Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 61 - Chapter 27

Chapter 61 - Chapter 27

Saglit na natigilan si Mina habang tinititigan ang pulang kahoy na iyon. Hindi pa rin niya mabatid kung para saan ang bagay na iyon. Sa kanilang pag-uusap ay doon nilantad ng Pari na dati pala itong isang albularyo bago pa man pumasok ang mga kastila sa bansa.

Simula nang makilala niya ang isang Prayle na si Padre Marcus ay doon na siya nahatak nito na pumasok sa semenaryo at aralin ang bago aral ng kristiyanismo. Doon niya din ipinabatid kila Mina na ang bathalang kinikilala nila ay iisa lamang sa panginoong sinasamba ng mga kristiyano. Marami din itong ibang pagkakakilanlan ngunit iisa lamang ito dahil ito ang may likha ng lahat. 

Maging mga mga diwatang kanilang sinasamba ay isa lamang likha ng Ama. Maging ang mga engkanto, laman-lupa at kung anu-ano pang nilalang ay likha ng panginoon. Lahat ng nilalang mapakanan man o kaliwa.

Sa paglalim pa ng kanilang pag-uusap ay natalakay din nila ang matandang ermetanyong nagbigay sa pulang kahoy na iyon. Ayon pa kay Padre Dama ay tila alam nitong dadako roon si Mina kung kaya't ipinagbilin niya ito sa kanya.

Lumipas pa ang ilang oras ay nagpagpasyahan na rin nilang magpaalam sa Pari at kay Miguel. Hawak-hawak na noon ni Mina ang kahoy na nakabalot sa puting tela at ang isang aklat na kopya umano ng bibliyang nasa simbahan. Kakaiba naman ang kopyang iyon dahil kakaiba ang lenguaheng naroroon.

Ayon kay Padre Dama ay wikang Latin ang nakasaad doon. Nagtaka naman si Mina kung bakit ito ibinigay ng pari sa kanya gayong hindi naman siya marunong magbasa ng Latin.

Nakabalik naman sila sa bayan ng Belandres nang walang problema. Pagdating ni Mina sa bahay ni Tata Teryo ay agad niyang itinago ang plang kahoy sa kanyang damitan at doon na niya binuksan ang aklat na ibinigay ng Pari. Bukod sa mga salitang latin na kanyang nakikita ay may mga nakaukit din doon na mga kakaibang letra. 

"Paano ko naman mababasa ito?" tanong ni Mina sa sarili. Walang anu-ano'y lumitaw sa kanyang harapan si Mapulon.

"Lahat ng aral kung iyong ninanais ay makakaya mong mapag-aralan. Mina subukan mong buksan ang iyong isip at ang iyong puso nang sa gayon ay makaya mo itong mabasa. Lahat ng nilalang na may hindi masukat na pananampalataya sa panginoon ay lubos niyang kinalulugdan." wika nito at kaagaran ding naglaho ito sa kanyang paningin.

Ipinikit naman niya ang kanyang mga mata at taimtim na nagdasal. Nagtagal pa ng ilang minuto ang kanyang pagdarasal bago niya binuksan ang kanyang mga mata. Sa kanyang pagmulat ay muli naman niyang itinuon ang pansin sa mga nilalaman ng aklat. Doon niya napagtantong nakakaya na niyang maintindihan ang mga nakasaad doon.

Halos hindi nakatulog sa magdamag si Mina dahil nawili ito sa pagbabasa. Napakaraming dasal siyang natutunan doon at mga katotohanang noon lamang niya napagtanto. Kinabukasan ay nagpaalam siya kay Tata Teryo na pupunta muna siya sa Sta. Monica. Panatag naman siyang iwan doon sina Luisa, Gorem at Amante dahil na din sa ginawa nilang harang. Inilahad din niya ang pagnanais niyang tunguin ang simbahan kung saan niya nakilala si Padre Dama. Hindi naman ito tinutulan ni Tata Teryo dahil alam niyang batid na ni Mina ang mga dapat nitong gawin.

Sa kanyang muling pagtuntong sa bayan ng Sta. Monica ay muli siyang nakaramdama ng pagkasabik. Nang marating na niya ang harapan ng simbahan ay muli niyang narinig ang pagkalimbang ng kampana na tila pa iyon ay nalulugod sa kanyang pagdating.

Pagpasok niya sa simbahan ay agad namang sumalubong sa kanya si Padre Dama.

"Alam kong ikaw ang dumating. Buhat pa lamang nang una mong punta ay tila napakahiwaga na ng aming kampana. Kusa itong tumutunog kahit hindi kalimbangin ni Kulas. Ngayon alam ko na kung bakit." nakangiting bati ni Padre Dama sa kanya.

"Padre, meron akong lugar na nakikita sa aking mga pangitain. Batid kong naririto iyon sa simbahan. May altar din itong katulad dito ngunit mas luma. Gawa din sa bato ang mga imaheng naroroon." Wika niya at napatango naman ang Pari.

"Alam ko ang tinutukoy mo. Hali ka, sumama ka sa akin. Dadalhin kita roon." Sambit nito at tumalikod. Sumunod naman agad siya sa Pari at pumasok sila sa isang pintuang nakakubli sa likod ng isang rebulto ng isang nilalang na may pakpak. Tinahak nila ang makitid na daan na ang tanging magsisilbing liwanag nila ay ang maliliit na gaserang nakadikit sa dingding ng simbahan.

Paglipas ng ilamg minutong paglalakad ay narating na nga nila ang lugar sa pangitain ni Mina. Naroroon ang mga batong rebulto ng limang nilalang na may pakpak at sa harap nila ay ang rebultong kahalintulad ng imahe sa altar ng simbahan.

"Ano ba ang gagawin mo dito?" Tanong ni Padre Dama at napangiti lang si Mina.

"Magninilay kasama ang mga sugo ng panginoong sinasamba ninyo." Sagot naman ni Mina. Lumapit ito sa gitna nag limang rebulto at lumuhod doon. Nakaharap siya sa sentro ng rebulto ng anak ng panginoon. Idinipa niya ang kanyang mga kamay at nagsimula na sa pagsambit ng mga dasal na kanyang kinabisa. Magkahalong salitang nitibo at latin ang kanyang sinasambit at sa bawat kataga ay tila ba naroroon ang hiwaga na kahit ang Pari ay walang magawa kundi ang mamangha sa kaniyang naririnig.

Dahil sa purong bato ang buong paligid ay umaalingawngaw ang tinig ng dalaga na animo'y umaawit ito kapag may simba. Tahimik namang nilisan ng Pari ang lugar upang magkaroon ito ng kapayapaan at katahimikan.

Ilang oras din ganoon ang sitwasyon ni Mina. Nakaluhod at nakadipa habang nagdarasal. Sa paglipas pa ng oras ay hindi naman maubusan ng tao ang simbahan dahil sa walang patid na pagkalimbang ng kampana na animo'y may ikinakasal. Nagtipon-tipon ang mga ito sa labas ng simbahan habang pinapanood nila ang patuloy na pagkalimbang nito. Maging ang tuktok ng simbahan ay napuno ng puting kalapati.

"Isa ba itong mirakulo ng maykapal?" Nahihiwagaang tanong ng isang matandang babae. Tahimik lamg namang nakasid ni Padre Dama sa mga tao dahil batid niya ang ugat ng mga pangyayaring iyon.

Isang dalaga ang ngayon at nakikipag-isa sa panginoon at lubos niya itong kinalulugdan. Napatingala lamang si Padrea Dama sa langit habang tahimik ding nananalangin. Kasama ang buong bayan ng Sta. Monica, sabay-sabay silang nagbunyi at nanalangin hanggang sa tuluyan na ngang nanahimik ang kampana kinahapunan.

Sa paglabas ni Mina sa lugar na iyon ay dala-dala niya ang isang nakakapanghalinang presensya. Animo'y ang buong kaanyuan nito ay nagliliwanag. Kung sa pagkakataong masilayan siya ng kahit anong nilalang na may bahid ng kasamaan ay paniguradong masisilaw sa taglay niyang presensya.

Nang makasalubong niya si Miguel ay muli na naman niyang nakita ang nilalang na siyang gabay nito. Nagkatinginan lamang sila at nagtanguan bilang pagbati sa isa't-isa.

"Mina, nasabi sa akin ni Padre na nandito ka. Saktong pinapatawag ka na niya para kumain. " Wika nito at tumango lang si Mina.

Pagdating nila sa monasteryo ay nakita niya ang iba pang mga sakristan na nakaupo na sa harap ng mesa kasama si Padre Dama. Umupo naman si Mina sa pinakadulong parte ng mesa at nagsimula nang kumain. Matapos niyang kumain ay tahimik siyang nagpaalam sa mga ito at bumalik na sa lugar kung saan siya nagdarasal. Iyon ang una at huling naging hapunan niya dahil isang linggo na itong hindi lumabas sa silid na iyon.

Sa loob ng isang linggo ay walang ginawa si Mina kundi ang magdasal, ikumpisal ang kanyang mga kasalanan at humingi ng tawad. Iyon ang naging paraan niya upang malinis ng husto ang kanyang kaluluwa at para makipag-usap sa amang may likha.

At sa loob ng isang linggo din iyon ay nagsalitan ang mga sakristan sa pagbabantay sa labas ng silid na iyon upang masiguradong walang kahit na sino ang magtangkang pumasok habang naroroon sa loob si Mina. Ito ay ayon na din sa ipinag-uutos ni Padre Dama.

"Padre, bakit ginagawa ito ni Mina? Hindi ba siya mamamatay? Isang linggo na siyang hindi kumakain ah." Nag-aalalang wika ni Miguel. Kasalukuyang si Miguel ang nagbabantay roon dahil araw na ng pahinga ng kanyang mga kasama.

"Hindi ka magugutom kapag kasama mo ang panginoon. Ang ginagawa ni Mina ay isang paglilinis ng kaluluwa. Hindi ordinaryong tao si Mina, Miguel. Bukod tangi siya sa lahat ng kababaihan dahil lubos siyng kinalulugdan ng Panginoon. "

"Katulad ba siya ni Inang Maria, Padre?" Tanong ni Miguel at napangiti ang Pari bago umiling.

"Lubos na makapangyarihan ang babaeng nagluwal sa bugtong na anak ng Diyos. Si Mina ay ang babaeng itinakda upang magsilbing balanse ng kabutihan at kasamaan." Makahulugang wika ng Pari at napakamot naman si Miguel dahil hindi niya ito maintindihan.

Matiyaga naman silang naghintay sa labas, iyon kasi ang araw ng pagtatapos ng pag-aayuno ni Mina. Sumapit na ang hatinggabi at doon nila narinig ang bahagyang pagbukas ng pintuan ng silid na iyon. Sa pagbukas ng pinto ay siya namang pagbungad nila sa napakagandang wangis ni Mina. Tila ba nababalutan ito ng liwanag kahit pa napakadilim na noon ng buong paligid at taning mga gasera na lamang ang nagbibigay sa kanila ng liwanag.

Namangha naman si Miguel nang makita si Mina. Nakalugay ang mahaba nitong buhok at puting-puti ang kasuotan nito. Tila nagliliwanag din na kulay ginto ang mga mata nito habang nakatingin sa kanila at para bang lumulutang lamang ito sa hangin habang naglalakad. Lubos man ang pagpayat ng katawan nito ay hindi maipagkakaila ang napakaaliwalas at napakagandang awra na bumabalot sa dalaga.