Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 36 - Chapter 36

Chapter 36 - Chapter 36

"Ano ba ang isla ng Bur'ungan? Hindi ko maintindihan, paanong nanggaling sa isla si Nanay?" Naguguluhang tanong ni Milo. Ang totoo ay hindi niya kilala ang kaniyang ina, kahit ang mukha nito ay hindi niya matandaan dahil napakabata pa niya nang mawala ang mga ito. Tanging ang Lolo Ador lamang niya ang nakagisnan niyang pamilya simula nang magka-isip na siya.

"Ang isla ng Bur'ungan ay isla ng mga matataas na uri ng engkanto na piniling mamuhay malayo sa mga isla ng mga tao. ang isla ding ito ang siyang daanan at pahingahan ng mga diyosa at diyos na bumaba mula sa kanilang kinalalagakang trono upang magmasid. Tirahan din ito ng mga mahihiwagang nilalang, kumbaga ang islang ito ay nasa kabilang dimensyon na ng ating mundo. Hindi basta-basta ang makapunta sa islang ito dahil sa mga balakid na naghihintay sayo. Kapag hindi mo alam ang mga tamang dasal at kapag wala kang lakas ng loob ay maaari mo itong ikapahamak o ikamat*y," paliwanag ni Simon.

Mayamaya pa ay dahan-dahang nagigising na si Maya. Bahagya itong umungol at iginalaw ang katawan. Noong una ay tila hirap ito hanggang kalaunan ay nagawa na rin nitong makagalaw ng maayos. Pansamantala muna siyang nanatiling nakahiga habang pinagmamasdan ang kalangitan kung saan makikita ang tatlong buwan.

Napatingala na din si Milo at laking gulat niya nang masilayan ang tatlong buwan na nakahilira sa kalangitang iyon.

"T—tatlo ang buwan?" Gulat na bulalas ni Milo. Natawa naman si Simon sa reaksiyon ng binata. Para kasi itong batang nakakita ng isang kakaibang bagay.

"Hindi ba't sabi ko sa 'yo, nasa ibang dimensyon na ang lugar na ito, ang dulo ng bagyong iyon ang siyang tanging daan patungo sa Ilawud. Ang buong karagatan ng Ilawud ay sinasakop ang mga isla na pinaninirahan ng mga nilalang na paniguradong ngayon mo lamang makikita. Ang buwang nakikita mo'y bawas na, ang sabi sa amin ni Ina orihinal na may pitong buwan ang Ilawud na makikita sa lahat ng Islang nakapalibot rito. Subalit kinain na ang mga ito ng bakunawa." Mahabang paliwanag ni Simon na ikinamangha naman ni Milo.

Bakunawa? Ang serpenteng bakunawa na siyang kumakain sa buwan ay sa mga istorya lamang niya naririnig. Minsan na rin itong naikuwento ni Lolo Ador sa kaniya subalit hindi naman niya ito pinaniwalaan dahil nakikita pa naman niya ang buwan. Dito lamang niya naintindihan na hindi pala sa tunay na mundo nangyari iyon kun'di dito sa ibang dimensyon ng mundo.

"Ibig sabihin totoo ang kuwento ng bakunawa? Nakita niyo na ba ang bakunawa?" Tanong ni Milo habang nangingislap ang mga mata nitong naghihintay sa sagot ni Simon.

"Syempre hindi pa, bakit akala mo ba matanda na kami? Halos magka-edad lang nga tayo e'," Tugon naman ni Simon habang napapakamot sa ulo, habang ang isang kamay naman nito ay nakahawak sa isang mahabang kahoy na siyang kumukontrol ng direksyon na tinatakbo ng kanilang bangka.

"Sa dami niyong alam, minsan napapaisip nga ako kung talaga bang magkasing-edad lang tayo, parang mas marami pa yata kayong alam kay lolo e'," nakangiwing wika ni Milo at nagkatawanan sila. Maging si Maya na noo'y nakahiga pa rin ay bahagya rin napahagikgik.

Napakahabang oras pa ang ginugol nila bago nila matanaw ang isang bulubunduking isla. Kapansin-pansin ang mayabong na kagubatan di kalayuan sa dalampasigan.

Nang tuluyan na nilang marating ito ay mangha silang napatitig sa kumikislap na buhangin rito. Mataas na ang sikat ng araw ngunit hindi sila nakakaramdam ng init dahil sa banayad na ihip ng malamig na hangin na nanggagaling sa gubat.

Hindi maitago sa mukha ni Milo ang labis na pagkamangha sa kaniyang nakikita. Para siyang pinaglalaruan ng sarili niyang mga mata. Hindi niya lubos maisip na makakasilay siya ng ganito kagandang lugar sa buong buhay niya.

"Totoo ba 'tong nakikita ko?" Bulalas pa niya habang inililibot ang mga mata sa paligid. Pinagtulungan na nilang hatakin ang kanilang bangka at itinago iyon sa pagitan ng dalawang bato at maingat na itinali doon. Matapos masiguro nasa maayos na lugar na ang kanilang bangka ay agad na nilang binagtas ang kahabaan ng dalampasigan.

Mula kasi roon ay may natatanaw silang mayabong na kagubatan at iyon marahil ang kagubatang ibinilin aa kanila ng kanilang mga magulang. Naging alerto naman si Maya at Simom dahil ano mang oras o pagkakataon ay maaaring umatake ang mga nilalang na nais pat*yin si Milo.

Sa kanilang paglalakad ay minabuti na rin ni Karim na magpakita, naglalakad ito sa tabi ni Milo at pasimple naman itong pinakatitigan ng binata.

"Karim, ano ba talaga si Ina?" Tanong ni Milo habang tinatahak nila ang daan patungo sa bukana ng kagubatan.

Mahinang humalinghing si Karim bago itinuon ang pansin sa sa lupang kanilang nilalakaran.

Ilang segundo ring natahimik ang tikbalang, hindi alam kung paano sisimulan hanggang sa tuluyan na nga itong magsalita,

"Ang iyong ina ay isang lokal sa isla ng bur'ungan. Mula sa Ilawud hanggang sa siyam na islang nakapalibot rito, ang iyong ina ay kabilang sa mga maharlikang engkanto na nangangalaga sa kapayapaan ng buong lugar."

Nanlalaki ang mga mata na napatitig siya sa tikbalang. Natigilan siya at naestatwa sa kaniyang kinatatayuan. Bakas sa mga mata niyang naguguluhan at nangingiti nang may pagdududa.

"Nagbibiro ka lang 'di ba? Imposibleng isang engkanto ang aking ina, tao siya." Umiilong na wika ni Milo at tumingin sa mga kasama. Nakita niya sa mata ng kambal na walang halong biro ang sinabing iyon ni Karim .

"Ang dugong nananalaytay sa ugat mo Milo ay dugo ng isang albularyo at dugo ng isang Tagubaybay, mga engkantong gabay ng kalikasan at pumapangalawa sa mga diwatang gabay nito," wika pa ni Simon. Inilapag nito sa buhangin ang kaniyang dala at prenteng naupo roon. Maging si Maya ay naupo na rin at napasalampak naman si Milo sa buhangin.

Malalim siyang nag-iisip kung paano naging isang engkanto ang kaniyang ina gayong normal naman siya. Syempre, maliban sa kakayahan niyang makakita ng mga nilalang na kakaiba, normal siya. Napapakamot na lamang siya sa kaniyang ulo habang pilit na inaalam sa sarili kung ano ba dapat ang kaniyang maramdaman sa pagkakataong iyon.

May parte sa sarili niya na nais niyang malaman ng lahat ng tungkol sa kaniyang ina. At meron din namang natatakot aiya dahil baka dito na magulo ang kaniyang buhay.

"Kaya niyo ba ako dinala rito? Para makilala ko ang aking pinagmulan, ibig sabihin hindi ako tao?" Tanong ni Milo.

"Isa yan sa dahilan, pero may mas malaking dahilan kung bakit tayo nandito. Kapag narating na natin ang baryo ng mga tagubaybay ay doon mo maiintindihan ang dahilan. Sa ngayon, panatilihin mong maging kalmado at huwag mong hayaang ang emosyon mo ang kumontrol sa 'yo." Sambit ni Simon. Matapos ng saglit nilang pagpapahinga ay doon na sila nagpatuloy maglakad.

Sa bawat paghakbang nila saabuhanging daan ng isla ay binubusog nila ang kanilang mga mata ng mga tanawing ubos ng ganda. Maging si Milo ay hindi pa rin mapigilan amg hindi mapahanga sa lugar na iyon. Napakaputi at napakapino ng buhangin at animo'y nagkikislapan ang bawat butil nito.

Nang marating nila ng bukana ng kagubatan ay doon namilog ang mata ni Milo. Kakaiba kasi ang tubo ng mga punong-kahoy na naroroon. Tila ba may buhay ang mga ito na bumabaluktot ang mga sanga, hindi tulad ng mga kahoy sa normal na mundo na tuwid at may kaunting baluktot lamang.

Nababalutan din ng berdeng lumot ang mga sanga at katawan ng bawat punong kanilang nasisilayan. Napakapino rin ng damong tumutubo sa buong kalupaan ng kagubatan na tila ba banig na inilatag roon. May mga bulaklak silang nasisilayang tumutubo sa paligid at ramdam nila ang kakaibang mga presensya na umiikot sa buong paligid.

"Nasa teritoryo na tayo ng mga Tagubaybay, sa tingin ko ay hindi malayong may makadaupang palad tayo na tagubaybay sa ating paglalakad." Wika ni Simon habang naglalakad sila.

Nangunot naman ang noo ni Milo at agad na binalingan ng tingin ang binatq.

"Ano ba ang wangis nila, Simon?" Tanong ni Milo na agad namang sinagot ni Simon,

"Katulad lang din ng ibang mga engkanto, ngunit ang mapapansin mo sa kanila ay may mga sungay silang maihahalintulad mo sa lalaking usa. At madali mo ring malalaman kung sino ang kanilang pinuno sa pamamagitan ng kanilang mga sungay."

"Ano naman ang meron sa sungay ng mga nakatataas?" Muli ay tanong ni Milo.

Sa pagkakataong ito ay si Maya naman ang sumagot sa kanila.

"Ginto ang sungay niya ay napapalamutian ng samo't-saring diamante. Iton din ang dahilan kung bakit mas pinili nila ang manirahan sa kabilang dimensiyon kasya sa mundo ng mga tao. Noong araw daw kasi ay naging mabili sila sa mga mangagaso. Kinukuha ang kanilang mga sungay at ninanakaw ang mga diamanteng palamuti rito. Ang sungay naman ay ginagamit na sangkap upang makagawa ng mga punyal at iba pang sandata."

Nanlaki ang mga mata ni Milo dahil sa narinig. Hindi niya lubos maisip kung paano ito nagagawa ng mga tao sa matataas na uri ng engkanto. Kung nandito lang sana ang kaniyang ina at paniguradong ito ang mismong magkukuwento nito. Ayon pa sa kuwento ng magkapatid na ayon din naman sa kuwento ng kanilang ina, ang mga tagubaybay ay mga engkantong mapagmahal sa tao, subalit nang minsang manganib ang lahi nila sa mga tao ay mas pinili nilang ilipat ang kanilang kanilang tirahan kaysa ang makipaglaban sa mga ito.