Chapter 46 - Chapter 46

Sa pagsapit naman ng umaga, tulad ng nakasanayan, nasa trainign ground na si Elysia upang mag-ensayo. Hawak niya sa kamay ang kaniyang pana habang masuring tinitingnan ang kaniyang palaso. Noon lamang niya nagawang masuri ito sa malapitan kahit pa lagi niya itong hawak at ginagamit. May mga maliliit na simbolong nakaukit sa magkabilang dulo ng kaniyang mga palaso. Magkaparehong simbolo rin ang nakaukit sa hawakan ng kaniyang pana.

"Ano kaya ang mga simbolong ito? Hindi ko pala naitanong kay Zuriel, nasaan na kaya ang lalaking 'yon? Marami pa sana akong nais itanong sa kaniya." pabulong na wika ni Elysia at napabuntong-hininga.

"Mama Elysia!" 

Nabitawan nang wala sa oras ni Elysia ang palaso at tumusok ito sa katawan ng isang puno. Nang lumingon si Elysia sa pinangagalingan ng boses ay bumunga sa harapan niya sina Miguel at Kayla. Sa mga kamay nito ang tig-isang tinapay na malamang ay bigay sa kanila ni Loreen.

"Miguel, Kayla, bakit kayo narito, baka tamaan kayo ng mga nag-eensayo rito." Isinukbit ni Elysia ang pana sa kaniyang balikat at marahang hinaplos ang buhok ng dalawa.

"Tawag ka na po ni Ate Loreen sa loob, sabi niya kakain na daw." Wika pa ni Miguel habang nginunguso ang palasyo. Natawa naman si Elysia at binuhat na si Kayla at hinawakan naman sa kamay si Miguel bago pumasok. Ang dalawa ang pinakabata sa kaniyang inampon, nasa apat at limang taon lamang ang mga ito, samantalang sina Grego, Beatriz at Nala naman ay pito at walong taong gulang.

"Mabuti naman at natawag ka ng dalawang 'yan. Nagpupumilit na sila na daw tatawag sa'yo kahit itong si Grego naman ang inutusan ko." natatawang wika ni Loreen habang naghahanda ng pagkain sa mahabang mesa.

Malapad na ngumiti si Elysia nang makita ang masisiglang mga bata sa harapan ng mesa. Hindi na ito tulad ng dati na tahimik at medyo malamig dahil wala halos silang kasama ni Vlad na kumakain. Hindi naman sa nalulungkot siya na kasama si Vlad, pero iba pa rin ang pakiramdam na marami sila sa harap ng mesa.

"Oo nga, nagulat nga ako. O, mga bata, huwag kayong mahihiya, maraming pagkain dito, kumain lang kayo para naman magkalaman ang mga katawan niyo." utos ni Elysia. Nakita niyang inaasikaso naman ni Ruka at Esme ang ibang mnga bata habang ang maliliit naman ay inaasikaso ng tagapag-alaga ng mga ito. Punong-puno ng kagalakan ang puso ni Elysia habang pinagmamasdan ang mga ito. Tila ba maging ang kaluluwa niya ay nabubusog dahil sa mga ngiting nakikita niya sa mukha ng mga ito.

Sumapit naman ang tanghali, oras ng paggising ni Vladimir. Naabutan niya ito sa kanilang silid na nakaupo sa higaan at tila may malalim na iniisip.

"Kumusta ang tulog mo, Vlad?" tanong niya at napalingon naman sa kaniya ang binata. Sumilay sa pisngi nito ang isang ngiti at tila kisap-matang nasa harapan na agad niya ito. Naramdaman na lamang niya ang paglapat ng mga labi nito sa mga labi niya.

"Magandang umaga, mahal ko." bati ni Vladimir. Agad namang pinamulahan ng mga pisngi si Elysia dahil ito ang unang beses na ganoon ang tinawag sa kaniya ni Vladimir. Tila kiniliti ang kaniyang puso at nais sumilay ng ngiti sa kaniyang mga labi.

"Magandang umaga, tila yata maganda ang gising mo. Mukhang maganda rin ang naging tulog mo." Kiming wika ni Elysia at lumapit sa binata. "Kanina pa nagising ang mga bata at hinahanap ka nila. Bakit daw hindi ka nila kasamang kumain." Dugtong ni Elysia at bahagyang natawa si Vladimir.

"Ano naman ang sinagot mo?"

"Syempre, sabi ko nagpapahinga ka pa. Pero Vlad, kaya mo bang samahan sila sa almusal kahit paminsan-minsan. Alam mo na, para maramdaman naman nila na isa tayong pamilya." Saad ng dalaga at pinagmamasdan ang magiging reaksyon ni Vladimir.

Hindi naman siya umaasang pagbibigyan siya nito dahil alam din naman niya na para sa isang bampirang tulad ni Vladimir, ang umaga talaga ang oras ng pahinga nila. Ngunit may parte sa puso ni Elysia na humihiling na sana ay pagbigyan siya ng binata.

"Walang problema, mukhang tuwang-tuwa ka sa mga bata. Mabuti iyan, dahil masasanay kang mag-alaga sa kanila. Paghahanda na rin niyan para sa nalalapit nating mga supling." Makahulugang sabi ni Vladimir na lalong nagpapula sa pisngi ni Elysia.

"Ano bang sinasabi mo, tumayo ka na riyan, nakahanda na sa bulwagan ang pagkain mo." Mabilis na lumayo si Elysia sa binata at lumabas ng silid. Ngunit lalo lamang siyang nakula nang marinig niya ang malulutong na tawa ni Vladimir habang tinatawag siya nitong "mahal".

Lumipas ang mga araw at lalong naging malapit pa sa mga bata si Elysia. Hindi na rin siya nakakaramdam ng kalungkutan kapag abala si Vladimir sa ginagawa nito dahil sa presensya ng mga bata.

May mga araw na wala sa palasyo si Vladimir at malimit itong lumalabas upang libutin ang mga bayang sinasakupan ng kaharian nito. Kapag nasa palasyo naman ay madalas na abala ito sa mga ginagawa.

"Mabuti na lang talaga at narito ang mga bata. Kailan pa ang balik ni Vlad, Loreen?" Tanong ni Elysia habang nasa kusina sila.

"Sa ikatlong araw pa Elysia. Sa tingin ko ay natagalan siya dahil nasa dulo na ng kahiran ang bayang tinungo niya. Iyon din ang huling bayang nakuha niya bago ka pa niya pinatuloy rito sa palasyo. Dating parte iyon ng kaharian ni Vincent." Sagot ni Loreen.

Napatingala naman si Elysia nang marinig ang pangalan ni Vincent.

"Hindi ba mapanganib?"

"Hindi naman, at isa pa, malakas si Harjng Vlad. At kasama naman niya sina Luvan at ang iba niyang mga pinagkakatiwalaang kawal. Hindi mapapahamak ang grupo nila." Tugon ni Loreen at napatango naman si Elysia. Mayamaya pa ay bigla itong may naalala at napatingin sa babae.

"Loreen, alam mo ba kung anong uri ng nilala si Zuriel? Bigla ko kasing naalala. Simula noong maibigay niya sa akin ang pana, may mga pagkakataong napapatanong ako kung ano ba siya." Muling nabuksan ni Elysia ang topikong iyon at napaisip naman si Loreen.

"Hindi ako sigurado, pero sa tingin ko malakas siya, at kasinglakas niya si Haring Vlad o higit pa. Wala akong nararamdamang masamang awra sa presensya niya kaya sigurado rin ako na hindi siya kampon ng kadiliman. Ang totoo niyan, papasa siyang kalahi ng mga Diyos o di kaya naman isang lalang ng kalangitan." Sagot naman ni Loreen at lalo lamang naguluhan si Elysia.

"Hindi ba Loreen, ang mga lalang ng kalangitan ay hindi bumababa sa lupa, kung isa siya roon, bakit nasa lupa siya at nakikisali sa laban ng mga naririto?"

"Kagayan lang din sila ng mga dem*nyo sa ilalim, hindi naman sa bawal sila rito, ngunit ang presensya nila ay may limitasyon. Mahirap ipaliwanag dahil wala pang kahit sino ang nakapagpatunay sa kanilang pagkakakilanlan. Syempre bukod sa mga uri nila Haring Vladimir na kayang makihalubilo sa mga nilalang na kakaiba sa mga tulad nating tao." Sagot ni Loreen.

"Pero posible kaya iyon? Ang isa pang nagpapagulo sa utak ko, bakit ako? Napakarami namang tao na higit na mas karapatdapat, pero bakit ako?" Tanong ni Elysia at napangiti naman si Loreen.

"Marahil dahil nararamdaman niya na mabuti ang puso mo. Kung tunay mang lalang siya ng kalangitan, marahil ay naakit ito sa busilak mong presensya. Kinalulugdan nila ang mga taong may mabubuting puso, puso na walang bahid ng kasamaan o panghuhusga sa kapwa. Hindi imposibleng mangyari iyon, dahil sinasabi ko sa'yo Ely, ang mga tulad mong tao na may mabuting kalooban ay kinalulugdan mg kahit anong nilalang." Mahabang saad ni Loreen at napangiti naman si Elysia.

"Sa tingin mo ba? Pero nagpapasalamat pa rin ako. Napakalaki ng naitulong ng panang ito sa atin. Ilang beses na nitong niligtas ang buhay namin ni Vlad. Nakakatuwa lang dahil hindi ako nahihirapang gamitin ito, sa kabila ng bigat at laki nito." Saad ni Elysia habang hinihimas ang pana na tila isa itong napakahalagang bagay.

"Oo naman, napakalaking tulong talaga. Kaya kung ano man ang dahilan niya, siguradong sa kabutihan mo iyon." Wika naman ni Loreen at doon lamang medyo gumaan ang loob ni Elysia.

Kahit paano ay hindi siya nag-aalalang may masamang kapalit ang pagtulong na iyon.

Sa pagsapit ng gabi, matapos masiguradong tulog na ang mga bata sa mga silid nila ay minabuti na rin niyang bumalik sa silid nila ni Vladimir upang magpahinga.

Sa kalagitnaan ng kaniyang pagkakahimbing, isang presensya ang naramdamam niyang nakatingin sa kaniya. Ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay hindi niya magawang imulat ang kaniyang mga mata. Wala naman siyang masamang nararamdaman ngunit hindi niya maiwasan ang hindi mag-panic dahil sa kaniyang sitwasyon.

Gising ang diwa niya ngunit nananatiling nakapikit ang kaniyang mga mata. Nang maramdaman ng nilalang ang kaniyang pagkabalisa ay mabilis din naman itong naglaho. Nawala ang presensya at doon lamang huminahon ang dalaga. Naimulat na rin niya ang kaniyang mga mata at agad na inilibot ang kaniyang paningin sa loob ng kaniyang silid.

"Sino, kaya 'yon? Hindi ako maaaring magkamali. May tao kanina sa kuwarto ko, pero bakit at sino iyon? Nakakapagtaka naman. Sarado naman ang mga bintana, maging ang pintuan ay nakasara. Paano siya nakapasok sa silid ko?" Tanong ni Elysia sa kaniyang sarili habang dinadama ang dibdib na tumatahip pa rin sa kaba.