Chapter 31 - Chapter 31

Si Elysia naman ay minabui nang mag-ikot sa loob ng tindahan. Tahimik niyang tinitingnan ang mga kakaibang bagay na noon lang niya nasilayan. May iba naman na nakikita na niya sa silid ni Loreen kung saan minsan na rin siyang nagsanay.

Sa kaniyang pag-iikot ay napatda naman ang tingin niya sa isang kuwentas na nakasabit sa mga estante. Puno na ng alikabok ang kuwentas na iyon at halatang hindi iyon napapansin ng mga tao. Hindi iyon kagandahan ngunit tila may puwersa doon na tila nangungusap sa kaniya na kunin ito.

"Ano ba'ng mayro'n sa'yo at nais mong kunin kita?" mahinang bulong ni Elysia, animo'y kinakausap ang kuwentas na iyon habang marahan itong kinukuha mula sa kinalalagyan nito.

Nang tuluyan naman niya itong makuha, ay naramdaman naman niya ang kakaibang init na nagmumula roon.

Nag-ikot-ikot pa siya roon hanggang sa tuluyan na ngang makalabas si Loreen at ang matanda sa silid na pinasukan nila. Nang magbayad na si Loreen ay pinasabay na rin niya ang kuwentas na nakuha niya sa estanteng iyon.

"Saan mo nakuha ito, hija?" tanong ng matanda, nangungunot pa ang noo nito habang tinitingnan ang kuwentas na ipinakita niya.

"Doon po sa ikalimang estante sa kaliwa, bakit po, hindi niyo po ba binibenta ang bagay na 'yan?" tanong ni Elysia.

"Wala akong natatandaang ganitong kuwentas sa mga binibenta ko, at isa pa napakaluma na ng kuwentas na iyan. Tutal naman ay ikaw ang nakakita niyan, sa'yo na 'yan hija." Wika naman ng matanda sabay abot ng kuwentas sa kaniya.

"Tulad nga ng sinabi ko hindi sa tindahan ko 'yan, kaya wala akong karapatang pagkaperahan ang bagay na hindi naman akin. Marahil ay para sa'yo talaga ang bagay na 'yan." Tugon pa ng matanda.

Nag-aalangan man ay tinanggap na rin ni Elysia ang kuwentas at isinilid iyon sa kaniyang bulsa. Matapos nilang mamili roon ay nag-ikot na sila sa bayan, may iilan pa silang tindahang pinasok bago sila tuluyang nakapamasyal at nakapaglibang.

Natuon naman ang pansin ni Elysia sa mga magagarang damit na nakahilira sa isang tindahan. Katulad iyon ng damit na natatandaan niyang suot ng kaniyang ina noong maliit pa siya. Isang dilaw na mahabang bestida iyon, simple ngunit hindi maikakaila ang pagiging elegante nito. Mahaba ang manggas nito na umaabot sa siko at ang haba naman ng palda nito ay hanggang tuhod. May maliliit na dekorasyong bulaklak iyon na sa pagkakatanda niya ay nilalaro-laro pa niya noon.

"Bakit Elysia, gusto mo ba ang damit na iyan? Paniguradong babagay sa'yo iyan." Pukaw ni Loreen sa kanya. Noon lang din napagtanto ni Elysia na matagal na pala siyang natulala habang hawak ang naturang damit.

"Napakaganda, naalala ko, ganito rin ang suot ng Mama ko noong bata pa ako." panimulang wika ni Elysia.

"Sa tingin mo, babagay ba ito sa akin, Loreen. Bigla ko lang naisip, kung buhay pa sina Mama, marahil matutuwa sila na lumaki na ako ng ganito. Nakakalungkot lang dahil, maikling panahon lang ang naging pagsasama namin bago sila kinuha sa akinng tadhana." Sambit naman ni Elysia.

"Ganoon talaga ang buhay, Elysia. Huwag mo nang masyadong damdamin iyon. Ang mahalaga ay ang ngayon. Masaya ka at magiging masaya pa sa pagdating ng panahon. Hindi ba't nalalapit na ang ika-labing pitong kaarawan mo? Bakit hindi natin gawin espesyal ang kaarawan mong iyon. Ngayon wala ka na sa poder ng mga nananakit sa'yo, panahon na para maging masaya ka naman." Mahabang wika ni Loreen.

Napangiti naman si Elysia nang maalala iyon.

"Kaarawan mo? Kailan iyon, dapat ngang ipagdiwang natin iyon. Sa pagsapit ng iyong kaarawan, isang taon na lang at magiging opisyal ka ng reyna ng ating kaharian." Masiglang wika ni Florin na kanina pang tahimik lang na nakasunod sa kanila.

"Ayan, diyan ka talaga nabubuhayan. Kahit kailan talaga Florin, puro laro lang ang nasa isip mo." natatawang puna ni Loreen. Napakamot naman sa ulo sang binatang elf at ngumisi.

"Minsan lang sa isang buong taon ang kaarawan ng ating reyna, kung hindi tayo magsasaya, ano naman ang gagawin natin? Magmumukmok?" Umiiling niyang kontra sa sinabi ni Loreen. Natawa naan si Loreen at marahang ginulo ang buhok ng binata.

Mas matanda lang kung tingnan si Loreen dito ngunit higit namang mas matanda sa kaniya si Florin. Sadyang bata lang ang mukha nito kung kaya't minsan ay nakakalimutan na nila ang kanilang mga edad.

"Sa tingin mo Elysia, ayos lang ba sa'yo na ipagdiwang natin ang kaarawan mo?" tanong ni Loreen.

"Oo naman, gusto ko ring maranasan ang magkaro'n ng selebrasyon sa aking kaarawan." tugin ni Elysia.

"Ayon naman pala eh, O siya, dahil diyan ako na ang bahala sa paghahanda. Wala kayong gagawin kun'di ang maghintay lang sa araw na iyon." tuwang-tuwa na wika ni Florin.

Matapos ang buong araw nilang paggala ay bumalik na sila sa palasyo. Tulad ng nasabi ni Loreen ay isang karwahe ang sumundo sa kanila. Pinagtinginan pa sila ng mga tao roon habang umaakyat sila sa karwahe. Mayamaya pa ay nakita ni Elysia ang sabay-sabay na pagyukod ng mga ito sa harap ng kanilang karwahe.

"Bakit nila ginagawa iyan?" tanong ni Elysia.

"Pagbibigay galang. Marahil ay nakilala nila ang karwahe ng hari. Ngayon ko lang napagtanto, ang personal na karwahe ng hari ang pinadala dahil kasama ka namin. Sa susunod na balik mo, siguradong pagkakaguluhan ka na ng mga tao at iba pang nilalang rito." natatawaang wika ni Loreen.

Hindi naman nabahala si Elysia dahil alam niyang maganda ang reputasyon ni Vladimir sa nasasakupan niya. At balak rin niyang maging malapit sa mga tao at iba pang nilalang na nasasakupan ni Vladimir. Wala naman masama roon, nais niyang makatulong sa binata kaya sisimulan niya iyon sa mga taong nakapaligid rito.

Pagdating nila sa palasyo ay agad naman silang sinalubong ni Vivian. Nag-aalala ang mukh nito na para bang may mabigat na problema itong dinadala.

"Bakit, Vivian. May problema ba?" agap na tanong ni Elysia nang makita ang pag-aalala sa mukha ni Vivian.

"Elysia, nagtungo ako sa lihim na silid ni Vladimir, nakita ko doon ang tiyahin mo at ang lalaking pinsan mo. Pero 'yong babaeng nanakit sa kapatid ko nawawala. Nang datnan ko ang lugar, walang malay ang mga tauhan ni Vladimir. Hula namin mayroong kumuha sa kaniya." ulat ni Vivian at nagkatinginan naman si Loreen at Elysia.

Nangunot naman ang noo ni Florin at sabay-sabay na nilang nilakad ang daan patungo sa naturang lugar.

Pagdating nila roon ay nabutan pa nilang binibigyan ng ibang bampira ang kanilang kasamahang nawalan ng malay at nanghihina.

Mabilis namang lumapit doon si Elysia at tinanong ang mga ito.

"Ano'ng nangyari, nasaan si Alicia?"

"Kamahalan, patawad naging pabaya kami, hindi namin inaasahan ang pag-atake ng kung anong nilalang. Paggising namin, wala na siya." sagot ng nanghihinang bampira.

Nang ibaling niya ang tigin sa posteng kinaroroonan ng kaniyang tiyahin ay ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makitang wala nang buhay ang mga ito. Maging ang pinsan niyang si Roman ay tila hayop na ginutay-gutay ang katawan. Butas na rin ang mga dibdib nito at nawawala ang kani-kanilang mga puso.

Maraming kalmot din silang nakita sa pinakakatawan ng poste kung saan nakatali si Alicia.

Hindi na nagtagal pa roon si Elysia at dali-daling tinungo ang bulwagan ng trono ni Vladimir.

"Nagpunta ka roon?" Tanong ni Vladimir nang makita ang dugo sa damit ni Elysia.

"Doon ako galing. Tatlo ang napinsala sa mga tauhan mo dahil sa pag-atake. Vlad, ano ang pakay nila kay Alicia, bakit nila kinuha ang pinsan ko, pero pinat*y nila ang tiyahin ko at si Roman." Tanong ni Elysia.

"Huminahon ka Ely, sa ngayon wala pa akong sagot sa mga katanungan mo pero isa lang ang sisiguruhin ko sayo. Hindi ako titigil hangga't hindi siya naiilagay sa hukay na nararapat sa kaniya." Matiim na wika ni Vladimir.

"Hindi naman iyan ang inaalala ko. Hindi ba ito makakasira sa mga plano mo? Paano kung gamitin nila si Alicia para pabagsakin ka?" Nag-aalalang wika naman ni Elysia. Sa narinig ay napangiti naman si Vladimir.

"Hindi mangyayari iyon. Magtiwala ka lang. "tugon ng binata.

Doon lang din nakahinga ng maulwag si Elysia. Wala naman sa mukha ng binata na nababahala ito kaya naman kinalma na rin niya ang sarili.

Lumipas pa ang mga araw at nawala na nga sa isip niya ang mga nangyari. Naging abala na rin siya sa pag-sasanay at pag-aaral niya na kontrolin ang elemento ng apoy.

Sa nalalapit na araw ng kaarawan niya ay lalong mas naging abala ang mga nilalang sa palasyo. Mapatao man, elf, sorcerers at iba pa, walang paglagyan ang kanilang kasiyahan habang naghahanda sa magiging kaganapan sa palasyo.

Maging ang mga kalapit na bayan ay naghahanda na rin sa magiging selebrasyon na inilathala ng palasyo na maaari nilang daluhan.

"Pati mga tao sa mga bayan ay imbetado? Kakasya ba sila sa palasyo?" Gulat na tanong ni Elysia nang makita ang listahan ng mga taong dadalo sa kaniyang kaarawan.

"Hindu naman ganoon karami ang dadalo. Pili lang din ang maaaring dumalo, ang mga bata ay hindi pahihintulutan. Tanging mga nakatatanda sa bawat pamilya lamang. Isa hanggang dalawa bawat bahay lamang ang maaaring lumahok."sagot naman ni Loreen habang inaayos ang mahabang buhok ni Elysia.

Magkahaling sabik at pagkalula naman ang naramdaman niya habang isa-isang binabasa ang mga pangalan ng mga naroroon sa listahan.