Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 10 - Chapter 10

Chapter 10 - Chapter 10

Maingat na isiniwalat ng matanda ang mga napapansin nilang kakaiba sa kanilang apo. Nagpakilala rin ang mga ito sa pangalang Ignacio at Rosa at ang kanilang apo naman ay si Karen.

Nagsimula umano ang lahat matapos ang ika-labing tatlong kaarawan ng kanilang apo. Nagsimula itong dumaing na may mga nakikita at nakakausap siyang mga nilalang. Paminsan-minsan, nawawala na lang nang parang bula ang kanilang apo at matatagpuan nila ito kung hindi sa likod ng bahay nila sa may kasukalan, ay doon sa lilim ng puno ng balete sa kanilang bakuran.

Noong una, ay hindi nila gaanong pinagtuunan ng pansin dahil minuto lamang ang pagitan ng pagkakawala ng bata pero nitong mga nagdaang araw, napapadalas ang pagkawala nito at minsan inaabot na ng oras.

"Hintayin na lamang po natin si amang, maya-maya ay nandito na rin po siya, kumain po muna kayo at magpahinga, mukhang malayo pa ang pinanggalingan niyo," saad ni Esmeralda at hinayaan na muna niya ang mga ito para makakain. Lumipas pa ang ilang minuto at natapos na rin siilang kumain, sakto namang pumasok na si Ismael sa kubo. Dali-daling iniligpit ni Esmeralda ang kanilang pinagkainan at saglit na umalis doon.

Pagbalik niya ay naabutan na niyang tinatawas ni Ismael ang bata. Gamit ang maliit na palanggana, kasalukuyan iton nagdarasal habang pinapatulo sa tubig ang upos ng kandila. Tumagal iyon ng ng limang minuto at mahigit bago pasimpleng kinuha ni Ismael ang nabuong hugis sa palanggana. Napabuga siya ng hangin at napatingin sa bata, na may magaang ngiti sa labi.

"Hindi siya nabati o pinaparusahan, sadyang nagustuhan lamang siya ng mga laman-lupa sa inyong bakuran. Normal sa mga bata ang ganito, lalo pa't may kapansanan ang apo ninyo. Ang masasabi ko lang, huwag kayong magkakamaling saktan o palayasin ang mga iyon sa bakuran ninyo, dahil wala naman silang masamang balak sa apo ninyo. Nakikipaglaro lamang sila at nakikipagkaibigan." Pagkasabi niyon ni Ismael, agad namang nakita ni Esmeralda ang muling pagsilip ng maliit na nilalang na nagkukubli sa buhok ng bata. Doon niya mas malinaw na nakita ang wangis nito.

Kulay puti ang kabuuan nito, makinis ang balat nitong tila kumikinang, malalaki rin ang mga maaamo nitong mga mata habang bilugan ang hugis ng mukha, mahaba ang matutulis nitong tainga na animo'y sa dahon, nang magtama ang paningin nito at ni Esmeralda ay tila bahagya pa itong yumukod na lubhang ikinagulat naman ng dalaga. 

"Sa ngayon, bibigyan ko lang ng proteksiyon ang apo niyo, para sa mga nilalang na maaaring magtangka sa kaligtasan niya. Karen, hija, nais mo bang paalisin natin ang gumugulo sa'yo?" mahinahong tanong ni Ismael sa bata. Ngumiti naman ang bata, bagaman hindi nakakakita, diretso itong tumingin sa mga mata ni Ismael at umiling.

"Hindi po, kasi tinutulungan nila ako, nakakaya kong maglakad ng walang tungkod dahil ginagabayan nila ako at isa pa, kaibigan ko po sila," maagap naman na sagot ni Karen. 

"Hindi ba mapapahamak ang apo namin sa kanila? Paano kung mawala na lang ang apo namin at hindi na makabalik, makakasiguro ka bang hindi nila kukunin ng sapilitan ang bata?" kinakabahang tanong ni Ignacio.

"Hindi nila gagawin iyon, dahil nirerespeto nila ang mga taong may respeto rin sa kanila. Sa kalagayan ng apo ninyo, marahil ay dahil sa kapansanan niya kaya siya kinalulugdan ng mga lamang-lupa. Likas na maalaga sa mga bata ang mga lamang-lupa lalo na sa mga tulad ni Karen na may espesyal na kalagayan, nararamdaman ng mga nilalang ang kabutihan ng inyon apo kaya siya nagustuhan ng mga ito. Ugaliin niyo lang na pasalamatan ang mga ito, tuwing alas sais ng umaga hanggang alas otso dahil ang unang liwanag sa umaga ay nagpapakita ng pasasalamat at paggalang sa mga mabubuting nilalang ng kalikasan." Payo ni Ismael, nagbigay rin siya ng polseras sa bata at isinuot niya ito sa kamay ni Karen.

"Maraming salamat, ngayon, mapapanatag na kami." wika naman ng matandang babae at marahang hinaplos ang buhok ng bata. Ramdam ni Esmeralda ang pagmamahal ng mga ito sa kanilang apo.

Saglit pang nanatili ang mga ito sa kubo nila, maingat at detalyadong inilahad ni Ismael ang mga dapat nilang gawin sa araw-araw at taimtim namang nakikinig ang mga ito. Sa pagkakataong iyon, lumabas naman ng kubo si Esmeralda kasama si Karen par lumanghap ng sariwang hangin.

"Ate, ang sabi ng kaibigan ko, napakaganda raw ng awra mo." Biglang wika ng bata at natawa naman si Esmeralda.

"Ang kaibigan mo ba ay iyang maliit na nilalang sa buhok mo?" tanong ng dalaga at nagulat naman ang bata sa tanong niya. Napasinghap pa itoa t bahagyang napatalon sa harap niya.

"Nakikita mo rin siya, ate?"

"Oo, malinaw ko siyang nakikita, kanina pa, simula nang dumating kayo." Nakangiting tugon naman ni Esmeralda. Ngumiti ang bata at agad na humawak sa kamay niya.

"Nakakatuwa naman, pero ate, sinasabi rin ng kaibigan ko na lapitin ka raw ng panganib, may mga nilalang ng dilim ang umaaligid sa'yo." saad ng bata at napangiti si Esmeralda. 

" Alam ko, at wala kang dapat ipag-alala dahil malakas ako. Walang panama sa akin ang mga iyan." tugon ng dalaga na ikinatawa naman ng bata. Ilang sandali pa ay lumabas na rin ng kubo ang lolo at lola ng bata at nagpaalam na ang mga ito sa kanila. 

"Amang, pupunta muna ako sa bukid para tingnan ang mga tinanim kung luya roon, siguro ay nagkalaman na sila."

"O siya sige, mamaya lang dina y magsisimula na ulit ang pagsasanay ni Mateo, umuwi ka ng maaga, at huwag ka munang pupunta doon sa bayan," payo ni Ismael at tumango lang naman ang dalaga.

Matapos ang mga gawain bahay, dali-dali na siyang pumunta sa bukid. Nakita naman niyang maayos ang anging tubo ng mga pananim nila. Sadyang napakaganda nga ng lupa doon dahil napakaganda rin ng tubo ng mga pananim niya. Bagaman wala pang laman, alam niyang sa darating na mga buwan ay magkakalaman rin ito.

Hindi na nagtagal pa si Esmeralda sa bukid at agad din namang tinungo ang palengke upang mamili ng mailuluto sa tanghalian. Nang makabalik siya sa bahay ay naabutang niyang nakaupo sa tumba-tumbang bangko ang kaniyang lolo at nagkakape. Nakatanaw ito sa nagsasanay na si Mateo habang napapangiti. 

Napailing naman si Esmeralda at dumiretso na sa loob ng bahay nila, doon ay nakita niya namang nag-aasikaso si Hanna sa kusina. 

"O, Hanna, hindi ka na dapat nag-aabala riyan sa kusina, ako na ang gagawa riyan." wika ni Esmeralda.

"Sige nga, Esme, pagsabihan mo iyan, kanina ko pa siya sinasabihan na mapapagod lang siya, pero matigas ang ulo." sabad ni Raul na halatang wala ring magawa.

"Kaunting ehersisyo lang naman ito at isa pa, hindi pa naman ganoon kalaki itong tiyan ko," paliwanang naman ni Esmeralda. Napailing naman si Esmeralda at kinuha ang basahan sa kamay nito. Maingat niya itong pinaupo sa upuan at inilagay sa harapan nito ang mga gulay na binili niya.

"Ayan na lang ang gawin mo, tulungan mo akong himayin ang mga iyan, para sa tanghalian natin. Hindi niyo kailangan mahiya dito sa loob ng bahay, bisita kayo at hindi katulong. At kung nais mo ng ehersisyo, sa umaga, sasamahan kitang maglakad-lakad dito sa baryo," wika pa ni Esmeralda. Wala namang nagawa si Hanna kun'di ang sumunod at ito na ang naghimay ng mga gulay sa mesa.

Matapos maihanda ang tanghalian, tinawag na niya ang kaniyang amang, lolo at si Mateo. Sabay-sabay nilang pinagsaluhan ang simpleng pagkain sa hapag. Lumipas ang isang buwan at matagumpay na natapos ni Mateo ang pagsasanay niya sa ilalim ng pagtuturo ni Ismael. Kahit papaano ay naging maalam na siya sa paggamit ng mga pangontra at sandata kontra aswang. Bukod pa roon, pinag-ibayo rin ni Ismael ang mga una nang naituro sa kaniya ni Lolo Armando.

Isang araw, nagdesisyon na si Esmeralda na kumilos, kung dati ay nag-iisa siya, ngayon ay kasama na niya si Mateo. Kasalukuyan silang nasa loob ng bahay ni Chona. Doon ay inimbak nila ang kanilang mga sandata at pangontrang baon.

"Maraming salamat Ate Chona, dahil pumayag kayong dumito kami pansamantala. Mas mainam kasi ang bahay niyo dahil nakaharap ito sa lugar na iyon,"

"Sus, ayos lang. Masaya nga ako at dito niyo napili na manuluyan at isa pa, naghihintay rin kami ng resulta, kung nasa loob pa ba ang kapatid ko," masayang tugon naman ni Chona.

Lumipas pa ang tatlong araw at doon na nila napansin ang pagdalas ng paglabas at pagpasok ng mga tao sa bahay aliwan. Sa gabi naman, madalas na rin ang paggalaw ng mga aswang sa bayan at halos araw-araw ay may nababalitaang natatagpuan pat*y sa mga bakanteng lote o di kaya naman sa kasukalan.

"Mamayang gabi, bago ang kabilugan ng buwan, wawakasan na natin ang kanilang paghahari. Ngayon, unahin na natin ang kapitan nila." wika ni Esmeralda at napatingin kay Chona. Agad naman itong naintindihan ng ginang, iyon kasi ang plano, hihikayatin ni Chona ang mga kapitbahay na magreklamo sa baranggay hall at doon naman nila ibubunyag ang lihim na ugnayan nito sa mga nilalang na may kagagawan ng lahat ng pat*yan sa lugar nila.

"Kap, wala ka man lang bang gagawin? kabi-kabila na ang pat*yan pero bakit wala pa ring resulta ang sinasabi niyong imbestigasyon? Wala pa ring nahuhuli na salarin."

"Oo nga naman Kap, nakakabahala na ang mga pangyayaring ito."

Habang kaliwa't kanan ang pagbabato ng tanong sa kapitan, Tahimik na nakamasid lang si Esmeralda sa gilid. 

"Huminahon po tayo, kalma lang po mga mahal kong kababaryo. Magtiwala lang po tayo sa proseso, dahil ginagawa po namin ang lahat para masolusyunan ang problema at mabigyan ng hustisya ang mga namat*y nating kapamilya." Sabi pa ng Kapitan habang mahinahong pinapakalma ang mga tao sa paligid niya

"Tiwala? Kap, paano kami magtitiwala gayong napakatagal na, wala pa ring resulta. Bakit hindi na tayo humingi ng tulong sa mas nakakataas pa? Talamak na ang pat*yan sa bayan natin, hindi natin alam kung sino ang sususnod na magiging biktima, ayaw naman namin sa susunod mga anak, asawa, o magulang na namin ang mapapahamak." Iyak naman ng isang ginang.

"Naiintindihan ko ang mga hinaing ninyo, pero bakit kailangan pang idamay natin ang ibang bayan kung kaya naman nating ayusin ito nang tayo lang." Giit naman ng Kapitan.

"Kap, nagbubulagbulagan ka ba o sadyang manhid ka lang talaga? Hindi na natin kaya, paano kami magtitiwala sa inyo nito? Ultimo mga nawawala naming kapamilya hanggang ngayon wala ni isa ang nakikita pa." Sigaw ni Chona.

Muling umugong ang sigawan ng mga tao hanggang sa ang mga ngiti sa labi ng kapitan ay unti-unti nang nabubura.