Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 46 - Chapter 46

Chapter 46 - Chapter 46

Biglang nag-anyong bata si Bulan na labis na ikinagulat ni Milo. Singbilis ng hangin ang paglapit niya sa binata at halos isang iglap lamang ito.

"Kakaibang nilalang, subalit may busilak na kalooban. Anong pangalan mo binata?" Tanong ng diwata sa matinis at bata nitong boses. Naguguluhan man ay magalang pa rin niyang sinagot ito.

"Milo," simpleng tugon niya at sumilay ang malapad na ngiti sa labi ng diwata. Tinapik nito ang noo ni Milo at tila may dumaloy na mainit na enerhiya mula sa kaniyang ulo patungo sa kabuuan ng kaniyang katawan. Ilang sandali pa ay tila hindi niya makontrol ang sarili at bigla na lamang siyang nag-anyong isang usa.

"Napakagandang nilalang." Turan ni Bulan at habang tinititigan ang anyo ni Milo, nasa anyong bata pa rin ito, tuwang-tuwa ito habang marahang hinihimas ang balahibo ni Milo. Isang matipunong usa si Milo, matikas ang tindig nito habang napakalambot at napakaganda ng balahibo nito. Kalaunan ay muli nang bumalik sa anyong tao si Milo. Napapangiti lamang si Apo Sela, Simon at Maya, bakas kasi sa braso ni Milo ang kaparehong simbolo na nasa braso ng diwata ng buwan.

Lumipas ang gabing iyon na pinagmamasdan nila ang diwata habang nasa taas ito ng tore at pinagmamasdan ang tatlong buwan sa kalangitan. Habang ginagawa nila iyon ay hindi nila maiwasan ang pagkamangha rito lalo na si Milo.

"Napakasuwerte mo naman Milo, pareho na kayo ni Maya ang may basbas ng diwata ng buwan." wika ni Simon, agad namang nangunot ang noo ni Milo sa narinig.

"Basbas?"

Natawa naman si Simon sa reaksyon ng binata. Ibig sabihin ay hindi nito alam na kasalukuyan na niyang tangan ang marka ng diwata sa kaniyang katawan. Hindi na lamang ito sinagot pa ni Simon at hinayaan na lamang niyang si MIlo na mismo ang makatuklas nito. At isa pa, mas maigi nga iyong hindi niya alam upang hindi siya dumepende sa gabay ng diwata at matuto siyang sumandal sa sarili niyang kakayahan.

Nang tuluyan nang mawala ang diwata ay agad na nilang sinimulan ang kanilang ritwal. Hindi kasi agad nila ito ginawa bilang paggalang na din sa diwata na minsan lang bumaba mula sa kinalalagakan nitong trono. Mabilis ilang natapos ang ritwal dahil na din sa lakas ng mga enerhiyang nakapalibot doon.

Madaling araw na nang makababa sila sa bundok at napansin nila ang isang dalagang Mayarinan na nakaabang sa kanila sa paanan. May hawak itong tungkod ngunit kapansin-pansin ang kakaibang mga simbolong nakaukit rito. Ngayon lang din nila nasilayan ang dalagang iyon.

Nang tuluyan silang tumapat sa dalaga ay tumingala ito sa kanila at doon nila napansing mapusyaw na asul ang kulay ng mga mata nito na tila kalangitan, kakaiba sa ibang ka tribo nito na may matingkad na kulay asul na maihahalintulad mo sa karagatan.

"Kanina ko pa kayo hinihintay, ako si Liway, apo ako ni Inang Sela." Wika ng babae sa malamyos nitong boses na animo'y umaawit.

Nagtaka naman sila dahil walang nababanggit na apo si Apo Sela sa kanila.

"Alam kong hindi pa niya ako nababanggit sa inyo, paumanhin, sadyang makakalimutin lang talaga si Inang Sela." Saad pa ng dalaga.

Hindi naman sila nakaramdam ng kakaiba rito, sa katunayan nga ay magaan ang loob nila sa dalaga. May kakaibang presensya kasing bumabalot sa dalaga na talaga naman magugustuhan ng kahit sinong tao o nilalang na kaharap nito.

"Ganoon ba, Ako—"

Hindi na naituloy ni Simon ang kaniyang sasabihin dahil naunahan na siya ni Liway.

"Ikaw si Simon, at ito ang kapatid mong si Maya na isang gabunan. Ikaw naman si Milo ang anak ng namayapang reyna ng mga tagubaybay. Kilala ko na kayo, naikuwento na kayo sa akin ni Inang Sela, sa katunayan ay inutusan niya ako para sunduin kayo dahil alam niyang natapos niyo na ang ritwal."

Napangiti naman si Simon sa tinuran ng dalaga, napangisi naman si Maya bago sila tuluyang maglakad pabalik sa tribo.

Pagkarating sa kubo ni Apo Sela ay agad din naman nilang nakita ang matanda na abala sa paghahanda ng makakain. Madaling araw na iyon kaya naman pang almusal na ang inihahanda nito. Nilagang saging at mga kamote at may kapeng sara sara din silang nakita sa mesa. Agad na bumati si Liway sa Lola nito na magiliw namang niyakap ng matanda.

"Mabuti naman at nandito ka na, maupo na kayo at nang sabay-sabay na tayong makapag-almusal. Liway, kamusta ang pakikipagsapalaran mo sa kabilang Isla?" agad na tanong ni Apo Sela nang makaupo na sila sa kahoy na bangko.

"Kabilang Isla, hindi ba't ang kasunod na isla dito ay isla na ng mga anggitay?" Gulat na tanong ni Simon.

"Oo, pinapuntahan ko iyon kay Liway bago pa man kayo nakarating dito, may kalayuan subalit mabilis lamang iyon para kay Liway dahil sa kakayahan niya," paliwanag ni Apo Sela matapos humigop ng kapeng sara sara. 

"Kung hindi niyo naitatanong, may kakayahan si Liway na magbukas ng lagusan patungo sa mga lugar na nanaisin niya. Napakagandang kakayahan hindi ba?" dagdag pa na wika ni Apo Sela, ngunit napansin ng tatlo ang kakaibang lungkot sa mukha ng matanda. Hindi nila mawari kung bakit ganoon na lamang ang pagkalungkot nito nang mabanggit ang kakayahan ng kaniyang apo. 

"Pasensiya na po Apo Sela, bakit naman po kayo biglang nalungkot nang mabanggit niyo ang kakayahan ni Liway?" Tanong ni Milo. Agad na bumuntong hininga si Apo Sela at napatingin lang kay Liway na noo'y abala sa pagkain ng nilagang kamote.

"Maagang naulila si Liway sa mga magulang, namaaty ang anak ko at ang asawa niya dahil kinailangan nilang protektahan si Liway laban sa mga umatakeng aswang noong nasa mundo pa kami ng mga tao, sanggol pa lamang si Liway noon. Si Liway ay ipinanganak kasabay ang basbas ng diwata ng buwan na si Bulan at nang diwata ng karagatan na si Magwayen, ang kakayahan niyang makagawa ng lagusan at malayang makapaglakbay rito ay nagsisilbing punyal na may dalawang talim na nakatarak sa kaniyang puso. Kaya hangga't maaari ay hindi ko ito pinapagamit sa kaniya at maaari lamang niya itong gamitin kapag kinakailangan na talaga." mahabang salaysay at paliwanag ni Apo Sela. 

Namayani ang katahimikan sa pagitan nila at maging ang dalagang si Liway ay napahinto sa kaniyang pagkain. Ngumiti ito sa matanda at hinaplos ang balikat nito.

"Inang, maingat kung ginagamit ang kakayahan ko, hindi mo kailangang mag-alala dahil hindi ako mapapahamak, at isa pa Inang, alam ko ang limitasyon ng kakayahan ko," nakangiting wika ni Liway at doon na napangiti ang magkapatid na Maya at Simon at si Milo.

"O siya, oo na. Basta pakaisipin mo na lang na may matandang uugod-ugod pa an naghihintay sa'yo sa tuwing lilisanin mo ang lugar na ito." Nakangiti at pabirong wika ni Apo Sela. Napapangiti na din sila habang pinagmamasdan nila ang maglola. Bigla tuloy naalala ni Milo si Lolo Ador. Bigla niyang naisip kung kamusta na kaya ang Lolo niya, kung ayos lang ba ito, o kung nasa mabuting kalusugan ba ito? Kumakain pa ba ito sa tamang oras at nakakatulog ng maayos sa gabi.

Nilukob ng pagkasabik sa Lolo ang kaniyang puso at kaluluwa, habang inaalala ang masasayang memorya nilang magkasama. Napakatagal na panahon din niyang hindi nakikita ang matanda kaya naman nang makita niya ang paglalambingan ng maglola at naalala din niya ang kulitan nila ni Lolo Ador.

Matapos ng kanilang munting almusal ay nagdesisyon na silang magpahinga muna, hindi pa naman kasi sumisikat ang araw noon kaya naman mas minabuti na nilang matulog. Tirik na ang araw nang magising si Milo at Simon. Sinalubong sila nang nagkakasiyahang mga tao sa tribo ng Mayari.

"Dahil sa pagsasaayos niyo sa dalawang kristal ay nawala na ang pangamba ng aking mga ka-tribu na muli kaming gagambalain ng mga magindara. Maraming salamat sa inyo Milo, Simon at sa kapatid mong si Maya." Malapad ang ngiting wika ni Apo Sela, katabi nito ang apong si Liway na noo'y nakangiti lang din sa kanila.

"Higit na pinagpala ang mga taong mulat sa mga kababalaghan, at mas higit na pagpapalain ang mga taong marunong mangalaga at mabigay pagpapahalaga rito." Dugtong pa mg matanda habang isa-isang hinahawakan ang kanilang kamay.

"Hindi pa po tapos Apo Sela, hindi pa namin naibabalik ang tunay na kaayusan sa buong Ilawud. Nariyan pa rin ang banta ng mga marindaga at maging ng kalabang hindi pa natin nasusumpungan." Wika ni Milo habang nakatingin rito.

Batid niya ang ligayang nadarama ngayon ng mga Mayarinan subalit hindi iyon natatakpan ang katotohanang nasa panganib pa rin ang buong Ilawud dahil hindi pa nila nalilinis ang mga kristal na siyang nalason na ng husto ng mga kalaban.