"Mina, ikaw na ba yan?" Gulat na tanong ni Miguel habang manghang-mangha ito sa kanyang nakikita. Para kasing naging isang anghel noon si Mina na bumaba sa langit para kanilang masilayan.
"May makakain ho ba, gutom na ho ako Padre." Mahinang wika ni Mina na ikinatawa naman ng Pari. Noong gabi ding iyon, habang kumakain si Mina ay kinuwento nito ang mga nangyari sa kanya sa loob ng isang linggo doon sa silid na iyon.
Buhat ng magsimula siyang magdasal ay tila ba napadpad siya sa isang lugar kung saan puro berde ang kanyang nkikita. Malawak na damuhan, mga bulaklaking halaman, mga hayop na noon lamang niya nasugpungan at mga nilalang na noon lamang niya nasilayan. Hindi niya mawari kung ito ba ang paraaisong nabasa niya sa bibliya o isa lang itong lugar na gawa-gawa ng kanyang imahinasyon. Magkagayunpaman ay nanatili siyang nakaluhod habang nakadipa ang magkabilng braso at nagdarasal. Nanatili siyang matatag kahit pa kung anu-ano na ang kanyang naririnig at mga nararamdaman sa kanyang paligid.
Hanggang sa tuluyan na ngang tumahimik ang buong paligid at ang tanging naririnig niya ay ang banayad na mpag-ihip ng hangin at ang magaang daloy ng tubig sa kalapit na ilog.
"Napakaswerte mo hija, dahil narating mo ang antas na iyan. Bukod tangi ka ngang pinagpala." Wika pa ni Padre Dama matapos niyang magkuwento.
"Babalik ka na ba?"
"Oho, masyado na akong nagtagal dito. Marahil ay nag-aalala na ang aking mga kasama." Sagot naman ni Mina. Hindi naman tumutol ang Pari at napahinga na sila. Kinaumagahan ay maaga pa lamang ay bumalik na sa Belandres si Mina. Kasama niya noon si Miguel na nagpumilit na sumama sa kanya. Kahit anong sabi niya ditong mapanganib ang kanyang lugar na tutunguin ay hindi ito naging dahilan upang matakot ito at tumigil sa pagsama.
"Mina, totoo ba ang mga aswang? Hindi pa kasi ako nakakakita noon." Tanong ni Miguel habang naglalakbay sila pabalik sa Belandres.
"Yun ba ang dahilan bakit ka sumama sa akin?" natatawang tanong ni Mina. Napakamot naman ng ulo si Miguel at bahagyang napangiti.
"Isa yun sa dahilan." natatawang sagot naman ni Miguel. Nagpatuloy lang ang kanilang pag-uusap habang tinatahak nila ang landas patungo sa Belandres. Pagdating sa bayan ay agad silang sinalubong ni Gorem na noo'y tuwang-tuwa nang makita si Mina.
Agaran din naman ang pagtungo nila si bahay ni Tata Teryo upang ipagbigay alam ang kanyang pagbabalik. Sakyong may ginagamot itong pasyente nang sila ay dumating kung kaya, maiging nanood doon si Miguel. Namulat kasi ito sa simbahan kung kaya't ang mag ganitong sitwasyon ay lubos na kakaiba sa kanya.
Nang matapos ang panggagamot ng matanda ay doon na ipinakilala ni Mina si Miguel. Nagtaka naman ang matanda dahil ang mga alagad ng simbahan ay hindi basta-basta nainiwala sa mga ito at ang iba pa naga ay kinukundina ang kanilang karunungan.
"Hindi naman po lahat, Manong. Si Padre Dama na siyang kura namin ay bukas ang kaisipan sa mga ganitong bagay." Wika naman ni Miguel.
"Ganoon ba? Mabuti naman at kahit papaano ay may mga tao sa simbahan na bukas ang kaisipan. O, siya ang mabuti pa ay magpahinga muna kayo. Mina, hindi ko na sasabihin ang mga nangyari dito habang wala ka dahil mamayang gabi ay malalaman mo rin ito." Sambit naman ni Tata Teryo na ikinatangi ng ulo ng dalaga.
Tulad ng payo ng matanda ay nagpahinga muna sila Mina at Miguel. Sa pagsapit ng hapon ay doon na sila lumabas ng bahay ng matanda. Kapansin-pansin ang mga taong maaga pa lamang ay nagsasara na ng kani-kanilang mga bahay.
Ipinagtaka naman iyon ni Miguel dahil nasanay siya sa Sta. Monica na halos hatinggabi pa bago magsitulog ang mga tao.
"Ang aga palang magpahinga ng mga tao dito sa inyo Mina." Wika ni Miguel. Hindi naman iyon pinansin ni Mina dahil nakatuon ang kanyang atensiyon sa paligid.
"Dahil sa paulit-ulit na paglason ng mga mambabarang at mangkukulam sa mga pangontrang nilagay natin sa paligid ng bayan ay unti-unti itong nasira. Ito ang oanghuling araw na magtatagal ang harang. Sakto talaga ang dating mo Mina. " Wika pa ni Amante. Dala-dala nito ang isang malaking bote na sa pakiwari ng dalaga ay sisidlan ito ng mga panibagong insektong alaga ni Amante.
"Ganoon ba. Mukhang sakto lang din ang pagsama ni Miguel dahil makakasilay na siya ng totoong aswang." Biro naman ni Mina.
"Aswang? May dadating na aswang?" Tila sabik na tanong ni Miguel sa kanila. Nagkatinginan naman si Gorem at Luisa at nagkibit lang ng balikat si Amante bago inihagis sa binata ang isang latigo na gawa sa makabuhay.
"Ano ang halamang ito?"
"Tawag diyan makabuhay, mabisang pantaboy sa mga aswang. Yan ang magiging pangunahing depensa mo sa kanila." Wika ni Amante.
"Ganun ba. Salamat dito ha." Nakangiting sambit ni Miguel at napatingin ito kay Mina. Muli ay naging tahimik na sila habang matiyagang hinihintay ang tuluyang paglubog ng araw at ang pagkagat ng dilim.
Pagsapit nga ng gabi, magbabandang alas-nuebe ay doon na sila nakarinig ng mga kakaibang huni sa paligid. May naririnig na silang malalakas na pagaspas ng pakpak sa himapapawid at matitinis na huni ng mga ik-ik.
Napangisi naman si Amante habang dahan-dahan g pinapalabas ang mga insekto sa kamyang bote.
"Ano yan, bakit napakaraming insekto?" Gulantang na tanong ni Miguel. Nanlalaki ang mga mata nito habang nakatingin sa mga insektong lumalabas sa bunganga ng isang makulay na bote.
"Mambabarang si Amante at isa rin siyang albularyo ngayon. Huwag ka nang magulat dahil lahat kami dito ay hindi normal." Wika naman ni Luisa.
"Hindi kayo normal, pero hindi naman kayo masama di ba?" Tila nahihintakutang tanong ni Miguel na ikinatawa ni Gorem.
"Ano ba tong kasama mo Mina, duwag naman pala." Wika ni Gorem at pinalitaw nito ang kanyang malaking aso na halos ikawala ng ulirat ni Miguel.
"Tatagan mo ang isip at diwa mo Miguel, dahil kapag ganyan ka, ikaw ang uunahin ng mga yan." Wika ni Mina at napatanga si Miguel. Parang gusto na niyang magsisi na sumama siya kay Mina. Subalit wala siyang magagawa dahil nandito na siya. Tumayo na siya at tinanaw ang landas na tinitingnan ni Mina. Doon ay nasipat niya ang mga nilalang na unti-unting lumalapit sa kanila.
"Hindi na talaga kayo makapaghintay ano? Natutuwa ba kayo dahil sa wakas ay nasira na ninyo ang harang?" Tanong ni Luisa. Habang pinaglalaruan nito sa kamay ang apoy ng santelmo.
"Mina, kami na ni Bulalakaw ang bahala sa himpapawid. Kayo na ang bahala dito sa lupa." Dagdag pa ni Luisa at kaagaran din itong lumipad gamit ang nagliliyab niyang pakpak. Nagulantang naman si Miguel sa nakita dahil hindi niya sukat-akalaing makakakita siya ng taong lumilipad. Nais man niyang magtanong ay itinikom na muna niya ang bibig at pinagmasdan ang mga nilalang na lumalapit sa kanila.
Doon niya nakita ang nakakapangilabot na wangis ng mga nilalang. Kulu-kulubot ang balat nito na nangingintab dahil sa langis. Masangsang din ang amoy na nanggagaling sa mga ito na halos ikasuka ni Miguel. Ang mga ulo nito ay para bang sa mga aso, may malalapad na bunganga na punong-puno ng nagsisitalasang pangil, walang patid din ang pagtulo ng laway nito na hindi maputol-putol kahit pa dumadampi na ito sa lupa.
Mahahaba at matutulis ang mga kuko nitong nangingitim na habang ang mga paa naman nito ay maihahalintulad mo sa paa ng kambing.
"Yan na ba ang aswang?" Naibulalas ni Miguel habang mahigpit na nakahawak sa kanyang dalang latigo ng makabuhay. Hindi niya napapansin na nagsusugat na ang palad niya dahil sa malatinik na katawan ng latigo.
"Isa lamang iyan sa lahi ng mga aswang, marami pa sila, kaya humanda ka." Wika pa ni Mina habang nagtataas ito ng bakod at nagpapalipad hangin sa paligid. Nanatili lamang sila sa harap ng bahay ni Tata Teryo habang si Miguel naman ay nakatayo sa likura ni Mina. Sina Gorem, Amante at Luisa ay nag kanya-kanya na nag lugar na pupwestuhan upang kahit papaano ay maikalat nila ang mga pangontrang muli nilang bubuhayin.
Nanginginig naman sa takot si Miguel dahil sa kanyang makikita, hindi niya lubos maisip na ganito pala ang pakiramdam kapag nasa harap mo na ang totoong mga aswang. Dati-rati ay tinatawanan lamang nila ito ng mga kasama niya sa semenaryo kapag nagkukuwento si Padre Dama. Ganun pa man ay nanatili siyang matatag kahit pa gusto na niyang tumakbo at maihi sa kanyang pantalon.
"Mina, ano ba ang pwede kong gawin sa ganitong sitwasyon?" tanong niya dito. Nilingon naman siya ng dalaga at nginitian. At napatingin ito sa kanyang likuran. Kinilabutan naman si Miguel dahil baka may aswang na sa kanyang likod. Paglingon naman niya ay wala siyang nakita roon kundi ang pintuan ng bahay ni Tata Teryo.
"Magdasal ka, baka sakaling lumitaw ang iyong nagmamasid na gabay." nakangiting wika ni Mina at tinalikuran na ang binata. Tuluyan na itong lumayo sa bahay na lubha namang ikinabahala ni Miguel. Nilingon niyang muli ang pintuan at si Mina. Gustuhin man niyang sumama dito ay hindi niya magawa dahil naroroon sa loob si Tata Teryo na nagpapahinga.
Sa paglapit ng mga aswang ay matapang naman silang hinarangan ni Mina nang nakangisi. Hawak niya sa kanyang kamay ang maliit niyang punyal na siyang ibinigay pa noon sa kanya ni Mang Ben. Binulungan niya ito ng dasal at itinarak sa lupang kanyang kinatatayuan.