Chapter 22 - Chapter 22

"Ngayon ko lang naisip, na sa larong ito, maaari nating gamitin ang kasakiman ng ating mga kalaban para isa-isa silang pabagsakin." sambit naman ni Elysia at nangislap ang mga mata ni Florin.

"Magaling, tama ka. Napakahusay ng naisip mo kamahalan. Napakagandang ideya." sang-ayon naman ni Florin.

Natapos ang kanilang pag-uusap na nakabuo sila ng panibagong plano para sa kanilang mga kalaban. Mahimbing silang nakatulog nang gabing iyon, taliwas sa nararamdaman naman ng mga taong kanilang ikinulong sa bahay na walang kahit anong lagusan.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay tinungo na ni Elysia ang naturang lugar upang kausapin ang mga ito. Kasama niya noon si Luvan at Loreen. Si Loreen ang nagbukas ng pinto gamit ang mahika na ikinamangha naman ni Elysia. Ito ang kauna-unahang beses na nakita niyang pinamalas ni Loreen ang natatanging abilidad nito.

"Kung handa ka nang matuto, ay ituturo ko sayo ng paunti-unti ang mga alam ko." Wika pa ni Loreen at masaya siyang napatango. Pagpasok nila sa loob ay doon niya nakita ang anima na kalalakihan na animo'y nababahag ang buntot na nakayukod sa gilid ng kani-kanilang mga higaan. Bakas sa mukha ng mga ito ang takot, nawala ang mga angas nito sa hindi maipaliwanag na dahilan.

"Isang gabi pa lang silang naririto, bakit sila nagkakaganyan?" nagtatakang tanong ni Elysia.

"Mahiwaga ang silid na ito, sa oras na paglabas natinay sasara ang lahat ng lagusan at mawawala ang tanging liwanag na makikita nila. Wala silang makikita, wala silang maririnig." tugon ni Luvan at biglang kinilabutan si Elysia. Hindi niya lubos-maisip kong anong takot ang mararamdaman niya kung siya ang nasa ganitong lugar, marahil ay mababaliw siya.

"Handa na ba kayong magsalita? Sa bawat kasinungalingang sasabihin niyo at magiging mas masalimuot pa ang dadanasin niyo sa lugar na 'to, ngunit sa bawat katotohanan naman, gantimpala ng liwanag ang makukuha niyo." Wika ni Luvan.

Napapitlag si Laxus dahil sa narinig. Sa anim na lalaki ay siya lang ang nagawang kumibo sa pagtawag ni Luvan. Ang mga kasama nito ay tila wala na sa kanilang mga sarili.

"Mukhang ikaw na lamang ang may natitirang katinuan sa inyo. Hanga ako sa tibay mo, papasa ka sanang isang mandirigma kung hindi lamang naging baluktot ang paniniwala mo." puna ni Luvan.

Pilit na gumapang si Laxus patungo sa kanilang kinatatayuan, nakaluhod itong yumukod sa harapan ni Elysia hanggang sa lumapat ang noo nito sa sahig.

"Pakiusap, itigil niyo na ito. Magsasalita na ako, magtanong lang kayo at lahat ng iyon ay sasagutin ko ng buong katotohanan." Nanginginig na wika ni Laxus, tila ba nag-aagaw na ang katinuan nito at pagkawala sa sarili dahil sa dinanas nito ng isang buong gabi.

"Sino ang nasabihan niyo tungkol kay Elysia?" paunang tanong ni Luvan. Napatingala naman si Laxus at kitang-kita ang pangingitim ng mata nito.

"Si Xander ng Willonfort, isa sa mga general ni ni Haring Vincent," sagot ni Laxus.

"Si Xander ng Willonfort, siya lang ba nag nakakaalam?" muling tanong ni Luvan.

"Mahigpit niyang inutos na huwag ipaparating ang balita sa ibang General dahil siya ang magdadala sa alay sa hari." sagot naman ni Laxus.

Marami pa silang tinanong at lahat ng ito ay sinagot ng purong katotohanan ng lalaki. Sa buong oras na iyon ay nakikinig lang si Elysia at matamang pinagmamasdan ang lalaki. Nang matapos sila ay nilisan na nila ang lugar. Tulad ng una nilang pinangako ay iniwan nila ng isang bintana ang lugar na iyon, maliit na parisukat lamang iyon na gawa sa isang matibay na salamin na hindi basta-basta nababasag ng kahit anong matigas na bagay.

"Sa tingin mo nagsasabi siya ng totoo?" tanong ni Elysia.

Ngumiti si Loreen at tumango.

"Hindi siya makakapagsinungaling, gumamit ako ng sumpa sa kaniya, 'yong binitawang salita ni Luvan, kasama 'yon sa sumpa. dahil lumitaw ang maliit na bintanang iyon sa silid nila, patunay iyon na lahat ng sinabi niya ay totoo. Kapag nagsinungaling naman siya, isa sa mga kasama niya ang mamamat*y." tugon ni Loreen at nanlaki ang mata ni Elysia.

"Posible 'yon? ang galing naman."

"Walang imposible sa mga tulad kong sorceress, hangga't kaya ng mahika, walang imposible at isa pa mahina ang mga taong 'yon kaya madali silang tatablan ng mahika nang hindi nila nalalaman." nakangiting wika ni Loreen na ila natutuwa pa ito. Napahagikgik naman si Elysia sa narinig habang si Luvan ay napapailing na lang sa kanila.

Kinatanghalian ay magkasama naman si Loreen at Elysia sa isang silid sa mansyon. Kakaiba ang silid na iyon dahil punong-puno iyon ng mga boteng may lamang likido na may iba't-ibang kulay.

Saglit pang inilibot ni Elysia ang kaniyang paningin at samo't-saring mga kasangkapan pa ang kaniyang mga nakita. May mga buto rin siyang nakita na marahil ay galing sa mga hayop at kung ano-anong uri ng halamang-ugat at mga dahon at bulaklak. Naghahalo rin ang halimuyak ng mga bulaklak at amoy ng mga kakaibang likido sa loob ng silid na iyon.

"Handa ka na ba, una kong ipapakilala sa iyo ang mga ginagamit ko at kung saan ito naaangkop gamitin. Unang rules ng pagiging isang sorceress ay ang matandaan ang lahat ng kasangkapan at mga gamit nito. Ang mahika ay hindi basta-bastang magagamit dahil lang pinag-aralan mo. May iilang taon nang nag-aaral ngunit bigo pa rin sa paggamit nito. May iba naman na kahit hindi nag-aral, natural na sa kanila ang makagamit ng mahika." Mahabang paliwanag ni Loreen habang inihihilera ang ang dahon at halamang ugat kasama ang mga bote sa mahabang mesa.

"Alin ka doon Loreen?"

"Isa akong naturals, nabibilang ang angkan ko sa mga pinalad na magkaroon ng purong dugo ng mga sorcerers. Pagkapanganak pa lamang sa amin ay may angkin na kaming abilidad at sa aming paglaki ay dahan-dahan kaming nililinang upang mas mapaunlad pa ang aming mga kakayahan." Tugon ni Loreen.

"Talaga, ang suwerte mo naman pala Loreen." Bulaslas ni Elysia at naupo na sa mataas na stool sa harap ng mesa.

Bumuntong-hininga si Loreen at marahang napailing.

"Ang suwerte natagpuan ko noong makilala ko si haring Vladimir. Bata pa ako noon. Hindi masuwerte ang buhay ng mga tulad ko. Tulad niyong mga tao, alipin ang tingin sa amin ng mga nakakataas ang uri. Binebenta kami na parang mga kasangkapan. Lahat ng nilalang na maaaring pakinabangan ay binibenta nila, demibeast, beast, witches, at kung ano-ano pa." Wika ni Loreen.

"Ibig sabihin nabenta ka rin?" Maluha-luhang tanong ni Elysia.

"Oo, isa ring bampira ang nakabili sa akin noon. Siguro nasa pitong taong gulang ako. Malaking halaga ang binayad niya para sa tulad kong naturals. Alam kasi niya na malaki ang pakinabang ko kapag napunta ako sa poder niya. Sa kasamaang palad, isang lalaki ang biglang dumating habang patungo kami sa kaniyang kastilyo. Napaslang ang bampirang iyon at alam mo na kung sino ang dumating na lalaking tinutukoy ko. Walang iba kun'di si haring Vlad. Noong una ay binalak ko pa siyang takasan ngunit may sinabi siya sa akin na nagpahinto sa akin. Siguro nga, tadhana na ang nagplano ng pagkikitang iyon. Kaya nandito ako ngayon dahil rin sa tadhana ko ang paglingkuran siya at ang turuan ka ng lahat ng nalalaman ko." Nakangiting salaysay ni Loreen at napangiti na rin si Elysia. Mahigpit na yakap ang tugon niya rito dahil wala siyang maisip na salitang nababagay sabihin sa sitwasyon nilang iyon.

"Mahaba ang buhay ng mga bampira at ang buhay nating mga tao ay limitado. Sa buong buhay na kasama ko ang hari ay ni minsan hindi ko siya nakitaan ng pagkagusto sa mga babaeng umaaligid sa kaniya. Tila ba may hinihintay siya at marahil ikaw nga iyon. Hinihintay niyang ipanganak ka at hinihintay niyang makuha ka lang sa tamang oras." Saad pa nito na nagpangisi naman sa dalaga.

"Nagagawa mo pa talagang ibenta sa akin ang hari niyo. Oo na makatadhana na ako para sa hari niyo, tanggap ko na." Natatawang saad ni Elysia. Nagkatawanan pa sila at nagkulitan bago sila tuluyang magsimula sa kanilang aralin.

Kinabukasan ay muli nilang binalikan ang bahay na pinagkulungan nila sa anim na lalaki. Tulad mg dati, tangin si Laxus lang ang natitirang nasa matinong pag-iisip, ang iba ay tila tuluyan nang tinakasan ng bait.

Nakaupo si Laxus sa higaan nito habang kumakain ng pagkaing dala nila. Hindi na ito aligaga katulad kahapon. Maayos na ang wangis nito ngunit kapansin-pansin pa rin ang malaking pagbabago sa pangangatawan nito.

"Bakit kayo umalis sa bayan, bakit niyo iniwan ang bayan noong oras ng panganib?" Tanong ni Elysia. Nakaupo siya sa isang upuan di kalayuan sa higaan nito. Nakabantay naman sa gilid ang isang bampira na tahimik lang na nagmamasid sa kanila.

Napaangat naman ng mukha si Laxus at mapait na ngumiti sa dalaga.

"Kahit sabihin ko ang rason, hindi iyon maiintindihan ng isang kagaya mo na lumaki sa karangyaan." Matigas na tugon nito. Dama sa boses nito ang hinanakit na tila hinuhugot pa nito sa kaloob-looban ng kaniyang puso.

"Bakit 'di mo ako subukan? Malay mo maintindihan kita at magkasundo pa tayo." Saad ni Elysia.

Napalatak naman ang lalaki at tinapos ang kaniyang kinakain. Matapos ay marahan niya itong niligpit sa paanan ng kaniyang higaan at hinarap si Elysia.