Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 38 - Chapter 38

Chapter 38 - Chapter 38

Biglang naging seryoso ang mukha ni Rilan, sa pagkakataong iyon ay nakaupo na siya sa tabi ni Milo habang ang mga mata nito ay nakatuon sa hawak nitong gintong baso.

"Hindi naman lingid sa kaalaman niyo na kailangan ng buong Ilawud at bur'ungan ang tulong niyo. Matagal na naming itinatago ang lugar na ito sa mga mata ng lahat ng nilalang, hindi lamang sa mga tao pati na rin sa mga nilalang ng dilim. Isa sa dahilan ang kasakiman ng tao, subalit mas higit naming pinangingilagaan ang mga nilalang na higit na mas sakim sa mga ito. Kamakailan lamang ay inatake ng mga magindara ang ang ibayong isla na siya namang tirahan ng mga kaibigan natin Aswig, mga engkantong tubig na kalimitan ay tirahan ang mga batis, talon, ilog, sapa at dagat."

"Mga magindara?" Kunot-noong tanong ni Milo at napatingin sa kaniyang mga kasama.

"Mga magindara ang itinuturing na mga aswang ng dagat. Sa dagat ang kanilang tirahan. Mawalang-galang na Haring Rilan, paano nakapasok ang mga magindara sa karagatan ng ilawud gayong napakataas ng harang na nakapalibot sa rito?" Wika at baling na tanong ni Maya sa haring Tagubaybay.

"Iyon din ang pinagtataka namin, babaylan. Ang harang na isang libong taon nang nangangalaga sa Ilawud ay tila ba pahina na ng pahina. Minsan nga ay may mga ordinaryong mangingisda na ang napapadpad sa karagatan ng Ilawud. Ilan sa mga kawal ko ang ipinadala kasama ng mga engkanto ng tubig na nasa karagatan at napag-alaman nilang dahan-dahan nang nalalason ang kristal na siyang ugat ng harang." paliwanag pa si Rilan.

Ayon pa sa kaniya, matagal na panahon nang walang gumagalaw ng labindalawang kristal ng Ilawud dahil sagrado ang mga ito. Iyon din ang nagsisilbing proteksyon ng anim na angkan ng mga engkantong naninirahan sa mga islang nakapalibot doon.

"Kilala niyo ba ang lumason sa mga kristal, sino naman kaya ang may kagagawan nito?" naguguluhang tanong ni Simon. Maging si Milo ay napapa-isip rin.

"Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa amin kung sino ang dahilan, ngunit ang malinaw ay napakalaking banta ito para sa kaligtasan ng mga engkantong tahimik na naninirahan dito at magiging malaki rin ang epekto nito sa inyong mundo. Iyon ang mas ikinababahala ng lupon ng mga hari, dahil masisira ang balanse ng mundo kapag nagkataon." Dagdag na paliwanag ni Rilan bago napatingin kay Milo.

"Kung gano'n ano ang maaari naming gawin upang muling maibalik sa dati ang mga kristal?" Tanong ni Maya.

Gumuhit ang ngiti sa labi ni Haring Rilan bago bumuntong-hininga.

"Apat sa mga kristal ay nasa ilalim ng karagatan, habang ang pito ay nasa bawat islang bumubuo sa bur'ungan. At ang isang kristal ay nakalagak sa gitna ng ilawud, nakita niyo ba ang isang maliit na islang merong mataas na batong. Ang batong iyon ang madalas pahingahan ng Bakunawa sa tuwing tinatangka nito kainin ang buwan. At nasa tuktok nito ang pangunahing kristal ng Ilawud." Salaysay ni Rilan, binuklat nito ang isang telang kulay kayumanggi, gawa iyon sa balat ng isang hayop at nakaukit doon ang tila mapa ng buong Ilawud at nakasaad din doon ang eksaktong kinalalagakan ng mga kristal. Malinaw na nakalathala roon ang mga pangunahing palatandaan kung saan sila maghahanap.

"Ano naman ang gagawin namin kapag naroroon na kami Tiyo Rilan?" Tanong ni Milo at kumislap ang mga mata nito nang marinig ang pagtawag ni Milo sa kaniya.

"Ritwal ng mga babaylan ang inyong gagawin, kaya kayo nandito dahil kayo lamang ang makakagawa nito. Mga bagong usbong na babaylan, mga dugong walang bahid ng kasakiman, inosente at puro." Tugon ni Rilan.

Nagpatuloy pa ang kanilang pag-uusap at doon na dahan-dahang naliwanagan ang grupo ni Milo sa kung ano ba talaga ang kanilang misyon. Isang napakadaling misyon kung tutuusin, subalit ang mga nagkukubling kalaban ang siyang magiging isang malaking balakid para sa kanila. Lalo pa nga't wala silang kaalam-alam kung ano ba talaga ang kanilang magiging kalaban.

Nang tuluyan nang bumaba sa kalupaan ang araw ay nagsimula naman umangat ang tatlong buwan sa kalangitan. Napatingala si Milo at tahimik niyang hinangaan ang kagandahan nito. Bilog na bilog ang buwang iyon at napakaliwanag.

"Sa tingin niyo, ano kaya ang makakaharap natin?" Tanong ni Milo habang nakatingala.

"Magindara at Bakunawa ang malinaw na magiging balakid natin, ngunit hindi ko alam kung ano ang mas matinding hamon ang kahaharapin natin. Maghanda na lamang tayo. Sabi naman ni Haring Rilan ay ihahanda nila tayo bago natin susuungin ang misyon. Sa tingin ko magiging sapat na iyon." Tugon ni Simon.

"Siyanga pala Milo, sa apat na kristal na nasa karagatan, tayo lamang ang maaaring sumisid kaya ihuhuli natin iyon, kailangan mo munang kabisaduhin ang ritwal ng paglilinis na gagawin natin." Dagdag pa niya, mabilis na tumango naman si Milo.

"Naiintindihan ko Simon, huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat upang magtagumpay tayo. Buhay din ng mga tao ang nakasalalay sa gagawin natin. At isa pa, angkan ng aking inay ang tinutulungan natin. " Nakangiting wika ni Milo at napangiti na rin ang magkapatid. Batid nilang hindi magdadalawang-isip si Milo dahil sukat na nila ang kabutihan ng loob nito.

Kinagabihan ay naglibot-libot muna sila sa paligid at nakihalubilo sa mga batang tagubaybay na naglalaro roon. Sa kanilang pagmamasid ay muli nilang nakita si Mael na Amael pala ang buong pangalan. Kasama nito ang isang babaeng tagubaybay na noo'y nagdadalang-tao.

"Marahil ay alam mo na ang tunay mong pagkatao, paumanhin sa aking kapangahasan." Hinging paumanhin nito sabay yukod sa harap ni Milo. Mabilis na pinigilan ito ni Milo at umiling. Hindi siya tagaroon at isa lang siyang dayo kaya naman pakiramdam niya ay hindi siya karapatdapat sa pagpupugay nito.

"Hindi na kailangan, Mael, pero maiba ako ilang taon ka na?" Tanong ni Milo.

"Dalawamput-isa, ngunit kung ang takbo ng oras sa mundo mo ang pagbabasehan, isang daan at dalawamput-isa. Lahat ng kalalakihan ay nananatilinsa ganoong edad at labingwalong taon naman humihinto ang edad ng kababaihan. Si Haring Rilan ang pinakamatandang tagubaybay sa angkan namin. Kapag namatay ang isang tagubaybay, ay tinutungo nila ang labas ng kuweba. Napansin niyo ba ang mga punong may nakausling bato na dinaanan natin patungo rito? Iyon ang kanilang huling himlayan. Banal ang daanang iyon at isa iyon sa mga binabantayan ng ating angkan."

Dahil sa sinabi ni Mael ay bigla namang nagtayuan ang balahibo ni Milo. Gayun din ang magkapatid. Hindi nila lubos maisip na libingan pala ang dinaanang iyon. Kaya naman pala kakaiba ang pakiramdam nila nang magawi sila sa parteng iyon ng gubat.

Sa paglalim pa ng gabi ay nagdesisyon na silang magpahinga. Hindi pa man din sila nakakatulog ay isang malakas na palahaw ang kanilang narinig. Umaalingawngaw iyon sa kalagitnaan ng gabi. Mabilis na napabangon si Milo sa kaniyang kinahihigaan at lumabas ng tahanan ni Rilan.

Nang makalabas siya ay nakita niyang naroroon na din si Maya, Simon at si Rilan, sampo ng mga tagubaybay na bakas ang pagkabahala sa kanilang mga mukha.

"Mukhang nagsisimula na namang maghasik ng lagim ang mga marindaga. Naririnig niyo ba ang matitinis na palahaw na iyon. Mga marindaga ang may gawa noon. Napakasakit sa tainga para sa mga tulad naming engkanto. Kaya nilang gayahin ang boses ng mga taong malalapit sa iyon para akitin kang lumapit sa kanila. Kapag lumapit ka, saka sila aatake. Maraming tao na rin ang nabiktika ng lahi ng mga iyan." Wika ni Rilan habang napapailing.

Bukod pa sa matitinis na tunog ng sigaw ng mga marindaga ay rinig din nila ang iyak ng mga engkantong binibiktima nito.

"Hindi ko alam na kaya ng mga marindaga na manakit ng mga engkanto. Hindi ba't mas nakakaangat kayo kumpara sa kanila?" Nagtatakang tanong ni Simon.

Tumango naman si Rilan bilang tugon dito. Pagkuwa'y sumeryoso ang mukha nito binuksan ang lapel ng kaniyang suot na kasuutan at tumambad sa kanila ang tila butas nito sa bandang ibaba ng balikat ni Rilan.

"Tama ito ng isang sandata na gamit ng marindaga nang minsang magsalubong ang aming mga landas. Sa pagkakatanda ko ay g sibat ang tumama sa akin. Tumagos ito sa espiritual na baluteng gamit ko. Iyon din ang naging sanhi kung bakit marami sa aking mga kawal ang nagsakripisyo upang mahatak ako pabalik rito at malayo sa karagatan at sa mga marindaga.