Chapter 36 - Chapter 36

Sa paglipas pa ng mga araw, naging normal na gawain na para kay Elysia ang pagtungo sa bayan ng Faragas.

Pabalik-balik siya at nakikihalubilo sa mga ito, hanggang ngayon kasi ang mga uri ni Raion ay wala pa ring katawagan at ang tanging tawag sa kanila ay "isinumpang nilalang", tagahatid ng malas o kung ano-ano pa, na siyang nagbibigay pahirap sa kalooban nila.

Sa bawat araw na naroon ang dalaga ay walang patid rin naman ang pagmamatiyag na ginagawa ni Kael sa kaniya. Dahilan nito, baka raw may gawing masama si Elysia, lalo na sa mga bata.

Pinagkibit-balikat na lamang ito ni Elysia at sa bawat masasamang tingin na pinupukol sa kaniya ng lalaki ay ginagantihan niya ito ng matamis na ngiti.

"Kahit anong gawin mo, hindi kami magpapauto sa'yo. Puro pakitang-tao lamang iyan. Pagkatapos naming sumunod, makakalimutan mo rin lahat ng pangako mo." Pabalibag na inihagis ni Kael ang hawak niyang balde at bahagyang umilag naman si Elysia nang makita niyang patungo sa kinaroroonan niya ito.

"Bakit ba sumasabat ka, gayong hindi naman ikaw ang kausap ko? Kung ayaw mong sumunod, wala naman pumipilit sa'yo. Pero huwag mong isama sa baluktot mong paniniwala ang mga kasama mo. Huwag mo silang hatakin patungo sa buhay na puno ng hirap," inis na wika ni Elysia. Sa pagkakataong iyon ay lumaban na ng tinginan ang dalaga. Hindi niya ito inurungan at nameywang pa siya at tumingkayad upang sa gayon ay mapantayan niya ang tangkad ng lalaki.

"Hindi ka ba talaga hihinto, hindi ka ba napapagod?" sarkastikong tanong ni Kael at napangiti naman si Elysia.

"Hangga't alam kong may pag-asa, hindi ako hihinto." laban ni Elysia at napaismid naman ang binata. Ngumisi ito nang nakakaloko at walang pagdadalawang isip na pinitik ang noo ng dalaga.

"Nababaliw ka na, ano pa bang pag-asa ang nakikita mo? Kahit kailan, hindi na kami matatanggap ng mga nasasakupan ng Nordovia. Dahil kung oo, dapat matagal na kaming tinanggap sa lipunang ito," saad ng binata at gumanti naman ng ngisi si Elysia.

"Ikaw lang ang nag-iisip niyan. Bakit hindi mo buksan ang puso at isip sa lahat ng posibilidad. Bakit hindi mo subukan ibaba ang sarili mo at tanggapin mo na mali ka. Bakit hindi ka na lang mag-isip ng positibo, nang sa gayon at sikatan naman ng araw yang mundo mong malamig. Makaramdam ka man lang ng init," kontra naman ng dalaga at napipilan naman ang binata.

Akma sanang sasagot pa ito ngunit tila naubusan na ito ng salitang ibabato sa dalaga. Lumapad naman ang ngiti sa mga labi ng dalaga at tinapikang balikat ni Kael.

"Sabi ko naman sa'yo, hindi mo ako matatalo kung patalasan ng dila. Kaya kung ako sa'yo, makiisa ka na lang sa mga kasama mo," ani Elysia at padabog na umalis si Kael habang namumula pa ang mukha dahil sa kahihiyan. Nagtawanan naman ang mga batang kasama niya roon kaya naman natawa na rin siya.

"Mga bata, huwag niyong gagayahin ang Kuya Kael niyo ha, masyadong masungit, mabilis kayong tatanda kapag gan'yan." wika pa niya at umugong ang malakas na tawanan nila. Maging si Raion at Raya ay natatawa na rin habang napapailing.

***

"Kamusta ang araw mo, hindi ka ba napagod?" bungad na tanong nI Vladimir nang magkasalubong sila sa pasilyo ng palasyo. Patungo na sana siya sa bulwagan para iulat ang naging ganap nang araw na iyon, ngunit hindi niya inaasahang makakasalubong niya ito.

"Vlad, bakit ka narito, tapos na ba ang gawain mo?" tanong niya at agad na humawak sa braso ng binata.

"Ano sa tingin mo?"

"Sa tingin ko, tapos na. Kasi hindi ka naman lalabas kung hindi pa tapos ang gawain mo, maliban kung mas may mahalaga kang gagawin." sagot niya at natawa naman si Vladimir.

"Mukhang natututo ka na. Pero bago 'yan, sagutin mo muna ang tanong ko."

"Wala namang bago, ganoon pa rin ang takbo ng lahat. Hindi pa rin kami magkasundo ni Kael at tulad ng dati, kaaway pa rin ang turing niya sa akin. Halos lahat ng mga kauri niya ay nakikiisa na sa atin, siya na lang talaga ang matigas. Sumasakit na nga ang ulo ko sa kaniya minsan. Nagiging madaldal tuloy ako sa harap niya," mahabang salaysay ni Elysia habang naglalakd sila patungo sa kanilang silid.

"Hayaan mo na kaya siya, ayokong nahihirapan ka sa kaniya. Sa tingin ko, dapat mo na siyang sukuan." wika ng binata at kumunot ang noo ni Elysia.

"Ayoko! Hindi ko siya titigilan, bahala siyang mainis sa akin araw-araw. Hindi ko hahayaan may isa sa kanila ang maiiwan. Kaya huwag mo na akong kumbinsihin na sukuan si Kael, dahil hindi ko gagawin iyon." Tugon naman ng dalaga habang matamang nakatingin sa mga mata ni Vladimir.

Kumislap naman ang mata ni Vladimir sa narinig, ngumiti ito at bigla na lamang siyang ikinulong ng binata sa bisig niya.

"Kung gayon ay galingan mo, pasasaan ba't, makukumbinsi mo rin si Kael. Hindi na kita pipilitin na sukuan si Kael," ani Vladimir na ikinatuwa naman ni Elysia.

Sumapit ang gabi at katulad ng dati ay naging maganda ang tulog ni Elysia. Kinabukasan, maaga pa lamang ay gising na siya at gumagayak na patungo sa bayan ng Faragas.

"Tutungo ka na naman sa bayan na iyon, Elysia? Ibang klase talaga ang tatag mo. Siguradong, magkakagulo na naman kayo ni Kael niyan." Lumilipad sa ere na puna ni Lira. Nakasukbit sa balikat nito ang isang maliit na sisidlan na ginawa ni Loreen, kung saan nakalagay ang mga pagkain na pinababaon nito sa kaniya.

"Sabi ko naman sa'yo Lira, hindi ako susuko, 'di ba? Mahahatak ko rin ang lalaking 'yon sa panig natin. Alam kong mabuting nilalang si Kael, mahal niya ang mga kapatid niya at mahalaga sa kaniya ang nasasakupan nila, kaya gano'n na lamang kung bakuran niya ang mga ito. Nauunawaan ko naman siya, sadyang masyado lang siyang sarado at hindi ko siya susukuan." Tugon ni Elysia habang hinahanda ang kaniyang dalahin sa araw na 'yon."

"Hindi ko na kasi nagugustuhan ang trato niya sa'yo, Elysia. Nakakalimutan na yata niya na ikaw ang kanilang magiging reyna balang araw." Nakangusong wika ni Lira at napangiti naman ang dalaga.

"Hayaan mo na, hindi naman mahalaga sa akin ang titulo. Sa katunayan nga ay may nagiging natural ako sa harap niya. Pakiramdam ko, nakikipagtalo lang ako sa isang nakatatandang kapatid." Paliwanag ni Elysia at napangiwi naman si Lira.

"Bahala ka na nga, alam ko namang alam mo na ang ginagawa mo. Tara ma para naman makompleto na ang araw mo. Hindi yata kompleto 'yan kapag hindi kayo nagtatalo ng bruskong 'yon.

Mabilis nang tinapos ni Elysia ang ginagawa at dali-dali na silang tumungo sa Faragas. Pagdating pa lang sa bungad, ang nakasimangot nang mukha ni Kael ang bumulaga sa kanila. Nakatayo ito sa bakod na gawa sa kahoy at tila inaabangan ang kanilang pagdating.

Takbuhan naman ang mga bata nang makita si Elysia na papalapit. Nag-uunahan ang mga ito na lumapit at yumakap sa kaniya.

"Naging maganda ba ang tulog niyo?" Bungad na tanong ni Elysia, ngunit nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi nang mapansin niyang umiiyak na ang mga ito.

"Prinsesa, mabuti at nakabalik ka. May problema ang bayan, tatlo sa aming kapatid ang nagkaroon ng malubhang sakit. Mukhang sa isang bayan malayo rito nakuha ni Amira, Sirha at Magyen ang sakit nila." Ulat ni Raion. Bakas sa mukha ng binata ang matinding pag-aalala.

Mabilis na binitawan ni Elysia ang dala niyang basket at agad na sumunod kay Raion. Sa isang simple at maaliwalas na bahay sila tumungo. Pagpasok pa lamang ay nakaamoy na agad ng kakaiba si Elysia. Nang masilayan niya ang kalagayan ng tatlong kapatid ni Raion ay naitakip niya na lang ang kamay sa kaniyang bunganga.

"Anong nangyari sa kanila?" Gulat na tanong ni Elysia. Huling pumasok si Lira sa bahay at nang makita niya ito ay agad niyang hinatak papalayo ang dalaga.

"Lumayo ka Elysia, delikado ka riyan. Nakakahawa sa tao ang sakit na iyan at mas matindi ang epekto niyan sa'yo." Wika ni Lira.

"Lira, ano ba. Sandali lang naman. Kailangan natin silang tulungan." Pabalikwas na hinila ni Elysia ang kaniyang kamay mula sa Sylphira at mabilis na bumalik sa loob ng bahay.

Walang pag-aatubiling hinawakan ni Elysia ang noo ng babaeng may sakit at ganoon rin ang ginawa niya sa dalawa pa.

"Sila lang ba?" Tanong ni Elysia.

"Sila lang dahil nang makitaan namin sila ng sintomas ay agad namin silang binukod. Hindi kami pamilyar sa sakit na ito. Pero mukhang may alam ang Sylphira." Malungkot na tugon ni Raion.

"Lira, may alam ka ba sa sakit na ito." Matagal bago muling nakaimik si Lira.

"Walang pangalan ang sakit na 'yan, hindi na nagawa pang bigyan ng katawagan dahil ang bawat bayan na nadadapuan niyan ay nababaon sa limot. Walang nakakaligtas at walang nabubuhay." Sagot ni Lira. Nanlulumo itong nakatingin sa mga nakaratay, bago muling napatingin kay Elysia.

"Sumpa kung ituring iyan ng taga-ibayo. Saan ba sila nagpunta at paano nila nakuha ang sakit na 'yan?" Tanong ni Lira at nagkatinginan si Raion at Raya. Nang mapatingin naman si Elysia sa kanila ay mabilis silang nagyuko nh ulo.

"Bakit hindi kayo makasagot? May nais ba akong malaman?" Tanong ni Elysia. Pansin niya ang tila nangingilag na mga mata ng dalawa.