Chapter 25 - Chapter 25

Matapos mag-ayos ay lumabas na sila sa kanilang silid para tumungo sa kusina. Doon ay natagpuan nila si Loreen na abala na sa pagluluto ng almusal. May nakahanda na ring isang baso ng dugo sa mesa, mukhang alam na rin nito ang pagparoon ng hari sa kanilang kinaroroonan.

"Mabuti naman at gising na kayo, kumain ka na Elysia, hindi ka nakapaghapunan kagabi, alam kong napagod ka sa lakad mo kahapon." saad ni Loreen at inilapag sa harapan ng dalaga ang pagkain nito.

Matapos kumain ay naglakad-lakad naman sa labas ng mansyon si Elysia at Vlad. Tinungo nila ang likod nito kung saan matatanaw nila ang ilog at naupo roon.

"Naihanda na ng mga alagad ko ang Haruna, hindi ko alam na aabot sa ganito ang magiging desisyon mo, pero dahil iyon ang pinili mo, maya kang ipatupad iyon." Saad ni Vlad habang magkatabi silang nakaupo sa harap ng ilog.

"Hindi ka galit? Hindi mo ako tatanungin?" tanong ni Elysia at nagumiti lang ang binata.

"Ikaw ang aking magiging reyna, at kasama sa responsibilidad ng isang reyna ang pamunuan ang nasasakupan kasama ang hari. Hindi palamuti ang tingin ko sa isang reyna kun'di katuwang sa lahat ng bagay. Isipin mo na lang na simula na ito ng iyong tungkulin sa ating nasasakupan."

"Hindi ba kalabisan iyon? Hindi pa ako isang reyna pero nagdedesisyon na ako. Hindi ba ako magkakaproblema sa mga alagad mo?" Natatawa pang tanong ng dalaga na ikinatawa na din ni Vladimir.

"Walang mangangahas na kuwestiyunin ang desisyon mo, dahil simula't-sapol na kinuha kita, alam nila ang tungkuling gagampanan mo. Wala ni isa sa mga alagad ko ang mangangahas na baliwalain ang mga utos na magmumula sa'yo." Sagot naman ng binata. Marahan niyang tinapik ang pisngi ni Elysia at napangiti naman ito.

Nanatili pa sila roon at masinsinang nag-usap. Pinupunan ang mga panahong malayo sila sa isa't-isa. Nasa ganoong sitwasyon sila nang abutan nina Luvan at Florin. Kasama ng mga ito si Tandang Hector na tila kinakabahan pa. Panay ang lakumos nito sa laylayan ngkaniyang damit habang tila hindi napapakali sa pagkakatayo.

"Kamahalan, narito na po ang tumatayong lider ng bayan ng Muntivor." Anunsyo ni Florin habang bahagyang nakayukod sa harapan nila.

Lumingon sila pareho at napangiti naman si Elysia nang makita si Tandang Hector.

"Maligayang pagdating po sa bayan ng Muntivor, Haring Vladimir." Natatarantang bati ni Tandang Hector at yumukod sa harap nila.

"Siguro naman ay naipaliwanag na sa inyo ni Elysia ang mangyayari ngayon sa bayan niyo. Pansamantalang lilisanin niyo ang bayan ito upang tuluyan na itong mainis at maibalik sa dating kaayusan. Hangga't naghahari malapit rito ang mga alagad ni Vincent ay hindi kayo makakaranas ng kalayaan at kaayusan." walang patumpik-tumpik na wika ni Vladimir. Mataman nakatitig lamang siya sa matanda at kapansin-pansin ang mga butil-butil na pawis na namumuo sa noo nito.

"Naiintindihan po namin. Kung iyon ang makabubuti ay walang pag-aatubili kaming susunod." tugon naman ng matanda.

"Mabuti kung gano'n, bukas makalawa, sa pag-angat ng unang kabilugan ng buwan sa kalangitan, tipunin mo ang nasasakupan mo at dalhin sa loob ng mansiyon, para sa inyong paglikas." Awtorisadong wika ni Vlad.

Sumapit ang araw na itinalaga ni Vladimir, sa kalaliman ng gabi ay paisa-isa nang pumasok ang mga tao sa mansyon at ni isa sa kanila ay hindi na nakalabas pa. Buong pagtitiwalang sumusunod ang mga tao sa kanila, hanggang sa tuluyan na nga nilang mailikas ng palhim ang mga tao sa bayan ng Muntivor.

Kinaumgahan, dahil sa wala na ang mga tao, inukupa naman ng mga kawal ng hari ang mga bahay na inabandona. Habang ang ibang bahay naman ay tinuluyan ng mga lalaking pinili ang magpaiwan at makisali sa digmaan na magaganap.

Walang kaalam-alam ang kanilang mga kalaban sa nangyayari sa loob ng bayan kaya naman maayos silang nakapaghanda.

Sa pagsapit ng ika-limang pagbilog ng buwan ay sumiklab na ang digmaan kanilang pinaghandaan.

Ang panig ng kalaban ay pinangungunahan ng isang malaking bampira na may kulay pilak na buhok. Malaki ang pangangatawan nito na batak na batak ang mga kalamnan sa pakikipaglaban. Purong itim ang mga mata nito na kakaiba para sa mga purong bampira na may ginto o pulang mata.

"Mag-iingat ka Elysia, may lahing dem*nyo si Xander, isa siya sa pinakamalakas na General ni Vincent." wika ni Vladimir. Kasalukuyan silang nakatayo sa harap ng mansyon habang inaabangan ang pagkilos ng kanilang mga kalaban.

"Nakakatuwa naman, talagang nag-abala ka pang iwan ang iyon trono para lang sa isangmaliit na bayang katulad ng Muntivor." malumanay na saad ni Xander. Napakalalim ng tinig nito na maihahalintulad mo sa tinig na nanggagaling sa ilalim ng lupa.

"Hindi lang ang bayan ang ipinunta ko rito Xander. Hindi ba't atat kang makuha si Elysia? Ano sa tingin mo, hahayaan kitang gawin iyon? Hangga't nabubuhay ako, hinding-hindi niyo makukuha si Elysia sa poder ko." Sagot naman ni Vladimir.

Pagak na tumawa si Xander at sumenyas sa kaniyang mga alagad na huminto muna. Muli niyang hinarap Si Vladimir at doon niya nakita si Elysia na nakatayo sa tabi ng Hari.

Naningkit ang kaniyang mga mata at napansin naman ng dalaga ang kakaibang pagtitig nito sa kaniya.

"Walang silbi ang mga tao sa atin kun'di ang maging laman ng ating sikmura. Tulad ka rin namin Vladimir, ngunit nakakapagtaka kung bakit ganoon na lamang ang pagmamahal mo sa mga tao." Asik ni Xander habang natatawa. Nanlisik ang mga mata nitong napatitig kay Elysia na siyang nagbigay naman ng kakaibang kilabot sa dalaga.

"Kung silbi lnag ang pag-uusapan, wala ka no'n Xander. Sa tingin mo ba'y mahalaga ka talaga sa kapatid ko? Sa oras na mawalan ka ng pakinabang, ikaw din ang unang-una niyang ilalaglag." Wika naman ni Vladimir. Agad na nagbago ang timpla ng mukha ni Xander. Nagkiskisan nag mga ngipin nito at lalong humigpit ang hawak nito sa kaniyang sandata.

"Hibang ka Valdimir, wala ka sa teritoryo mo, wala rito ang mga Heneral mo, nag-iisa ka lamang at ang tanging mga kasama mo rito ay mahihinang mga tao. Humanda ka, dahil dito pa lang at tatapusin na kita, ang pagpugot ko sa ulo mo ang magiging tropiyo ko para makuha ang inaasam kung kapangyarihan na igagawad sa akin mg aking Hari." Tumatawang saad ni Xander at sumenyas ng pag-atake sa kaniyang mga alagad.

"Ikaw ang nahihibang Xander." Patuyang wika ni Vladimir. Maagap namang kumilos ang mga tauhan ni Vladimir at sinalubong ang mga umaatake. Bampira laban sa bampira, bampira laban sa elf at bampira laban sa mga tao. Habang si Xander naman ay walang pag-aatubiling sinugod si Vladimir. Hari laban sa heneral, agarang napaatras naman si Elysia at maiiging pinagmasdan ang labanang nagaganap sa kaniyang harapan. Ito ang unang beses na nakasaksi siya ng tunay na digmaan. Mahigpit niyang hinawakan ang kaniyang espada at sinugod ang isang bampira na inaatake ang isang lalaki 'di kalayuan sa kinaroroonan niya.

Ito ang unang laban ni Elysia, kung kaya't kakaibang kaba ang kaniyang nararamdaman. Sa bawat hambalos ng kaniyang espada at bawat salag niya sa mga atake ng kaniyang mga kalaban, iba't-ibang emosyon din ang lumulukob sa kaniyang buong pagkatao.

Matapos kitilan ng buhay ang panglimang bampira na kalaban niya ay di niya inaasahan ang isang pag-atake sa kaniyang likuran. Tumilapon siya at halos mangudngod sa lupa. Nabigla naman ang lahat sa nangyari at maging si Vladimir ay saglit na nawala sa pokus nang makita ang nangyari sa dalaga.

"Elysia!!!" Sigaw ni Vladimir.

"A—ayos lang ako." Ganting sigaw naman ng dalaga. Mabilis siyang tumayo sa kinalulugmukang lupa, nasaktan man ay hindi niya gaanong ininda ang nararamdaman. Pilit niyang hinawakan ang kanyang espada at walang takot na hinarap ang nilalang na umatake sa kaniya.

Bahagya pang nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang isang dambuhalang grimmer ang nasa harapan niya. Umaangil ito habang nanlilisik ang mapupula nitong mga mata habang nakatitig sa kaniya. Ang matutulis nitong pangil ay may kulay berdeng likido na bumabalot dito na sa tuwing papatak sa lupa ay nagmimistula itong asido. Makapal at tila apoy na kulay itim ang balahibo nito.

"Isang grimmer?" Bulalas ni Elysia. Sa pagkakatanda niya, hindi basta-bastang nilalang ang mga grimmer. Una niya itong nakaharap noong nagsasanay pa lamang siya at tanging si Vladimir lamang ang nakatalo rito.

Napaatras siya ng bahagya nang makitang umabante ang nilalang. Tila niyakap siya ng takot dahil sa pag-atungal ng nilalang. Nang muli siyang atakihin ng nilalang ay mabilis siyang umilag dito dahilan upang magpagulong-gulong siya sa lupa.

Muli siyang tumayo at ipinilig ang kaniyang ulo.

Hindi dapat takot ang pinapairal niya. Mahigpit siyang napahawak sa kaniyang espada at pasigaw na inatake ang grimmer. Isang malakas na hambalos ang iginawad niya sa nilalang ngunit tilad ng inaasahan ay tumalbog lamang ang talim ng kaniyang espada sa balahibo ng nilalang. Nabitawan niya ang kaniyang espada nang maramdaman ang matinding panginginig nito sa nagawa niyang pag-atake rito.

Halos mapasigaw na lamang siya nang makita ang muling pag-atake sa kaniya ng grimmer. Akmang susunggaban na siya ng grimmer ay isang bulto naman ng tao ang biglang humarang at siyang sumangga ng atakeng iyon.

Kitang-kita niya kung paano, walang kahirap-hirap na sinangga ng lalaki ang matutulis na kuko ng nilalang. Noong una ay inakala pa niyang si Luvan iyon ngunit nang maaninag niya ito ay doon lamang niya napagtanto na hindi si Luvan ang lalaking sumagip sa kaniya.