Nagtungo na sila sa kusina, bitbit pa rin ni Elysia ang basket kung saan komportable nang natutulog si Lira. Iiwan sana niya ito sa silid ngunit naisip niya na baka mag-away pa sila ni Vlad.
Pagdating naman sa kusina, ipinatong agad ni Elysia sa mesa ang basket at nagsimula nang magtimpla ng kaniyang inumin. Naghain na rin si Loreen ng almusal niya na kaagad niya ring kinain.
Sa mabangong amoy ng karneng isinasalang ni Loreen nagising si Lira. Pikit-matang bumangon ito na ikinabigla pa ni Elysia. Kalaunan ay natawa ang dalaga nang makita ang naglalaway nitong ekspresyon. Halatang gutom na ito at naaakit ito sa amoy ng nilulutong karne ni Loreen. .
"Karne ba ang kinakain mo Lira?"pukaw niya rito. Napamulat naman ang nilalang at agad na yumakap sa pisngi ni Elysia.
"Panginoon, sa wakas nayakap kitang muli." Tuwang-tuwa na wika nito habang marahan kinikiskis ang pisngi niya sa pisngi ni Elysia.
Alanganing napangiti ang dalaga at marahang inilayo ito sa mukha niya.
"Lira, huwag mo na akong tatawaging panginoon, hindi kasi magandang pakinggan." Saad niya at napahilig ang ulo nito sa pagtataka.
"Bakit naman?"
"Basta, iba na lang ang itawag mo sa akin. Huwag na 'yon." Nakangusong sambit ni Elysia. Saglit namang nag-isip ang nilalang, humalukipkip ito habang nakalutang sa ere, nakapikit pa ang mata habang tila malalim na napapaisip.
"Tama, 'yon na lang. Dahil dito ka naman nakatira sa palasyo ng bampirang 'yon, tatawagin kitang prinsesa." Tugon ni Lira at nakahinga naman ng maluwag si Elysia. Mas mabuti na ang matawag na isang prinsesa kaysa tawagin siyang panginoon. Pakiramdam niya ay bigla siyang tumanda dahil sa tawag na iyon. Bagay lang 'yon kay Vladimir, sa isip-isip pa niya.
Matapos kumain, naglakad-lakad naman sila sa hardin. Si Lira ay nakaupo naman sa balikat ni Elysia habang himas-himas ang nabundat nitong tiyan.
"Grabe, napakasarap talaga ng pagkain ng mga mortal. Ilang taon din akong hindi nakakain ulit ng ganoon kaya sulit na sulit."masayang wika nito. Natatawa naman si Elysia dahil naaalala niya kung paano lantakan ni Lira ang nakahaing karne sa mesa. Parang sinaglit niya lang ito at hindi mo aakalaing isang maliit na nilalang lang ang kumakain.
"Grabe ka Lira, hindi ko alam na matakaw ka pala. Sa liit mong 'yan, saan mo nilagay ang pagkain na iyon?" Natatawa pang tanong ng dalaga.
Ngumisi lang naman si Lira at patuloy pa ring hinihimas ang tiyan. Naupo na si Elysia sa tabi ng lawa, sa malaking bato, kung saan madalas talaga siyang maglagi.
"Akin na ang kamay mo Prinsesa." Bungad na wika ni Lira habang inaabot ang maliit nitong kamay. Inilahad naman ni Elysia ang kamay at may kung anong inilagay doon si Lira. Isang maliit na bato, kasinglaki ito ng isang holen at kulay berde ito. Sa loob ng bato ay naaaninag niya ang isang maliit na halamang tila tahimik na namumuhay roon.
"Para saan 'to, Lira?" Tanong ni Elysia.
"Sa ngayon ay hindi mo pa magagamit ang bagay na iyan. Itago mo 'yan sa loob ng kuwentas kung saan ako nagmula. Balang araw magagampanan ng batong 'yan ang kaniyang misyon." Seryosong sagot naman ng nilalang. Nagtataka man ay sinunod na lang ni Elysia nag utos nito.
Matapos nilang magpahangin at magpahinga sa hardin ay tinungo naman ni Elysia ang training ground upang magpapawis. Tulad ng dati ay itinuon niya ang pagsasanay sa paggamit ng pana at palaso. Ilang oras din ang ginugol niya roon bago niya mapagpasiyahang bumalik sa loob ng palasyo.
"Mukhang kakatapos mo lang magsanay, kamusta naman ang pagsasanay mo?" Tanong ni Luvan nang makasalubong niya ito sa pasilyo.
"Maayos naman, hindi na ako nahihirapang gamitin ang pana. Hindi kagaya noong una na nabibigatan pa ako. Lalo na sa paghatak nito. "sagot ni Elysia.
"Mabuti naman kung gano'n. Sa susunod na linggo, espada naman ang pagtuonan mo ng pansin. Hindi lang dapat pangmalayuan ang pagtuonan mo. Ang malapitang pakikipaglaban, pagtuunan mo rin inyon ng pansin. Pagkatapos ng isang linggo sa espada, isasabak kita sa pakikipaglabana gamit lang ang iyong kamao."
"Sige, nauunawaan ko." Sang-ayon naman ng dalaga. Saglit pa silang nag-usap bago siya tuluyang tumuloy sa bulwagan ng trono ni Vladimir. Inaasahan na niyang abala ito kaya naman tahimik lang siyang naupo sa isang sulok kung saan madalas siyang magbasa ng mga aklat na naroroon.
Lumipas pa ang maraming araw at tahimik na pinagpatuloy ni Elysia ang kaniyang buhay sa palayo ni Vlad. Nagawa na rin siyang turuan ni Luvan ng mga kombate pisikal na magagamit niya sa malapitang laban lalo na kapag na dis-armahan siya ng kaniyang kaaway.
Hindi man naging madali sa una ay napagtagumpayan naman niyang tapusin at aralin ang mga itinuro ni Luvan.
Sa nalalapit na kaarawan naman niya ay naging mas abala pa ang mga tauhan ni Vladimir sa loob mg palasyo. Maging ang mga naimbetang mga tao at iba pang nilalang ay hindi na rin magkamayaw sa paghahanda ng kanilang ibibigay na regalo para sa kanilang reyna.
Sa kabila nito ay hindi naman napansin ni Elysia ang mga kumosyon sa paligid niya dahil na rin sa pagiging abala naman niya sa pag-aaral ng mga itinuturo ni Lira.
Kakaiba ang mga itinuturo nito dahil noon lamang niya ito nasilayan. Maging sa pagkontrol ng mga elemento ay ibang-iba ang ito sa yro naman ni Loreen.
Hindi niya alam pero mas mabilis niyang nakakabisa ang mga ito. Ang bawat katagang sinasabi ni Lira ay mabilis lamang niyang nakakabisa, walang kahirap-hirap itong lumalabas sa kaniyang bibig na tila gumugulong lamang. Natural ika nga.
Manghang-mangha naman si Elysia nang makita niya ang paglitaw ng nagbabagang apoy sa ibabaw ng kaniyang kamay. Ikinupas niya ito at lalo siyang namangha nang tila sumunod ito sa bawat galaw niya.
"Magaling, napakagaling prinsesa, hindi talaga nagkakamali ang tadhana. Ikaw talaga ang matagal ko ng hinahanap." Bulalas ni Lira habang paikot-ikot sa kaniya.
"Napakadali naman Lira, perp paano ko nagawa iyon. 'yong itinuro ni Loreen sa akin ay nahirapan ako. Kakarampot na apoy lamang ang nagawa ko. Pero itong itinuro mo sa akin, nakuha ko agad? Paano nangyari 'yon?" Nagtatakang tanong ni Elysia.
"Natural lang na madali, ikaw ang may hawak ng kuwentas at isa pa—" putol na wika ni Lira nang bigla itong napipilan.
"Ano?" Kunot-noong tanong ni Elysia.
"Wala pala, saka ko na sasabihin. Hindi pa ngayon ang tamang oras. Ang isipin mo na lang, mas maganda ngang madali mong nakakabisa ang mga itinuturo ko sa'yo. Hindi ka na mahihirapan at mas mapapadali pa ang pagsasanay mo.
Hindi na nagpilit pa si Elysia dahil alam din naman niyang hindi magsasalit si Lira. Ramdam niyang may tinatago ito sa kaniya. Ang hindi niya lamg maintindihan, bakit kailangan pang ilihim nito sa kaniya?
Sumapit na ang araw ng kaarawan ni Elysia. Hapon nang buksan ng mga kawal ni Vladimir ang tarangkahan upang papasukin na ang mga panauhin nila. Nagmula pa sa mga bayang sakop ng kanilang kaharian at mga kalapit pang bayan na kaalyansa naman ni Vladimir. Naroroon din ang mga taga Muntivor na malapit naman sa dalaga.
Masaya, puno ng kagalakan ang nangingibabaw sa piligid ng palasyo. Napuno iyon ng makukulay na bulaklak na inihanda pa ni Loreen at ng mga kasamahan niya. Naggagandahan sa palamuti ang buong paligid, maliwanag rin sa buong lugar at napakaraming pagkain ang nakahanda sa mahabang mesa.
"Sa aking mga nasasakupan, maraming salamat sa inyong pagdalo sa kaarawan ng ating prinsesa. Mula sa araw na ito ay isang taon na lamang ang ating hihintayin upang tuluyan na siyang maging ating reyna." Anunsyo ni Vladimir at napuno ng hiyawan ang buong paligid.
Itinaas ni Vlad ang kaniyang kamay at tumahimik naman ang mga tao. Pinalakpak niyang muli ang kamay ay nagliwanag naman sa isang parte at doon nila nasilayan si Elysia. Nakatayo habang nakangiting nakatingin sa buong paligid. Suot niya ang isang kulay itim at pulang bestida. Nakalugay ang buhok niya at may mga palamuting nakasabit roon. Sa leeg naman niya ay kapansin-pansin ang napakagandang kuwentas.
Nagsigawan ang mga tao nang makita siya. Kaniya-kaniyangbbati ang mga ito sa kaniya at lalaong lumapad ang ngiti ng dalaga. Sa buong buhay niya ay noon lamang siya nakaranas na batiin ng napakaraming tao.
Tuluyang pumatak ang mga luha sa kaniyang mga mata na kaagaran namang pinahid ng binata.
"Kaarawan mo, hindi ka ba masaya? Bakit ka umiiyak?" Tanong ni Vlad, iyak at tawa ang naisagot ni Elysia. Humugot siya ng malalim na hininga bago hinarap ang binata.
"Sobrang saya ko Vlad, kaya ako naiiyak dahil sa labis na kaligayahan. Maraming salamat." Tugon niya at walang pag-aatubiling niyakap ang binata.
Pumainlalang sa buong palasyo ang kantiyaw at masayang pagbati ng mga ito sa kanila. Maging sina Loreen at Luvan ay nakisali na rin sa kanila.
Matiwasay na natapos ang kasiyahan at halos mapuno ng alay at mga regalo ang bulwagan.
"Paano ko naman bubuksan ang lahat ng ito? Loreen ang mabuti pa, lahat ng magagamit natin sa kusina ay ipakuha mo na lang sa mga kasama mo. Ang iba ay imbakin na lamang muna natin, hindi ko naman kailangan ngayon. Pero baka sa darating ng araw ay magamit natin ang mga 'yan." Utos ni Elysia na agad din namang ainunod ni Loreen.