Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 47 - Chapter 47

Chapter 47 - Chapter 47

Tumango-tango naman si Apo Sela sa sinabi ni Milo. Alam niya ang ibig sabihin ng binata kung kaya't mas maigi niyang pinakalma ang kaniyang sarili. Kalaunan ay tahimik lang na nagmasid sina Maya , Simon at Milo sa kanilang paligid habang nagkakasiyahan ang mga Mayarinan.

"Nasa ilalim ng dagat ang susunod na kristal na ating lilinisin, sa pagkakataon ito, ako at si Milo lamang ang maaring tumungo roon, Maya, dito ka lang sa tribo at hintayin mo na lamang ang pag-ahon namin. Mamayang gabi ay magsasagawa tayo ng ritwal na siyang magbibigay sa atin ng kakayahang makatagal sa ilalim ng tubig. Ang ritwal ay ipagpapatuloy ni Maya hangga't hindi pa tayo umaahon sa dalampasigan." Panimulang wika ni Simon.

"Hangga't hindi tayo umaahon? Paano kung abutin tayo ng isang linggo, ibig sabihin noon hindi magpapahinga s Maya?" Naguguluhang tanong ni Milo na bahagyang tinanguan naman ni Simon.

"Kaya dapat, bilisan niyo, mas mabilis kayong makaahon, masa mabuti, para din iyon sa kaligtasan ng mga katawan niyo." Sambit naman ni Maya.

"Tama si Maya, bigyan natin ng palugit na tatlong araw ang ating sarili upang maisaayos ang apat na kristal na nasa ilalim ng dagat. Sapat na iyon kung wala tayong makakasagupang kalaban, kung meron man ay marahil aabutin tayo ng isang linggo kapag nagkataon." Paliwanag ni Simon.

Agad namang natahimik si Milo, napatingin na lamang siya sa dalaga na noo'y kumakain lamang ng inihaw na karne ng isang baboy ramo na nahuli ng mga Mayarinan sa kabundukan. Tila ba hindi nito alintana ang pagod na aabutin niya sa oras na magsimula na ang ritwal.

"Huwag kang mag-alala kay Maya, alalahanin mo may dugong aswang si Maya, hanggat sapat ang pagkain niya sa katawan ay makakaya niyang hindi matulog kahit dalawang linggo pa ang abutin natin. Ang mga ganitong klaseng ritwal ay sa kaniya ko talaga binibigay dahil na din sa resistensya ng katawan niyang higit na mas malakas kesa sa ating mga ordinaryong tao. At isa pa, nandiyan naman sina Apo Sela upang mahatiran siya ng tulong kung saka-sakaling mapagod si Maya. Ang intindihin mo ay ang ating misyon. Doon mo ituon ang lahat ng iyong atensyon." Seryosong saad ni Simon, maagap na sumang-ayon si Milo at hindi na nag-alala pa nang husto.

Sumapit na ang dapit-hapon at agad na silang nagsagwa ng ritwal ng paghahanda. Gamit ang dalawang mutya ng pangil ng pating, taimtim silang nagdadasal sa harap ng nagliliyab na apoy habang si Maya at Liya naman ang siyang nagsasagawa ng sayaw na kalakip sa ritwal. Sa kalagitnaan ng kanilang pagdarasal ay sabay silang gumawa ng hiwa sa kanilang mga braso gamit ang matalas na punyal na binasbasan naman ni Apo Sela. Tikom ang bibig na ininda nila ang sakit dulot ng pagkakahiwa sa kanilang mga kalamnan, nang makagawa na sila ng sugat na may kalaliman, isinilid naman nila roon ang mutya ng pangil ng pating bago iyon isinara gamit ang orasyon ni Apo Sela. Mahigpit iyong binendahan ni Apo Sela habang nag-uusal, maiiging sinigurado ng matanda na nakasara ang mag sugat upang mas mabilis iyong maghilom.

"Dahil sa ritwal at sa langis na ating ipinahid ay maghihilom ang inyong mga sugat kinabukasan, bukas ay sasanayin niyo ang inyong mga katawan upang mas madali sa inyo ang mapagana ang mutya, at maging kaisa niyo ang mga ito." Payo ni Apo Sela na agad namang sinang-ayunan ng dalawa.

Matapos ang ritwal ng paghahanda ay ramdam ni Milo ang bigat ng kaniyang braso kung saan naroroon ang mutya. Pakiramdam niya ay may malaking bato ang nakapaloob sa kaniyang braso na siyang nagpapabigat rito.

"Nararamdaman mo din ba ang bigat ng braso mo Simon?" Tanong niya sa kaibigan.

Maiging pinakiramdaman ni Simon ang sarili at bahagya siyang tumango.

"Oo, pero ayon sa aming ina noon kapag may tangan kang mutya at ito ay ibinaon mo sa iyong katawan ay normal lamg na maramdaman mo ang bigat nito. Nakapaloob din kasi roon ang responsibilidad mo bilang bagong tagapangalaga nito." Paliwanag ni Simon.

Nagtataka man ay pilit na inunawa ni Milo ang mga katagang binitawan ni Simon. Pansamantala silang naghiwalay ng landas upang makapagnilay-nilay kasama ang kalikasan. Nakaupo noon si Milo sa damuhan at nakaharap siya sa karagatan. Iyon ang huling paalala sa kanila ni Apo Sela bago sila naghiwalay.

Nakatanaw lamang si Milo sa karagatan habang sinasamyo ang nag-aagaw na mainit at malamig na hanging umiihip patungo sa kaniya. Marahan niyang ipinikig ang kaniyang mga mata at maiging pinaalinggan ang pag-ihip ng hanging umiikot sa kaniya. Gawa din siguro ng matagumpay na pakikiisa niya sa kaniyang ikalawang katauhan ay higit na mas malinaw ang kaniyang mga pandama tulad ng pang-amoy, pandinig at maging ang kaniyang paningin ay mas naging matalas na rin.

Taimtim siyang nagdasal at iniusal ang mga katagang itinuro sa kanila ni Apo Sela upang mapagana ang mutya. Matapos ang pag-uusal ay doon niya naramdaman ang mainit na sensasyong gumagapang mula sa kaniyang sugat patungo sa iba't-ibang parte ng kaniyang katawan partikular sa kaniyang dibdib.

Animo'y umiinom siya ng mainit na tubig na hindi man lang ito pinapalamig. Matapos amg pakiramdam na iyon at bigla naman niyang naramdaman ang paggaan ng kaniyang braso. Nawala ang pagbigat nito at napalitan iyon ng tila kakaibang sensasyon.

Matapos ng ilang oras na pagninilay ay bumalik na si Milo sa Kubo ni Apo Sela. Naabutan pa niyang maglalakad na rin pabalik si Simon at halos sabay ma din silang dumating sa harap ng kubo ng matanda. Hatinggabi na rin nang mga oras na iyon, kung kaya't marahan nilang binuksan ang pinto ng kubo at tahimik na pumasok roon.

Iyon ang huling gabing makakapagpahinga sila dahil bukas ng umaga ay magsisimula na ang kanilang misyon sa ilalim ng dagat. Pagkahiga nila sa higaan ay agaran din silang nakatulog dala ang mga isipin na maaaring mangyari kinabukasan.

Sa pagsapit ng bukang-liwayway, nakaabang na si Liway sa labas nang sila ay magising. Matamis na ngiti ang ipinansalubong niya sa mga ito.

"Magandang umaga Liway. " Bati ni Simon ma noo'y kakamot-kamot sa ulo nito.

"Magandang umaga rin Simon, sana'y maging maayos at matiwasay ang inyong pahinga kagabi." Makahulugang wika ni Liway, matapos masambit ang mga katagang iyon ay agad na ipinasa sa kanila ng dalaga ang dalawang sibat na hawak nito. Maagap naman iyong nasalo ng dalawang binata at maiging nila itong pinagmasdan.

Kakaiba ang sibat na iyon dahil gawa sa animo'y isang uri ng bato talim nito habang ang hawakan ay gawa sa isang uri ng kahoy na tila ba pinakinis hanggang sa kumintab ito nang husto. Napakaraming simbolo rin ang nakaukit sa hawakan ng sibat nilang iyon.

"Iyan ang gagamitin niyo sa ilalim ng dagat, mas madaling gamitin iyang kaysa sabalaraw at tabak na gamit niyo." Wika ni Liway.

"Kung gano'n ito ang gagamitin namin sa pag-iinsayo ngayon?" Tanong ni Milo.

"Oo, bakit may problema ba?" Sagot at balik na tanong ng dalaga.

"A' wala naman, nagtatanong lang. Tara na Simon, mag-insayo na tayo para makarami." Ani Milo sabay talikod sa dalaga. Natatawang sumunod naman sa kaniya si Simon hanngang sa makarating sila sa dalampasigan kung saan sila magduduwelo.

Maaga pa lamang kaya malamig pa ang simoy ng hangin na umiihip sa dalampasigan.

"Simulan na ba natin?" Tanong ni Simon at napangisi naman si Milo, bago iniumang ang dulo ng sibat sa harap ni Simon bilang paghahanda sa pag-atake ng binata.

Noong una ay banayad lamang na pag-atake ang kanilang ginagawa sa bawat isa hanggang sa tuluyan na nilang magamay ang pagamit ng sibat ay mas naging agresibo na ang bawat pag-atake nila sa isa't-isa.

Pawang hingal na hingal sila nang mapagpasiyahan huminto saglit at tuluyang mapaupo sa buhangin. Ramdam ni Milo ang panginginig ng kaniyang mga kalamnan, subalit mas nangingibabaw ang kasiyahang dulot ng kanilang pag-iinsayo ni Simon.

Kinatanghalian ay bumalik na sila sa tribo at doon ay muli silang binigyan ng huling pag basbas ni Apo Sela. Matapos ay nagpaalam naman sila kay Maya na noo'y abala na sa paghahanda para sa ritwal na gagawin nito.

"Maya, isang linggo lang ang palugit na ibibigay mo sa amin. Kapag hindi pa kami dumating sa mga oras na iyon ay itigil mo na ang ritwal. Kami na ang bahalang humanap ng paraan para makaahon sa dagat." Bilin ni Simon sa kapatid.

"Naiintindihan ko." Simpleng tugon ni Maya bago yumakap sa kapatid. " Mag-iingat kayo pareho. Tandaan mo ang laging bilin ni Ina, huwag kang padalos-dalos. Kapag alanganin kayo, tumakas na agad kayo. Hanggat nabubuhay tayo ay marami pa tayong pagkakataon makabawi ngunit kapag ang buhay mo na ang nawala, maging ang iyong pagkakataon ay kasabay nitong maglalaho. " Paalala ni Maya at napangiti naman si Simon.