Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 15 - Chapter 15

Chapter 15 - Chapter 15

Hanggang sa pagtulog, baon-baon ni Esmeralda ang kuwento ng kaniyang ama tungkol sa namayapa niyang ina-inahan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nagkaroon siya ng ina noon, ang buong akala niya si Ismael lang ang magulang na tumayo para sa kaniya. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na mayroong asawa ang kaniyang ama at ito ang nakapulot talaga sa kaniya.

Dahil hindi siya dalawin ng antok, lumabas siya ng bahay upang maglakad-lakad sa baryo. Walang direksiyon at patutunguhan ang ginawa niyang paglalakad. Hindi niya alintana ang malamig na simoy ng hangin sa kalaliman ng gabi. Hanggang sa, hindi na niya namalayan na nakarating na pala siya sa bukid. Tahimik at tanging huni ng mga kuliglig lang ang kaniyang naririnig. Napahinto siya sa mataas na parte ng bukid at doon niya mas napagmasdan ang kagandahan ng buong paligid.

Sa kaniyang pagmamasid, naagaw naman ang pansin niya ng isang matandang puno ng mangga na nasa 'di kalayuan sa kinatitirikan ng kubo ni Mateo, kumikislap ang mga dahon nitong, animo'y nagliliwanag sa bawat pagtama ng sinag ng buwan. Dali-dali siyang lumapit roon at marahang inilapat ang palad doon. Nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman niya ang pagdaloy ng tila kuryente mula sa puno patungo sa kaniyang palad.

"Puwede pala? Ito na ba ang bago nating tagpuan? Dito na ako mag-aalay? Naku, nakakatuwa naman, mas malapit at puwede ko na kayong makasama araw-araw. Psensiya na kung wala masyadong puno doon sa bakuran ni Lolo Armando, masyado na kasing sibilisado ang lugar na iyon, marmi na ring kabahayan at ang mga puno doon, hindi tulad dito na malalaki at may katandaan na. Pero natutuwa ako, dahil sa wakas nakakita rin kayo ng bagong lagusan at tirahan. Higit na mas malapit naman ito kaysa doon sa bundok," masayang wika niya habang hawak ang katawan ng puno.

Sa kauna-unahang beses nang araw na iyon, muling nakaramdam ng kaginhawaan si Esmeralda, umupo siya sa lilim ng puno at marahang isinandal ang katawan sa katawan ng puno. Patuloy lang na nakikipag-usap si Esmeralda sa hangin, na kung may makakakita sa kaniya ay siguiradong iisipin ng mga makakakita na nababaliw na siya. Ang hindi nila alam, samo't saring mga nilalang na hindi nakikita ang nakapalibot sa dalaga at masayang nakikipagkuwentuhan.

Kinabukasan, nakakapagtakang naging maganda ang tulog ni Mateo nang nagdaang gabi, naging malamig kasi ang simoy ng hangin na siyang nagpahimbing pa sa pagtulog niya. Pahikab-hikab pa siya habang papalabas ng kubo. Sa kaniyang paglabas, ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makita si Esmeralda na mahimbing na natutulog sa ilalim ng puno ng mangga. Kinusot-kusot pa niya ang mata sa pag-aakalang namamalik-mata lamang siya pero hindi, totoo ang dalaga at hindi lang ito imahinasyon niya. Dali-dali niya itong nilapitan at sinuri kung maayos lang ba ito, nakahinga naman siya ng maluwag nang mapagtantong humihinga pa ito.

"Esme, gising. Bakit ba dito ka natulog, paano kung magkasakit ka?" Niyugyog ni Mateo si Esmeralda para gisingin ang dalaga. 

"Ano ba, istorbo naman 'to. Bakit ba?" reklamo ni Esmeralda at napakamot lang si Mateo. Kunot-noong napatingin si Esmeralda sa kaniya at sa paligid niya. "Mateo? Anong ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong ng dalaga.

"Ako ang dapat magtanong niyan Esmeralda, bakit ka nandito at bakit ka dito natulog, para kang hindi babae ah, paano kung may napadaan rito na masamang-loob at ginawan ka ng masama? Hay, bumangon ka na nga muna riyan, tara doon sa kubo, sumabay ka na sa akin magkape."

Walang imik na sumunod naman sa binata si Esmeralda. Maliit lang kung titingnan ang kubo i Mateo sa labas, pero napakaaliwalas nito sa loob. Maayos ang buong bahay, bagaman hindi karamihan ang gamit doon. May isang mahabang upuan, isang mesa , tatlong bangko na gawa sa kahoy. Isang silid na tanging kurtina lang ang nagsisilbing pinto. Mahangin rin sa loob ng kubo dahil sa naglalakihang mga bintana na sa mga oras na iyon ay nakabukas na.

May maliit na dapugan rin sa loob, na may kalan na gawa sa putik, de-oling ang kalan na iyon na sa mga pagkakataong iyon ay may nakasalang na na takure. Umuusok na rin ito at naglalabas ng matinis na tunog, hudyat na kumukulo na ang tubig. Mabilis na inahon naman iyon ng binata at nagsalin ng mainit na tubi sa dalawang tasa.

"Kape ka muna, para mainitan ang tiyan mo. Ano ba ang nangyari at doon ka natulog kagabi." tanong ni Mateo habang nagtitimpla ng kape.

"Wala naman, hindi lang ako nakatulog kagabi, naglakad-lakad at hindi ko namalayan na nakarating na ako rito," simpleng tugon lang ni Esmeralda at napaangat naman ang kilay ni Mateo. 

"Alam mo, tingin ko kailangan mo lang ng pahinga sa lahat. Gusto mo bang sumama sa akin mamaya, pupunta ako sa ilog doon sa dulo para manguha ng ulang, tamang-tama, mamayang gabi pa naman iyon, puwede tayong magdala ng tent para doon magpalipas ng gabi kung gusto mo." suhestiyon ni Mateo at kumislap naman ang mata ng dalaga.

"Mukhang magandang ideya nga iyan, sige , punta tayo mamaya, parang gusto ko ring makita ang ilog dito. Malayo ba iyon, anong oras tayo pupunta?" 

"Mamayang hapon, magpaalam muna tayo kay Manong Ismael, baka kasi mabatukan ako kapag dinala kita roon nang hindi niya alam." nakangiting wika ni Mateo, natawa naman si Esmeralda at napatango. 

Matapos magkape, tinulungan na muna ni Esmeralda si Mateo sa pagbibinyag sa mga pananim sa bukid, tanghali nang bumalik sila sa bahay para magpaalam kay Ismael at Armando.

"Sige Mateo, para naman magkaroon ng oras 'yang si Esmeralda sa sarili niya. Basta mag-iingat lang kayo sa gawing iyon, tingnan niyo muna ang tubig kung maayos ang daloy, kapag masyadong mabilis, bumalik na lang kayo sa susunod na araw." wika ni Ismael nang magpaalam sila. Tuwang-tuwa naman si Esmeralda nang pumayag na ang kaniyang amang. Unang beses kasi iyon na makakapunta siya sa ilog dito sa bayan ng Luntian.

"Bakit ang laki naman yata ng bag na dala mo, ano ba iyang mga bitbit mo?" nagtatakang tanong ni Mateo nang makita ang bitbit na bag ng dalaga. Natatawa pa siya dahil parang pang isang linggo ang bitbit nito.

"Mga gamit ko, ah, basta, huwag ka na ngang magtanong, ako naman ang magbibitbit nito." sagot lang ni Esmeralda at inirapan ang binata. Alas dos nang umalis sila ng bahay at sumakay na sila ng traysikel patungo sa dulong bayan. Doon ay bumaba sila at pinasok ang masukal na daan patungo sa gubat. 

Sa kalagitnaan ng kanilang paglalakad ay may nakasabay silang mga estudyante na animo'y naroroon din para mag-enjoy. Kaniya-kaniyang bitbit din ang mga ito ng kanilang bag at nagkatinginan pa si Mateo at Esmeralda dahil doon.

"Sa ilog din ba ang tungo niyo?" tanong ni Mateo nang makasabay na nila ito sa daan.

"Oo, doon din ba ang tungo niyo? sabay na lang tayo. Hindi rin kasi namin kabisado ang papunta roon," sagot naman ng isang lalaki na nagpakilala sa pangalang Andres.

"Ito naman si Rico, James at Sandra, magkaklase kami at sa kabilang bayan pa kami galing. Si Rico ang taga-rito Luntian pero sa kabilang purok pa siya nakatira kaya hindi talaga namin kabisado rito." dagdag pa ni Andres, sa tatlong lalaki, si Andres ang palakaibigan habang ang iba nitong kasama ay tila mahiyain. Ang babae naman ay tahimik lang na para bang nagmamasid.

"Ganoon ba, tagapurok uno kami, pero ako, ilang beses na akong nakapunta rito, ako nga pala si Mateo, ito naman si Esmeralda, ito rin ang unang beses dito ni Esme, sumunod na lang kayo sa amin, kabisado ko naman ang daan dito." saad ni Mateo, na ikinatuwa naman ng mga estudyante. 

Dahil kabisado ni Mateo ang daan, mas napadali ang kanilang paglalakad dahil alam na ng binata kung saan sila dadaan na hindi mabato o hindi masyadong masukal. Pagdating sa ilog ay agad na namangha si Esmeralda sa napakagandang tanawin roon. Napakalinis ng tubig sa ilog, bahagyang mabato ay may parte din namang may kalaliman ang tubig. Malinaw rin ang tubig at halos makikita mo na ang nasa ilalim. 

Masukal na mga puno naman ang nasa harap nila, at mapapatingala ka talaga sa taas ng mga punong-kahoy na naroroon. Agad na silang naghanap ng malalatagan nila ng kani-kanilang mga tulugan para mamayang gabi. Tulong-tulong na sila sa pagtatayo ng kanilang mga tent, hindi na rin nagpaligoy-ligoy pa si Mateo at itinayo na rin ang magiging pahingahan nila ni Esmeralda.

"Esme, ako na ang magtatayo ng tent mo, dito na lang tayo sa parteng ito, maghanap ka na lang ng mga kahoy para mamaya, susunod ako sa'yo pagkatapos ko rito." wika ni Mateo at napatango naman ang dalaga. Muling pinasok ni Esmeralda ang kasukalan upang manguha ng mga tuyong kahoy na nagkalat sa lupa. Saktong nakakarami na siya nang marinig naman niya ang pamilyar na tinig sa isipan niya. 

"Liyab, anong ginagawa mo rito?" tanong ni Esmeralda at isang uwak ang dumapo sa balikat niya. "Wala kaming misyon, nandito lang kami para magpahinga at manguha ng ulang mamaya." natatawang wika ni Esmeralda, maya-maya pa ay muli nang lumipad ang uwak papalayo sa kaniya at dumating naman si Mateo para tulungan siya sa pagbitbit ng mga nakuha niyang kahoy.

Pagdating nila sa ilog, kasalukuyan nang naglalaro sa tubig ang mga estudyante, may kung ano ring kinukuha nag mga ito sa mabatong parte ng ilog. Lumapit naman doon si Esmeralda para makiusyuso at doon niya nakitang mga bato pala ang kinukuha ng mga ito.

"Gagamitin namin ito sa isang school project namin, ito talaga ang pakay namin dito, isinabay na lang namin ang maikling bakasyon para kahit papaano may isang araw at gabi kaming pahinga. Kayo ba?" wika ni Rico nang magtanong si Esmeralda.

"Mangunguha kami ng ulang mamayang gabi. Kumakain ba kayo no'n?" tanong ni Esmeralda at nagkatinginan naman ang apat.

"Esme, pasensiya ka na sa tanong ko ha, pero hindi ka ba nag-aaral? Kayo ni Mateo, para kasing nagkakalapit lang naman ang mga edad natin." tanong ni Sandra. Mahinahon ang boses nito habang matamang nakatingin sa kaniya.

"Hindi, pero marunong naman kaming magbasa at magsulat," tila walang pakialam na sagot ni Esmeralda. Muling nagkatinginan ang apat at sabay-sabay na nagkibit-balikat bago nagkangitian. 

"Pero alam mo, nakakainggit kayo ni Mateo, kasi wala kayong pinoproblema na gawain sa skuwelahan, minsan, nakakasalakal rin talaga ang mga gawain doon, hindi ko nga alam kung may silbi ba ito sa kahaharapin namin." sabad ni Sandra na sinang-ayunan naman ng iba.