Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 5 - Chapter 5

Chapter 5 - Chapter 5

Matapos magligpit ay tumawag na ulit ng traysikel si Mateo. Nauna na niyang inilgay sa likod ang bag ni Hanna roon. Nakasuot naman ng malaking jacket na may hood si Hanna nang isakay na nila sa traysikel. Mag-a-alas kuwatro na rin nang marating nila ang bahay ni Lolo Armando sa Purok Uno.

"Nasa likod na silid si Raul, bukas mo na siya puntahan, sa ngayon magpahinga ka muna doon sa silid ko, balot iyon ng proteksiyon ni amang kaya hindi ka niya maaamoy mamayang gabi." Suhestiyon ni Esmeralda at tumango naman si Hanna. Matapos maihatid sa silid ang babae ay bumalik naman siya sa sala para kausapin ang kaniyang ama.

"Amang, dinala ko rito ang asawa ni Raul. Hindi siya ligtas sa bahay nila. At hindi rin natin maaasahan ang pamilya niya. Ang hinala ko, sila ang may pakana ng pagkakayanggaw ni Raul."

"Pamilya ng asawa ni Raul? Mukhang may alitan sa pagitan nila kung gano'n. Hay, kawawa naman pala sila. Pero kung normal na alitan lamang ito, tandaan mo Esmeralda, hindi tayo maaaring makialam sa kanila," paalala ni Ismael.

"Alam ko naman po iyon amang, pero kung may kinalaman sila sa nangyari kay Raul, paniguradong maghahalo ang balat sa tinalupan. Ipaparanas ko rin sa kanila ang dinadanas ni Raul."

Napailing na lamang si Ismael sa narinig. Kilala niya si Esmeralda, hindi ito nagbibiro sa lahat ng binibitawan niyang salita. 

Lumipas ang mga oras at tuluyan nang binalot ng kadiliman ang buong kalupaan. Nakaupo si Esmeralda sa harap ng silid na kinaroroonan ni Raul. Tulad ng dati, nakatali ito sa higaan, sarado ang mga bintana at ang tanging bukas ay aang pinto kung saan nakabantay naman si Esmeralda. 

"Normal na tao lang naman siya kung titingnan, sigurado ka bang nayanggaw ang lalaking iyan Esme?" Napapakamot na lamang ng ulo si Mateo habang nakatingin kay Raul. Kasalukuyan pa rin itong natutulog nang mga sandaling iyon.

"Maghintay ka lang, baka nga maihi ka pa sa salawal kapag nakita mo ang tunay niyang anyo," saad naman ni Esmeralda. Tumahimik naman si Mateo at naupo na sa tabi ng dalaga habang hindi inaalis ag mga mata sa lalaking nakahiga sa higaan.

Ilang sandali pa ay bigla namang nagmulat ng mga mata si Raul. Nagsimula itong magpakawala ng mga ung*l na kalaunan ay naging mababangis na angil. Nagulantang naman si Mateo sa nasasaksihan. Nagwala si Raul sa kinahihigaan nito habang nagpupumilit na makawala sa pagkakatali niya.

"Nagugutom ako, may naaamoy akong mabango. Sariwang d*go, bigyan niyo ako ng sariwang d*go," umaangil nitong sigaw sa garalgal nitong boses.

"L*ntik, ano ang nangyayari sa kaniya, bakit nagkukulay itim na ang balat niya, ano iyan. Balahibo ba 'yan?" Gulat na wika ni Mateo, napatayo pa ito sa kinauupuan, halatang hindi ito makapaniwala sa nakikita.

"Iyan ang totoong itsura ng mga taong nayayanggaw," simpleng tugon ni Esmeralda bago bumuga ng malalim na hininga.

Patuloy na nagwawala si Raul at wala silang ginawa kun'di ang bantayan lang ito na hindi makawala mula sa kaniyang pagkakatali. Tatlo hanggang limang oras na sinusumpong si Raul sa pagka-aswang niya. Minsan ay salitang nagbabantay si Esmeralda at Ismael sa lalaki pero nang gabing iyon dahil na rin sa pangungulit ni Mateo, ay silang dalawa ng dalaga ang nagbantay. Madaling araw na nang tuluyang kumalma si Raul. Puro sugat na rin ang paa at kamay nito dahil sa pagkiskis ng lubid sa mga kalamnan niya.

"Kamusta ang pakiramdam mo?" Tanong ni Esmeralda habang pinapahiran ang gamot ang mga sugat nito.

"Napapagod na ako, hirap na hirap na ako. Ayoko na, gusto ko nang makita ang pamilya ko. Ano ba ang kasalanan ko, bakit ko dinaranas ito? Hindi naman ako gumagawa ng masama para ganitohin nila ako. Wala akong inaagrabiyadong mga tao." Umiiyak na wika ni Raul. Nakakaintinding tinapik ni Esmeralda ang braso ng lalaki at nginitian ito ng tipid.

"Minsan, hindi dahil naging mabuti ka, lahat ng tao ay ganiyan rin ang magiging pananaw sa'yo. Hindi dahil wala kang nagawang masama, mananahimik ang may mga halang ang kaluluwa. Ang masasabi ko lang, tibayan mo ang loob mo, huwag kang magpapatalo. MAlapit nang matapos ni amang ang lunas para sa 'yo at bukas sisimulan ko nang tahakin ang landas na tinahak mo bago ka nagkaganito. Sisimulan ko sa pamilya ng asawa mo," salaysay ni Esmeralda. Nahinto ang pag-iyak ni Raul sa narinig, Nanlalaki ang mga mata niyang napatingin sa dalaga.

"Pamilya ni Hanna, anong mayro'n sa kanila, bakit mo sila nabanggit dito?" gulat na tanong ni Raul. Nagsimulang magkuwento si Esmeralda sa nadatnan niya kahapon sa bahay nila. Nagkiskisan ang mga ngipin ni Raul dahil sa galit, kasabay nito ang mariing pagkuyom ng kamao ng lalaki.

"Wala kaming ginagawang masama, mahal ko si Hanna, at hindi ko siya pinilit na sumama sa akin. Bukal sa loob niya ang bumukod na sa kanila. Pinatunayan ko naman na kaya kong buhayin ang kapatid nila, ano pa ba ang kulang?" puno ng hinanakit na wika ni Raul.

"Pero hindi iyon ang nakikita nila dahil may kailangan sila kay Hanna at hadlang ka roon. May hinala rin ako na sila ang nasa likod ng sitwasyon mo ngayon, bagaman hindi pa sigurado." makahulugang wika ni Esmeralda. Matapos magamot ang mga sugat nito ay iniwan na niya ito para magpahinga. nakita niya si Mateo na prente na rin nakahiga sa papag sa sala, napailing na lang siya ay saka dumiretso na sa silid niya kung saan natutulog na rin si Hanna.

Kinabukasan, naging emosyonal ang tagpo sa bahay ni Armando nang magkita ang mag-asawa. Magkayakap ang mga ito habang parehong naglilimahid sa luha ang kanilang mga mukha. Napapailing lang ang matandang si Armando sa nakita.

"Kawawang mga bata," sambit ng matanda habang inilalapag ang tasa ng kape sa mesa. Maging si Ismael ay napapailing na din. Nang humupa na ang emosyon ng dalawa ay saka na nila ipinaliwanag ang kanilang mga gagawin kay Raul. 

"Kahit ano, gagawin ko para lang gumaling ako. Ang nais ko lang naman, maprotektahan si Hanna habang naririto siya. Hindi ko naman akalaing dadalhin niyo siya rito, pero salamat pa rin, hindi ko alam na mas delikado pala siya roon sa bahay namin."

"Hay naku, saka ka na magpasalamat kapag maayos ka na. Sa ngayon, paghandaan mo ang susunod na kabilugan ng buwan. Paniguradong mas titindi pa ang lakas ng atake ng yanggaw sa katawan mo." Paalala ni Ismael.

"Opo, manong. Gayunpaman, tatanawin ko pong malaking utang na loob ito."

Dahil sa sinabing iyon ni Raul, nagkatinginan naman si Esmeralda at Ismael. Normal na para sa mag-ama ang makarinig ng mga ganoong salita subalit iba ang dating nang manggaling ito kay Raul. Marahil dahil may ibang katauhan ang nagkukubli sa katawan ng lalaki at nakikihati sa kaniyang utak.

Lumipas pa ang ilang araw, isang hindi inaasahang bisita naman ang gumambala sa katahimikan ng bahay ni Lolo Armando.

Kasalukuyan silang kumakain ng tanghalian noon, dahil umaga at tirik ang araw, malayang nakakagalaw sa loob ng bahay si Raul at nasasamahan nito ang asawang si Hanna. Masaya silang kumakain nang makarinig sila ng malalakas na tawag sa labas ng kanilang bahay. Malalakas rin ang ginagawang pagkatok nito sa tarangkahan. Animo'y nagmamadali.

"Sino naman kaya ito. Kung makakatok, akala mo masisira na ang tarangkahan." Reklamo ni Ismael, saka padabog na tumayo.

"Amang, ako na ho. Makakatikim talaga sa akin 'yan." Mabilis na tumayo si Esmeralda at inunahan na palabas si Ismael.

Pagkalabas ni Esmeralda, agad na bumungad sa kaniya ang tatlong lalaki na doble ang laki sa kaniya. Mukhang galit rin ang mga ito at tila ba walang gagawing mabuti.

"Ano ba ang kailangan niyo? Kung makakatok naman kayo, sino ba kayo?" Kunot-noong tanong ni Esmeralda sa mga ito.

"Hoy, ito ba ang babae?" Biglang tanong naman nito sa kung sino.

Nang ibaling naman ni Esmeralda ang tingin sa kausap nito ay nakita niya ang drayber ng traysikel na sinakyan nila pauwi sa bahay nila noong nagdaang araw.

"Oho, siya nga po. Kasama niya ang babaeng hinahanap niyo." Bakas ang matinding takot sa boses ng lalaki.

"Ilabas mo ang kapatid namin. Sino ka ba sa akala mo. Puwede ka naming kasuhan sa pagkuha mo sa kapatid namin." Sigaw ng matabang lalaki at napangisi naman si Esmeralda.

"Kusang sumama ang kapatid niyo sa akin. At ano naman ang ikakaso niyo sa akin?" Matapang na tanong ni Esmeralda. Nagngitngit sa galit ang tatlo at halos gibain na nila ang tarangkahan ng bahay nila.

Dahil sa tanghali at gising ang mga tao, sa lakas ng komusyon ay agad nitong nakuha ang atensyon ng lahat.

"Hoy, bakit kayo nanggugulo sa bahay ni Mang Armando!" Isang lalaki ang naglakas ng loob na lumabas at komprontahin ang mga nanggugulo, na sinundan pa ng iilan sa mga kapit-bahay nila.

"Huwag kayong mangialam dito, wala akong pakialam kung sino pa ang nakatira rito. Walang magiging gulo kung ilalabas ng mga taong ito ang kapatid naming babae." Laban naman ng isa sa mga nanggugulo. Nagpanting naman ang tainga ni Esmeralda at saka matapang na nilabas ang mga ito. Bagaman malalaki ang mga ito, walang kahirap-hirap niyang napaatras ang mga ito ng itulak niya ang tarangkahan. Mabilis niya itong isinara at walang takot na hinarap ang mga lalaki, mata sa mata.

"Talaga bang mga kapatid niya kayo? Mukha ba silang mabubuting tao? Paano naman ako nakakasiguro g kapatid nga kayo ng pasyente namin? Kilala ang pamilya namin dito bilang mga manggagamot at hindi namin ugaling manguha ng tao." Wika ni Esmeralda. Paisa-isa niyang tinitigan ang mga mata ng tatlong lalaki at napapakunot ang noo niya. Tao ang mga ito at wala rin siyang nararamdamang awra ng aswang sa katawan ng mga ito. Ngunit malakas pa rin ang kutob niya na may kinalaman ang mga ito sa sitwasyon ngayon ni Raul.