Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 39 - Chapter 39

Chapter 39 - Chapter 39

Ilang sandali pa ay biglang naging tahimik na ang buong paligid. Binalot ng takot at pangamba ang puso ng mga tagubaybay dahil sa pangyayaring iyon.

Minsan na din nilang nasilayan ang walang awang pagpaslang ng mga nilalang sa kanilang mga kauri. Kaya tila ba bangungot na sa kanila ang mga tunog na iyon. Nagkatinginan naman at nagtanguan ang tatlo, tila ba naunawaan nila ang iniisip ng bawat isa.

Nang tuluyan nang maging tahimik ang buong paligid ay nagdesisyon na rin silang magpahinga. Kinaumagahan ay agad nilang tinungo ang labas ng kuweba at tinahak ang landas patungo sa dalampasigang kanilang dinaungan.

Doon ay nasipat nila ang mga troso ng kahoy na lumulutang sa tubig. Animo'y may dumaang bagyo sa karatig isla na naging sanhi upang mabuwal ang mga puno roon.

"Hindi na talaga matatahimik ang mga isla hangga't naghahasik ng lagim ang mga marindaga. Sukdulan na ang kanilang paninira at pamiminsala sa mga buhay dito sa Bur'ungan." Umiiling na wika ni Amael.

"Punong Amael, isang anggitay ang natagpuan ng mga kawal sa likod na parte ng dalampasigan at kasalukuyan na nilang dinadala rito." Balita ng isang tagubaybay na nasa anyo ng isang usa. Kulay lupa ang balat nito habang hindi gaanong kalakihan ang mga sungay nito na mayroon lamang dalawang sanga bawat isa.

Hindi pa man din nakakapagsalita si Amael ay nagkaroon na ng komusyon sa kanilang likuran. Nang lumingon si Milo ay agad na tumambad sa kaniyang mata ang sugatang anggitay. Ang wangis nito at ang pang-itaas na bahagi ng katawan ay sa tao habang ang pang-ibaba nito ay sa kabayo. Kulay pilak ang mahaba nitong buhok at napakaputi ng balat nito na animo'y kumikislap. Nang magmulat ang nilalang na iyon ay agad na namangha si Milo sa mga mata nitong tila ba maihahalintulad mo sa kadiliman puno ng bituin.

Napasinghap si Milo at napatulala rito, mabilis namang dinaluhan ni Simon ang nilalang nang mailapag na ito sa buhanginan.

"Malubha ang sugat niya, hindi makakabuti sa kaniya ang hangin dito sa dalampasigan. Maaari ba natin siyang dalhin sa Guron?" Tanong ni Simon at napatingin ang mga tagubaybay kay Amael. Saglit na natahimik si Amael at tumingin kay Milo, tila ba sinasabi nitong kung ano ang desisyon ni Milo ay ganoon din ang magiging desisyon niya.

"Lahat ng nangangailangan ay dapat na tulungan." Wika ni Milo at sumilay ang malapad na ngiti sa labi ni Amael. Agad nitong ikinumpas ang kamay bilang hudyat sa mga kawal na muling buhatin ang anggitay. Mabilis na kumilos ang mga ito upang tugunin ang utos ng kanilang pinuno.

"Salamat Mael." Sambit ni Milo. Umiling naman ang punong tagubaybay bago sila naglakad kasunod ng mga kawal. Iniwan na nila ang dalampasigan, pagdating sa Guron ay agad na inilapag nila ang anggitay sa malapad na damuhan.

Tulong-tulong ang mga kababaihang tagubaybay sa paggawa ng pansamantala nitong silong na gawa sa mga malalapad na dahon na maihahalintulad mo sa anahaw. Hindi nagtagal ay nakabuo sila ng isang barong-barong para sa nilalang na tinutulungan nila.

"Milo, kailangan ko ng mga halamang gamot na ito." Tawag ni Simon at isa-isang sinambit ang mga pangalan ng halamang-gamot na kailangan niya. Mabilis namang gumuhit si Milo sa damuhan at agaran na nagsambit ng mga kataga.

Sa tulong ng mga lambana at lamang-lupa ay matagumpay na nakalap ni Milo ang mga halaman sa maikling oras. Napapataas lang ng kilay si Maya habang pumapalakpak.

"Magaling, hindi nasayang ang oras namin para turuan ka." Puna ni Maya na bakas sa boses ang kasiyahan. Maging si Simon ay napapangiti na lang.

Matapos gamutin ang anggitay ay muli na itong nagkamalay. Marahan itong bumangon ngunit bigla rin itong bumagsak sa damuhan.

"Hindi mo kailangan puwersahin ang iyong sarili. Manatili kang nakahiga at hayaang maghilom muna ang iyong mga pinsala. Malubha ang mga sugat mo, kaya kakailanganin mo ng maraming pahinga." Wika ni Simon nang makita ang pagpupumilit ng nilalang na bumangon.

Naglandan sa mga mata nito ang tela gabutil na perlas na mga luha nito. Ngunit hindi nito magawang magsalita. Marahil ay takot oa rin ito at hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari sa kaniya.

"Bata pa ang anggitay na iyan, marahil ay naguguluhan pa siya at natatakot sa ngayon. Magsibalik na kayo sa mga tahanan niyo at iwasan ang dalampasigan kapag sasapit na ang dapit-hapon. Walang lalabas ng Guron sa mga oras na iyon." Anunsyo ni Rilan na may kasamang babala para sa kaniyang nasasakupan. Agad na nagsipagsunuran ang mga tagubaybay at paisa-isa nang nilisan ang barong-barong ng kanilang bisita. Maging si Simon at Maya ay pumasok na din si tahanan ni Rilan upang saglit na magpahinga. Si Milo naman ay naupo sa tabi ng anggitay at pinagmasdan ito.

"Huwag kang matakot sa amin, hindi ka namin sasaktan. Ako, si Maya at Simon ay nandito upang tulungan kayo." Malumanay na wika ni Milo. Patuloy lang na nangilid ang mga luha sa mata ng batang anggitay at napabuntong-hininga na lamang si Milo.

Ilang sandali pa ay huminto na sa pag-iyak ang nilalang, naramdaman ni Milo ang unti-unting paghinahon nito at nginitian niya ito.

"Mayamaya lamang ay eepekto na ang mga gamot sa 'yo at magiging magaan na rin ang pakiramdam mo." Wika ni Milo at marahang tumango ang nilalang. Pumikit na ito at tahimik na naghintay si Milo at nanatili roon.

Pagsapit ng hapon ay muli nang nagising ang anggitay sa pagkakataon iyon ay nagsimuoa na itong kumain ng mga prutas na ibinigay sa kaniya ng mga tagubaybay.

Sina Milo, Maya at Simon naman ay tahimik lang na nagmasid rito.

"Mabisa talaga ang mga halamang-gamot na iyon sa mga ganitong nilalang. Pinahanga mo kami Milo dahil mabilis mo lang na nakuha ang mga iyon. Mukhang mas nagiging malapit ka na sa kalikasan, malakas na nag koneksyon mo sa bawat nilalang," saad ni Simon na tinanguan ni Maya bilang pagsang-ayon.

"Milo, Maya, Simon, napapanahon na upang sunailalalim kayo sa pagtatanda. Napagdesisyonan na ni Haring Rilan na mamayang gabi na kayo sasailalim sa ritwal ng pagtatanda." Mayamaya pa ay wika ni Amael.

Sabay-sabay pa silang napalingon dito at nasa likuran nito ang iilan sa mga kababaihang tagubaybay na may bitbit na mga kasuotan na ngayon lang din nila nakita.

"Pagtatanda? Ano ang ritwal na iyon?" Tanong ni Milo at nagkibit-balikat lang si Simon at Maya.

"Ang pagtatanda ay isang ritwal kung saan kayo ay sasailalim sa paguukit ng mga simbolo sa inyong mga balat habang nakalubog ang inyong mga katawan sa banal na lawa ng buhay." Tugon ni Mael

Pagsapit nga ng gabi ay agad na silang dinala ni Mael sa pinakasentro ng Guron kung saan matiyagang naghihintay na si Rilan kasama nag apat pang nakakatandang Tagubaybay.

Agad na napansin ni Milo ang naglalakihang sungay ng mga ito na kulay Pilak at tanso habang ang sungay naman ni Rilan ay kulay ginto simbolo nang pagiging isamg maharlika niya sa kanilang angkan.

Paglapit nila roon ay agad na silang pinalusong ni Mael sa tubig, lumangoy sila roon hanggang sa marating nga nila ang sentro ng sapang iyon. Nagpalinga-linga pa ang kanilang mga mata hanggang sa marinig nila ang sabay-sabay na pag-uusal ng mga ito ng lenguaheng hindi pamilyar sa kanila.

Kitang-kita nila ang paglapit ng limang tagubaybay kabilang na si Rilan. Paisa-isang idinikit ng mga ito sa tubig ang dulo ng kanilang sungay at bigla namang nagliwanag ang mga iyon.

Patuloy nilang naririnig ang paulit-ulit na pagbanggit ng mga ito sa mga kataga at walang anu-ano'y napaigtad silang tatlo nang maramdamna nila ang pagtusok ng animoy isang karayom sa kanilang mga balat.

"Huminahon kayo at hiwag indahin ang sakit, paglabanan ninyo ito, dahil diyan masusukat ang inyong kalakasan." Malakas na paalala sa kanila ni Mael.

Kuyom ang mga palad nilang tatlo habang kagat-labing pinipigilan nila ang kanilang mga sarili na hindi mapasigaw dahil sa bawat paglakas ng pagbigkas ng limang nakatatanda ay siya rin namang pagtaas ng antas ng sakit na kanilang nararamdaman.