Pagdating sa bahay, si Mateo na ang nagpasok ng mga binili sa kusina. Nakasunod naman sa kaniya si Esmeralda na napapatitig pa sa likuran ng binata.
"O bakit, bakit ganiyan ka makatingin? May dungis ba ako?" takang tanong ni Mateo ng mapansin ang klase ng titig ng dalaga sa kaniya.
"Saan ka galing Mateo?" hindi tinugon ni Esmeralda ang tanong ng binata bagkus ay tinanong niya ito.
"Sa bagsakan ng gulay doon sa bayan, heto nga at ibibigay ko na kay Mang Mael ang napagbentahan. Nandiyan ba ang tatay mo?" tanong naman ng binata matapos sagutin ang tanong ng dalaga. Akmang magsasalita si Esmeralda nang pumasok naman sa kusina si Ismael na halatang kaliligo lamang.
"O, Mateo, narito ka na pala. Ang sabi ni tatay, ilagay mo lang daw sa altar ang napagbentahan ng mga gulay sa bukid, alam mo naman daw ang lagayan doon ng pera."
"Ah, oho, Mang Mael. Ilagagay ko po muna doon." Sambit pa ni Mateo bago nagtuloy-tuloy na naglakad patungo sa silid ng matandang si Armando. Naroroon kasi ang sinasabi nitong altar kung saan naman nakalagay ang imbakan nito ng pera. Ngunit nang mapadaan ito sa harap ni Ismael ay napasimangot naman ang ginoo. Mabilis niyang hinawakan ang braso ni Mateo at may kung ano itong hinahanap sa katawan ng binata.
"Bakit po Mang Mael, may problema po ba?" muli ay nagtaka si Mateo sa iginawi ng kaharap. Parehong-pareho kasi ito ng reaksiyoin ni Esmeralda.
"Saan ka ba galing hijo? Bakit may marka ka."
"Marka ho? Anong marka po ba ang tinutukoy niyo, at sa palengke lang po ako galing, doon sa bagsakan ng gulay." paliwanag naman niya.
"Marka ng aswang, sino ba ang nakasalamuha mo sa palengke, mukhang may mga naliligaw na matatapang rito ah, tirik ang araw kung magmarka. Ano amang, lalakarin ko ba muna?" nakangising tanong ni Esmeralda. Nagilabot naman si Mateo nang makita ang malapad na pagkakangisi ng dalaga. Ito ang unang beses na makitang niyang ngumiti ang dalaga at sa nakakatakot pa na paraan.
"Ipagpaliban mo na muna iyan Esme, unahin natin itong problema ni Raul at Hanna, sa ngayon, tatanggalin ko na muna ang marka kay Mateo, Hijo, bago ka umuwi, magdala ka ng pangontra at ipalibot mo muna sa bahay mo, at may ibibigay rin akong pangontra na ididikit mo naman sa katawan mo, dalahin mo lang ito lagi at huwag mong aalisin kahit maliligo ka." paalala ni Ismael. Tumango naman si Mateo habang napapakamot pa sa ulo.
Matapos mailagay ang pera sa altar, sinimulan namang pausukan ni Ismael si MAteo gamit ang kamangyan at iilang mga halaman na hindi pamilyar sa binata. Umuusal rin ito ng dasal habang sa baso kung saan nakalagay naman ang langis na ipapahid sa katawan ng binata. Matapos maisagawa ang pagtatanggal ng marka, isang polseras naman ang inabot ni Ismael sa binata.
"May mga pangontra naman po ako sa bahay, bigay po 'yon ni Lolo Mando noon." wika naman ni Mateo. Nagpaalam na ito at nagkatinginan naman si Ismael at Esmeralda. Pareho silang hindi nagsasalita ngunit tila nangungusap ang kanilang mga mata. Tahimik nilang tinumbok ang daan patungo sa kubo sa bakuran.
Doon ay inilatag naman ni Esmeralda sa kaniyang ama ang mga nalaman niya kagabi.
"Ano sa tingin mo Esme ang tinutukoy nilang pinuno?"
"Hindi pa ako sigurado amang, pero ang hinala ko, isang harimodon ang pinuno nila. "Iyong nakita ko sa bahay-aliwan ay isang bangkilan at mangalo. Pero nakapagtatakang hindi sila natutunugan ni lolo, amang. Sa pakiwari ko, matagal na ang bahay-aliwan sa bayan at paniguradongh marami na rin silang mga alagad doon. Umaalingasaw ang amoy nila sa lugar na iyon."
"Matanda na ang lolo mo, Esme. Buhat nang maisalin niya sa akin ang kaniyang karunungan, unti-unti na rin humihina ang kaniyang pakiramdam sa paligid at isa pa, lahat ng kaniyang gabay ay nilipat na niya sa pangangalaga ko," saad ni Ismael. Nakakaintinding tumango naman si Esmeralda at inabot na sa ama ang isang basong tubig. Agad naman itong ininom ni Ismael at bumuntong-hininga.
"Nakagawa na ako ng lunas para kay Raul, ang isang gabay ko ang nagbigay ng mahalagang sangkap para doon, mabuti na lamang at nagawi sila doon, kaya hindi mo na kailangan pang pumasok ulit sa mundo nila. Sa ngayon, paghandaan mo ang pagdating ng ating mga bisita, siguradong matutunugan nila si Raul sa oras na pakialaman ko na ang mutya sa katawan niya."
"Wala hong problema amang, hindi ko sila hahayaang makalapit habang ginagamot mo si Raul. Kakayanin mo ba kahit ikaw lang mag-isa?" tanong ni Esmeralda at natawa naman ang tatay niya.
"Ngayon ka pa ba magdududa sa kakayahan ko, anak?"
"Amang, hindi ka na rin bumabata, malay ko ba kung nananakit na ang mga kasu-kasuan mo," pabirong saad ni Esmeralda na siyang ikinasira naman ng ekspresiyon ng mukha ni Ismael. Tumatawang lumayo naman si Esmeralda nang akma siyang hahampasin ng aman ng tsinelas nito.
Napuno ng tawanan ng mag-ama ang maliit na kubo sa bakuran ng bahay ni Lolo Armando. Sumapit ang gabi at parehong handang-handa na sila sa gagawin nilang panggagamot kay Raul. Pagsapit ng alas sais ng gabi, sinimulan nang magpausok ni Ismael sa buong silid na kinaroroonan ni Raul. Si Hanna naman ay kasama ni Lolo Armando sa silid ng matanda at nagdarasal.
Habang abala si Ismael sa pagpapausok, si Esmeralda naman ay naglalagay ng mga walis tingting sa palibot ng bahay. Ang mga bintana naman ay sinabitan niya ng bungkos ng bawang at pinaikotan ng asin. Matapos ang paunang paghahanda, nagsimula na sila sa ikalawang hakbang, kung saan muli nilang dinasalan si Raul, matapos ang dasal ay pasimple namang lumabas si Esmeralda sa bahay at tinungo ang bubungan ng bahay kung saan matiyaga siyang naghintay sa kanilang mga magiging bisita.
Ilang sandali pa, naririnig na ni Esmeralda ang nasasaktang sigaw ni Raul. Ramdam ni Esmeralda ang sakit sa bawat sigaw ng lalaki na siyang nagpapaigting naman sa galit niya sa mga tao at nilalang na naging sanhi ng paghihirap nito. Nagsimula na ring umalulong ang mga aso sa mga kapit-bahay, hudyat na nagbabago ng anyo na naman si Raul, bukod pa roon,m naririnig na rin niya ang tunog ng uwak sa 'di kalayuan. Iyon naman ang naging hudyat niya para maghanda. Maingat niyang hinawakan sa kanang kamay ang kaniyang itak na binasbasan pa ni Ismael at sa kaliwa naman ang buntot-pagi na kalimitan niyang giunagamit sa tuwing mangangaso siya ng mga aswang sa gubat.
Hindi nagtagal, narinig niya ang paglayo ng tunog ng uwak at agad niyang napansin ang mabilis na pagkilos ng nilalang sa bubong ng mga bahay-bahay. Maliksi itong nagpapalipat-lipat sa mga bubong ngunit kahit gaano pa ito kabilis ay hindi pa rin ito nakawala sa kakaibang talas ng mata ni Esmeralda.
Nagkubli ito sa mayabong na halamanan 'di kalayuan sa tarangkahan ng kanilang bahay. Maingat siyang bumaba mula s abubong at inabangan ang nilalang na pumasok.
Nang akma na itong tatalon papunta sa kanilang bubong ay sinalubong ito ni Esmeralda. Nagsalubong ang kaniyang armas at ang mahahaba nitong kuko. Bakas sa mukha ng nilalang ang pagkagulat sa nangyari.
"Sino ka at ano ang kailangan mo? Ang lakas naman yata ng loob mo na atakihin ang bahay namin. Ganoon na ba kami kahina para sa inyo?" nakangising wika ni Esmeralda. Agad na lumayo ang nilalang at pinakatitigan siya.
"May tinatago kayo na pagmamay-ari namin. Marapat lang naman siguro na bawiin ko iyon. Hanga ako sa lakas ng loob mo para kalabanin ang tulad ko." Tumakbo ito para atakihin si Esmeralda. Nagbuno ang dalawa at halos magpantay lamang ang lakas ng bawat isa. Bagaman maliit ang nilalang, hindi masukat ang bilis at lakas nitong taglay. Tinalo pa nito ang mga normal na tao kung makipaglaban. Tunay ngang malalakas ang lahi nila kahit kinulang sa sukat.
"Pagmamay-ari? Walang kinalaman si Hanna sa atrsao ng kaniyang pamilya. Alam ko ang binabalak niyo at hindi ako papayag na makuha niyo ang gusto niyo. Napakahusay niyong magtago, dahil nagawa niyong iwasan ang pangdama ng lolo ko, pero hindi na ngayon, dahil wala kayong kawala sa akin. Kahit saang sulok kayo ng baryong ito magtatago, masusundan ko kayo." saad ni Esmeralda, muling naglapat ang kaniyang itak at mga kuko ng nilalang. Umangil ito ng malakas na halos magpayanig sa katahimikang namamayani sa kadiliman ng baryo.
Kasabay ng sigaw ni Raul sa loob ng bahay ang nakakagimbal na atungal naman ng nilalang na kalaban ni Esmeralda. Malakas na sipa ang nagpatalsik sa halimaw na sa ngayon ay walang habas na kinakalmot si Esmeralda. Napaigik sa sakit si Esmeralda nang kumayod sa braso niya ang matatalas nitong kuko. Naglandas mula roon ang masaganang d*go na siyang ikinangisi naman ng nilalang. Humahagikgik na dinilaan nito ang mga kukong balot pa ng dugo ng dalaga.
"Napakasarap at napakabango ng dugo mo, siguradong matutuwa ang Lakan kapag ikaw ang dinala ko sa kaniya. Bakit hindi pa makipagkasundo sa akin babae. Ikaw kapalit ang kalayaan ni Hanna."
Napataas naman ang kilay ni Esmeralda sa nilalang. Hindi siya kumibo at patuloy lang na pinakiramdaman ang bawat kilos nito.
"Hindi hamak na mas magandang uri ka, paniguradong masisiyahan sa'yo ang lakan. Ano, payag ka na ba?" Muling alok nito at natawa naman si Esmeralda. Akma sana siyang magsasalita nang bigla namang sumigaw sa sakit ang nilalang. Nakita niyang tila nasusunog ang balat nito.
"Hoy, aswang, layuan mo si Esmeralda. Itong asin ang harapin mo!" Sigaw ni Mateo sabay saboy ng asin sa nilalang. Dahil sa ginawa ng lalaki, mabilis na tumalima ang nilalang at naglaho sa dilim. Dinig na dinig pa nila ang malalakas nitong pag-angil hanggang sa tuluyan nang manumbalik ang katahimikan sa paligid.
Napatingin lamang si Esmeralda sa ngayon ay hingal na hingal na si Mateo. Bitbit nito ang isang tabo ng asin at nakapulupot pa sa katawan nito ang baging ng makabuhay.
"Hindi ko alam kung matapang ka o may pagkat*nga. Nahihibang ka ba, aswang ang nilalang na iyon." Reklamo pa ni Esmeralda.
"Pagkatapos kitang tulungan, sesermonan mo pa ako. Wala bang 'salamat' diyan?" Umiiling na wika ni Mateo at napabuntong-hininga naman ang dalaga.