Ilang oras rin ang ginugol nila sa seremonya at dahil kagagaling lamang sa sakit ni Elysia, ay mabilis pa rin siyang napagod at napapapikit pa siya habang nakaupo sa tabi ng binata.
"Kamahalan, matagumpay nang naitala ang mga bestura sa aklat. Ang bayan ng Faragas ay pormal nang napasama sa mapa ng Nordovia." Wika ni Arowen at ibinigay ang aklat kay Vladimir. Inabot ito ng binata at kinuha rin nito ang gintong punyal na inaabot naman ni Florin.
Nang mapansin ito ni Elysia ay nag-angat naman siya ng tingin. Nakita niya ang paghiwa ng binata sa kaniyang palad at ipinatak ang dugo niya sa pahina ng aklat kung saan nakalista ang mga pangalan nina Raion. Nagtaka naman ang dalaga, dahil noon niya lang napagtanto na may dugo rin pala ang mga bampira. Ang buong akala niya ay hindi nasusugatan o nagdurugo ang sugat ng mga bampira.
"Ano'ng ginagawa mo Vlad?" tanong ni Elysia. Mabilis na pinunasan ni Vladimir ang kaniyang sugat sa kaniyang palad at dagli rin itong naghilom.
"Huling hakbang ng seremonya. Pagod ka na ba?" balik na tanong ni Vladimir.
"Hindi, ayos lang ako. Pero Vlad, akala ko walang dugo ang mga bampira. Paanong nasusugatan ka at may dugo ka pa?" kunot-noong tanong ni Elysia. Kinuha niya ang kamay ng binata at pinagmasdan ang paghihilom ng sugat nito. Mangha at pagtataka ang lumamon sa sistema ng dalaga.
"Huwag mo nang intindihin ang mga nakikita mo. Isipin mo na lang na espesyal ako." natatawang tugon ng binata. Hindi na nagpumilit pa si Elysia dahil ramdam niya na ayaw iyong pag-usapan ng binata. Binusog na lamang niya ang kaniyang mata habang pinagmamasdang maigi ang nangyayari sa aklat habang kumakalat roon ang dugo ng binata. Animo'y naging bakod ito hanggang sa tuluyan itong maging dekorasyon ng pahinang iyon.
Nang matapos iyon ay agad na rin nilang nilisan ang lugar. Sa kanilang pagbabalik sa bukana ng palasyo, nakita naman ni Elysia na naghihintay sina Raion, Raya at Kael sa harapan.
"Prinsesa, maraming salamat sa pagbibigay mo ng pangalawang pagkakataon kay Kael. Tatanawin naming malaking utang na loob ito. Maraming salamat." Si Raion ang unang nagsalita.
Ngumiti naman si Elysia at tinapik ang balikat ni Raion bago ibinaling ang tingin kay Kael na tila nahihiya pang tumingin sa kanya.
"Wala ka bang sasabihin, Kael?" Tanong ni Elysia. Mabilis namang siniko ni Raya ang kapatid at maang na napatingin si Kael sa dalaga.
"Sasabihin? Ano naman ang sasabihin ko? Nasabi na nilang lahat. Hindi ako magaling sa salita, gagawin ko na lang kung ano ang dapat." tugon ni Kael, bakas pa rin sa binata ang mataas nitong pride na tila ayaw nitong lunukin. Napangiti naman si Elysia at bahagyang natawa.
"Gano'n ba, o, siya sige. Kung 'yan ang gusto mo. Vlad, mukhang kailangan ko ng makakasama sa tuwing lalabas ako ng palasyo, napapansin ko na masyado nang abala si Florin at Loreen, pero mukhang itong si Kael ay maraming oras." nakangising wika ni Elysia habang nakatingin kay Vlad.
Ngumiti si Vladimir at marahang pinitik ang ilong ng dalaga ngunit tumango pa rin ito.
"Kael, narinig mo naman siguro. Simula bukas, tungkulin mo ang samahan si Elysia kahit saan man siya pumunta. Kaligtasan niya ang unang prayoridad mo." Awtoritadong wika ni Vladimir at bahagyang nanlaki naman ang mata ni Kael. Inilagay nito ang kanang kamay sa dibdib at yumukod nang bahagya.
"Opo, kamahalan." sagot ng binata. Bakas sa boses nito na napipilitan lang ito kaya naman natawa lang si Elysia habang papalayo rito. Maging sina Raion at Raya ay pigil ang tawa dahil sa naging kinalabasan ng sitwasyon.
Sa pagbubukas ng bagong umaga, naging masigla ang simula nito para kay Elysia. Umaga pa lamang ay nakahanda na siya para mamasyal sa bayan.
Nakangiti naman si Vladimir habang pinagmamasdan ang dalaga na nag-aayos.
"Mukhang tuwang-tuwa ka ah, dahil ba nagtagumpay ka na maitala sina Raion sa talaan ng Nordovia o dahil makakasama mo ngayon araw si Kael?" tanong ni Vladimir at napakislot ang puso ni Elysia, nahimigan kasi niya sa tinig nito ang pagseselos.
Napaangat ang kilay niya at tumitig sa binata bago tinapik ang pisngi nito.
"Nagseselos ka ba, kamahalan?" tanong ni Elysia at napasimangot naman si Vlad.
"May dapat ba akong pagselosan?" balik na tanong ng binata at natawa naman si Elysia. Parang bata itong nakanguso sa harap niya. Tila nawawala ang pgiging isang malupit na bampira nito kapag ganoon na ang inaasal niya.
"Bakit ka naman magseselos, parang nakakatandang kapatid lang si Kael para sa akin, mas matanda siya sa akin ng ilang taon, bakit ko naman siya magugustuhan?" tugon niya, ngunit sa halip na makumbinsi ang binata ay lalo lamang na nandilim ang mukha nito. Huli na nang mapagtanto niya ang mali sa kaniyang sinabi.
"Mas matanda ako ng ilang siglo sa'yo, ibig sabihin ba ay hindi mo rin ako magugustuhan?" malagim ang boses na tanong ni Valdimir at umakyat an kilabot sa katawan ng dalaga.
"Ha? Iba ka naman sa kaniya Vlad. Mas bata ka pa ring tingnan sa kaniya, at hindi ko nga naiisip na ilang siglo ang tanda mo sa akin. Sa isip ko, parang dalawang taon o tatlo lang ang tanda mo sa akin. Paanong hindi kita magugustuhan?" bawi niya at dagling umaliwalas ang mukha ng binata.
"Ibig sabihin may gusto ka na sa akin?" muling tanong ng binata at bigla namang nag-init ang kaniyang mukha. Akma siyang sasagot upang pabulaanan ang iniisip nito ngunit isang halik ang sumalubong sa kaniya.
Tila ba naghahanap lang si Vladimir ng pagkakataon na magawa iyon. Napaismid pa si Elysia dahil bago nito tapusin ang halik ay tila pinanggigilan pa siya ng binata dahilan upang dumugo ang gilid ng labi niya. Nagsitayuan pa ang mga balahibo niya nang dilaan ng binata ang namuong dugo roon at ngumisi ng nakakaloko.
"Magsaya ka at aliwin mo ang sarili mo sa labas. Mag-iingat ka." Wika pa nito habang inaakay siya palabas ng kanilang silid. Huli na nang makabalik siya sa huwisyo niya. Naisara na ng binata ang pinto at narinig pa niya ang nakakaloko nitong tawa sa loob ng silid nila.
"Nakakainis naman. Naisahan na naman ako ng lalaking iyon. Hindi ka na talaga uubra sa akin sa susunod." Gigil na wika niya na alam niyang narinig naman ng binata dahil lalo lang lumakas ang tawa nito.
Padabog na nilisan ni Elysia ang pasilyo ng silid niya at lumabas na ng palasyo. Naabutan pa niya si Kael na kausap si Florin, inaabot ng huli ang isang espada rito.
Nnag makalapit na siya ay bahagya namang yumukod si Florin habang tila hindi naman maipinta ang mukha ni Kael.
"Magandang umaga Florin, hindi ka na dapat nag-abala na salubungin ako, alam ko kung gaano kayo kaabala ngayon ni Arowen."
"Prinsesa, sinisigurado ko lang na maayos kang mapoproteksiyonan ng bago mong bantay. " Nakangiting tugon ni Florin.
"Gano'n ba, kasama naman namin si Lira. Maraming salamat sa pag-aalala." Sambit ni Elysia. Kalaunan ay nagpaalam na sila rito. Hindi naman pinansin ni Elysia ang simangot na nakapinta sa pagmumukha ni Kael at nagpatuloy lang na sumakay sa karwahe na siyang maghahatid sa kanila sa bayan ng Targus. May kalayuan ito sa palasyo at nasa isang oras din ang lalakbayin nila patungo roon.
Ito ang ikalawang bayan na tutunguin niya upang makapamasyal at makapagmasid na rin. Habang hindi pa siya tuluyang nagiging reyna ay paisa-isa na niyang pinupuntahan ang mga bayang bumubuo sa Nordovia. May pitong malalaking bayan at limang maliliit ang Nordovia. At isa ang Targus sa malaking bayan nito.
"Anong gagawin natin doon sa Targus prinsesa?" Tanong ni Lira habang kumakain ito sa binti ng dalaga. Nakatanaw naman sa labas ng bintana si Elysia at napangiti.
"Magmamasid lang tayo, balak ko kasing puntahan ang lahat ng bayan sa Nordovia. Wala namang kaso iyon kay Vlad at isa pa may bantay naman ako. At bukod doon, may mga nakasunod rin sa atin na siya namang nagmamasid at magbibigay hudyat sa atin kung may panganib." Tugon ni Elysia at napatingin kay Karl na noo'y tahimik lang na nakaupo sa harap niya at nakapikit pa ang mata.
Nang marating naman nila ang lugar ay muling napatingin ai Elysia sa bintana. Tulad ng bayan malapit sa palasyo ay masigla at punong-puno rin ito ng mga nilalang na payapang naninirahan doon. Nasa bukana pa lamang sila ngunit kita na nila ang mga naglalakad na mga nilalang.
Pagkababa nila sa karwahe ay agad na napatingin namans a kanila ang mga ito. Dahil hindi naman lahat nakapunta sa kasiyahan sa palasyo, ay wala gaanong naging reaksiyon ang mga ito na ikinatuwa naman ng dalaga.
Malaya siyang naglakad-lakad sa bayan at tumingin-tingin sa mga nakatinda sa gilid lang ng daan.
"Ruka, ibalik mo na kasi 'yan, alam mo namang mahalaga 'yan sa akin." Sigaw ng isang babae. Naagaw agad ang pansin ni Elysia dahil sa malakas ng tawa ng lalaki.
"Sabi ko naman sa'yo Esme, hindi sa lahat ng pagkakataon tama ka." Wika naman nito.
"Oo na, basta ibigay mo lang sa akin 'yan. " Halos maiyak na ang babae sa pagmamakaawa. Akma na sana niyang sasawayin ang lalaki nang maunahan siya ni Kael. Mabilis na dinampot ni Kael ang lalaki sa damit nito sa likod at iniangat sa lupa.
Gulat na gulat naman ang lalaki at pilit na nagpumiglas sa pagkakahawak ni Kael. Ngunit dahil sa laki ng katawan ni Kael at sa natatangi nitong lakas ay walang nagawa ang lalaki kahit anong gawin niya.