Chapter 32 - Chapter 32

Kinagabihan, maaga pa lamang ay nasa silid na siya. Kasalukuyan pang may ginawa si Vlad, kaya naman mas minabuti muna niyang buksan ang isnag maliit na kahon na nasa mesa kalapit ng kanilang higaan.

Pagbukas sa kahon ay tumambad naman sa mga mata niya ang lumang kuwentas na minsan niyang nabili sa tindahan na nasa bayan ng Ygdrasil. Wala naman siyang gaanong nakikitang espesyal sa kuwentas na iyon ngunit tila ba may kung anong bumubulong sa kaniya na gamitin iyon.

Agad niyang tinungo ang banyo bitbit ang kuwentas, kumuha siya ng maliit na batya roon at naglagay ng tubig bago inilubog ang kuwentas. Gamit ang isang maliit na tela ay nilinis niya ang mga kumapit na alikabok sa kuwentas. Pinagtiyagaan niyang linisin iyon hanggang sa tuluyan na niyang makita ang tunay na wangis ng kuwentas.

Namangha naman si Elysia sa nakita, kung kanina ay hindi niya malaman kung ano ang espesyal sa kuwentas na iyon, ngayon ay malinaw na niyang nakikita ang kagandahan nito. Gawa ito sa pinaghalong ginto at pilak, manipis ngunit matibay ang pinaka-kuwentas nito. Ang pendant naman nito ay hugis pabilog at sa gitna nito ay may kulay asul na hiyas na napapalibutan ng animo'y pakpak. Nang tingnan niya ang likuran ng pendant ay doon siya nagulat. Nakaukit sa pendant ang pangalan niya at may iba pang ukit roon na hindi na niya maintindihan pa.

"Elysia? Nagkataon lang ba na pangalan ko ang nakaukit dito?" nagtatakang tanong ni Elysia habang hinahaplos ng daliri niya ang mga salitang nakaukit doon. Matapos malinis ang kuwentas ay tinuyo naman niya ito gamit ang isang maliit na tuwalya bago lumabas sa banyo.

Ipinatong niya ito sa mesa bago siya naupo sa kaniyang higaan. Malalim siyang napa-isip at muling napatingin sa kuwentas na noo'y nakapatong lang sa tuwalya.

"Nagkataon lang ba talaga? Paano namang napunta iyon sa tindahan kung saan kami mamimili ni Loreen. Nakakapagtaka naman." Tanong ni Elysia sa kaniyang sarili. Hindi na niya namalayan na kanina pa siya sa ganoong posisyon at napapitlag na lamang siya nang may humawi sa kaniyang buhok. Kamuntikan pa siyang mahulog sa higaan niya dahil sa gulat kung hindi lang siya mabilisang nahawakan ni Vladimir.

"Ang lalim naman yata ng iniisip mo, may bumabagabag ba sa'yo?" tanong ni Vladimir. Alanganing napangiti naman si Elysia at muling umayos ng upo. Tumabi naman sa kaniya ang binata, at humaplos ang kamay nito sa kaniyang buhok.

"Kanina, habang namimili kami s aisang tindahan, may nakita akong kuwentas. Luma ito at wala namang gaanong espesyal pero, nitong araw, naisipan kong linisin ang kuwentas. Nang tingnan ko angh likod ng pendant, nakita ko ito." Inabot niya sa binata ang kuwentas at sinipat naman ito ng huli.

"Pangalan mo ang nakaukit sa likod, saang tindahan mo ito nakuha?" tanong ni Vladimir, maging ito ay nagtaka sa nakikita.

"Doon sa unang tindahan na tinungo namin ni Loreen, sinubukan kong bilhin "yan pero ang sabi ng matandang bantay, hindi raw niya pagmamay-ari ang kuwentas kaya ibinigay niya ito sa akin." tugon naman ng dalaga.

Nangungunot ang noo ni Vladimir na muling sinipat ang mga simbolong nakaukit doon bukod pa sa pangalan ni Elysia.

 "Ithra vyn, vel'ren dra,

 Tir eth, moryn'al dra.

 Shor ven'arash, kylen val,

 I'thras, ar dra vyn shal!"

Napalingon si Elysia sa binata nang marinig niya itong magwika ng hindi pamilyar na lenguwahe. Tila musika ito sa kaniyang pandinig at naramdaman niya ang mahinang pag-ihip ng hangin sa bawat katagang sinasambit nito.

"Naiintindihan mo?" bulalas ni Elysia.

Bago pa man makasagot si Vladimir ay isang liwanag ang sumilaw sa kanila. Nakarinig sila ng matinis na boses na tila naghihikab pa. Nang mawala ang liwanag ay tumambad naman sa harap nila ang isang maliit na nilalang, kawangis ito ng tao, ngunit may pakpak ito ng isang kalapati. Hindi naman ito isang fairy o kung anong klaseng diwata dahil sa pakpak nitong maihahalintulad mo naman sa mga anghel. Ngunit hindi rin ito maituturing na isang anghel dahil sa liit nitong nasa lima o anim na pulgada lamang.

Napakapit pa si Elysia nang tumingin sa kaniya ang nilalang, nanlaki pa ang mga mata nito at tila kumislap ito at mabilis na lumipad patungo sa kaniya.

"Si— sino ka? Anong klaseng nilalang ka?" Bulalas na tanong ni Elysia, ngunit kulang na lang ay mapaupo siya sa binata habang nakayapos sa braso nito.

Ngingiti-ngiti naman si Vladimir habang tila nasisiyahan sa kanilang sitwasyon.

"Ginising mo ako." Turan nito habang ang mga mata ay nakatuon lang sa kaniya.

"Ha— ah, hindi ako. Siya ang gumising sa'yo." Wika pa ni Elysia sabay turo sa nakangiting si Vladimir.

"Siya lang ang nagbigkas ng salita, subalit ikaw ang naging daan upang ako ay magising. Kumusta ka, ako mga pala si Lira, isa akong sylphira." Saad nito sa malamyos at banayad nitong boses. Pumapagaspas pa ang malakalapati nitong pakpak habang lilipad-lipad ito sa harap niya.

Napatingin naman si Elysia kay Vladimir, nangungusap ang mga mata niya. Kibit-balikat lang ang tugon ng binata.

"Sylphira, ngayon lang ako nakarinig ng ganyang katawagan sa isang nilalang, anong klaseng nilalang ka ba?" Tanong ni Elysia, huminahon na ito at naging panatag na rin siya na hindi siya mapapahamak rito.

"Mahirap ipaliwanag kung ano kami, sabihin na lamang natin na katulad namin ang mga diwatang alam niyo, ngunit higit kaming nakakataas sa kanilang mga uri." Tugon nito at lalaong nangunot ang noo ni Elysia.

"Hindi na mahalaga kung nakakataas ka, narito ka sa teritoryo ko kaya higit kaming nakakataas sa'yo." Wika ni Vladimir at marahan naman siyang siniko ni Elysia.

"Bakit, totoo naman, 'di ba?"

"Hindi mo naman kailangang sabihin 'yon." Saway ng dalaga at napangisi lang si Vladimir bago ibinaling ang atensyon sa maliit na nilalang na nasa harapan nila.

"Alam ko naman iyon, kamahalan. Ang sinasabi ko ay halimbawa lamang. Kung sa ibang nilalang mas mataas kami, ngunit alam kong isa kang maharlika at teritoryo mo ito. At isa pa, ramdam ko ang koneksyon mo sa aking bagong panginoon." Ani Lira at saka yumakap sa braso ng dalaga.

"Mas mabuti na nagkakaintindihan tayo, maaari ka ng lumabas, matutulog na kami." Utos ni Vladimir at natigilan naman ang nilalang. Nanlalaki ang mga mata nitong hindi makapaniwala sa kaniyang narinig.

"Hindi ako maaaring mahiwalay sa panginoon ko, babantayan ko siya."

"Hindi na kailangan, dahil nandito naman ako sa tabi niya at magiging istorbo ka lang sa amin."

"Isa kang bampira, paano kung kagatin mo siya? Hindi ako aalis dito." Giit ni Lira, humalukipkip pa ito.

"Hindi ikaw ang magdedesisyon niyan bata." Wika ni Vlad at mabilis na ikinumpas ang kaniyang mga kamay. Tila may kung anong puwersa naman ang nagbukas ng pinto at nagtulak kay Lira palabas doon at pabalabag pang isinara ang pinto sa harapan nito.

"Bakit mo naman ginawa iyon, paano kong masaktan siya? Ang liit pa man din niya. Nakakaawa naman." Tanong ni Elysia sa binata. Ngumisi ito at mabilis siyang niyakap at pinahiga.

"Ang mga bata, hindi dapat nananatili sa silid ng matatanda. Matulog na tayo, hayaan mo na ang insektong iyon. Kahit ibalibag ko siya, hindi siya masasaktan." Tugon ni Vlad at marahas siyang pinalo ng dalaga sa dibdib.

"Bakit ba ang lupit mo sa kaniya. Maaari naman sabihan lang siya." Ani Elysia at napailing naman si Vladimir.

"May naalala lang ako sa mga tulad niya, makukulit at hindi sila basta-basta natitinag. Malaking bagay na ikaw ang itinuturing niyang panginoon dahil magagawa ka niyang protektahan." Wika ng binata at nangunot ang noo ni Elysia, hindi na yata niya mabilang kung ilang beses na kumunot ang noo niya ngayong araw.

"O, 'yon naman pala, bakit mo siya ginano'n?" Nagtatakang tanong ni Elysia.

"Dahil napakalaki niyang istorbo sa kabila ng pagiging maliit niya." Sagot naman ng binata ay nagsumiksik sa leeg ng dalaga bago ito yumakap sa katawan ni Elysia.

Napabuntong-hininga naman si Elysia dahil umiral na naman ang selos sa sistema ng binata. Ultimo maliit na bata ay inaaway nito.

"Pasaway ka talaga. Para kang bata." Pabulong pa niyang wika bago ipinikit ang mata.

Doon lang sa silid na iyon nagiging bata si Vladimir. Dahil alam niyang sa paglabas nito sa silid nila, ay dala-dala na ulit niya ang katauhan niya bilang isang marahas, malupit at laging galit na hari ng kaharian nila.

Kinaumagahan, nagising si Elysia sa mahihinang katok sa labas ng pinto. Bumangon siya at dahan-dahang iminulat ang mata habang kinukuaot iyon. Inilibot niya ang kaniyang mga mata sa paligid at maliwanag na sa labas. Dali-dali siyang bumangon at isinara ang kurtina upang maging maayos ang pahinga ni Vladimir.

Nang buksan niya ang pinto ay bumungad sa kaniya si Loreen, bitbit nito ang natutulog na si Lira.

"Ang sabi niya kilala mo raw siya, nakita ko siyang pasuray-suray na lumilipad paikot sa pasilyo. Kilala mo ba siya?" Tanong ni Loreen.

"Oo, siya si Lira, isa siyang Sylphira. Sandali may kukunin lang ako, Loreen." Pumasok si Elysia sa kaniyang silid at kumuha ng isang basket at makapal na tela ay maayos niyang inilatag iyon sa basket.

"Ilagay mo siya rito, para maging komportable ang tulog niya." Utos ni Elysia at mabilis naman iyong sinunod ni Loreen.

"Nagulat talaga ako nang makita ko siya. Hindi ko pa siya napansin nang nasa malayo pa ako. Napagkalamalan lo pa siyang kalaban dahil tila may kung ano siyang inuusal habang nakaharap sa pinto niyo. Mabuti na lang at hindi tumalab sa kaniya ang binato kong sumpa. " Ani Loreen at bahagyang natawa.

"Hindi tumalab?"

"Oo, parang tumalbog lang. Nakakapagtaka nga eh." Tugon naman ni Loreen at nagkatawanan na sila pareho.