Sa kaniyang pagpasok sa palasyo ay muli niyang nakasalubong si Mariella. Matalim na tingin ang pinukol nito sa kaniya na ginantihan naman niya ng ngiti bago nilagpasan ang dalaga.
Nang makalagpas na siya ay narinig pa niya itong magsalita sa kaniya,
"Kahit kailan, hindi magiging sa'yo si Vladimir. Kung si Theresa nga na protektado noon, walang nagawa. Ikaw pa kaya?" pakutyang wika nito. Dahan-dahan niya itong nilingon at ngumiti.
"Hindi ko alam kung ano ang tinutumbok mo Mariella. Kung hindi magiging akin si Vlad, hindi rin naman siya magiging sa'yo. Bampira ka ring tulad niya, pero bakit noong namat*y si Theresa, hindi rin siya naging sa'yo?" Balik na tanong ni Elysia na lalong nagpagalit sa dalaga.
"Binabalaan kita Mariella. Hindi ako katulad ni Theresa na tatahimik lang kapag inaapi mo."
"Bakit, magsusumbong ka kay Vlad? Ganyan lang naman ang kaya niyong mga tao ang kumapit sa higit na mas malakas sa inyo." nangungutyang wika ni Mariella habang tumatawa.
"Bakit ako magsusumbong kung kaya naman kitang ibalibag diyan sa kinatatayuan mo ngayon." Nakapameywang na tugon ni Elysia at inangatan pa ito ng kilay. Tiim-bagang ang galit na namutawi sa magandang mukha ni Mariella. Nakita pa niyang namula ang mga mata nito.
"Hindi uubra sa akin ang pagiging bampira mo Mariella, narito ka sa palasyo at napakaraming mata ang nakamasid sa atin rito. Sa tingin mo, tatagal ka kaya kapag sinaktan mo ako?" Nakangiting tanong ni Elysia at tila natigilan naman si Mariella. Marahil ay napagtanto nito na ang posibilidad na mapalayas siya sa palasyo ay malaki kapag ginalaw niya si Elysia.
Nagngingitngit sa galit si Mariella na umalis sa harapan ni Elysia. Napangiti naman si Elysia at nagkibit-balikat bago nilisan ang lugar at tumungo na sa kaniyang kwarto.
Nang sumapit na ang gabi ay maagang nagpahinga si Elysia. Hindi na rin niya nahintay si Vlad nang gabing iyon dahil sa pagod.
Kinabukasan, sa pagmulat ng kaniyang mga mata ay nabungaran niya ang nahihimbing na mukha ni Vladimir. Napakaamo ng mukha nito tuwing natutulog at walang bahid ng pagiging malupit sa wangis nito. Tila ba normal lang din itong tao katulad nila. Kung hindi lamang niya nakikitang umiinm ito ng dugo ng mga hayop ay aakalain niyang mortal lang din ito.
Wala sa sariling hinaplos ni Elysia ang makinis na mukha ng binata. Marahan iyon simula sa noo, pababa sa ilong nito. Akmang dadampi na ang kaniyang daliri sa mga labi mg binata ay nagmulat naman ito ng mga mata.
Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa binata habang unti-unti namang napapangiti ang huli sa kaniya.
"Ano'ng ginagawa mo Elysia?" Tanong nito at agad na pinamulahan ng pisngi ang dalaga.
"Ha? Ah eh... Wala naman masyado. Tanghali na yata, wala ka bang gagawin?" Pag-iiba niya sa usapan. Lalo namang lumapad ang ngisi ng binata at tila nais na lamang niyang magpalamon sa lupa.
"Talaga ba? Bakit parang nais mo akong sunggaban kanina? Nagiging kaakit-akit na ba ako sa paningin mo?" Tanong nito at lalo namang namula ang pisngi ng dalaga.
"Hindi ah, baka nananaginip ka lang. Bumangon ka na diyan baka naghihintay na ang mga bata sa atin." Wika niya at dali-daling bumaba sa higaan. Tumatawang sumunod naman sa kaniya si Vladimir.
Matapos nilang maghanda ay sabay na silang tumungo sa hapag-kainan. Pagdating nila ay nakahanda na ang kanilang almusal at ang mga bata naman ay matiyagang naghihintay na rin sa kanila.
Pagkatapos ng isang sinpleng agahan. Napagdesisyunan ni Elysia na dalhin sa bayan ni Kael ang mga bata upang doon makipaglaro. Isa rin sa dahilan ni Elysia ay upang magkaroon siya ng pagkakataon na makausap sina Raion at Raya.
"Sigurado ka na ba sa nakalap mong impormasyon Raya?" Tanong ni Kael sa kapatid.
"Oo, hindi ako maaaring magkamali. Malinaw kong narinig iyon sa mga naroroon sa bayan na 'yon. Pakiwari ko ay balak talaga nilang pasukin ang palasyo upang sa oras ng koronasyon ay mas magawa nila ang kanilang misyon." Sagot ni Raya.
"Malayo pa ang koronasyon at maraming oras pa tayo para mapaghandaan ang mga posibilidad. Sa ngayon, maglagay kayo ng espiya sa lugar na iyon upang mabantayan ang kanilang ikinikilos. Mas maigi kung mapapasok natin ang mismong tirahan nila." Suhestiyon ni Elysia at napangiti naman si Raion.
"Sino ang mag-aakalang ang mukhang lampang prinsesa ay isa palang amazona?" Puna ni Raion at napataas ang kilay ni Elysia.
"Lampa? Nais mo bang subukan ang lampang prinsesa, Raion?" Tanong ni Elysia at nagkatawanan na sila.
Natapos ang araw na iyon nang walang naging problema. Hapon na nang bumalik sina Elysia kasama ang mga bata sa palasyo. Pagdating nila ay agad naman silang sinalubong nang nakapameywang na si Mariella.
"Aba, at saan naman kayo galing? Alam ba ni Vlad na lagi kang lumalabas?" Tanong nito at natigilan naman si Elysia. Maging ang mga bata ay naestatwa nang marinig ang boses ni Mariella. Nanlilisik pa ang mga mata nitong nakatingin sa kanila.
"Ano ba ang masama kung lumalabas ako?" Balik na tanong ni Elysia at doon napangisi si Mariella.
"Kung hindi ko pa alam, nakipagkita ka na naman sa lalaki mo. Amoy na amoy ko siya sa'yo. Sinasamantala mong abala si Vladimir para makalabas ka at makipaglandian sa ibang lalaki. Ang lakas naman yata ng loob mo." Saad ni Mariella at bahagyang natawa si Elysia.
"Mariella, gan'yan ba ang paraan mo para masira ako kay Vladimir? Sa tingin mo ba bob* si Vlad? Sa tingin mo, kung may ginagawa akong kahal*yan dito, hindi niya malalaman? Napakakitid naman yata ng utak mo kung gano'n ang iniisip mo." Patuyang wika ni Elysia at nakita niyang namula ang pisngi ng babae dahil sa galit. Napapakuyom pa ito ng palad habang nagkikiskisan ang mga ngipin.
"Ikaw ang may sabi niyan, hindi ako. Si Vlad ang pinakamatalino at piankamagaling sa lahat ng bampirang nakilala ko." Kaila ni Mariella at natawa naman si Elysia.
"Pero bakit ang iniisip mo ay insulto para sa kaniya? Hindi mo na naman ba nadala ang utak mo? O, sadyang maliit lang ang utak mo na hindi na kayang maarok ang pag-iisip ng iba. Tigilan mo ako Mariella, hangga't maaari ay ayoko ng gulo, pero kung ganiyang naghahanap ka, labanan mo ako ng patas." Wika ni Elysia at nilabanana niya ng titigan ang babae. Walang ayaw magpatalo sa kanila hanggang sa isang kawal ang tumikhim at tila nahimasmasan naman si Elysia. Napatingin siya sa kawal at tinanguan ito.
Isa ito sa kawal na laging nasa tabi ni Vladimir sa bulwagan at marahil ay naghihintay na ito sa kanila. Dahil ang usapan nila ay sabay-sabay na silang naghahapunan bago magpahinga.
"Kung ako sa'yo, magpakabait ka. Huwag mong subukang tantiyahin ang pasensiya ko dahil baka malagot lang ito nang wala sa oras. Tara na mga bata, hinihintay na tayo ng Papa Vlad niyo." Aya ni Elysia at naglakad na palayo. Lumingon naman ang mga bata at sabay-sabay na pinandilaan si Mariella na lalo nitong kinainis.
Pagdating nila sa bulwagan ay agad na nakita ni Elysia si Vladimir na kausap ang isa nitong kawal. May kung ano itong binubulong sa binata na nagpapakunot naman sa noo nito.
Nang makalapit na sila ay agad din naman lumayo ang kawal at bumalik na ito sa kaniyang puwesto.
"Pinag-iinitan na naman kayo ni Mariella?" Maagap na tanong ni Vlad.
Ngumiti si Elysia at tinapik ang balikat ng binata.
"Hindi naman gaano. Inakusahan lang naman niya ako na nakipagkita daw sa lalaki ko. Mukhang wala yatang tiwala sa'yo ang mga kalahi mo Vlad." Inis na sumbong ni Elysia at natawa naman si Vladimir.
"At sino naman ang lalaki mo?" Natatawa pa ring tanong nito.
"Hindi ko alam, baka si Kael, o di kaya si Raion. Hindi ko alam kung sinong lalaki ang naaamoy niya sa akin, sila lang namang ang nakausap ko ng harapan ngayon. " Sagot naman ng dalaga at tumango-tango si Vladimir. Bahagya pang inilapit ng binata ang ilong niya sa katawan ng dalaga at inamoy-amoy iyon.
"Hindi namang ganoon katindi ang kapit ng amoy nila sa'yo. Sadyang madali mo lamang makuha ang amoy ng mga nasa paligid mo. Naaamoy ko rin sa'yo ang mga bata at si Loreen at kahit si Lira." Wika pa ng binata at nanlaki naman ang mga mata ni Elysia.
"Malamang kadikit ko sila kanina. Hindi ko talaga masakyan minsan ang takbo ng utak ni Mariella. Gagawa na lang ng kuwento, 'yong napakaimposible pa." Umiiling na wika ni Elysia.
"Tsaka, Papa Vlad, kasama naman namin si Mama Elysia at wala siyang ginagawang masama. " Wika ni Miguel at nagkatawanan sila.
"Alam ko naman iyon. Gutom na ba kayo? Nagpahanda na ako ng masarap na hapunan kay Loreen. Nakahulu si Luvan ng isang matabang usa, kaya masarap ang ating hapunan ngayon. " Sabi pa ni Vladimir at sabay-sabay na nagtalunan ang mga bata dahil sa tuwa.
Tinahak na nila ang pasilyo patungo sa kusina habang buhat-buhat ni Vladimir ang dalawang maliliit na bata, habang magkakahawak-kamay namang si Elysia at ang iba. Tahimik lang din na nakasunod si Ruka at Esme sa kanila.
Laging ganoon ang kanilang buhay sa araw-araw. Halos nakasanayan na rin nila ang ganoong senaryo sa bawat araw at iyon naman ang nagpupuno sa puso ni Elysia at Vladimir.