.
Humalakhak naman ang dem*nyo at nanlilisi ang mga matang tumingin kay Vladimir. Inilalapit pa nito ang malaki nitong ulo sa binata habang nagwiwika ng,
"Nilinlang o hindi, tinawag pa rin niya ako, ngayon kung walang alay na buhay ang maihaharap sa akin, pasensiyahan tayo dahil ako ang masusunod." Saad nito na tila batang nasasabik, ang boses nito ay tila nagbabago-bago. Nakakarindi na rin ito sa kanilang mga tainga.
"Talaga? Ang lakas naman mg loob mo. Isa ka lamang utusan, ngunit dinaig mo pa ang tapang ng iyong hari. Kung 'yan ang nais mo, wala akong pagpipilian kun'di ang patawan ka ng kamatayan." Sambit ni Vladimir at mabilis na inatake ang nilalang.
Naglaban ang mga ito sa ere at halos nasasabayan lang nila amg isa't-isa. Puno nang pag-aalala si Elysia habang pinapanood ang mga ito na maglaban.
"Wala ba tayong magagawa para tulungan si Vlad, Loreen? Paano kung mapahamak siya?"
"Hindi mangyayari iyon. Malakas ang hari, hindi siya mapapahamak."
Saktong pagkasagot ni Loreen at malakas na bumagsak sa kanilang harapan si Vladimir. Napatili naman si Elysia nang makitang sunud-sunod na inatake ng nilalang ang pinagbagsakan ni Vladimir. Dahil sa malalakas nitong pag-atake ay hindi nila maaninag kung ano na ba ang nagyayari dahil sa makapal na usok na bumabalot sa kinaroroonan ng mga ito.