Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 4 - Chapter 4

Chapter 4 - Chapter 4

Matapos mag-almusal, katulad ng naunang plano, tinungo ni Esmeralda sa bukid si Mateo. Naabutan pa niya itong nagdidilig ng mga bagong pananim. Agad niyang tinawag ito na tinugunan naman ng binata ng isang kaway. Umupo si Esmeralda sa ikalawang palapag ng hagdan ng kubo ni Mateo at pinatong ang basket ng mga binhi ng luya na dala niya.

"Magandang umaga, Esmeralda. Ang aga mo naman yatang naligaw dito sa bukid, may kailangan ka ba?" Nakangiting bati ni Mateo sa dalaga.

"Magandang umaga rin, inihatid ko lang ang mga binhi ng luya na sinasabi ko. At oo, may kailangan ako. Magpapasama sana ako sa purok syete, hindi ko pa kabisado ang buong baryo kaya hindi ko alam saan dito ang purok syete."

"Purok syete? Ano namang gagawin mo roon?" tanong ng binata.

"Utos ni amang, may hahanapin lang akong pamilya ng pasyente namin." sagot naman ng dalaga na siyang nagpakunot sa noo ni Mateo.

"Pasyente? Nanggagamot rin ba si Manong Mael katulad ni Lolo Mando?"

"Oo, si amang ang nagmana ng kakayahan ni lolo, isa rin siyang albularyo. Bakit parang nagulat ka naman yata?"

"Sino ang hindi magugulat, sa baryong ito, si Lolo Mando lang yata ang kilalang albularyo. Kung nanggagamot rin si Manong Mael, magandang balita iyan para sa mga ka-baryo natin. Hindi na nila kailangan pang pumunta sa kabilang baryo para manggamot." paliwanag naman ni Mateo na bakas sa boses ang kagalakan. Nagkibi-balikat lang naman si Esmeralda sa nalaman.

Simula kasi nang manirahan sila sa bundok, walang nakaalam na ang Tatay niya ang nagmana ng pagiging albularyo ng lolo niya. Naging isa itong lihim dahil ayaw ni Ismael na pagkaguluhan sila ng mga tao. Bagaman nanggagamot si Ismael, nananatiling lihim ang pagkakakilanlan niya bilang anak ng isang batikang albularyo sa baryo ng Luntian.

Pero ngayong nasa Luntian na sila, paniguradong hindi na nila ito maiiwasan pa. Lalo pa nga't tumanggap na siya ng unang pasyente sa baryong kinagisnan niya.

"Ano ba ang sakit ng pasyente niyo? Nabati ba ng mga laman-lupa o naparusahanbngbmga engkanto?" Tanong ni Mateo habang naglalakad sila patungo sa paradahan ng traysikel.

"Na-yanggaw," simpleng tugon naman ni Esmeralda. Marahas na napalingon sa dalaga si Mateo at tila gulat na gulat ito sa narinig.

"A, Esmeralda, puwede ko bang makita ang pasyente niyo?"

"Bakit naman?" Kunot-noong tanong ni Esmeralda. Napangisi naman si Mateo at saka tila nahihiyang nagkamot ng ulo niya.

"Hindi pa kasi ako nakakakita ng taong na-yanggaw, gusto ko sanang makita kung ano ang itsura nila."

Napabuntung-hininga na lang si Esmeralda at inirapan ang binata na noo'y tatawa-tawang nakahabol na sa paglalakad niya.

Nang marating nila ang paradahan, agad naman nilang kinontrata ang isang traysikel para ihatid sila sa sirang simbahan sa Purok Syete.

Ang sira-sira at tila napaglipasan na ng panahong simbahan ang bumungad sa kanila pagdating roon. Wala na itong bubong at marahil ay bumagsak na dahik sa kalumaan nito. Tila ba sinadyang pabayaan iyon dahil sa looban ay masukal na ang mga damo at talahib. Ang mga dingding ay ginagapangan na rin ng mga baging at nagkulay lumot na rin sa katagalan.

Sa pagkakataong iyon ay napabaling naman sina Esmeralda sa bandang kanan ng naturang simbahan. Nakatirik doon ang isang bahay na hindi kalakihan. Gawa sa bato ang kalahati nito habang gawa naman sa kahoy ang kalahati. Yero din ang bubong at tila bago pa. Kapansin-pansin rin ang nakatumba nitong bakod na siyang nagpakunot naman sa noo ni Esmeralda.

Matapos magbayad ay umalis naman ang traysikel na sinakyan nila.

"Mukhang may nanggugulo sa bahay mg pasyente niyo Esmeralda. Tingnan mo, nakatumba ang bakod, wasak din ang ilang parte nito na halatang ginamitan ng matigas na bagay. Sa tingin mo, ayos lang ba ang mga nakatira riyan?" Naisaboses ni Mateo.

Iisa ang tumatakbo sa isip nila kaya naman hindi na umimik pa si Esmeralda at nagtuloy na para katukin ang pinto ng bahay. Nakailang katok pa lamang siya ay agad namang bumukas ang pinto. Bumungad sa kanila ang isang babae na namumutla at tila kagagaling lang sa pag-iyak.

"Sino sila, may kailangan ba kayo. Wala ang asawa ko rito." Mahinahong wika ng babae.

"Alam namin. Maaari ba kaming pumasok?" Tanong ni Esmeralda. Nagtama ang kanilang mga mata at nabasa ni Esmeralda ang paghihirap sa mga mata nito.

"Tuloy kayo," saad ng babae, nagpalinga-linga pa ito sa labas bago tuluyang isinara ang pinto.

Sa loob ay iginala ni Esmeralda ang kaniyang paningin. Tahimik lang din na nagmamasid si Mateo na malalim na ang pagkakakunot sa noo. Magulo at tila dinaanan ng bagyo ang loob ng bahay. May mga kagamitang sira at nagkalat din ang ilang kubyertos at gamit sa lapag.

"Pasensiya na dahil magulo ang bahay ngayon. Ano nga pala ang kailangan niyo?" Muli ay taning ng babae sa kanila.

Seryosong napatingin si Esmeralda rito, "Pinapunta kami ni Raul dito, siya ang asawa mo 'di ba?"

"Si Raul? Alam niyo kung nasaan si Raul? Isang linggo na siyang nawawala, akala ko iniwan na niya ako, bakit ba siya umalis? Tapos may nagpunta pa ritong mga kalalakihan na hinahanap siya, at ganito ang ginawa. Hindi ko na alam ang gagawin ko." Umiyak ang babae at naghisterikal. Hinayaan lang naman ito ni Esmeralda hanggang sa tuluyan nang kumalma ang babae.

"Ayos ka na ba? Ipapaliwanag ko sa iyo ang dahilan kung bakit kinailangan ka niyang iwan. Hindi madali ang pinagdadaanan ngayon ng asawa mo. Mabuti nga at nakadaupang palad niya kami dahil kung hindi, hanggang ngayon, magiging blanko ka pa rin sa kung ano ba ang dahilan ng paglisan niya at ang masama, paniguradong magtatanim ka na ng sama ng loob sa kaniya," saad ni Esmeralda at napipilan naman ang babae. Tama kasi ang sinabi ng dalaga at kasalukuyan na nga siyang nagtatanim ng sama ng loob sa kaniyang asawa.

Maingat at dahan-dahang ipinaliwanag ni Esmeralda ang sitwasyon ni Raul. Napahagulgol naman ng iyak ang babae dahil sa nalaman.

"Sa ngayon ay nananatili siya sa bahay namin doon sa Purok Uno, habang hindi pa siya gumagaling ay doon muna siya, delikado para sa'yo at para sa kaniya kung aalis siya sa bahay namin habang nasa proseso siya ng yanggaw. Bagaman malakas ang asawa mo, hindi natin alam kung hanggang kailan niya kayang paglabanan ang sumpang kumakapit sa kaniya ngayon."

"Gagaling pa ba si Raul? Maaari ko ba siyang makita kahit saglit lang. Kahit sa malayo lang."

"Oo naman, sa umaga ay normal na tao naman siya, huwag ka lang lalapit sa kaniya sa tuwing sasapit ang gabi," tugon naman ni Esmeralda.

Pinahid na ng babae ang mga luha nito at saka ngumiti sa kanila. Nagsimula na itong mag-ayos sa loob ng bahay. Kumilos naman si Mateo at tumulong na rin. Si Esmeralda naman ay umikot sa labas ng bakuran ng bahay at naghanap ng posibleng marka na naiwan kung sakaling doon sa lugar na iyon naganap ang pagyayanggaw kay Raul.

Malinis naman ang buong paligid maliban sa mga sira-sirang pananim at bakod na nagkalat. Wala siyang nararamdamang presenya ng nilalang na maaaring lumapit o bumisita roon.

"Kung hindi rito, saan naman kaya maaaring na-yanggaw si Raul? Sa trabaho?" Wika ni Esmeralda. Malalim siyang napapaisip at kung hindi pa siya kinalabit ni Mateo ay hindi pa niya maririnig ang pagtawag nito sa kaniya.

"Kanina pa kita tinatawag, naghanda ng tanghalian si Hanna, kakain na raw," maang na napatingin si Esmeralda sa binata. Ganoon na ba kalalim ang iniisip niya para hindi ito marinig? Tumango siya at agad na sumunod sa binata papasok sa bahay.

"Hanna, kung hindi mo mamasamain, sino ang mga taong nanggulo sa bahay niyo?" Tanong ni Esmeralda at napalingon naman sa kaniya ang babae.

"Ang totoo niyan, mga kapatid ko ang pumunta para manggulo rito. Tutol sila sa relasyon namin ni Raul, dahil hamak lang daw na magsasaka si Raul. Itong bahay, naipundar ni Raul dahil sa sipag at tiyaga niya. Nang makita ito ng mga kapatid ko, naisip nila na baka dahil rito kaya malakas ang loob ko na hindi na bumalik sa amin, kaya sinira nila maging ang mga gamit namin."

"Grabe naman sila, mga wala ba silang puso. Hindi ba nila alam na buntis ka, o bulag lang talaga sila?" Nanggagalaiting puna ni Mateo.

"Hindi ko rin alam, hindi nila naririnig kahit ano ang sabihin ko. Mahal namin ni Raul ang isa't isa, nagsusumikap si Raul na maitaguyod ang buhay namin ay mabigyan ako ng maayos na buhay rito. Hanggang sa bigla na lamang siyang naglaho at dumating naman ang mga kapatid ko para kumbinsihin akong umuwi na," salaysay ni Hanna. Bahagya pa nitong hinimas nag maumbok na nitong tiyan.

"Talaga, bakit parang pakiramdam ko alam nila ang nangyayari sa asawa mo. Hanna, hindi naman sa pinagdududahan ko ang mga kapatid mo. Pero bubuksan ko sa'yo ang posibilidad na baka may kinalaman sila sa nangyari sa asawa mo," mahinahong wika ni Esmeralda at hinawakan ang kamay ng babae.

"Hindi nagkakalayo ang mga edad natin, kaya sasabihjn ko sa iyo ito, babae sa babae. Maging mas malawak sana ang pag-unawa mo sa sitwasyong ito. Alam kong mas matimbang ang dugo sa tubig pero minsan may mga kadugo tayong hangad lamang ay kapakanan nila. Sa ngayon, bakit hindi ka muna sumama sa amin doon sa purok uno. Masama ang kutob ko na babalikan ka ng nilalang dito mamayang gabi," dugtong pa ni Esmeralda.

Nang mga sandaling iyon ay muling naluha si Hanna at walang pagdadalawang-isip na tumango bilang pagsang-ayon. Wala silang sinayang na oras at agad na nagligpit si Hanna ng mga damit niya at ni Raul. Inilagay niya ito sa isang bag na siyang binitbit naman ni Mateo.