Chapter 27 - Chapter 27

Dumaan pa ang maraming araw at tuluyan na ngang nanumbalik ang sigla sa bayan ng Muntivor. Laking tuwa ng mga mamamayan na sa hinaba-haba ng panahon ng kanilang pagdurusa at pagtitiis, nakamit na rin nila ang araw ng kanilang kalayaan.

Tunay na kalayaan.

Ipinagbunyi nila ang tagumpay, halos mapuno ng iyakan ang sentro ng bayan habang namamaalam na sa kanila ang grupo nina Elysia. Nakaluhod ang mga tao at umiiyak na nagpapasalamat sa kanila. Tahimik lang na nagmamasid sa kanila si Vladimir habang si Elysia naman ay hindi magkamayaw sa pagtanggap ng pasasalamat at pag-aalo sa mga iti na tumayo na.

Kalaunan ay tuluyan na ngang nilisan ng grupo ng dalaga ang bayan ng Muntivor, positibo na silang hindi na kailanman gagambalain ng kanilang mga kalaban ang bayan dahil sa iniwan nilang mga tagabantay at tagamasid. Lulan ng karwahe ay kasalukuyan nilang tinatahak ang landas pabalik sa palasyo ni Vladimir.

"Hanggang ngayon hindi pa rin talaga ako makapaniwala na malalagpasan ko ang labang iyon," wika ni Elysia, nakapangalumbaba siya sa bintana ng karwahe habang pinagmamasdan ang kalupaan na may panaka-nakang buhay ng masisilayan.

"Sa tingin ko nga wala akong masyadong nagawa, marami pa talaga akong aaralin. Natatalo pa rin ako ng takot ko at naduduwag pa rin ako. Mabuti na lang talaga at naisipan mong sumsunod dito VLad." untag niya at umayos ng upo. Lumingon siya at nakita niyang nakapikit ang mga mata ng binata at banayad ang paghinga nito.

"Ano ba 'yan, kanina pa ako nagsasalita rito, tulog naman pala ang kausap ko," reklamo niya. Mayamaya pa ay nangislap ang kaniyang mata nang makita ang buhok ng binata. Noon pa niya nais hawakan ang buhok nito dahil naiintriga talaga siya kung gaano ito kalambot. Marahan siyang tumabi sa binata ay maingat na hinaplos ang buhok nitong nakalaylay sa balikat nito.

Muling nangislap ang kaniyang mga mata nang maramdama ang malabot na buhok ng binata. Tinalo pa nito ang buhok niya sa sobrang lambot. Bahagya niyang inilapit ang ilong dito at sininghot iyon. Mabango—parang pinaghalong amoy ng bulaklak ang nasasamyo niya sa buhok ng binata.

"Ano naman kayang amoy 'to, bakit parang naamoy ko na ito noon. Pamilyar pero hindi ko maalala kung saan ko naamoy." mahinang bulong niya. Dahil malalim na ang tulog ng binata at wala naman siyang magawa, pinagkaabalahan na lamang niyang ayusin ang buhok nito.

Halos gabi na rin nang marating nila ang bukana ng Bayan papasok sa palasyo ni Vladimir. Napapapikit na rin si Elysia nang mga oras na iyon ngunit pilit niya itong nilalabanan. Nasa ganoong sitwasyon siya nang magising si Vladimir at saktong nasalo nito ang ulo ng dalaga na papabagsak na sana sa sobrang antok, agad namang nagising ang diwa ng dalaga at maang na napatingin sa binata.

"Hindi ka ba natulog sa byahe?" agap na tanong ni Vladimir.

"Ha—ah eh, hindi. Natutulog ka kasi kaya hindi ako natulog." tugon ng dalaga.

"Binantayan mo ako?" Nakataas ang kilay na tanong ni Vlad sa dalaga. Napangisi naman si Elysia habang titig na titig sa ulo ng binata. Agad namang napansin ito ni Vladimir—ang kakatuwang ekspresiyon sa mukha ng dalaga ang pumukaw ng kuryusidad niya. Inangat niya ang kaniyang kamay patungo sa kaniyang ulo at doon niya napagtantong nakatirintas na ang buhok niya sa magkabilang gilid.

"Mukhang naging abala ka kanina ah." Pangising wika ni Vlad.

"Bagay naman sa'yo, lalo kang naging gwapo sa paningin ko." sagot ni Elysia.

"Talaga, sino ang mas gwapo ako o 'yong lalaking nagpakilala sayo bilang Zuriel?" tanong ni Vlad at malalim na napaisip si Elysia. 

"Bakit naman nasali ang lalaking 'yon sa usapan natin, Zuriel nga pala ang pangalan no'n ano, kung hindi mo pa nabanggit, hindi ko na sana maaalala." Kibit-balikat na tugon ni Elysia. Hindi pa man nakaka-ilang segundo ay tila may kung ano siyang napagtanto at dagling napatingin sa binata.

"Huwag mong sabihing nagseselos ka?" bulalas ni Elysia at umismid naman ang binata. Pagkuwa'y bumaba na ito ng karwahe nang saktong huminto ito sa harap ng palasyo. Mabilsi namang sumunod si Elysia rito habang tatawa-tawang humahabol sa kaniya.

"Vlad, teka nga muna. Dahan-dahan lang naman." Tawag niya sa binata. Nang maabutan na ito ay nasa harap na sila ng bulwagan ng trono nito.

"Nagseselos ka nga? Bakit ka naman magseselos, eh hindi ko nga kilala 'yon at isa pa, malamang malabo na ulit kaming magkita no'n," paliwanag ni Elysia. Ibig na sana niyang matawa nang makita niyang lalong nalukot ang mukha ng binata, bahagya pang nakanguso ang labi nito na animo'y aping-api.

Sino ang mag-aakalang ang tinaguriang malupit na hari ng bampira ng Kanluran ay may ganoong pag-uugali.

Hindi na napigilan pa ni Elysia ang hindi maawa. Kumapit siya sa braso nito at inakay na ang binata papasok sa bulwagan ng trono.

"Hindi ko alam na sa tanda mong 'yan ay may pagkakataong pang nagiging isip-bata ka." sambit ni Elysia habang marahang hinihimas ang braso nito upang pakalmahin ang binata. Napapansin kasi niya na sa bawat tawa niya ay lalong dumidilim ang ekspresyon ng mukha nito. Animo'y ano mang oras ay sasabog na ito.

"Mukhang tumatapang ka na, nagagawa mo nang makipagbiro sa malupit na hari, hindi ka na ba natatakot sa akin?" Iniangat ni Vladimir ang pisngi ng dalaga gamit ang hintuturo niya at saka ngumisi nang makahulugan.

Umakyat naman ang kilabot sa katawan ni Elysia nang makitang saglit na nagkulay pula ang ginto nitong mga mata.

"Bakit, sasaktan mo ba ako?" maang na tanong niya at lalong lumapad naman ang ngisini Vladimir. Bahagya itong tumawa bago umupo sa trono at hinatak naman ang dalaga na maupo sa tabi niya.

"Alam mo talagang laruin ang baraha mo Elysia. Panalo ka na, mukhang nahanap ko na talaga ang katapat ko sa'yo. Mabuti na lang at maganda ka." Umiiling pang wika ng binata. Natawa naman si Elysia at sumandal sa balikat nito. Saglit siyang napatingala sa kisame ng bulwagan at namangha roon. Ito an unang pagkakataong nasulyapan niya iyon at napakataas pala nito.

Nasa ganoong sistwasyon sila nang pumasok ang isang bampira upang magbigay ulat kay Vladimir sa mga kaganapan sa palasyo habang wala sila roon. Tahimik lang na nakikinig si Elysia habang pinagmamasdan ang binata sa ginagawa nito. Ilang bampira pa ang paisa-isang pumasok doon at nabigay ng kanilang mga ulat hanggang sa hindi na namalayan ni Elysia na makatulog sa trono ng binata.

Paggising niy ay namulatan niya ang sarili na nakahiga na sa malambot niyang higaan at tulad ng dati, naroroon din si Vladimir at mahimbing na natutulog. Nakagawian na talaga ng binata ang matulog kapag naroroon siya. Dahan-dahan siyang bumaba sa sa higaan at maingat na lumabas ng silid matapos mag-ayos.

Humihikab pa siya nang marating ang kusina at halos magulat siya nang may kung sino ang yumakap sa kaniyang mga binti. Nang ibaba niya ang tingin ay nakita niya si Vivian na masayang nakayap roon.

"Ang tagal mong nawala Elysia, bakit ngayon lang kayo nakauwi. Sabi ko kay Haring Vlad isama ako, pero ayaw niya, Wala raw tubig doon at mahihirapan lang ako." wika ni Vivian.

"Tama naman si Vlad, Vivian, mahihirapan ka doon. Nakabalik naman kami, 'di ba." Pag-aalo naman ni Elysia at ginantihan ng yakap ang bata.

"O, mamaya na kayo maglaro diyan, kumain na kayo ng almusal." Tawag ni Loreen.

Agad namang naupo sina Elysia at Vivian sa harap ng mesa para kumain. Matapos namang kumain ay sumama naman si Elysia kay Vivian patungo sa lawa kung saan ito madalas naglalaro.

Naupo siya sa tabi ng lawa ay inilublob doon ang kaniyang mga paa. Sa pagkakataong iyon ay lumitaw naman mula sa tubig ang mga kauri ni Vivian. Kinawayan ito ni Elysia at sinenyasan na lumapit sa kanila.

Napangiti ang dalaga ng makita ang mga serenang papalapit sa kaniya. Mga bata rin itong katulad ni Vivian. Tuwang-tuwa naman si Vivian na sinalubong ang mga ito. Walang kiyemeng tumalon ito sa tubig at ang mga paa nito ay napalitan ng makulay na buntot na maihahalintulad mo sa isang isda.

Masayang pinagmasdan ni Elysia ang mga naglalarong mga batang serena at paunahan pa ang mga ito na magbigay sa kaniya ng kung ano-ano na nakukuha nila sa ilalim ng lawa. May mga makukulay na diyamante, mga ginto at mga makukulay na bato na may iba't-ibang hugis. Ilang oras din siyang nanatili kasama ang mga serena doon.

Nang matapos na siyang makipaglaro at makipagkuwentuhan sa mga serena ay nilibot naman niya ang palasyo.

Sa kaniyang paglilibot ay nakasalubong naman niya ang kaniyang tiyahing si Elena. Malaki ang ipinayat ng katawan nito at bakas din sa mukha nito ang pagtanda.

Nang magtama ang kanilang paningin ay agad na tumalim ang mga mata nito sa kaniya subalit hindi ito nagsalita. Nilagpasan lamang siya ng ginang at tuloy-tuloy na itong naglakad papalayo sa kaniya. Nagkibit-balikat na lang si Elysia at hindi na pinagkaabalahan ang tiyahin niya.

Pasapit na ang tanghali nang makabalik siya sa loob ng palasyo. Agad niyang tinungo ang bulwagan ng trono at tulad ng dati ay naabutan niya roon si Vlad na nakaupo at umiinom ng dugo. Bagaman alam niyang sariwang dugo iyon ay hindi niya makuhang madiri o maasiwa habang pinagmamasdan itong uminom.