Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 42 - Chapter 42

Chapter 42 - Chapter 42

Sumapit ang pangatlong araw at kasalukuyan na silang pumalaot upang tunguin ang isla ng mga Garuda. Dahil halos katabi lamang ito ng Guron ay inabot lamang sila ng humigit-kumulang isang oras bago narating ang dalampasigan ng isla.

Sa kanilang pagdaong ay nakaabang na ang garuda kasama ang kanilang Hari na malugod silang tinanggap. Labis naman ang pasasalamat nina Milo dahil sa mainit na pagtanggap ng lupon ng mga garuda kahit pa noong una ay nagduda ito sa kanila.

"Paumanhin sa naging asal ko noong una tayong magkakilala, hindi niyo maiaalis sa tulad kong isang hari ang hindi magduda, kapakanan ng nakakarami ang nakasalalay sa misyong ito at ayokong mauwi sa isa na namang pagsisisi ang aking mga desisyon." Mayamaya ay biglang wika ng hari na labis naman nilang ikinagulat.

Maging si Maya na noo'y nakatuon ang buong pansin sa daang tinatahak nila ay biglang napatingin sa hari.

"Naiintindihan namin Haring Garuda. Hindi naman masama ang loob namin dahil batid din namin na mga bagito pa kami at marami pa rin kaming dapat na malaman." Tugon ni Simon.

"Ang pangalan ko ay Garu, ika-isangdaan at apatnapu sa trono ng isla Bagwisan, nawa'y magsimula ulit tayo ng panibago." sambit ng hari at bahagya itong yumukod bilang pagbati sa kanila.

Mabilis naman itong tinugon ng tatlo bago muling nagpakilala rito. Naging maayos ang kanilang pagdaong at naging maganda rin ang resulta ng pag-uusap nila kay Haring Garu. Pagdating nila sa sentro ng kaharian ng mga garuda ay agad na bumungad sa kanila ang mabatong topograpiya ng lugar. Matarik at bahagyang matutulis ang malalaking batong nagsisilbing kanilang pangunahing tirahan ng mga nilalang.

Iginala nila ang kanilang mga mata at doon ay nakita nila ang mga batang tila takot na nakatitig lang sa kanila. Bakas sa mga mukha nito ang labis na pagkabahala kahit pa kasama na nila ang kanilang hari.

"Kung mapapansin niyo nababalot pa rin ng takot ang puso ng aking mga nasasakupan dahil sa mga kaganapan. Walang nakakaligtas at maging kaming biniyayaan ng kakayahan lumipad ay wala pa ring takas. Sa bawat islang inaatake ay para bang alam nila ang mga natatanging kahinaan ng nais nilang pabagsakain." Paliwanag ni Haring Garu habang tinatahak nila ang daan patungo naman sa kinalalagakan ng kristal.

Ayon pa sa hari, nasa sentro ng mabatong daan ang kristal at napapalibutan ito ng anim na tahanan ng pinakamalakas niyang kawal bilang tagapangalaga rito. Pagdating nila sa naturang lugar ay agad nilang nakita ang anim na kawal na matiyagang nagbabantay doon. Nakaharap ang mga ito sa kristal na animo'y mga estatwang hindi ito inaalisan ng tingin.

Hindi alintana ng mga ito ang mga ibong dumadapo sa kanilang mga katawan at maging ang mangilan-ngilang maliliit na hayop na tila ba namamahay na sa kanilang mga katawan.

Nang tumikhim ang hari ay tila doon pa lamang nila natagpuan ang kanilang mga sarili at bahagya sila gumalaw at nagbigay galang sa kanilang pinuno. Matapos ang maikling tagpong iyon ay lumapit na sina Maya, Simon at Milo sa kinaroroonan ng kristal.

Maigi nila iyong pinagmasdan at napansin nilang katulad ng kristal na nasa Guron ay lumalabo na din ang kulay nito. May mangilan-ngilang guhit ng nagbabadyang pagkabasag na rin silang nakikita doon.

"Kung nakikita niyo ay mas malubha pa ang kalagayan ng kristal namin sa Guron. Kaya ganoon na lamang ang takot na bumabalot sa aking mga nasasakupan. Sa oras na tuluyang mabasag ang kristal ay hudyat din ito ng tuluyang pagkasira ng Bagwisan. Mawawalan kami ng kakayahang makalipad dahil mawawalan ng silbi ang aming mga pakpak."

Nang marinig nila ito ay doon nila napagtanto ang kaakibat na resulta ng pagkasira ng mga kristal, hindi lamang ang kaligtasan ng buong Ilawud ang nakasalalay sa misyon nila, maging ang normal na buhay ng mga nilalang na nakapalibot dito.

"Bukod ba sa inyo, may mga tao ring nakatira sa mga isla rito?" Tanong ni Milo at napalingon naman sa kanila ang hari.

"Tao? Bukod sa mga nilalang ay may mga tao kaming nakakasalamuha na siyang matagal na rin namumuhay sa Ilawud. Kakaiba ang mga taong iyon dahil kulay puti ang kanilang mga buhok at asul ang kanilang mga mata. Tawag namin sa kanila ay tribo Mayari, na hango sa diwata ng buwan na si Bulan o mas kilala sa tawag na Mayari. Nahahawig kasi sa wangis ng diwata ng buwan ang kanilang itsura." Tugon ni Haring Garu at nagkatinginan sila.

Hindi nila malubos maisip na mayroon pang mga tao ang nandoon sa Ilawud. Ngunit kung naiiba nga naman ang kanilang mga itsura ay mas maigi ngang hindi sila nakatira sa naturang mundo dahil na din sa mga taong mapanghusga sa kapwa nila.

"Asul na mata at puting buhok, Simon, hindi ba't nabanggit na din sila ni Ina noon, mga anak ng buwan ang laging sinasambit ni Ina." Wika ni Maya at napatango si Simon.

"Oo, ang buong akala ko nga ay sa kuwento ko lang sila maririnig, hindi ko alam na magkakaroon ako ng pagkakataong makita sila sa malapitan." Saad naman ni Simon at nagpabalik-balik ang tingin ni Milo sa magkapatid.

"Mababait ang mga taong 'yon at matulungin sa lahat ng mga nilalang, nasa pang limang isla sila pagtapos niyo rito. Tiyak na magigistuhan niyo rin sila dahil sa nag-uumapaw na kabutihan ng mga ito." Nakangiting wika ni Garu.

Matapos ang usapan ay tahimik nang naghanda sina Milo, Simon at Maya sa ritwal na kanilang gagawin. Tulad ng dati ay muli silang gumuhit ng bilog at inilagak doon ang mga sangkap kasabay ang paulit-ulit na pag-uusal.

Dahil nagawa na nila ang ritwal ay mas naging madali na ang proseso para sa kanila. Matapos ang lahat ng paghahanda ay mas minabuti na nilang umpisahan ang ritwal. Sa pagkakataong iyon ay nakaluhod na si Maya sa gitna ng bilog, katabi niya ang kristal habang binubuhusan iyon ng likidong may matingkad na kulay ng lila.

Patuloy lamang silang nag-uusal hanggang sa biglang mapahinto si Milo nang makarinig na naman siya ng mga tinig na animo'y tumatawag sa kaniya.

"Magpatuloy ka Milo at huwag mong intindihin ang mga naririnig mo." Untag sa kaniya ni Simon at doon lamang nanumbalik ang kaniyang huwisyo. Pinagpatuloy nila ang pag-uusal hanggang sa matapos nila ang buong ritwal.

"Ang mga kalaban natin ay nasa malapit lamang kaya gagawa sila ng paraan upang pigilan ang ritwal. Milo, alam mo kung gaano ito kahalaga kaya't sana, huwag na ulit itong mangyayari. " Sermon ni Simon bago ito tumalikod sa kanila at umalis.

"Patawad Simon, hindi na ulit iyon mangyayari, pangako." Habol pa noyang wika baago ito makalagpas sa kanila. Agad naman siyang lumingon kay Maya na noo'y nagkibit balikat lang din.

"Galit ba si Simon?" Tanong ni Milo at umiling naman si Maya.

"Hindi siya galit, nagpapaalala lamang. Kanina dahil sa ginawa mo at muntik nang masira ang ritwal at dahil doon ay kinailangan niyang isakripisyo ang ilang patak ng kaniyang dugo upang maagapan ang iyong paghinto nang biglaan." Sagot ni Maya at nanlaki ang mata ni Milo dahil sa pagkabigla.

"Ibig sabihin–"

"Oo, marahil ay ayaw lang niyang makita mo ang resulta ng kaniyang ginawa kay siya umalis. Ilang patak lang naman iyon kay magiging maayos din soya matapos ang ilang oras na pahinga." Paliwanag naman ni Maya ngunit hiindi mawala sa isip niya na dahil sa kapabayaan niya ay muntik nang mapahamak si Simon.

Matapos ang ilang oras na pagbabantay sa kristal ay nakita na nila ang muling pagtingkad ng kulay ng kristal, wala na rin ang mga sira nitong kanina lamang ay nakita nila.

Isa na namang matagumpay na misyon para sa kanilamg tatlo. Matapos ay pansamantala silang nanatili sa isla ng bagwisan upang gamutin ang mga may sakit na garuda maging ang mga bata at matatanda.

"Simon, salamat nga pala sa ginawa mo. Hindi dahil sayo ay malamang hindi naging matagumpay ang ating misyon. Nagkamali ako dahil hinayaan kong magapi ng kalaban ang aking konsentrasyon. Nauunawaan ko ang kahalagahan ng ating misyon kaya pipilitin kong maging mas matatag sa susunod." Buong pagpapakumbabang wika ni Milo habang tinutulungan si Simon na maiayos ang mga kagamitan nila.

"Walang anuman, alam ko namang hindi mo sinasadya." Nakangiting tugon ni Simon at doon lang nakahinga nang maluwag si Milo.