Chapter 45 - Chapter 45

Natapos ang gabing iyon na wala silang kahit isang galos, ngunit agad ring nagpahinga si Vladimir upang makabawi ng lakas. Sa isang silid sila ng mansyon tumuloy. Nag-aalalang pinagmamasdan ni Elysia ang kabuuan ng binata. Alam niyang wala itong sugat, subalit, hundi mawala sa kaniyang isipan ang hindi mag-alala. Ito ang unang beses na nakita niya itong nahirapan sa isang labanan at marahil ay may darating pang labanan ka kagaya noon. Hindi siya maaaring maging pabigat lang dito, kailangan niyang higit na maging mas malakas upang matulungan niya ang binata.

Nasa ganoong estado ang kaniyang pag-iisip nang tuluyan siyang makatulog sa tabi nito. Sa kanilang pagkakahimbing, isang presensya ang lumitaw sa kanilang harapan, tahimik silang pinagmamasdan. 

"Malapit na Elysia, kaunting oras na lang..." wika ng presensya at kung gaano ito kabilis na lumitaw ay ganoon din ito kabilis na naglaho. Napamulagat naman ng mata si Vladimir at gumuhit ang simangot sa kaniyang mga labi. Saglit pa siyang nagpalinga-linga sa silid nila ngunit wala siyang ibang nilalang na nakita. Napakunot-noo lang ang binata bago muling mahiga at ikulong sa bisig niya ang katawan ng dalaga.

Kinabukasan ay napapakamot naman ng ulo si Elysia habang tinititigan ang isang karwahe na naglululan ng mga hayop na iaalay dapat nila sa dem*nyo kagabi.

"Ano'ng gagawin natin sa mga ito Vlad, ibabalik pa ba natin ito sa palasyo?" Tanong ni Elysia. Matapos kasi ng kaguluhan kagabi ay hindi na nila ito naasikaso pa dahil mas minabuti na nila ang magpahinga dahil sa labis na pagod.

"Hindi na natin maaaring dalhin ang mga iyan, ano mang lumabas sa palasyo, pagkain man o mga hayop ay hindi na maibabalik." wika ni Loreen at napakamot naman si Elysia. 

Muli niyang tinitigan ang mga ito at nanghihinayang siya sa dami nito. Dalawampung baka, ano naman ang gagawin nila dito. Kung alam lang niya na hindi makikipagkasundo sa kanila ang dem*nyo, hindi na sana siya nagpakuha nito.

"Prinsesa, may kakilala akong maaarin nating pag-iwanan ng baka, isa siyang palaboy sa kalye at maaari natin siyang iwan dito sa mansyon. Mabait na tao naman siya, 'yon nga lang, mag-isa na siya sa buhay, dati ko pa siya inaalok na manirahan dito, pero ayaw daw niya kasi may mga babae kaming kasama at ayaw niyang maging punterya ng usapan ng mga tao sa labas." Suhestiyon ni Ruka.

"Sige, Ruka, maaari mo ba siyang tawagin?" Utos ni Elysia at masiglang tumugon si Ruka ng oo bago patakbong nilisan ang lugar. Pagbalik nito , kasama na nito ang isang lalaki. Matangkad at medyo payat rin ito. Luma ang suot nitong damit ngunit halata namang malinis. Maayos rin ang itsura nito, hindi tulad sa kaniyang inaasahan na madungis at marumi.

"Prinsesa, ito si Aurelius, siya ang sinasabi kong kaibigan ko." pakilala ni Ruka sa lalaki. Bahagyang yumukod naman si Aurelius at tarantang napatingin kay Vlad at lumuhod sa harap nito.

"Ruka, bakit hindi mo sinabi na narito ang hari?" Saway ng lalaki at natawa naman si Elysia.

"Kasi naman, Aurelius, kapag sinabi ko, siguradong hindi ka sasama. Kaya hindi ko na sinabi. May sasabihin lang sayo ang prinsesa at ipapagawa. Ayaw mo no'n, 'di ba sabi mo matagal ka ng naghahanap ng trabaho?" wika ni Ruka at napatingala naman ang lalaki at tumingin kay Elysia.

"Aurelius, tama? Madali lang naman ang gagawin, babantayan mo lang naman ang mga baka dito sa mansiyon. Ang malawak na damuhan sa likod nito ang magiging pastulan ng baka. Ikaw na rin ang magiging katiwala at tagapag-alaga nitong mansiyon. Maari kang magpatira ng mga bata rito, muling buhayin mo ang bahay na ito bilang bahay ampunan ng mga batang walang matirhan." Wika ni Elysia at nanlaki ang mga mata ni Aurelius bago kumunot ang noo nito.

"Teka, mawalang-galang na prinsesa, bakit ako, andito naman sina Ruka." Nagtatakang tanong ni Aurelius.

Napangiti naman si Elysia at tinapik ang balikat ni Ruka.

"Hindi na sila dito titira. Dadalhin ko na sila sa palasyo kaya, wala ng maiiwan rito. Kaya ka namin kinukuha, kaya mo ba?" Tanong ni Elysia. Saglit na napaisip naman ang lalaking si Aurelius at napatingin sa mga ito.

Napakamot naman sa ulo si Aurelius bago sinipat ang mga baka. Sa dami nito ay tila namroblema pa ito.

"Maari mong gawin ang kahit ano sa kalahati ng bilang ng mga baka. Ipagbili mo, ang pera magagamit mo sa pang-araw-araw na gastusin mo rito. Ang kalahati naman paramihin mo. Ang kikitain, bahala ka na, tulad ng sinabi ni Elysia, gamitin mo iyan sa pagbuhay sa bahay na ito. Wala kang maririnig na kahit ano, hangga't nagagawa mo ng maayos ang misyon mo. Kada buwan, may ipapadala akong titingin sa kalagayan mo rito." Si Vladimir na ang nagsalita. Ganoon na lamang ang galak ng lalaki sa narinig.

"Kung gano'n, asahan niyo po na dadami pa ng husto ang mga bakang ito. Maraming salamat sa tiwala. Ruka, salamat at ako agad ang naisip mong tawagin. Hindi ko inaasahan ang bagay na ito." Emosyonal na wika ng lalaki.

Nang umaga ding iyon ay naging abala naman sa pag-iimpake ang mga bata. Hindi na nila dinala ang iba pa nilang mga damit dahil nangako naman si Loreen na magkakaroon sila ng mga bagong damit doon.

Tanghali nang magsimula na silang maglakbay palabas ng bayan patungo sa palasyo. Kasama ni Elysia at Vlad sa iisang karwahe ang kambal habang kasama naman ni Loreen ang limang bata sa kabilang karwahe.

Pagdating sa palasyo ay agad na inasikaso ni Loreen ang silid na tutuluyan ng mga bata. Malapit iyon sa pasilyo ng silid ni Elysia at pinahanda iyon ni Loreen para magkakasama pa rin ang mga ito. Kasama ni Ruka ang mga batang lalaki sa iisang kwarto at si Esme naman kasama ang mga babae. Nagtalaga rin ng tagapag-alaga si Vladimir sa mga ito lalo na sa mga bata.

"Napakabuti talaga ng puso ng prinsesa. Biruin niyo, nagawa niyang mag-ampon ng mga bata sa labas ng palasyo at dinala rito." Narinig ni Elysia na wika ng isang katiwala sa palasyo.

Naglalakad siya sa pasilyo nang mapadaan siya sa isang silid at marinig ang mga ito na nag-uusap. Napabuntong-hininga na lamang siya at nilagpasan ang mga ito.

Hindi naman malaking bagay ang pag-ampon niya sa mga bata. Ayaw lang niya na muling malagay sa alanganin ang mga ito, lalo pa't, minsan nang nagamit ng masasamang loob ang kahinaan ng mga ito.

Nang marating naman niya ang silid ng mga bata ay nakita niyang magkakasama ang mga ito sa silid ng mga babae.

"Ayos lang ba kayo, rito? Huwag kayong mahihiyang magsabi kapag may kailangan kayo, ituring niyong bahay ang lugar na ito." Wika ni Elysia at binuhat niya ang isang batang babae.

"Prinsesa, hindi ba nakakahiya? Hindi naman namin utusan ang mga itinalaga niyo rito sa amin, hindi ba kalabisan na utusan namin sila?" Tanong ni Esme at napangiti naman si Elysia.

"Hindi kalabisan, inampon ko kayo kaya hindi na kayo iba rito. Nariyan din naman si Vladimir para suportahan kayo. " Tugon ni Elysia.

"Pero, Prinsesa, nakakahiya pa rin." Giit naman ni Esme.

"Sige, ganito na lang, para hindi kayo mahiya rito, kayong dalawa ni Ruka tutulong kay Loreen sa kusina tuwing umaga, pagsapit naman ng tanghali may guro na pupunta sa isang silid kung saan naman kayo magsisimulang mag-aral. Sa hapon naman maaari kayong bumalik sa kusina para tumulong ulit doon. Pero hindi kayo utusan rito ha, tutulong lang kayo sa abot ng makakaya niyo. Hindi kayo magpapagod. " Paalala ni Elysia at doon naman kumislap ang mata ni Ruka at Esme.

"Mag-aaral kami? Talaga?"gulat na tanong ni Ruka.

"Oo naman, bakit ayaw niyo ba?" Tanong ni Elysia.

"Hindi, gusto namin. Sa katunayan, matagal na naming gustong mag-aral. Hindi kami naturuan kaya hindi kami marunong magbasa at magsulat." Sambit naman ni Esme at napatango naman si Elysia. 'Yon din ang dahilan kung bakit alam niyang walang alam si Esme sa kasunduan nito sa dem*nyo. Paano maisasaga ni Esme ang ritwal gayong hindi ito nakakapagbasa. Isa lang ang sagot roon, may nagsagawa ng ritwal para rito at 'yon ang kailangan niyang alamin.

"Kaya ko nga kayo dinala rito, para matuto. Tsaka, isa pa, gusto kong maranasan niyo ang ginhawa ng buhay na pinagkait sa inyo at pamilya na rin." Wika ni Elysia at napatingala naman sa kaniya ang mga bata.

"Ibig sabihin isang pamilya na tayo? Mama ka na namin?" Tanong ng isang batang lalaki.

"Kung iyon ang gusto niyo, puwede niyo akong tawaging mama." Nakangiting sagot ni Elysia at nagtatalon naman sa tuwa ang limang bata.

"Maraming salamat prinsesa, sa pagtanggap sa amin kahit pa nakagawa ako ng kasalanan." Nakayukong wika ni Esme. Ramdam niya ang sinseridad ng bata kaya nakangiti niya itong niyakap.

"Lahat tayo nagkakamali. At karapatan natin ang pangalawang pagkakataon. At sana huwag mong sasayangin ito Esme. Sana natuto ka na, at huwag ng uulit dahil ang pangatlongbpagkakataon ay higit na mahirap makamtan, lalo kung ang kasalanang ginawa mo ay parehas pa rin. Naiintindihan mo ba?" Mahinahong pangaral ni Elysia rito.

"Opo, prinsesa. Naiintindihan ko." Lumuluhang tugon naman ni Esme.