"Maginhawa ang buhay namin noon, may asawa at tatlong anak ako, ang panganay ko ay binata na, habang nasa labing isang taon na ang pangalawa ko, ang bunso naman ay anim. Masaya ang buhay namin, walang gulo, tahimik lang ang bayan. Pero sino ang mag-aakalang isang araw lang ang kailangan para lahat ng iyon ay mawakasan? Inatake kami ng mga grimmers, mga bampira at orcs. Wala kaming nagawa kun'di ang tingnan ang mga mahal sa buhay namin na lapain at kainin ng mga nilalang na iyon," salaysay ni Laxus. Madilim ang mukha nito habang pilit na binabalikan ang masalimuot na pangyayari sa kaniyang nakaraan. Mariing nakakuyom ang mga kamao na animo'y nagpipigil na huwag lumabas ang poot at galit na nararamdaman nito.
"Ngayon mo itanong sa akin bakit ako tumalikod sa bayang ito. Wala silang nagawa, kahit ang pinakamalakas na mandirigma ng aming bayan ay walang kahirap-hirap na nagapi ng mga halimaw na iyon." Tiim-bagang na wika nito, nagkikiskisan pa ang mga ngipin sa pagpipigil. Mayamaya ay marahas na napailing ang lalaki at natawa.
"Mali, hindi pala siya nagapi, dahil siya ang mismong dahilan ng pagbagsak ng bayan. Ultimo sarili niyang pamilya ay ibinenta niya sa mga halimaw na iyon. Itanong mo kay Tandang Hector para maliwanagan kayo. Itanong mo kung sino ba talaga ang dahilan kunga bakit ganito ang sitwasyon ng bayan ng Muntivor. Tumaliwas kami dahil nawalan na kami ng tiwala sa bayang ito. Pakiramdam ko, bawat sulok ng bayan ay pinamumugaran na ng mga halimaw."
"Pero bakit kailangan niyong makipag-usap sa mga halimaw na tinatawag niyo? Hindi ba dapat sa kanila kayo mas galit at hindi sa mga tao na naririto?" naguguluhang tanong ni Elysia.
"Sa mundong ito may isang kaabihan akong pinaniniwalaan. Kung hindi mo kayang gapiin ang kalaban, kaibiganin mo. Kilalanin mo at alamin ang kahinaan nila. Hindi kami tanga para maging alipin ng mga nilalang na naging sanhiang pagkawasak ng aming pamilya kung walang dahilan. Isa lang naman ang nais namin, ang mapasok ng malaya ang Willonfort at pabagsakin si Xander." sagot ni Laxus at nanlaki ang mga mata ni Elysia. Maging si Luvan ay napataas ang kilay sa narinig.
"Ibig sabihin lahat ng ito ay planado niyo?" gulat na tanong ng Elysia at mapait na ngumiti si Laxus.
"Hindi lahat. Hindi kasama sa plano itong pagkahuli namin. Aaminin ko, masama ang loob ko dahil sa pagkakamaling ito nasira ang lahat ng matagal na naming naplano. Dahil dito, paniguradong basura na ang tingin sa amin ni Xander." umiiling-iling pa na wika ni Xander. Marahas na ibinayo ng lalaki ang kamay sa kaniyang binti.
"Kung alam ko lang na aabot sa ganito ang sitwasyon, hindi na dapa ako nagmading makuha ang loob ng halimaw na 'yon. Akala ko ay sinuwerte ako, hindi pala." mayamaya pa ay natawa na ito habang naluluha.
Nagkatinginan naman ang tatlo matapos marinig ang sinabi nito. Sumenyas naman si Loreen na purong katotohanan ang sinasabi ng lalaki. Hindi nila alam na malalim pala ang dahilan ng pagtiwalag ng mga ito sa sarili nilang bayan. Taliwas naman iyon sa unang pahayag na sinabi ni Tandang Hector sa kanila.
Ipinaliwanag naman ni Laxus sa kanila kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Tandang Hector sa kanila, isa ang anak ni Tandang Hector sa traydor ng bayan nila, walang kaalam-alam ang matanda na naibenta na ng anak niya ang buhay ng mga tao sa bayang iyon. Nang malaman ito ni Laxus ay agad niyang sinugod ang bahay ng matanda.
Nagpang-abot sila ng anak nito at nagpangbuno hanggang sa mapatay niya ito. Doon nagsimula ang kaguluhan sa pagitan nila. Hinimok niya ang iba pang kalalakihan na nawalan ng pamilya na sumama sa kaniya at maging guerilya na lamang sa bundok. Doon ay malaya silang nakakakilos at nagbabantay sa bayan. Sa kabila nang pinapakita nilang kasamaan sa mga taong-bayan ay palihim naman silang nagbabantay sa tuwing sasapit ang gabi. Nagmimistula silang mga anino sa dilim, at sa pagsapit ng liwanag ay sinusuot nila ang maskara ng dem*nyo bilang kanilang baluti.
Matagal bago nakapag-reak sina Luvan, Elysia at Loreen. Hindi ganito ang inaasahan nilang kahihinatnan ng kanilang pag-uusap. Ibang-iba ito sa kanilang inaakala.
Nang tuluyan na silang makalabas ay doon lang tila naliwanagan ang kanilang isipan. Hindi kalaban ang grupo ni Laxus, bagkus kakampi sila na nagsusuot ng maskara ng isang kalaban. Pagbabalat-kayo lamang ang lahat. Hindi maiwasan ni Elysia ang hindi manghinayang sa lahat ng paghihirap ng grupo ni Laxus. Ngayong nahuli nila ito, wala na itong silbi sa mata ni Xander. Hindi rin nila ito maaaring ibalik sa kagubatan dahil paniguradong pag-iinitan ni Xander ang buong grupo nila.
Nang sumunod na araw ay muli silang bumalik sa bahay na tinutuluyan ni Laxus at ng mga kasama nito.
"Ako ang tumatayong lider nila, at isang tao lang ang higit kong pinagkakatiwalaan sa kuta namin. Iniwan ko siya roon upang maging tagahalili ko. Bakit niyo nais malaman ito?"
"Dahil mamamatay ka at magpapatuloy ang naunang plano niyo." Tugon ni Luvan at nanlaki ang mata ng lalaki. Natigalgal ito na halos hindi makapaniwala sa narinig.
"Kayo ng mga kasama mo ay babalik sa kuta niyo nang walang buhay. Kung may nais kang sabihin sa kahalili mo, ay isulat mo na sa papel na iyan. Iyan ang huling magagawa mo bilang lider ng grupo niyo." Dagdag pa ni Luvan at inabot ang isang panulat at mga papel.
Nanginginig ang mga kamay ni Laxus nang abutin ang mga ito.
"Kung ito ang mas makakabuti, handa akong isakripisyo ang buhay ko para hindi masira ang matagal nang pinaghirapan namin. Alam ni Geron ang gagawin dahil kasama ko siyang nagplano nito." Wika ni Laxus at nagsimula nang magsulat.
Nagkatinginan naman si Elysia at Loreen bago tumango sa isa't-isa. Matapos ang tagpong iyon ay isinilid na ni Laxus ang liham sa isang itim na sisidlan, tumingin pa siya sa kaniyang mga kasama bago niya kunin ang punyal na kanina pang maghihintay sa kaniya.
Bahagya pang umatras sina Luvan rito habang pinagmamasdan ang lalaki. Nakatingin lang din sa kanila si Laxus nang may maliit na ngiti sa kaniyang labi. Saglit pa itong nagsambit ng panalangin bago nito tuluyang tapusin ang lahat.
Napahinga naman ng malalim si Elysia sa nasaksihan. Bahagya siynag naluha, dahil sa ganito natapos nag lahat. Naroon ang paghihinayang at ang pangingibabaw ng awa para sa mga taong ito.
Dahil sa bigat ng mga pangyayari ay mas minabuti na ni Elysia ang magpahinga sa silid niya. Pagsapit naman ng hapon ay tinungo niya ang silid ni Loreen at doon pinagpatuloy ang kaniynag pag-aaral.
Mga simpleng mahika muna ang itinuro sa kaniya ni Loreen. Sinimulan nila sa pagkakabisa ng mga simpleng spells na mapapakinabangan nila sa oras ng laban. Kabilang sa spells na iyon amg pagpapagaling sa mga sugat na hindi namang gaanong malubha.
Malalim na ang gabi nang tuluyang magpahinga si Elysia. Kinabukasan, paggising ni Elysia ay agad niyang tinungo ang bahay na minsang tinuluyan nina Laxus at mga kasama nito. Sa kasamaang palad ay wala na ito roon. Tila ba parang bulang naglaho ang bahay na iyon. Muli siyang nakaramdam ng lungkot at humugot ng malalim na hininga.
Wala sa sarili siyang naglakad pabalik sa mansyon. Tinungo niya ang kusina at naupo roon habang pinagmamasdan si Loreen habang nagluluto.
"Magiging maayos ba nag lahat Loreen, paano kung dahil sa ginawa natin, magalit lalo ang kaibigan ni Laxus?" Tanong ni Elysia.
"Kasama sa plano ang magalit sa atin si Geron. Kung hindi makatotohanan, hindi sila paniniwalaan ni Xander. Malalakas ang kutob ng mga bampira Elysia, hindi sila basta-basta nauuto, lalo ng mga tao." Tugon naman ni Loreen at inihain na nito ang niluluto nitong pagkain.
Matapos kumain ay nagpatuloy na si Elysia sa kaniyang pag-aaral. Hindi tulad noong mga nauna niyang pagsasanay, hindi ang katawan niya ang nababatak, kun'di ang kaniyang utak.
Isang buwan pa ang lumipas at nagagawa na ni Elysia ang kontrolin ang ibang elementong malimit nilang nagagamit katulad ng apoy at tubig. Paunti-unti ay nakakaya na niyang gamitin ito sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga tamang kataga.
"Hindi minamadali ang pag-aaral ng mahika, tandaan mo Elysia, utak at puso ang ginagamit natin rito. Hindi man mapagod ang katawan mo ngunit kapag ang utak mo ang napagod ay babagsak maging ang kabuuan mo." Iyon ang laging paalala sa kaniya ni Loreen.
Kasalukuyan siyang nakaupo sa damuhan sa tabi ng malaking ilog malapit sa mansyon. Nakapikit ang kaniynag mata habang sinasamyo niya ang sariwang hangin na umiihip roon. Sa pagmulat ng kaniyang mata ay kitang-kita niya ang malinis na tubig na dumadaloy sa ilog. Napakalaki na ng pinagbago ng Muntivor simula nang marating nila ito.
Marahan niyang kinumpas ang kaniyang kamay at tila may buhay na sumusunod sa bawat galaw niya ang tubig na naroroon. Ngunit ilang sandali lamang iyon dahil marahas na bumagsak ang tubig pabalik sa ilog at humihingla siyang napatukod sa lupa dahil sa pagod.
"Ang hirap talaga. Mas mahirap pa yata ito sa pagsasanay ko sa paggamit ng sandata." Sambit ni Elysia at muling sinubukan. Ilang beses pa niyang inulit subalit bigo pa rin siyan. Napasalampak na lamang siya at napahiga sa damuhan dahil sa pagod.