Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 6 - Chapter 6

Chapter 6 - Chapter 6

"Manggagamot? Wala namang sakit ang kapatid namin para magpagamot sa inyo. Bakit ba ayaw niyo siyang iharap sa amin, hinahanap na siya ng aming nanay at tatay." Giit naman ng isa pa.

"Hindi ako naniniwala, wala kayong mapapala rito. Umalis na kayo, huwag kayong manggulo rito dahil kung ayaw niyong masaktan." Matapang na wika ni Esmeralda, nilabanan niya ng titigan ang mga ito, kahit pa patingala niya kung titigan ang mga ito.

Mas matangkad kasi ng ilang pulgada sa kaniya ang mga lalaki at bukod pa roon, malalaki amg mga katawan nito na animo'y barako.

"Umalis kayo rito, kung hindi kayo aalis, magpapatawag ako ng tanod para sapilitan kayong paalisin dito." Sigaw pa ng isang lalaki na una nang nagsalita kanina.

Wala namang nagawa ng tatlo nang makita nilang lumalapit na sa kanila ang mga tao sa kanila. Dali-daling umalis ang mga ito at nag-iwan pa ng masamang tingin kay Esmeralda bago pinaharurot ang mga motorsiklo nila.

"Hindi ka na dapat lumabas kanina ineng, napakaliit mo kumpara sa kanila. At isa pa, hindi naman magiging bingi ang mga kapitbahay lalo pa nga't sa bahay ni Manong Armando nanggugulo ang mga iyon."

"Tama si Ka-Lito, sa susunod na bumalik ang mga iyon, huwag ka nang lalabas. Delikado." Sang-ayon naman ng may katandaang lalaki. Isa rin ito sa mga nagtanggol sa kaniya kanina.

Napangiti naman si Esmeralda at malugod na nagpasalamat sa mga ito.

"Apo ka ba ni Mando hija? Kung gano'n nagbalik na pala si Mael. Mabuti naman, mag-iingat kayo. Huwag kayong mag-atubiling humingi ng tulong kapag kailangan niyo." Saad pa ng matanda.

"Opo, maraming salamat po ulit, tatandaan ko po ang sinabi niyo."

Matapos magpasalamat ay nagpaalam na din siyang papasok sa bahay. Pagpasok niya ay sinalubong naman siya ng kaniyang ama. .

"Mga kapatid ba iyon ni Hanna?"

"Opo amang, mga tao lang din sila. Ngayong nakaharap ko na sila, madali na silang masusundan ng mga uwak ko. Sa ngayon maghintay na lang tayo ng balita galing sa mga alaga ko." Nakangiting tugon ni Esmeralda.

Pinagpatuloy na niya ang pagkain na animo'y walang nangyari. Nagkatinginan pa noon si Hanna at Raul na kalaunan ay nagkibit-balikat na lamang at tinapos ang kanilang pagkain. 

"Ano po ang ginagawa niya Mang Ismael? Kanina pa siyang nakaupo sa gitna ng sala," tanong ni Hanna habang nakamasid sila kay Esmeralda na noo'y tahimik na nakapikit habang nakaupo sa harap ng tatlong kandila sa gitna ng sala.

"Sinusundan ang mga kapatid mo. Kung hindi mo naitatanong, may kakayahan ang anak ko na makita ang lahat ng nakikita ng mga alaga niyang uwak, malayo man ito o malapit," paliwanag naman ni Ismael. Muling nagkatinginan si Raul at Hanna, magkahugpong pa ang kanilang mga kamay na animo'y natatakot na magkahiwalay.

"Talaga ho Mang Ismael? Paano naman po nangyari iyon? Napakagaling naman ho ni Esmeralda, ang buong akala ko ay isa lang siyang manunugis." wika pa ni Raul.

Napangiti naman si Ismael, bakas sa kinang ng kaniyang mga mata ang pagmamalaki sa kaniyang anak.

"Hindi ko rin alam kung bakit, sabihin na nating, ipinanganak siyang may likas na abilidad at simula pagkabata, natural na sa kaniya ang pagiging malapit sa kahit anong uri ng hayop. Hindi lamang uwak ang kaya niyang pasunurin, kahit anong klaseng ibon. Uwak lamang ang napili niyang maging mensahero dahil, nakakagalaw ang mga ito umaga man o gabi," mahinahong salaysay ni Ismael, muli na silang tumahimik at naghintay na kumilos si Esmeralda. 

Ilang minuto pa ang nagtagal bago tuluyang gumalaw ang dalaga. Marahas itong napabuga ng hangin bago ipinagpag ang palda at tumayo. Paglingon niya ay nabungaran niya agad sina Ismael, Raul, Hanna at Lolo Armando niya na matiyagang naghihintay sa kaniya sa 'di kalayuan.

"Kikilos ako mamayang gabi para puntahan ang matandang tinutukoy nila amang, narinig ko silang nag-uusap, tama ang hinala ko, sila ang may pakana ng nangyari kay Raul. Pinadaan ang yanggaw sa huling ininom ni Raul bago siya magkaganito," dahan-dahang isinalaysay ni Esmeralda ang mga impormasyong nalaman niya. Nanlumo naman si Hanna sa nalaman, bagaman naihanda na niya ang sarili sa posibilida, hindi pa rin siya makapaniwala.

"Bakit kailangang sirain nila ang buhay ni Raul, ano ba ang kasalanan ni Raul?" umiiyak na tanong ni Hanna. Agad naman itong pintahan ni Raul at sinabihang huminahon.

"Wala siyang mali, ang mali nasa mga kapatid mo. Lubog sila sa utang at balak nilang ipakasal ka sa matandang pinagkakautangan nila, at ang matandang iyon ang nagbigay ng lason sa mga kapatid mo para ibigay rito kay Raul. malaking hadlang si Raul sa balak nila sayo, at ngayong buntis ka pa, mas lalo lang silang nanggagalaiti," muling bumnuntong-hininga si Esmeralda. Matapos makausap ang mag-asawa, kinausap naman niya ang kaniyang lolo at ama. Sa pagkakataong iyon, wala namang nagawa si Ismael kun'di hayaang kumilos ang anak sa baryo. 

Tiwala siya rito, bagaman hindi kabisado ni Esmeralda ang buong bayan ng Luntian, nariyan naman ang mga hayop sa paligid kung kailangan nito ng direksyon. Isa iyon sa kalakasan ni Esmeralda bilang isang manunugis, ang makipagkonekta sa mga hayop. Pinangingilagan rin siya ng mga lamang-lupa at mabababang uri ng mga engkanto na minsan ay nakakasagupa nila sa panggagamot. 

"Malakas ang anak mo, huwag kang masyadong mag-alala." humigop ng mainit na kape si Lolo Armando habang tila balisa naman si Ismael sa kinauupuan nito. 

"Hindi ko alam 'tay, hindi na yata ako masasanay sa pakiramdam na ito tuwing lumalabas si Esme. Pakiramdam ko hindi ako mapakali kapag nawawala siya sa paningin ko at alam kongmay sinusuong siyang panganib."

"Ano ka ba naman Mael, ano pa ang silbi na sinanay mo siya bilang manunugis kung ganyan ka palagi. 'di sana'y pinag-aral mo na lang siya at hindi na pinagsanay pa." umiiling na wika ng matanda.

"Anong magagawa ko 'tay, ito ang gusto ng bata. Ayoko namang pigilan kung ano ang nais niya," giit naman ni Ismael.

"Ayon na nga, kaya sanayin mo rin ang sarili mo na huwag mag-alala. Baka mamaya niyan, mauna ka pa sa akin. Hoy Ismael, ayokong maglibing ng anak, tandaan mo 'iyan," sermon pa ni Lolo Armando sa anak, natawa naman si Ismael sa narinig. Kahit kailan talaga, wala pa ring preno kung magsalita ang kaniyang ama.

Samantala, tahimik namang nakasunod si Esmeralda sa tatlong kapatid ni Hanna. Nakita niyang pumasok ang mga ito sa isang bahay-aliwan sa bayan. Walang pagdadalawang-isip siyang pumasok doon. Tinungo niya ang isang sulok kung saan malaya niyang makikita ang tatlong lalaki habang nakakubli naman siya sa mga mata ng mga ito.

Sa patuloy niyang pagmamatyag sa tatlo, isang babae ang nakita niyang lumapit sa mga ito, may kasama rin itong maliit na lalaki na siyang nagpakunot sa noo niya. Maganda ang babae, mala-diyosa ang wangis nito, may mapupungay na mata at malaporselana ang kutis nito at may tangkad na kaakit-akit para sa mga lalaki. Ang kasama naman nitong lalaki ay mukhang unano, may katandaan ang wangis nito, maskulado ngunit ang kaniyang tangkad ay maihahalintulad mo lamang sa sampong taong gulang na bata. 

"Ano na, nasaan na ang kapatid niyo? Naghihintay na ang pinuno, nalalapit na ang ikatlong pagbilog ng buwan at nais niya, itaon doon ang magiging kasal nila." wika ng maliit na lalaki, umiigting pa ang panga nito na animo'y galit ito, habang nakangiti naman ng matamis ang babae sa tabi nito.

"Wala na ang asawa niya dahil kasalukuyan na iyong nagtatago sa kagubatan, hindi magtatagal, mababalitaan niyo na lang na tinutugis na siya ng mga tao sa baryo, ano pa bang tulong ang kailangan niyo para makuha ang babae?" malumanay na tanong ng babae, kabaligtaran naman ng maaaninag na talim sa mga mata nito.

"Makukuha na dapat namin si Hanna, pero bigla naman siyang lumipat sa purok uno, hindi namin siya nakuha dahil humarang ang isang babae at nakisali pa ang ibang mga tao. Wala kaming nagawa, kaya umalis na lamang kami." Kakamot-kamot sa ulo na tugon ng lalaki. Napaismid naman ang maliit na lalaki at nag-iwan ng isang banta, bago ito umalis sa harap ng tatlo. Ngumisi naman ang babae at dali-dali na ring sumunod sa kasama.

Nang gabing iyon ay napatunayan ni Esmeralda ang naunang kutob niya, at may bonus pa. Malalim ang pagkakakunot ng noo ng dalaga habang tinatahak ang daan pabalik sa bahay nila. Nasa balikat niya nakadapo ang uwak na naging kaibigan na niya simula pagkabata niya. Si Ismael rin ang nagsabi sa kaniya na ito rin ang uwak ang naging dahilan ng pagtatagpo nila, kung paano siya natagpuan noon sa ilalim ng puno ng matandang balete sa gitna ng gubat. Nang magkaisip siya, naging kasa-kasama na niya ito kahit saan man siya magpunta, kapag hindi naman niya ito kailangan, alam niyang nasa malapit lang ito at laging nakabantay sa kaniya.

Pagsapit naman ng umaga, magkasamang nagpunta ng pamilihan si Esmeralda at Hanna, namili sila ng mga kakailanganin sa bahay. Dahil wala namang alam si Esmeralda, si Hanna ang naging gabay niya kung ano ba ang dapat na bilihin at hindi. Simula kasi nang magkaisip siya, umikot na ang buhay niya sa bundok, kung saan lahat ng kailangan nila ay makikita lang sa paligid ng bahay nila. Habang dito sa kabihasnan, lahat ng bagay ay kailangan mong bilhin, lahat ay umiikot sa pera. Kapag wala kang pera, walang magiging laman ang iyon sikmura.

"Ito na ba ang lahat Hanna?" tanong ni Esme sa babae. Ngumiti naman ito at bahagyang natawa.

"Kung hindi ako nagkakamali, magkalapit lang ang mga edad natin Esme, bakit parang wala kang alam sa paligid mo? Totoo bang galing ka sa bundok at doon ka lumaki?"

"Oo, lahat ng kailangan ko nandoon lang, hindi ko kailangan ng pera para malamnan ang sikmura. Pero dito, bawat kibot mo dapat may lalabas na pera sa bulsa. Hindi ba kayo napapagod sa ganitong buhay?" inosentent tanong ng dalaga.

"Ito na kasi ang nakagawian rito. Masuwerte na ang makakain ka ng dalawa at tatlong beses sa isang araw, mapalad ka na kapag naitawid mo ang buhay sa buong isang buwan na hindi ka nagugutom. Pero kahit mahirap, nakakagawa pa rin naman ang mga tao ng paraan para sumaya. Nasa sa iyo na lang kung paano mo pasasayahin ang sarili mo, kung makokontento ka na lang ba o magpupursige kang mapaunlad ang sarili mo." Binuhat ni Hanna ang maliit na bayong na may lamang gulay habang binitbit naman ni Esmeralda ang may kalakihan basket.

Isang traysikel ang dumaan sa harap nila at huminto. Lulan iyon si Mateo na may malapad na ngiti sa labi.

"Esme, Hanna, sumakay na kayo rito, doon rin sa bahay ang punta ko." mabilis na inagaw ni Mateo ang basket sa kamay ni Esmeralda at ganoon din ang bitbit ni Hanna. Napailing pa ang dalaga at natuwa naman si Hanna dahil hindi na nila kailangan pang maglakad patungo sa paradahan.