Dahil rin sa desisyon ni Ismael na sanayin si Mateo, walang nagawa si Esmeralda kun'di ang ipagpaliban muna ang kaniyang misyon. Patuloy lang niyang pinagmamasdan sa malayo ang lugar na iyon at napalapit na rin ang loob niya sa mga tao doon sa tindahan. Lalo na sa matandang lalaki na walangginawa kun'di ang paalalahan siya.
"Nandito ka na naman, hindi ka pa ba napapagod?" puna ng matanda, nagwawalis ito sa labas ng tindahan nang dumating si Esmeralda. Ngumiti si Esmeralda at umupo sa bangkong nasa harap ng tindahan.
"Nasanay na akong ginagawa ko ito sa araw-araw Manong, kamusta po, bakit parang lalo ka yatang nagiging bugnutin?" pabirong tanong niya at natawa naman ito.
Sa araw-araw na lagi silang nag-uusap, nasanay na rin siya sa tabas ng dila ng matanda. Para itong lolo niya na maraming paaalala sa kaniya, sermon dito, sermon doon. Pero hindi naman ito minamasama ng dalaga dahil alam niyang wala din namang masamang intensiyon sa kaniya ang matanda.
"Hanggang ngayon ba ay umaasa ka pa rin na mahahanap mo siya? Bakit ba ang mga kabataan ngayon ay matitigas na ang ulo?" iiling-iling na reklamo ng matanda.
"Bakit ho, kayo ba huminto na rin sa pag-asa?" tanong ni Esmerakda at natahimik naman ito, HUminto ito sa pagwawalis at napatingin sa kaniya. Tila may natumbok siyang kung ano sa puso nito ngunit hindi na nagsalita pa ang matanda, bagkus at muli itong bumalik sa pagwawalis.
"Hindi naman ako nagpupunta rito, dahil may hinihintay ako, ang totoo niyan Manong, nandito ako para lang magmasid sa lugar na iyan. Hindi dahil may nobyo o asawa akong nagpunta riyan, kun'di dahil may alam ako na hindi kayang tugunan ng mga nasa kapangyarihan dito. Hindi lang ako makakilos dahil hindi pa oras." halos pabulong na wika ni Esmeralda. Muling napahinto ang matanda at sa pagkakataong iyon ay napatingin na rin ito sa bahay-aliwan. Sarado pa rin ito tuwing umaga at mangilan-ngilan lang ang naglalabas-pasok dito.
Agad na binitawan ng matanda ang walis at hinatak naman sa loob ng bahay ang dalaga. Mabilis nitong isinara ang pinto at gulat na gulat pa ang anak nito nang makita si Esmeralda sa loob.
"Tay, anong nangyari?"
"Ipaliwanag mo nga hija, ano ba talaga ang pakay mo sa lugar na iyon? Anong ibig mong sabihin na minamatyagan mo ang lugar dahil hindi matuguan ng mga taong may kapangyarihan ang problema?" tanong nito. Napatingin naman si Esmeralda sa anak nitong naguguluhan rin. Pinaupo na muna ni Esmeralda ang matanda, naupo rin sa tabi nito ang anak nitong babae na siyang madalas na bantay ng tindahan.
"Anak po ako ng isang albularyo at nakarating sa kaalaman namin ang nangyayari rito, isa sa mga pasyente namin ang nakapasok na sa lugar na iyon at ngayon ay nagpapagaling na sa aming bahay." Panimula ni Esmeralda. Detalyado niyang isinalaysay sa mga ito ang pakay niya, tahimik naman nakikinig lang sa kaniya ang mga ito. Kalaunan, isang buntong-hininga ang pinakawalan ng matanda.
"Napakabata mo pa para sumuong sa ganito ka delikadong bagay, hija. Paano kung mali ka ng hinala at hindi naman pala aswang ang kalaban, may laban ka ba sa mga bala at patalim ng mga tao?" umiiling na tanong nito, ngumiti naman si Esmeralda at bahagya pang natawa.
"Sigurado akong mga aswang sila, dahil nakaharap ko na ang isa sa kanila. Pero, salamat sa pag-aalala manong," wika lang ng dalaga. Napabuga siya ng hangin at napatda naman ang tingin sa kaniya ng mga kausap.
"Esmeralda, pasensiya ka na sa tanong ko ha, pero iyong pasyente niyo, ano bang nangyari sa kaniya?" tanong ng ginang, bakas pa sa mukha nito ang pag-aalala, marahil ay may hinala na rin ito sa mga nangyayari sa kanilang bayan ngayon. "Niyanggaw ba siya? Kung ganon, may posibilidad na si Kuya Carlos ay nayanggaw din. Pero bakit nila ginagawa ito?" sunod-sunod pang tanong ng ginang.
"Opo, Ate Chona, nayanggaw ang pasyente namin at may posibilidad rin na lahat ng lalaking naaakit nila ay niyayanggaw rin nila. Nagpaparami sila ng lahi, bagaman palihim ang kilos nila noon, ngayon hindi na, masyado na silang lantad at wala na rin silang takot dahil may kapit na rin sila sa nakakataas," paliwanag ni Esmeralda.
"May pag-asa pa bang magamot ang mga nayanggaw kung saka-sakali?" tanong ni Chona.
"Chona, napakatagal nang nawawala ng kapatid mo, kung totoong nayanggaw na siya, siguradong wala nang pag-asa dahil paniguradong nakatikim na siya ng karne ng tao."
"Tama ho kayo manong, posible ang iniisip mo, huwag na lamang tayong umasa masyado hanggat hindi pa tayo nakakasigurado. Sa ngayon, kayo lang ang nakakaalam ng misyon ko rito. Alam kong mapagkakatiwalaan kayo at kailangan ko rin ng tulong niyo sa oras na magsimula na ang aking misyon." saad ni Esmeralda, nagkatinginan naman ang mag-ama at tumango pa ang matanda.
"Kahit ano, tutulong kami sa abot ng aming makakaya, hiling ko lang sana ay malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa anak ko." sambit naman ng matanda. Napatango naman si Esmeralda at nangako rito na hahanapin ang nawawalang anak niya sa loob ng bahay-aliwan, sa oras na makapasok siya.
Hapon nang bumalik si Esmeralda sa kanilang bahay, naabutan pa niyang patuloy na nagsasanay si Mateo sa ilalim ng pagtuturo ni Ismael. Kitang-kita niya ang paghihirap ni Mateo at bahagya siyang natawa. Alam kasi ng dalaga na mahigpit sa pagsasanay ang kaniyang amang, naranasan niya ito mula bata, ngunit ito rin ang dahilan kung bakit siya naging isang batikan sa panunugis ng aswang.
Nagsisimula nang lumubog ang araw nang huminto na ang dalawa sa pagsasanay, si Esmeralda naman ay kasalukuyan nang nasa kusina at naghahanda ng kanilang mga hapunan.
"Amang, maglinis ka muna ng katawan, ihahanda ko lang ang hapunan natin, mukhang ayos na si Raul kaya makakasabay na siya sa atin sa hapunan." wika naman ni Esmeralda. Tumango naman si Ismael at dumiretso na sa banyo para maglinis ng katawan. Si Mateo naman ay halos pagapang na sa sala, sumandal lang ito sa mahabang upuan at huminga ng malalim.
"Kaya pa? Puwede ka pang umatras, sinasabi ko sa'yo, hindi basta-basta ang pagsasanay ni Amang." wika ni Esmeralda, nakangisi ang dalaga habang nakatingin sa binata. Napakamot naman si Mateo at saka tumayo na tila walang kahirap-hirap. Umakto pa itong tumatalon-talon para ipakita sa dalaga na maayos pa siya.
"Sisiw lang naman ang pagsasanay ni Manong Mael, at isa pa, nasimulan ko na, hindi na ako aatras pa. Kung hindi nga lang huminto si Lolo Mando noon, paniguradong marami na rin akong alam ngayon. Kaya lang kakayahan ng albularyo ang tinuturo sa akin ni Lolo, ngayon naman ang pagtugis ang tinuturo sa akin ni Manong."
Malutong na tawa ni Armando ang nagpahinto sa usapan nila, umiiling-iling pa ito habang patungo sa kusina. Maging si Raul at Hanna ay natatawa na rin sa kanila. Pagdating ni Ismael ay agad din naglinis ng katawan si Mateo at nagsimula na silang kumain.
Kinabukasan, isang hindi inaasahang bisita ang bumungad kay Esmeralda sa labas ng bahay nila. Kasalukuyan siyang nagwawalis katulad ng nakagawian niya nang makarinig siya ng mahinang pagtawag mula sa labas ng tarangkahan nila.
Nang pagbuksan ito ni Esmeralda, agad namang bumungad sa kaniya ang dalawang matanda at isang batang babae na tila may kapansanan.
"Magandang umaga ho, ano po'ng atin?" Tanong ni Esmeralda.
"Magandang umaga rin naman hija, nandiyan ba si Ka Armando, 'yong manggagamot?"
"Nandito po, pero hindi na po nanggagamot si Lolo ngayon, ano po ba ang problema?" Muling tanong ni Esmeralda at napunta ang paningin niya sa batang kasama ng mga ito.
Mahaba ang buhok nito na itim na itim, maputi rin ito ngunit may kaputlaan. Normal naman ito sa unang tingin kung hindi mo lamg papansinin ang mga mata nito. Mapusyaw na asul ang mga mata nito na tila nababalutan ng plastik. Sa hinuha niya ay bulag ang batang iyon o di kaya naman ay malabo ang paningin.
"Kung ang mga mata ho ng batang kasama niyo ang problema, mas maigi kung sa hospital niyo siya dalhin, doon ay mas maipapaliwanag nila ang kalagayan ng bata," saad ni Esmeralda.
Maagap namang napailing ang dalawang matanda at kulang na lang ay manikluhod ang mga ito sa kaniya.
"Pakiusap, ineng, kahit maisangguni lang namin kay Ka Armando ang mga nangyayari sa apo namin. Alam naman naming bulag na siya dahil nadala na namin siya sa hospital. Pero may mga kakaibang nangyayari kasi sa kaniya na hindi maipapaliwanag ng mga doktor." Iyak ng matandang babae.
Sa pagkakataong iyon ay muling pinasadahan ni Esmeralda ng tingin ang bata at doon niya napansin ang isang puting nilalang na nagkukubli sa buhok ng bata. Napakunot pa ang noo niya at dali-daling pinapasok sa loob ng bahay ang pamilya.
Pinaupo na muna niya ito sa kubo at doon pinaghintay sandali. Nang makabalik siya ay may dala na siyang almusal at kape para sa mga ito.
"Mag-almusal ho muna kayo, totoo pong hindi na nanggagamot ang lolo pero nariyan po ang anak niya para tingnan ang apo niyo. Maaari niyo po bang ikuwento sa akin kung anong kababalaghan ang nangyayari sa apo niyo?" Tanong ni Esmeralda matapos mailapag ang mga pagkain sa lamesita. Namayani muna ang katahimikan hanggang sa isang buntong-hininga ang pinakawalan ng matandang lalaki.