Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 57 - Chapter 23

Chapter 57 - Chapter 23

Lumipas pa ang ilang araw bago tuluyang magising si Mina. Pagmulat ng kanyang mga mata ay agad niyang nasilayan sila Gorem, Luisa at Amante na nakaupo sa gilid ng kanyang higaan kasama si Tata Teryo. 

"Anong nangyari?" tanong ni Mina na noo'y nagtataka. Pakiramdam niya ay pagod na pagod ang kanyang buong katawan na animo'y galing siya sa isang digmaan. Napahawak naman siya sa kanyang ulo nang bigla na lamang iyong kumirot. Muling nanumbalik ang kanyang mga alaal noong nagdaang gabing nakaharap nila si Alisha. Muling napakunot ang noo niya nang tila ba meron kulang sa kanyang mga alaala. Ngunit kapag sinusubukan niyang alalahanin ay matinding sakit nga ulo ang kanyang nararamdaman. Napabuntong-hininga na lamang siya at ngumiti sa mga kaibigan niya.

"O bakit ganyan ang mga mukha niyo. Sabi ko sa inyo hindi ako mamamatay eh." natatawa pa niyang biro sa mga ito. Napangiti naman ang mga ito at mabilis na yumakap dito si Gorem at Luisa.

"Salamat naman at maayos ka na Mina." mangiyak-ngiyak na wika ni Luisa. "Maililigtas na natin si Isagani." dagdag pa nito at saglit na natulala si Mina.

"Isagani? Sino naman siya?" tanong ni Mina at napipilan si Luisa. Mabilis naman itong hinatak ni Amante palabas ng silid at bumuntong-hininga.

"Bakit hindi niya kilala si Isagani?" naiiyak na tanong ni Luisa kay Amante.

"Ayon kay Tata Teryo, hiniling ni Isagani sa diwata ng panahon na burahin ang anumang alaala ni Mina patungkol kay Isagani, kaya hindi niya kilala si Isagani. Huwag mo na munang babanggitin sa kanya iyon." wika naman ni Amante.

"Bakit?"

"Dahil, makakasira iyon sa tunay nating misyon." sagot naman ni Amante.

"Ano ba ang misyon natin?" galit na tanong ni Luisa habang walang patid sa pagtulo ang kanyang mga luha. Kahit bago pa lamang siya sa kanilang grupo ay napamahal na din siya sa kanyang mga kasama. Alam niyang nagmamahalan si Isagani at Mina kaya hindi niya magawang matanggap ang sitwasyon ito.

"Misyon natin ang wakasan ang kasamaan. Nagdesisyon si Isagani na gawin ito para hindi nito maapektuhan ang desisyon ni Mina sa oras na magkaharap sila. Alam mo ba kung bakit? Dahil sa susunod nating paghaharap, kalaban na natin si Isagani. Hindi na siya ang dating naging kaibigan at kasama natin. Sa tingin mo ano ang mararamdaman ni Mina kapag nakita niya si Isagani sa ganoong sitwasyon?' sambit ni Amante na noo'y tila mabaliw-baliw na.

Natahimik naman si Luisa dahil alam niya ang kalalabasan kung maganap nga ang paghaharap na iyon. 

"Kaya mas mabuti ang ganito, ang wala siyang matandaan para hindi na siya masaktan. Maging ako ay nalulungkot at nasasaktan. Naiinis ako dahil wala man lang akong magawa. Ni hindi ko man lang sila natulungan. Siguro nga hanggang dito na lamang tayo. Ang mga kakayahan natin para lamang talaga sa mga aswang at maligno. Natutulungan nga natin ang ibang tao, pero ang sarili nating mga kaibigan at mahal sa buhay ay hindi natin magawang matulungan man lang." malungkot na saad ni Amante at napahagulgol na lamang sa pag-iyak si Luisa.

Nang tuluyan nang mahimasmasan si Luisa ay nagpasya na silang bumalik sa silid para kausapin si Mina.

"Ano na ang plano mo?" Tanong ni Amante.

"Magpapalakas, isang araw maghaharap ulit kami ni Alisha at sa pagkakataong iyon ako naman ang mananalo." simpleng sagot naman ni Mina. Hindi naman umimik sina Amante. Alam nila sa kani-kanilang mga sarili na malaki ang posibilidad na magkakaharap ulit sila. At tama si Mina, sa pagkakataon iyon, sila ang dapat na magwagi.

Paglipas pa ng tatlong araw ay nagsimula na ngang magnilay si Mina sa gitna ng isang lawa, kung saan napapalibutan siya ng mga nilalang na nahahanay sa kanan. Nariyan ang kanyang gabay na tikbalang kasama ang tatlo pa nitong kawal na siya namang pumapaikot sa kanya ng nakaupo sa loob ng isang sirkulo. Sa labas naman nito ay naroroon ang iilang engkanto na nahahanay naman sa maharlikang lupon na nangangalaga sa kalikasan. Binubuo ang lupon nito ng engkantong tubig, engkantong gubat, engkanto ng lupa, engkanto ng hangin at apoy. 

Nagsanib pwersa na din angmga lamang-lupa na siya namang gumagawa ng harang sa paligid nila Mina upang walang kahit anong nilalang ang makakagambala sa kanila. Habang nasa gitna ng pagninilay si Mina ay ganoon na rin ang ginagawa nila Amante, Gorem at Luisa. 

Naging puspusan ang kanilang pagsasanay sa larangang kanilang tinatahak. Si Amante naman ay nagpatuloy sa kanyang pag-aaral sa lihim na karunungan ng kanan sa ilalim ng pagtuturo ni Tata Teryo. Habang si Luisa naman ay nagsanay kasama ang kanyang gabay na si Bulalakaw sa mundo ng mga engkanto, ganoon din si Gorem kasama naman ang kanyang gabay na isa ring engkantong lobo.

Sa paglipas ng panahon, habang lumalakas at lumalawak ang kanilang mga kakayahan ay siya rin namang paglakas ng kampon ng kadiliman. Matagumpay na naisagawa ni Alisha ang muling pagtawag sa kaluluwa ni Sitan at pagsapi nito sa katawang lupa ni Isagani. Patuloy na nakikipaglaban ang kaluluwa ni Isagani upang hindi ito magampi ni Sitan ngunit sa bawat araw na lumilipas ay patuloy din ang paghina nito at ang tanging pinanghahawakan lamang ng binata ay ang pag-asang muli silang magkakasama ni Mina.

"Hanggang kailan ka makikipaglaban sa akin? Wala ka nang magagawa kundi ang ipaubaya sa akin ang iyong katawan Gabunan." Wika ni Sitan sa boses nitong tila ba nanggaling sa sa kailaliman ng lupa.

Napakalaki na rin ng ipinagbago ng anyo ni Isagani simula noong sumapi sa kanyang katawan si Sitan. Kung dati ay matipuno ang pangangatawan nito, ngayon naman ay maihahalintulad mo na ito isang bangkay. Pumayat ang katawan nito maging ang mukha nito ay halos kitang-kita mo na ang kanyang bungo. Ang dating simpleng damit nito ay ngayon napalitan na ng isang itim na kasuotan. Matutulis na din ang mga kuko nito sa kamay at paa nito, habang sa ulo naman nito ay nakausli ang mahaba nitong sungay na maihahambing mo sa sungay ng isang toro. Itim na itim na din ang mga mata nito na maihahalintulad mo na sa isang dem*nyo.

'Kahit kailan hindi ka magwawagi, kahit ilang ulit kapang bumalik dito sa lupa sa katauhan ng ibat-ibang nilalang, meron at meron pa ding magpapabagsak sayo.' ganting laban ni Isagani sa kalooban ng kanyang katawan. Sa pagbigkas niyang mga katagang iyon ay unti-unti nang napapapikit ang mga mata nito hanggang sa tuluyan na itong mahimbing sa kibuturan ng kanyang pagkatao.

Malakas na tumawa si Sitan na siya namang ikinayanig ng lupa nang mapagtanto nitong tuluyan nang nahimbing ang isa pang pagkataong nagpapahirap sa kanya na kontrolin ang bago niyang katawan.

"Sa wakas, akin na ang katawang ito." humahalakhak na wika ni Sitan na ikinatuwa naman ni Alisha. Ilang beses din nilang isinailalim sa mga orasyon ang katawang iyon upang maiwaksi ang pagkatao ni Isagani.

Habang nangyayari ang mga kaganapang ito ay patuloy naman sa pagsasanay ang grupo ni Mina. Walang oras silang sinayang para paghandaan ang kanilang nalalapit na pakikipagharap sa kampon ni Alisha at Sitan.

Sa Pagdaan pa ng ilang araw ay puspusan pa rin ang ginagawa nilang paghahanda. 

"Nakatulala ka na naman diyan, may problema ba Mina?" Tanong ni Luisa.

Kasalukuyan silang nasa harap ng lawa kung saan nagninilay si Mina. Nakatingin lang ito sa malayo na animo'y merong iniisip na malalim.

"Luisa, bakit ganun? Parang may kulang. Hindi ko maintindihan pero sa bawat pagninilay ko may nakikita akong imaheng hindi pamilyar sa akin pero pakiramdam ko kilala ko siya. Nakakapagtaka lang dahil sa tuwing nilalapitan ko siya ay kusa naman itong lumalayo, at nakakaramdam ako ng sakit dito." Wika ni Mina habang nasa dibdib nito ang kanyang isang kamay.

Hindi naman magawang magsalita ni Luisa dahil hindi niya alam kung ano ang kanyang sasabihin sa kaibigan. Pinagbawalan din kasi siya ni Amante na magbanggit ng kahit ano tungkol kay Isagani at tanging pagyakap na lang ang tanging tugon niya sa dalaga.

Sa pagsapit ng hapon ay unti-unti nilang nararamadaman ang dahan-dahang pagbabago sa hangin. Hindi mapakali si Gorem habang pinagmamasdan ang buong paligid. Maging ang mga insekto ni Amante ay tilang walang landas na pinatutunguhan dahil sa unti-unting paglukob ng kasamaan sa buong paligid.

Nakatanaw lang sila pareho sa bundok kung saan kitang-kita nila ang dahan-dahang pagbaba ng maitim na hamog na nanggagaling doon. Maging ang mga aso sa buong paligid ay wala nang hinto sa pag-alulong. Nagliliparan na din papalayo ang mga ibon mula sa iba pang parte ng gubat maging sa kalapit na bundok. Animo'y nagsisimula na itong lumikas dahil ramdam na nila ang nagbabadyang panganib sa kapaligiran.

Sa kanilang pagmamasid ay nakarinig sila ng isang malakas na paghalakhak sa buong paligid. Tila ba nanggagaling ito sa ilalim ng lupa na umiikot at humahalo sa hangin. Walang anu-ano'y nakita nila ang mabilis na paglipad ng mga wakwak sa kalangitan. Kasabay nito ay ang pagdagundong naman ng lupa dahil sa paglilitawan at pagtatakbuhan ng mga itim na engkanto kasabay ang hukbo ng mga Ikugan. Agad na naghanda sila Mina upang salubungin ang mga nilalang na nagbabantang sumalakay sa bayan ng Belandres. Lumitaw na rin sa knilang tabi ang kani-kanilang mga gabay at kasangga, maliban sa mga diwatang hindi pa natatawag ni Mina.