Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 1 - Chapter 1

Infinito: Salinlahi

YueAzhmarhia
  • 7
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 1.5k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter 1

Papalubog na ang araw at naglipana na sa himpapawid ang mga uwak na siyang hudyat ng pagdating niya.

Mula sa 'di kalayuan, natanaw ni Mang Ismael ang bulto ng isang babae na dahan-dahang naglalakad papalapit sa kaniyang kubo.

Si Esmeralda, ang batang babaeng walang pagdadalawang-isip niyang kinupkop, dalawampung taon na rin ang nakararaan. Mahaba ang buhok nitong itim na itim, kulay lupa ang suot nitong saya at gawa naman sa dahon ng niyog ang suot nitong sandalyas. Animo'y pinaglipasan ng panahon ang suot nito na hinabi pa mula sa mga bagay na makukuha mo lamang sa kalikasan. Kung sa bayan niya ito susuotin ay paniguradong pagtatawanan na siya ng mga tao.

"Esme, mabuti naman at nakabalik ka sa tamang oras, halika na at magtatakip-silim na." Tawag ni Mang Ismael, mabilis na tinugon naman ng dalaga ang tawag nito at dali-daling pumasok na sila sa mumunti nitong kubo na nakatirik sa gitna ng gubat.

"Kumusta ang naging lakad mo, hindi ka naman ba nahirapan?"

"Hindi ho amang, sa katunayan, tatlo ang nakuha kong mutya sa linggong ito." Tugon ni Esmeralda, inilapag nito sa mesa ang tatlong itim na bato na agad namang kinuha ni Mang Ismael at nilagay sa isang boteng naglalaman ng langis na inorasyonan pa niya. Bumuntong hininga ang dalaga habang tinititigan ang mga mutya, animo'y nakaririnig pa siya ng sigaw mula rito.

"Amang, may lalakarin ba ulit ako?" Tanong ng dalaga.

Umiling si Ismael at pinaghain na ng pagkain ang anak.

"Sa ngayon wala pa, may nagpagamot sa akin kahapon, pero nabati lang iyon ng engkanto. Bukas bababa na tayo ng bundok at doon mananatili sa baryo," paliwanag naman ni Ismael.

Simula nang magkaisip si Esmeralda ay sinanay na niya ito na maging isang manunugis. Maliksi ang pangangatawan ni Esmeralda, may angking talino rin siya pagdating sa mabilisang pag-iisip kahit nasa bingit mg kamatayan. Alam ni Ismael na hindi ordinaryong tao ang batang napulot niya noon, subalit alam din niya na hindi ito kampon ng dilim.

Pinalaki niya si Esmeralda na may pananampalataya at respeto sa lahat ng bagay na nilikha ng Panginoon— mapahayop man ito o halaman o kahit ano pang nilalang na may buhay.

Hindi rin niya inilihim sa dalaga ang tungkol sa tunay nitong pagkatao. Bagaman hanggang ngayon hindi pa rin niya alam ang pinagmulan ni Esmeralda, ang mahalaga ay alam nito na hindi siya nito tunay na anak. Magkagayunman, minahal niya ito bilang tunay na anak.

Walang sariling asawa si Ismael at simula nang mapulot niya si Esmeralda ay hindi na niya binalak pang magmahal sa takot na baka hindi matanggap ng babaeng mapipili niya ang bata at pagmalupitan ito.

"Bakit amang, himala yata at naisipan niyong bumaba na sa bundok. May nangyari ba sa baryo?" Tanong ni Esmeralda habang patuloy na sumusubo ng kanin.

"Wala naman, naisip ko lang, tumatanda na ang lolo mo, kailangan na niya ng makakasama sa buhay. Wala na siyang ibang maaasahan kun'di tayo. Alam mo namang masyado nang abala ang tiyahin mo sa pamilya niya at ang mga anak naman niya ay wala rin oras na dumalaw sa lolo nila."

"Wala namang problema sa akin 'yan amang, pero ayos lang ba kay Tiya Silma na manunuluyan tayo sa bahay ni Lolo? Ang pagkakatanda ko ay halos ipagtabuyan niya tayo nang huling dalaw natin roon." Ngumiwi si Esmeralda habang inaalala ang mga panahong iyon.

"Ayaw nilang alagaan si Tatay, wala silang magagawa kun'di ang tanggapin tayo. At isa pa, tatay ko rin siya at kuya niya ako. Kung noon pinagbigyan ko siya, ngayon hindi na. Kung naaalagaan ba niya ng maayos ang lolo mo, ano pa ang silbi na naroroon tayo, 'di hamak naman na mas marami tayong ginagawa sa mga oras natin." Iiling-iling na wika ni Ismael. Nagkibit-balikat naman si Esmeralda.

Kinabukasan, madaling araw nang tinahak nila ang daan pababa sa bundok. Pasikat na ang araw nang marating nila ang paanan nito.

"Ayos ka lang ba riyan sa dala mo anak, hindi ba masyadong mabigat?" Nag-aalalang tanong ni Ismael sa dalaga. Bitbit kasi nito ang halos lahat ng dalahin nila.

"Si amang talaga, kailan ba ako nabigatan. Kaya ko ngang pasanin ang isang malaking troso, ito pa kayang kakarampot na mga damit natin at pasalubong kay lolo." Marahang tumawa si Esmeralda habang tinatapik-tapik ang bitbit na mga bayong sa likuran niya.

Likas na malakas ang pangangatawan ni Esmeralda na siyang nagpatunay sa haka-haka ni Ismael na kakaiba ito. Simula pagkabata ay nakitaan na niya ito ng kakaibang bilis at liksi, lakas na hindi normal sa edad niya. Malakas rin ang pakiramdam nito at lapitin ng mga hayop. Madalas na kapanabay nito ay ang mga uwak na tila naging mensahero na ng dalaga hanggang sa paglaki nito.

"O, siya, ikaw ang bahala. Pero kapag napagod ka, magsabi ka lang para makapagpahinga muna tayo," sambit ni Ismael bago sila magpatuloy sa paglalakad. Mahigit isang oras rin ang nilakad nila bago nila marating ang baryo kung saan naninirahan ang lolo ni Esmeralda.

Sabik na sumalubong sa kanila ang matanda, bakas sa mukha nito ang saya na makita sila. Agad sila nitong pinatuloy at pansin agad ni Esmeralda ang paghingal ng matanda. Nagkatinginan pa sila ng kaniyang ama at magtanguan bago niya inalalayang makaupo ang matanda sa upuang gawa sa kawayan.

"Ayos lang ako, kaya ko pa. Mabuti naman at naisipan niyo nang bumalik sa bahay. Ang akala ko ay mawawala na lamang ako sa mundong ito na hindi kayo makakasama. Lalo ka na Esme, nangulila ako ng husto dahil sa pag-alis niyo. Ikaw na sana ang bahalang magpasensiya sa tiyahin mong iyon. Simula nang mawala ang kaniyang asawa ay naging mainitin na ang ulo. Huwag mo na rin sanang dibdibin masyado ang mga masasakit na salitang binibitawan niya sa'yo."

"Alam ko ho lo, ayos lang ako. Ito lang talagang si amang ang hindi makapagtimpi." Nangingiting wika niya na ikinatawa naman ng matanda.

"Oo nga pala. Itong amang mo ang maikli ang pasensiya. Mael, dumito na kayo ni Esme, matanda na ako at hindi natin alam kung hanggang kailan na lang ang buhay ko. Nais ko sanang makasama kayo ng matagal bago ako mawala sa mundong ito.

Uugod-ugod na ang matanda sa edad nitong siyam na pu't dalawa. Bagaman may lakas pa ito sa paglalakad, mabilis na itong mapagod at hindi na rin nakakakilos ng matagal sa loob ng bahay. Madalas ay nakaupo lang ito sa tumba-tumba nitong upuan at may nagpupunta lang na utusan ang babae niyang anak para maglinis sa bahay at ipaghanda siya ng makakain sa araw-araw.

"Si lolo talaga, mabubuhay ka pa hanggang sa ika-isang daang taon mo. Matagal pa tayong magsasama at opo, hindi ka namin iiwan ni amang rito. Magsasama na tayo hanggang sa magsawa ka na sa pagmumukha namin ni amang."

"Iyon ang hindi mangyayari. Aba'y ikaw yata ang paborito kong apo."

"Asos, si lolo nambola pa. At dahil diyan, ipagluluto kita ng paborito mong tortang talong." Masayang wika ni Esmeralda. Napangiti naman ng tahimik si Ismael at tinapunan ng makahulugang tingin ang kaniyang anak.

Matapos maiayos ang mga gamit sa tutuluyan nilang silid, agad namang nag-asikaso ang mag-ama sa kusina.

"Amang, lilinisin ko mamaya amg maliit na kubo doon sa bakuran ni lolo, siguradong maiimbyerna na naman si tiya kapag nakita ang mga gamit mo rito sa loob ng bahay. Matibay naman ang kubo at tulad ng dati, doon na lamang natin itago ang mga gamit mo sa panggagamot." Binasah ni Esmeralda ang katahimikan bunabalot sa pagitan nila.

"Ikaw ang bahala, siya nga pala Esme, talaga bang ayos lang sa'yo na ganoon ang trato ng tiyahin mo sa'yo? Hindi ka ba nagagalit?" Tanong ni Ismael.

"Bakit naman ako magagalit? Alam kong walang katotohanan naman ang mga sinasabi niya. Dahil kung malas ako, e 'di sana'y minalas ka na rin dahil magkasanggang-dikit tayo simula sanggol pa lamang ako." Natatawang wika ni Esmeralda habang tinutusok ng tinidor ang talong na iihawin niya sa baga.

"Kaya hayaan mo siyang magtatalak, hindi naman kabawasan sa pagkatao ko iyon. Ang mahalaga sa akin, kayo ni lolo. Kung ayaw niya sa akin, hindi ko ipipilit ang sarili ko sa kaniya, gano'n lang kasimple." Nakangiting dugtong niya na nagpangiti naman kay Ismael.

Matapos silang magtanghalian ay sinimulan na ngang linisin at ayusin ni Esmeralda ang maliit na kubo sa bakuran ng bahay ni Lolo Armando, malawak ang bakurang iyon ng matanda, dating albularyo si Lolo Armando at naipasa nito ang kakayahan sa anak niyang lalaki na si Ismael. Nag-iisang lalaki ito at nakatatanda pa, habang dalawa naman ang kapatid nitong babae. Si Silma at ang bunso nilang si Margarita. Mabait sa kaniya ang tiyahin niyang si Margarita, kabaligtaran naman ng pinapakitang ugali sa kaniya ng tiyahin niyang si Silma. Hindi niya mawari kung bakit at hindi na rin siya nagtatanong dahil sa naaalala niya, simula bata ay ayaw na sa kaniya ng ginang.

Hapon nang matapos ni Esmeralda ang pag-aayos sa kubo, matagumpay niyang nailipat doon ang mga gamit ni Ismael, simula sa mga bote na naglalaman ng mga langis at iba't ibang uri ng gamot hanggang sa mga libro at libretang ginagamit nito sa panggagamot. Maayos rin niyang naikabit ang m,ga pangontra laban sa mga masasamang elemento na magtatangkang pasukin ang kubong iyon.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagwawalis na siya sa labas ng bakuran. Nakasanayan na ni Esmeralda ang magising bago pa man sumilip ang bukang-liwayway. Sa ganitong paraan, marami siyang natatapos at nagagawa. Noong nasa bundok sila, madalas ay sa pangunguha ng mga kahoy napupunta ang oras niya, pero dahil narito na sila sa baryo at uling ang gamit nila sa pagluluto, hindi na niya kailangan gawin iyon.

"Magandang araw, kamag-anak ka ba ni Lolo Mando?" 

Isang boses ng binata ang agad na pumukaw sa kaniyang atensiyon. Tumigil siya sa pagwawalis at isang binata nga ang nakita niyang nakadungaw mula sa tarangkahan ng kanilang bahay. Nakasuot ito ng sobrero ng isang magsasaka at may bitbit na bayong na punong-puno naman ng mga gulay.

"Apo ako ni Lolo, sino ka, may kailangan ka ba sa kaniya?" agap na tanong niya habang lumalapit.

"Apo? kilala ko ang dalawang apo ni Lolo Mando na anak ni Tiyang Silma at alam kong hindi ka rin anak ni Tiyang Rita, kaninong anak ka?" Napaisip nang malalim ang binata at tila saglit na may kumislap sa mga mata nito nang mapatingin sa dalaga. "Anak ka ni Tiyong Mael? Ikaw ang apo ni Lolo Mando na kinukuwento niya na kasamang namumuhay ng kaniyang panganay na anak sa bundok, tama. Ano nga ba ang pangalan mo, Sandali... Ah, ikaw si Esmeralda," manghang wika nito at napangiwi naman si Esmeralda.

"Ang dami mong sinabi, pero hindi mo pa dinamay kung sino ka at ano ang kailangan mo," reklamo ng dalaga at natawa naman ang binata.

"Mateo, Mateo ang pangalan ko, doon ako nakatira sa bukid na pagmamay-ari ng Lolo mo, narito ako para ibigay itong bagong aning mga gulay roon. Ito ang binilin niyang dalahin ko pagtapos ng anihan," nakangiting tugon naman ni Mateo.