Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 16 - Chapter 16

Chapter 16 - Chapter 16

Masayang nakipagkuwentuhan si Esmeralda sa mga estudyante, pinakita rin ng mga ito ang kanilang proyektong gagawin at tumulong na rin si Esmeralda sa paghahanap ng makikintab na bato na gagamitin nila.

Sa pagsapit ng dapit-hapon, naghanda naman sila ni Mateo ng mga bitag para sa ulang na huhulihin nila. Inihanda na ni Mateo ang mga isdang binili nila sa palengke at iyon ang gagamitin nilang pain para sa mga ulang. Matapos ang paghahanda, inilagay nila ang mga isda sa mabatong parte ng ilog, at sa ilalim ng ugat ng mga bakawan sa ilog. Habang naghihintay sa mga paglabasan ng ulang, nanguha naman si Mateo ng bunga ng nipa na nagkataong hinog na.

"Tamang-tama ito, siguradong matutuwa si Lolo Mando kapag inuwi natin ito." tuwang-tuwa na wika ni Mateo habang bitbit ang bunga ng nipa. Napangiti naman si Esmeralda nang makita ito. Halos dalawang oras din ang nakalipas simula nang iwan nila ang bitag sa ilog, at nang balikan nila ito, ay laking tuwa nila nang makitang may laman na ang lambat na inilagay nila.

"Hala, ang tataba naman pala ng mga ulang dito, hindi ba't mahal iyan sa palengke? Ay nakakatuwa naman pala rito," masayang wika ni Sandra habang iniilawan nila ang lambat na iniwan nila sa ilog.

"Syempre, basta't masipag ka lang, hindi ka magugutom rito. O siya, marami-rami na rin ito, puwede na natin itong lutuin, may natira pa akong isda doon, maglalagay lang ako ng bitag sa bandang dulo nito, siguradong marami din doon." Wika pa ni Mateo, isinalin na ni Mateo ang mga ulang sa dala nilang basket at ibinigay iyon kay Esmeralda upang malinisan na at mailuto para sa hapunan nila.

"Grabe, pakiramdam ko para lang tayong nagka-camping talaga. Biruin mo, naranasan natin magluto ng kanin sa kawayan," tuwang-tuwang isinasalin ni Andres ang kanin mula sa kawayan patungo sa dahon ng saging na kinuha pa nila. Masaya nilang pinagsaluhan ang simple nilang hapunan. Sa kalagitnaan ng kanilang pagkain, bigla naman silang nakarinig ng mga kaluskos na nanggagaling sa gubat.

"Ano 'yon? Hala, baka may mabangis na hayop ang biglang umatake sa atin dito." kinakabahang wika ni Sandra.

"Mabangis na hayop? Wala no'n dito, aswang mayron." tugon naman ni Mateo habang patuloy na kumakain.

"Ha, aswang? Mayroon no'n dito? Hoy, Rico, may aswang ba rito?" tanong ni Sandra habang sumisiksik sa mga kasama. Nagpatuloy ang kaluskos sa gubat na animo'y papalapit na sa kanila. Nagbigay iyon ng matinding kilabot at takot sa apat na estudyante habang si Esmeralda at Mateo naman ay patuloy lang na kumakain, hindi alintana ang mga ingay sa kanilang paligid.

"Bakit parang hindi kayo natatakot?" Tanong ni James. Napatingin din sa kanila ang tatlo pa nitong kasama. Napatingala naman si Esmeralda at tumingin sa mga ito bago ngumiti.

"Walang dapat ikatakot, hindi mabangis na hayop, hindi rin aswang ang naririnig niyo. Simpleng mga panggabing hayop lang ang mga iyan na tulad natin ay nanginginain." Sagot naman ni Esmeralda.

"Paano mo nasabi?" tanong ni Rico.

"Basta, alam ko lang. Kung may aswang man, hindi kaluskos ang una niyong maririnig kun'di ang huni ng alaga kong uwak. Kapag may mabangis na hayop naman, hindi sila lalapit dito dahil may apoy tayo." 

Dahil sa sagot ni Esmeralda, nakampate naman ang apat at nagpatuloy na sa pagkain. Matapos kumain ay kaniya-kaniyang ligpit na sila ng kanilang pinagkainan. Dahil mga dahon naman ang gamit nila sa pagkain, inilibing na lamang nila ito sa butas na ginawa ni Mateo. Saglit pa silang nagkuwentuhan bago tuluyang nagpahinga sa kani-kanilang mga tulugan.

Sa kalagitnaan ng gabi, lumabas si Esmeralda nang makarinig siya ng pagtawag ni Liyab. Paglabas niya sa tinutulugan niya ay bumungad agad sa kaniya ang maalinsangang simoy ng hangin.

"Mukhang may naliligaw na bisita," puna ni Esmeralda, bitbit ang kaniyang itak, tinungo niya ang ginawa nilang siga at dinagdagan pa iyon ng kahoy. Nang masiguro na niyang malaki na ang apoy ay tumingala naman siya sa kalangitan. Nakita niya ang paglipag ni Liyab paikot sa kinaroroonan nila, nagbibigay ito ng hudyat na may nilalang na papalapit sa kanila. 

Ilang sandali pa ay maging si Mateo ay nagising na rin, lumalakas kasi ang huni ni Liyab na siyang nagpagising sa binata.

"Esme, saan ka pupunta? Hindi mo ba naririnig ang huni ng uwak?"

"Naririnig ko, kaya nga ako aalis para tingnan, hindi magkakaganiyan si Liyab kung hindi mapanganib ang nilalang na malapit dito. Alalahanin mo, may mga kasama tayong taong walang kaalam-alam sa kanila. Ang mabuti pa, magbantay ka lang dito, babalik ako kaagad." Wika ni Esmeralda at tinungo na ang madilim na kasukalan ng gubat.

Naiwan naman si Mateo at napabuntong-hininga na lamang habang dinadagdagan ng kahoy ang apoy sa gitna ng kanilang tinutulugan.

Tahimik na nagmamatyag si Esmeralda sa gitna ng kadiliman. Bagaman walang kahit anong liwanag, malinaw niyang nakikita ang kabuuan ng gubat. Patuloy pa rin sa paghuni si Liyab na noo'y nasa itaas na ng punong pinagtataguan niya.

Ilang sandali pa, isang mala-aninong nilalang ang nakita niyang gumagalaw sa kadiliman. Kulay itim ang balat nitong may namumulang mga mata, pansin niya rin ang malabunot nitong buhok na maihahalintulad mo sa mga katutubong may kulot na buhok. Humahalo na rin sa hangin ang moy nitong animo'y nabubulok na karne.

"Aba't may naliligaw pang bonggo rito. Saang lupalop naman kaya galing ito? Hindi ko alam kung ako ba ang malas o ang nilalang na ito." Umiiling na wika ni Esmeralda, sa lahat ng mga nilalang ang bonggo talaga ang kaniyang iniiwasan. Hindi dahil isa ito sa mga sinaunang aswang na malalakas kun'di dahil sa nakakadiri nitong amoy na kayang baligtarin ang sikmura mo.

Tumindig si Esmeralda mula sa kaniyang pinagtataguan habang mahigpit na hinahawakan ang kaniyang itak.

"Hoy bonggo, ano'ng masamang hangin ang nagdala sa'yo rito?" Tawag niya sa pansin nito. Agad namang napalingon sa kaniya ang nilalang at naglikha ito ng nakakakilabot na pag-angil. Kitang-kita ni Esmeralda ang paglabasan ng nangingitim nitong mga pangil at ang pagsiuslian ng mahahaba nitong kuko.

"Unang biktima!" Angil nito at walang sabi-sabing nilundagan ang dalaga.

"Tingnan natin kung sino ang magiging biktima nino..." Mabilis na umilag si Esmeralda at dinaluhong ang nilalang ng taga gamit ang kaniyang itak. Nagpangbuno sila sa gitna ng kadiliman at tanging ang tunog ng nagbabanggaang kuko ng nilalang at itak ni Esmeralda ang maririnig sa kalaliman ng gabi.

Sa isang mabilis na galaw, inihagis ni Esmeralda ang kaniyang punyal na tumama sa balikat ng nilalang.

Napasigaw ang bonggo, umagos ang maitim na dugo mula sa sugat nito subalit hindi ang sugat na iyon ang nagpatigil sa nilalang. Umaatungal na nilundagan nito si Esmeralda at nahagip ng matutulis niyang kuko ang braso ng dalaga dahilan para mabitawan niya ang hawak niyang itak.

Napaigik sa sakit ang dalaga, ngunit wala itong sinayang na oras. Mula sa kaniynag bulsa ay dumakot siya ng asin at mabilis na isinaboy sa nilalang.

Pumalahaw sa sakit ang bonggo, ang balat nito ay tila naaagnas na nasusunog dahil sa pagtama ng mga butil ng asin.

"Ahhhh, ang sakit! Humanda ka, dahil pagbabayaran mo ang ginawa mong ito sa akin!" Sigaw ng bonggo, umaangil ito habang umaatras.

Nang makita ito ni Esmeralda, alam niyang nagbabalak itong tumakas sa mga kamay niya. Ngunit hindi siya pumayag. Walang sabi-sabing tinakbo niya ang nilalang at mabilis itong sinakal.

Gulat na gulat ang nilalang sa angking bilis ng dalaga. Maging ang higpit ng pagkakahawak nito sa kaniyang leeg ay kakaiba. Hindi niya magawang makaalpas kahit anong gawin niyang pagpalag. Dahil dito ay nakaramdam na ng takot ang nilalang kay Esmeralda. Nang mga panahong iyon napagtanto ng nilalang na nagkamali siya ng taong bibiktimahin.

"Ngayon sino ang biktima nino? Kayong mga aswang, hindi niyo kayang kilalanin ang mga kinakalaban niyo, akala ba ninyo, kayo lang ang malakas? Hindi sa habang panahon, matatakot ang tao sa inyo. Hindi sa habang panahon, kaya niyon pamunuan ang kadiliman ng mundo." Halos pabulong na wika ni Esmeralda, nanlalaki ang mga mata ng bonggo nang makita ang pagkulay ginto ng mga mata ng dalaga. Humigpit pang lalo ang pagkakasal ni Esmeralda sa nilalang hanggang sa tuluyan itong mangisay ay may kung anong lumagutok sa leeg nito na ikinasawi ng nilalang.

Marahas na buntong hininga ang pinakawalan ni Esmeralda nang walang kaabog-abog niyang itinapon ang katawan ng bonggo sa lupa. Napamura pa ito dahil naaamoy niya sa kaniyang kamay ang amoy ng nilalang.

Padabog at dali-dali siyang naglakad pabalik sa ilog at walang lingon-lingon nilagpasan si Mateo na noo'y napatayo na sa kinauupuan nito.

Pagdating sa tubig ay agad niyang hinugasan ang kaniyang kamay. Sa pagdampi ng malamig na tubig sa balat ng dalaga at agad ring nawala ang pakiramdam niyang pandidiri. Nawala na rin ang mabahong amoy sa mga kamay niya.

"Anong nilalang iyon. May narinig akong angil at atungal, napat*y mo ba?" Sunod-sunod na tanong ni Mateo sa dalaga.

"Tapos na, bonggo iyon, mukhang hindi na rin ligtas ang gubat na ito. Hindi ko alam kung saan sila nanggagaling at bakit bigla-bigla na lamang silang sumusulpot. Una doon sa Tres, ang harimodon, hindi pa iyon ang pinakahari nila, masyado iyong mahina. Pakiramdam ko, isa lang iyon sa paraan nila para mas mapalawak pa ang sakop nila sa mundo natin."

"Ibig sabihin, bumabalik na sila? Ngayon pa na nagiging moderno na ang mundo natin?" Tanong ni Mateo. Umiling naman si Esmeralda at naupo sa harap ng apoy para magpainit.

"Wala naman sa pagiging moderno ng mundo, parang tao lang din sila, nakikibagay at mas magiging mas matalino, hindi natin alam na ang ibang nakakasalamuha natin ay mga nilalang na pala ng dilim at sila ang mas nakakatakot. Hindi mo alam kung saan at kailan sila aatake." Sagot naman ng dalaga.