Chapter 42 - Chapter 42

Sa kanilang pagtahak sa daan pabalik, ay malalim na napapaisip si Elysia habang hawak-hawak ang libro.

Matapos ang mahabang paglalakbay nila ay narating na rin nila ang palasyo. Dali-dali niyang tinungo ang bulwagan at naabutan niya roon si Vladimir na tahimik na naghihintay.

"Mabuti naman at nakarating ka na, kamusta ang lakad niyo?" tanong ni Vladimir. Lumapit dito si Elysia at inilahad ang libro sa binata. Marahang kinuha iyon ni Vladimir at masusing sinuri.

"Mukhan tama ang kutob mo Ely, ang librong ito ay balot na balot ng mahika. Ikinukubli nito ang tunay nitong wangis." tugon ni Vlad at itinaas nito ang kamay upang kunin ang atensiyon ng kaniyang kawal.

"Ipatawag si Loreen," utos nito at kaagad rin namang nilisang ng kawala ng bulwagan. Pagbalik nito ay kasama na nito si Loreen.

Agad namang lumapit si Loreen at sinuri ang libro bago ito inilapat sa mesa. Maya-maya pa ay nagsambit ito ng mga kataga habang ang kamay ay nasa ibabaw ng naturang libro. May isinaboy rin itong kulay itim na abo.

Ilang sandali pa ay nakita ni Elysia ang unti-unting pagkatupok ng pabalat ng aklat at isang nakakahindik na imahe ang kaniyang nakita. Imahe iyon ng isang dem*nyo na ang kalahating wangis ay sa isang kalansay. Halatang napakaluma na rin ng aklat na iyon dahil sa sira-sira nitong pahina.

Ang pahina naman ng naturang libro ay hindi gawa sa ordinaryong papel bagkus ay gawa ito sa balat ng mga hayop na pinatuyo at ginawang sulatan.

"Sinasabi ko na nga ba." Bulalas ni Loreen nang makita ang orihinal nitong wangis.

"Ano ang librong 'yan Loreen?" Tanong ni Elysia.

"Ang librong ito ang sinaunang libro ng mga necromancer." Sagot ni Loreen at agad na ibinalot ito sa itim na tela. Dali-dali itong nagsambit ng spell upang mapanatiling nakakubli ang presensiya nito.

"Necromancer?" Takang tanong ulit ni Elysia. Sa pagkakataong iyon, si Vladimir na ang sumagot.

"Ang mga necromancer ay katulad rin ng mga sorcerer ngunit iba ang kanilang kakayahan. May kakayahan silang bumuhay ng mga pat*y na, gamit ang kapangyarihang pinagkaloob sa kanila ng mismong dem*nyo."

Pagkasabi ni Vladimir ay agad naintindihan ni Elysia kung bakit iyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Esme sa kanila. Mabubuhay muli ang kanilang mga magulang at alay na lang ang kulang.

"Loreen ano ang hinihinging alay ng pagbuhay sa mga pat*y?" Tanong ni Elysia.

"Buhay, Elysia. Katumbas na sampong buhay ang kabayaran sa bawat kaluluwang tatawagin mula sa kabilang buhay." Tugon ni Loreen.

"Sampong buhay? Paano ito ginagawa? Si Esme, sabi niya, mabubuhay na ang kanilang mga magulang at alay na lang ang kulay. Loreen, ano ang ibig niyang sabihin?" Nag-aalalang tanong ni Elysia.

"Nasimulan na niya ang ritwal? Ibig sabihin, magappatuloy ito kahit wala na ang libro. Dalawang posibilidad ang maaaring mangyari, ang ipagpatuloy niya ang pag-aalay o ang dem*nyo ang mismong kukuha ng karampatang alay." Sagot ni Loreen at nanlalaki ang mga matang napatingin si Elysia sa libro. Nabaling lamang ang tingin niya kay Vladimir nang hawakan nito ang kaniyang mga kamay.

"Vlad, mga bata lang sila. Ano ang alam nila sa ritwal. Malamang ay hindi rin niya alam na sampong alay ang kukunin at posibleng nanganganib ang buhay ng mga bata sa mansyon." Natatarantang wika ni Elysia. Malakas na buntong-hininga naman ang pinakawalan ni Vladimir at hinaplos sa buhok ng dalaga.

"Huminahon ka, gagawa tayo ng paraan. Loreen, ilang araw bago tuluyang maningil ang dem*nyo ng alay?" Mahinahong tanong ni Vladimir.

"Sa pagkakaalam ko, sa mga ganitong ritwal, nasa tatlo hanggang limang araw na hindi nakakatanggap ng alay ang dem*nyo, ito na ang kikilos para manguha. Kalimitan ay malalapit na kasama ng gumawa ng ritwal at kapag minalas, maaaring maging ang buhay niya ay kukunin din." Sagot ni Loreen na ikinabahala naman nang husto ni Elysia.

"Ilang araw na ba? Teka, kailangang mabalikan natin ang mga bata. Nasa panganib ang mga buhay nila." Bulalas ni Elysia. Napaayos naman ng upo si Vladimir at pilit na pinakalma si Elysia.

"Ely, huminahon ka para makapag-isip ka nang maayos. Huwag mong hayaang lamunin ka ng matinding pagkabahala dahil 'yan ang magtutulak sa iyo na gumawa ng mga maling desisyon na pagsisisihan mo." Wika ni Vladimir. Napatingin naman si Elysia rito habang nakakunot ang noo.

"Pero Vlad, maraming buhay ang nakasalalay rito. At mga bata pa sila." Giit ni Elysia at napailing naman si Vladimir.

"Kaya nga dapat na huminahon ka. Hindi ko sinasabing wala tayong gagawin." Masuyong hinaplos ng binata ang pisngi ni Elysia at nginitian ito. Wala namang nagawa ang dalaga kun'di ang kumalma at pakinggan ang plano ni Vladimir.

Hapon na nang magsimula na silang kumilos. Ayon kay Vladimir, gabi kung gumalaw ang mga dem*nyo kaya may oras pa sila para sa plano. Lulan ng isang malaking karwahe ang mga hayop na gagamitin nilang alay kapalit ng mga buhay na kukunin nito, ngunit kapalit din nito at hindi matutuloy ang pagbuhay sa nga magulang nina Esme at Ruka.

Sinang-ayunan naman ito ni Elysia dahil naniniwala siyang ang mga namatay ay dapat namamahinga na at hindi na kailanman ginagambala pa.

"Sigurado ka bang uubra ang plano mo Vlad?" Tanong ni Elysia habang nasa karwahe sila patungo sa bayan ng Targus.

"Susubukan natin sa mahinahong pakiusapan, kapag hindi umubra, gamitan na natin ng dahas. " Nakangiting tugon ni Vlad, umawang ang mga labi nito at kitang-kita ang pangil nito.

"Hindi ka ba mapapahamak?" Tanong ng dalaga at muling sumilat ang ngiti sa mga labi ni Vladimir.

"Imortal ako, kaya masugatan man ako sa laban, hangga't may buhay na natitira sa katawan ko, gaano man ka kaunti, mabubuhay pa rin ako." Makahulugang tugon ni Vladimir at napasimangot naman si Elysia. Marahas niyang hinampas ang braso ng binata dahil sa inis na nararamdaman niya.

"Vlad, hindi ako nagbibiro. Gusto kong iligtas ang mga bata pero ayokong masaktan ka." Bulalas ng dalaga at natigilan naman ang binata. Nang mga oras na iyon ay tila naunawaan rin ni Elysia nag kaniyang sinabi at biglang nag-init ang kaniyang mukha.

"May dapat ba akong gawin?" Bawi niya habang nag-iiwas ng tingin sa binata.

"Wala, manatili ka lang sa aking tabi at manatiling ligtas. Ako na ang bahala. Hindi rin ako nagbibiro Ely, dem*nyo ang kalaban natin at hindi ko alam kung sino ang natawag nila kaya walang kasiguruhan kung makakaya kong kumbinsihin ito na baliin ang ritwal." Puno ng kaseryosohang wika ng binata. Marahang tumango naman si Elysia at hinawakan ang kamay ni Vlad.

"Basta, Vlad, hindi ka puwedeng masaktan. Paano kung masaktan ka tapos ako naman ang atakihin niya?"

"Hindi mangyayari iyon, bago ka pa niya masaktan, nakabalik na siya sa impyerno." Giit ng binata at napangiti si Elysia.

Naging tahimik na ang sumunod na oras ng kanilang paglalakbay, saktong papalubog na ang araw nang makarating sila sa mansyon. Sinalubong naman sila ni Ruka na noo'y nagtataka sa mga dala nila.

Agad naman silang pinapasok ng binata at doon na pormal na nakilala ni Vladimir ang magkapatid.

"Elysia, ibig sabihin ikaw ang prinsesa? Bakit hindi mo sinabi sa akin. Naging bastos ang pakikitungo ko sa'yo at ilang beses ding nangyari 'yon." Nahihiyang wika ni Ruka. Hindi ito makatingin ng deretso sa dalaga dahil ramdam niya rin ang matatalim na titig ni Vladimir sa kaniya.

"Wala 'yon. Siya nga pala Ruka, narito kami dahil sa ritwal na ginawa ng kapatid mo. May kaunting problema kasi at nasa panganib ang mga buhay niyo." Paliwanag ni Elysia at marahas na nilingon ni Ruka si Esme.

Napayuko naman ang babae at tila nahihiya sa kanila.

"Huwag mo nang sisihin ang kapatid mo. Nadala lamang siya ng kalungkutan." Saad ni Elysia ngunit marahas na umiling si Ruka.

"Hindi kalungkutan, kun'di inggit. Ilang beses ko na siyang pinagsabihan na walang magagawang maganda ang mga bagay na imposible. Buhayin ang pat*y? Sino'ng hibang ang maniniwalang walang katumbas na kapalit ang bagay na iyon. T*nga lang ang maniniwala, at siya 'yon. Huwag mo siyang ipagtanggol dahil lalo lamang lalaki amg ulo niya." Galit na wika ni Ruka. Para sa edad nitong halos mas bata pa kay Elysia ay higit na mas matanda ito kung mag-isip. Maging si Vladimir ay napapatango bilang pagsang-ayon dito.

"Tama nga naman." Sang-ayon ni Vladimir habang tumatango. Siniko naman siya ni Elysia kaya napa-igik lang ang binata.

"Ano ba ang mangyayari? Bakit biglaan naman yata, at isa pa pala, ano ang mga dala niyo?" Nagtatakang tanong ni Ruka.

"Malalaman mo mamaya. Narito kami para pigilan ang masamng mangyayari. Esme, alam mo ba kung anong ritwal ang ginawa mo?" Mahinahong tanong ni Elysia rito.

Umiling ang dalaga at tila maiiyak nang napatingin kay Elysia.

"Ang sabi ng matanda, magagawang buhayin ng libro ang mga magulang namin kapag nagawa ko ang lahat ng nakasaad rito." Maya-maya ay tugon ni Esme.

"Matanda? Nakilala mo ba siya?" Tanong ni Elysia.

"Hindi, palaging nakatago ang mukha niya sa itim na balabal kapag makikipagkita siya sa akin. Ang huling kita ko sa kaniya ay noong pumunta kayo sa bodega, iyon din ang pagtatapos ng ritwal. Ang sabi niya maghintay na lamang ako para sa pag-aalay." Sagot ni Esme.

"Alam mo ba kung ano ang alay na hihingin sa'yo?" Tanong uli ng dalaga.

At tanging katahimikan ang tugon nito sa kaniya. Nagkatinginan si Elysia at Valdimir dahil doon nila napatunayan na bulag si Esme sa kaniyang ginagawa. Wala itong kaalam-alam at ang paggawa niya ng ritwal ay bunga lamang ng manipulasyon ng isang matanda.