Chereads / Vanguard: Blade of the Shadows / Chapter 4 - Chapter 3

Chapter 4 - Chapter 3

"Kung ganon, Celestia kung isa ka sa kanila, kumakain ka din ba ng tao? Ano ba yung mga Balrog na sinasabi mo?" tanong ni Alex at umupo din ito sa kaharap na higaan. Napabangon naman ang dalaga at kinuha ang espada na nakasukbit sa tagiliran nito. Marahan niya iyong ipinatong sa kama at tinitigan ito.

"Ang mga balrog ay mga nilalang na bigla na lamang lumitaw sa daigdig natin, walang makakapagsabi sa kanilang pinagmulan. Una silang lumitaw sa bayan ng Agono, hindi ko alam kung ilang siglo na ang nakakaraan, basta ang pagkakatanda ko, para silang kabute na biglang sumulpot upang magbigay ng lagim at takot sa mga tao. Pangunahing pagkain nila ang dugo ng mga tao. Kaya nilang higupin ang lahat ng dugo ng tao hanggang sa maging tuyo ang mga ito. Doon naman papasok ang mga ulipon na nakita mo." paliwanag ni Celestia.

"Ikaw, saan ka napapabilang?" tanong ni Alex sa dalaga.

Nakatitig lang ito sa espada habang tila nag-iisip ng malalim.

"Tao pa rin ako. Hindi ako napapabilang sa kanila. Kinailangan ko lang talaga ng dugo mo dahil sobra akong nanghihina sa tagal ng aking pagkakahimlay sa kuwebang iyon." wika ni Celestia. Muli na itong tumahimik kung kaya tumahimik na din si Alex hanggang sa tuluyan na nga silang nakatulog pareho.

Kinaumagahan ay maaga pa lamang ay nagising na si Alex, pagbukas niya ng pintuan ay nagulat pa siya dahil tulog na tulog ang kanyang ama at ina sa labas ng kaniyang kwarto. Magkasandal balikat pa ang mga ito habang nakasalampak sa sahig.

"Ma, Pa, bakit naman diyan kayo natulog?" Gisining niya sa mga ito. Pupungas-pungas na nagising ang mag-asawa at mabilis na binatukan ni Thomas ang anak.

"Lokong bata ka, kasalanan mo kung bakit kami nakatulog dito. Bakit ba bigla-bigla ka nagdadala ng babae sa bahay natin. Ni wala man lang maayos sa usapan, tapos sa kwarto mo pa pinatulog. Anong nangyari, pag iyan hindi mo pinanagutan, malalatigo kita ng wala sa oras." mahabang litanya ni Thomas sa anak. Sino ba naman ang hindi magugulat? Ito ang unang beses na magdala ng kaibigang babae ang anak nilang binata. Sa sobrang pagkagulat at kasabikan ay nagawa nilang mag-usyuso sa kwarto nito, ngunit wala naman silang marinig. Nagbantay pa sila roon hanggang nga sa makatulog na sila pareho ng asawa niya.

"Pa, naman. Anong pananagutan ba ang sinasabi niyo. Aba'y ganyan na ba ako ka barumbado sa isip niyo? Wala akong ginawa at isa pa, sa kabilang kama natulog si Celestia. Kaya please lang, huwag niyo akong latiguhin." Wika pa niya habang kakamot-kamot sa leeg.

"Celestia ba ang pangalan niya anak, ay kagandang pangalan. Bakit ba kamo siya nandito? Wala ba siyang matutuluyan?" Tanong ng kanyang Ina.

"Yun nga po ang ipagpapaalam ko sa inyo Ma, Pa. Ito kasing si Celestia eh galing sa malayong probinsiya. Kahapon ko lang din siya nakilala. Wala siyang kamag-anak o kakilala dito. Maari bang dito muna siya?" Tanong ni Alex.

"Oo naman." Halos sabay pang sagot ng mag-asawa na lubhang ikinagulat ni Alex. Ang buong akala kasi niya ay hindi papayag ang mga ito at isang solusyon na naiisip niya ay kuhanan ito ng isang kwartong malapit sa kanila na paupahan.

"Ayos lang sa inyo?" tanong ulit ni Alex, dahil hindi pa rin ito makapaniwala sa narinig.

"Mukhan mabait na bata naman si Celestia , kaya ayos lang na dumito siya. Binata ka naman, kaya wala ding problema." Wika pa ng nanay niya bago ito dumiretso sa kusina. Inakbayan naman siya ng kanyang ama at tatawa-tawa pa itong hinatak siya patungo sa kusina.

"Pa, sigurado kayo? Bakit parang mas excited pa kayo na dito tumira si Celestia kesa noong nagkatrabaho ako?" Takang tanong ni Alex sa ama.

"Alam mo kasi anak, ganito yan. Matagal na namin gustong magkaanak ng babae ng mama mo. Eh, kaso nga maselan kong magbuntis ang mama mo kaya hindi ka na nasundan. Yung mga pinsan mo naman puro din lalaki kaya matagal na din namin pinapanalangin na magka-girlfriend ka. Aba, sa katunayan kahapon lang kami nag-uusap na kahit sinong babae pa ang dalhin mo sa bahay ay buong puso naming tatanggapin. At sino ang mag-aakalang magdadala ka nga ng babae sa bahay." Masayang kwento nito. Pakiramdam ni Alex at napagkaisahan siya ng mga magulang niya at ng tadhana. Sino nga ba ang mag-aakala na magtatagpo sila ulit kahapon ni Celestia.

"Wala ka bang pasok ngayon?" Tanong ng mama niya, tumango siya at nilapitan ito. Tinulungan na niya ito sa paghihiwa ng mga sahog para sa lulutuin nitong almusal.

"Day off ko ngayon Ma." sagot niya habang naghihiwa ng kamatis.

"Ganon ba, O siya samahan mo ako mamaya sa palengke, isama mo na rin si Celestia para naman malibot niya itong lugar natin." Alok ng mama niya at wala na siyang nagawa kundi ang sumang-ayon.

Matapos nilang magluto ay inutusan naman siya ng Papa niya na gisingin na ang dalaga. Pagpanhik sa kwarto ay nakit niya itong tila inaamoy ang hangin sa labas ng kanyang binata. Saglit siyang natulala sa magandang mukha ng dalaga at muli siyang napaisip.

'Para talaga siyang diwata.' wika pa niya sa isipan niya.

"Celestia, bumaba ka na para makapag-almusal na tayo. Naghihintay na rin sila Mama at Papa. Pwede mo silang tawaging Tito at Tita." wika niya sa dalaga.

"Mas matanda ako sa kanila." sagot lang ng dalaga nang lumingon ito sa kanya.

May punto nga naman ito dahil matagal nang nabubuhay si Celestia sa mundo ayon na din sa kwento nito.

"Oo andun na ako, pero walang matinong tao ang maniniwala sayo . At napakabata mo pang tingnan, kaya pakiusap sumakay ka na lang." Wika ni Alex na tila ba nagmamakaawa.

"Matino ka naman." 

"Celestia, ibahin mo ako sa kanila. Matino nga ako pero, basta ewan ko ba at naniniwala ako sa mga kwento mo. Basta sundin mo na lang ang sinabi ko, para wala tayong maging problema.

Pagkababa nila ay manghang-mangha si Celestia sa mga pagkaing nakahanda sa mesa. May iilan siyang naaalala ngunit ang iba ay hindi na niya alam kung ano ang tawag.

Nang mapansin naman niya ang nakangiting mga magulang ni Alex ay agad naman niya itong binati.

"Magandang umaga, Tito, Tita." Bati ni Celestia. At nakahinga ng maluwag si Alex dahil sa narinig. Masayang tinugon ng yakap ni Marsha ang dalaga at inaya agad na pinaupo ito sa silya malapit sa kanya.

Pansin na pansin ni Alex ang pagkagiliw ng kanyang mga magulang sa dalaga at magkatuwang pa ang mga ito sa pagsandok ng pagkain para dito,habang ang kanyang plato ay naiwang walang laman.

Samantala,nakatunganga naman si Celestia habang inaasikaso siya ng mga magulang ni Alex. Nakatingin siya sa plato niya na ngayon ay gabundok na ang laman. Biglaw tuloy bumalik sa alaala niya ang mga panahong bata pa siya at kasama pa niya ang kanyangga magulang. Ganito din lagi ang sitwasyon nila sa harap ng mesa. Hindi niya namalayan ang pagpatak ng luha niya habang nakatulala.

"Ayos ka lang ba hija? " Nag-aalalang tanong ni Marsha at siniko ang asawa. Natigilan naman si thomas sa paglalagay ng paglain sa plato ni Celestia at napatingin dito.

"Wala po. Naalala ko lamang ang aking mga magulang. Ganito rin kasi sila kagulo sa mesa. Pero matagal na po silang wala. " Agad na paliwanag ni Celestia at pinahid ang luhang namumuo sa kanyang mga mata. Nagsimula na siyang kumain at napangiti siya.

"O, Alex bakit hindi ka pa sumasandok, aba'y malaki ka na." Saway ni Thomas at napakamot lang siya ng ulo. Para tuloy gusto niyang magselos kay Celestia.

Matapos nilang kumain ay sinamahan na nga nila si Marsha sa palengke. Magkahawak-kamay si Marsha at Celestia habang si Alex ay nasa likod nila nakasunod at hawak-hawak ang mga pinamili nila. Para tuloy siyang naging isang chaperon ng mag-nanay na namamalengke. Sa kanilang paglalakad ay bigla-bigla na lamang na napahinto si Celestia. Napatingin ito sa isang parte ng palengke na animo'y inabandona na.

Na sakto namang namimili ng mga bibilihing gulay ang nanay ni Alex kung kaya ay nilapitan nila ito.

"May problema ba, Celestia. "

"Naaamoy ko sila rito." Sagot naman ng dalaga at iniikot ang paningin sa buong lugar. Likas sa mga Balrog at ulipon ang hindi mag-iwan ng bakas lalo na kapag hindi pa nanginginain ang mga ito. Ibig sabihin ay naghahanda pa lamang sila o bagong lipat lamang.

"Mamayang gabi, paniguradong meron silang bibiktimahin." Dagdag pa niya at napatingin sa binata.

"Mukhang kailangan na naman nating magpalusot mamaya para makalabas tayo. Pero huwag kang mag-alala. Mabait naman sila Mama at Papa." Wika ni Alex at napatango ang dalaga habang nakangiti.

Agaran din silang bumalik sa kinaroroonan ni Marsha at tinulungan na ito sa pagpili. Bago umuwi ay dumaan pa sila sa isang maliit na mall malapit sa kanila upang bilhan ng damit si Celestia at mga kakailanganin nito sa araw-araw.

Pagdating sa bahay ay agad na nagpaalam amg dalawa na lalabas mamayang alas-sais. Hindi naman tumutol ang mga magulang niya dahil alam naman ng mga ito na responsable na si Alex at alam na nito ang tama sa mali. Wala na silang sinayang na oras at agad na silang pumanhik sa kwarto upang maghanda. Hindi naman maaring hindi sumama si Alex dahil iyon ang naging paalam niya sa kanyang mga magulang.