Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 2 - Chapter 2

Chapter 2 - Chapter 2

"Ganoon ba, pasok ka muna, maya-maya lang ay magigising na rin si lolo." Binuksan niya ang tarangkahan at pumasok naman mula roon ang binata. Dalawang bayong pala ang buhat-buhat nito at ibinaba naman agad nito sa papag na nasa labas ng bahay ng matanda.

"Hihintayin mo ba si Lolo na magising? Kung oo, pumasok ka muna para makapagkape man lang, nakapagluto na rin ako ng almusal, sumabay ka na sa amin," alok ni Esmeralda bago pumasok sa bahay. Sumunod naman sa kaniya ang binata bitibit ang dalawang bayong. Maayos niya itong inilapag sa dapugan ng bahay at isa-isang inilabas ang mga gulay mula roon.

Tahimik naman na nagtimpla ng kape si Esmeralda para sa kanilang dalawa habang sinusuri niya ang binata. Magaan ang loob niya sa binatang iyon at alam niyang hindi ito masamang tao.

"Kailan kayo dumating, hindi kita nakita kahapon rito nang pumunta ako para kumuha ng mga binhi kay Lolo Mando," puna ng binata at napangiti si Esmeralda.

"Kahapon lang din kami dumating, siyanga pala, salamat sa pagdadala ng mga gulay rito sa bahay. Madalas mo ba itong gawin?"

"Ha, ah, oo. Alam mo kasi, parang kinupkop na rin ako ni Lolo Mando noong mamatay ang buong pamilya ko dahil sa isang trahedya. Doon niya ako pinatira sa bukid niya, siya rin ang nagpatayo ng kubo ko roon. Kaya araw-araw, bago o pagkatapos ng trabaho sa bukid, pinupuntahan ko siya para kumustahin. Alam ko kasing mag-isa lang siya rito," paliwanag ni Mateo. 

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay pumasok namans a kusina si Ismael na halatang kagigising lamang. Saglit pa itong napatingin kay Mateo na agad namang bumati ng magandang araw. Tumango si Ismael bago angtuloy-tuloy sa lababo upang magmumog at maghilamos ng mukha. Pasimple namang inabutan ng maliit na tuwalya ni Esmeralda ang ama bago ito pinagtimpla na rin ng kape.

"Amang, si Mateo nga pala. Nagdala siya ng mga gulay , galing daw sa bukid ni lolo."

"Mateo? Ah, ikaw iyong batang pinatira ni tatay sa bukid. Mabuti naman at sa wakas nagkakilala na tayo."

"Oo nga po, lagi ko lang kayong naririnig sa mga kuwento ni Lolo Mando. Mabuti po at naisipan niyo nang bumalik. Dito na po ba kayo manunuluyan?" tanong ni Mateo.

"Oo, walang kasama si tatay, at tumatanda na rin siya. Salamat nga pala sa pagbabantay mo sa kaniya tuwing mag-isa lang siya rito. Naikuwento ka na rin ni tatay kagabi sa akin, kaya alam kong mabuti kang bata." nakangiting saad ni Ismael. Npakamot naman sa ulo si Mateo, halatang naiilang dahil sa mga papuring naririnig niya.

"Wala po iyon, malaki po ang utang na loob ko kay Lolo Mando, at maliit na bagay lang po ang siguraduhin kong maayos ang kalagayan niya rito-"

"Hindi maliit na bagay ang ginagawa mo, malaking tulong sa amin iyon. At kung tinulungan ka man ni tatay noon, iyon ay dahil alam niyang karapatdapat kang tulungan," putol ni Ismael sa sasabihin pa ng binata. Napangiti naman si Esmeralda ay tahimik na pinagpatuloy na lang ang pagkain.

Matapos mag-almusal, sumama siya kay Mateo upang libutin ang sinasabi nitong bukirin na pagmamay-ari ng kaniyang lolo. Malawak iyon at samo't saring gulay ang nakatanim doon. Mataba ang lupa, dahilan para magkaroon ito ng masaganang ani. Mula sa 'di kalayuan, sa gitna ng dalawang malalaking puno ng mangga, nakatirik naman ang sinasabing kubo ni Mateo. Maganda ang lokasyon ng kubong iyon, dahil nga napapagitnaan ng dalawang puno, malilim at presko ang lugar.

Iniikot ni Esmeralda ang kaniyang mga mata sa kabuuan ng bukirin, mula sa kaniyang kinatatayuan sa harap ng kubo ni Mateo, kitang-kitang niya ang malawak na lupa na tinatamnan ng mais, sa kaliwang bahagi naman nito ay taniman ng monggo at sa kanang bahagi naman ay mga gulay na gumagapang tulad ng kalabasa, mga patani, upo at iba pa. Hindi rin nakatakas sa kaniyang paningin ang isang kahon na puro naman luya ang nakatanim. Dahil isang manggagamot ang kaniyang ama, kilala niya ang mga luya na naroroon. Luyang dilaw at luyang pula lang ang nakikita niya.

"Wala ka bang itinanim na luyang itim?" tanong ni Esmeralda na siyang nakakuha sa atensyon ng binata.

"Wala kasi akong mahanap, iyong luyang pula, galing pa iyan sa isang matandang albularyong kaibigan ni Lolo Mando na minsan dumalaw sa kaniya. Ang sabi niya, bibihira na lamang makahanap ng luyang itim, kaya itong dilaw at pula na lamang ang pinarami ko," sagot pa ng binata.

"May binhi ako ng luyang itim, kunin mo bukas sa bahay, para maparami natin, may mga binhi rin ako ng mga halamang gamot, maganda ang lupa sa bukid ni lolo, siguradong mabilis tayong makakapagparami ng mga halaman dito. Mabuti na lang pala, nagdala ako ng mga binhi, hindi ko na kailangan magpabalik-balik sa bundok kapag kailangan ni amang ang mga halamang gamot niya." Napangiti si Esmeralda habang inililibot ang tingin sa napakagandang tanawin sa bukid.

Matapos ang kanilang paglilibot, sinamahan naman siya ni Mateo sa pag-iikot sa baryo. Tanghali na nang makabalik sila sa bahay, at minabuti naman ni Mateo na bumalik na sa bukid para mag-asikaso.

"Malawak rin pala ang bukirin ni lolo rito amang, napakalulusog ng mga halaman doon, maganda ang lupa at mukhang naaalagaan ng maayos," puna ni Esmeralda. Napangiti naman si Ismael at tumango.

"Kada-pitong taon kung magpakain si tatay sa mga magsasaka at mga tao rito. Balik kumbaga para sa biyayang natatanggap ng lupain niya. Maganda talaga ang lupa sa parteng iyon dahil natural ang tubig na dumadaloy mula sa kabundukan. At isa pa, maalaga sa lupa si Mateo, siya ang namumuno sa mga magsasaka, siya rin ang nagtuturo sa mga ito sa tamang pag-aalaga ng mga halaman. Ayon kay tatay, likas sa batang iyon ang maalam sa mga halaman." Kibit-balikat na saad ni Ismael.

"Pansin ko nga po, mabuti na lang at may bakante pang lupa roon, pagtatamnan namin bukas ng mga halamang gamot. Huwag ka munang tatanggap ng pasyente amang, babalik muna ako sa bundok para kunin ang iba pa nating mga binhi."

"O siya, sige. Mag-iingat ka, siguradong, inaabangan ka ng mga kalaro mo sa bundok. Umaga kang pumunta at huwag kang magpapagabi."

Palihim na napangisi si Esmeralda, hindi na niya pinansin pa ang iba pang mga bilin ni Ismael sa kaniya, bagkus ay mabilis niyang tinapos ang mga gawain niya sa kusina. Sa pagsapit ng dapit-hapon, kinuha niya ang kaniyang itak na nakatago sa ilalim ng kaniyang higaan ay itinali iyon sa kaniyang beywang. Sinukbit naman niya sa kaniyang likuran ang bayong na siyang paglalagyan naman niya ng mga halamang makukuha niya. Maingat at palihim siyang lumabas mula sa bintana habang mahinang humahagikgik, sa pag-aakalang matatakasan niya ang kaniyang ama.

 

Ang hindi niya alam, ay napapailing na lamang si Ismael dahil alam nitong tumakas na naman ang dalaga niyang anak.

"Nakakatuwang bata, mabuti at natatagalan mo ang katigasan ng ulo ng batang iyon Mael." Tumatawang puna ni Armando sa anak.

"Wala naman akong magagawa 'tay, bata pa lamang si Esme, alam kong kaakibat na ng buhay niya ang magpagala-gala sa gabi. Sapat na sa akin ang makauwi siya ng ligtas at buhay."

Muli na silang napatahimik, parehong napapatango sa kanilang mga pinag-uusapan. Samantala, mula sa 'di kalayuan, patakbong lumalayo si Esmeralda sa baryo at mabilis na tinatahak ang daan patungo sa paanan ng bundok. Presko ang malamig na hangin tumatama sa kaniyang balat, hindi alintana ng dalaga ang madilim na gabi na ang tanging tanglaw niya ay ang kakarampot na liwanag na nagmumula sa buwan at mga ilaw na nasa poste.

Sa kaniyang tuluyang paglayo ay nawala na rin ang liwanag ng mga poste at ang tanging natira ay ang natural na liwanag ng buwan na siyang naging gabay niya hanggang sa pagpasok niya sa gubat. Ang pamilyar na simoy ng hangin, ang amoy ng mga damo at lupa ang unang bumati kay Esmeralda sa kaniyang pagpasok. Gumuhit ang matamis na ngiti sa kaniyang mga labi habang walang kahirap-hirap niyang tinatawid ang bawat lubak at bawat tulis ng mga bato sa lupa.

Sa pagdatal niya sa pusod ng gubat ay agad naman niyang ginalugad ang kasukalan na ang tanging gabay niya ay ang mahinang presensiya ng nilalang na magiging kalaro niya sa gabing iyon.

Wala siyang balak na paslangin ito o kung ano pa man, ang nais lang niya ay magpapawis ipang hindi matulog ang nag-aapoy niyang dugo.

Marahan siyang naglalakad sa nagtataasang talahib na siyang nagkukubli sa kaniya at sa nilalang na tinutugis niya. Bagaman madilim sa lugar na iyon, malinaw niyang nakikita ang bawat hakbang na kaniyang ginagawa. Kabisado niya ang buong gubat, kaya kahit nakapikit ay kaya pa rin niyang tuntunin ang lupang dapat na aapakan niya at ang hindi.

Makalipas lamang ang ilang minuto, isang pamilyar na angil ang kaniyang narinig, kasabay nito ang hingal ng nilalang na tila nagmamadaling makalayo sa kaniya. Lalong lumapad ang ngisi ni Esmeralda at mabilis na sinunggaban ang nilalang. Isang malakas na suntok ang nagpataon nito sa lupa.

"Ang akala mo ba ay matatakasan mo ako?" Malumanay pa niyang wika habang inaapakan ang nilalang na nagkukumahog na makaalpas sa kaniya.

"Wala akong ginagawang masama, wala akong sinasaktang tao, hindi ako kumakain ng tao. Pakiusap, huwag mo akong paslangin," pagmamakaawa nito. Napalatak naman si Esmeralda at inalis nag paang nakaapak sa nilalang. Pinabangon niya ito at tinitigan sa mga mata.

"Mukhang bagong sibol ka, anong ginagawa mo rito sa gubat?" Tanong niya at nakita niyang tila nagpipigil ang nilalang na sunggaban siya.

"Hindi ko ginusto ito, biktima rin ako. Ayoko ko nito. Sa halip na makapanakit ng tao, minabuti ko ang manatili rito para manginain ng mga hayop. Pakiusap, ayoko pang mamat*y. May pamilya ako na nais ko pang balikan." Umiiyak na wika nito sa kabila ng angil na umaalpas sa lalamunan ng nilalang.

Nangunot naman ang noo ni Esmeralda sa nalaman. Ang buong akala niya ay wala nang ibang aswang na nagagawi sa kanilang teritoryo. Pero mukhang nagkamali siya, may mga pangahas na sinusubukan ang magparami sa kanuyang lugar at hindi niya ito maaaring hayaan.