Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 55 - Chapter 21

Chapter 55 - Chapter 21

"Kamusta ang bata?" tanong ni Isagani nang makita nito ang paglabas ni Mina sa bahay.

"Ayos na, mabuti na lamang ay naagapan agad natin. Bumalik na tayo bago pa nila mapansin ang ating pagkawala." suhestiyon naman ni Mina.

Dumaan pa ang mga araw na tila naging tahimik ang buhay nila Mina sa bayan ng Belandres. Ngunit hindi iyon naging dahilan upang maging kampanti sila sa knilang paligid. Patuloy pa rin ang ginagawa nilang pagmamatyag at pagmamasid sa paligid. Hanggang sa isang araw ay tuluyan na ngang nagkrus ang landas ni Mina at nang babaeng tinatawag nilang Takda.

Araw iyon ng gapasan ng mais at kasalukuyan silang nasa bukid ni Don Matias para maggapas ng mais. Tirik na tirik ang araw sa kalangitan at maalinsangan ang panahon. Nakatayo noon si Mina at Isagani sa isang lilim ng puno habang nagpapahinga nang makaramdam sila ng kakaibang hangin sa buong paligid. Malamig ang simoy nito na tila ba bigla silang kinilabutan. Napatingin sila pareho sa kanilang harapan at doon nila nasilayan ang isang grupo ng mga taong nakatayo sa di kalayuan sa kanila. Dalawang matatangkad na lalaki at isang babae ang kanilang nasipat na nakatingin din sa kanila. Bahagya pang nakangisi ang babae habang nakatingin sa kanila na para bang ito ay nanlalait.

"Kamusta ka Itinakda ni Bathala?" tanong nito sa hindi kalakasang boses ngunit rinig na rinig nila ito na animo'y nanunuot sa mga laman nila ang boses nito.

"Balita ko, hinahanap mo raw ako? Nakakahiya naman kaya ako na ang tumungo sa iyo. Wala yatang lakas ng loob ang isang itinakda ni bathala na kaharapin ang tulad kong Itinakda ni Sitan. Sabagay, magkatulad nga kayo , pareho kayong duwag." pangungutya nito na ikinangiti naman ni Mina.

"Marapat lamang na ikaw ang tumungo sa akin, dahil higit na mas nakakataas si Bathala kesa sa iniidolo mong si Sitan. Higit kailan man, hindi naging mas mataas ang mga nilalang ng kasamaan sa mga alagad ng kabutihan." sagot naman ni Mina na may halong tawa.

Agad na nagbago ang ekpresyon ng mukha nito, ngunit bigla din itong naging maamo nang madapo ang tingin nito kay Isagani. 

"Ginoo, bakit hindi ka na lang sumama sa amin, lahat ng kailangan mo ay maaari mong makuha nang hindi ka na mapapagod. Isa kang Gabunan at hindi ka nararapat na sumama sa babaeng iyan." pang-hihikayat nito kay Isagani. Napangisi lamang si Isagani at pinanlisikan ito ng mga mata. Bahagyang napaatras naman ang dalawang lalaki sa tabi nito.

"Kahit kailan hinding-hindi ako sasama sa mga katulad ninyo. Lahat ng kailangan ko ay kaya kung kunin at hindi ko iyon iaasa sa mga katulad niyong mapanlinlang." Angil ni Isagani at nabakas ang kalungkutan sa mukha ng babae.

Saglit lamang iyon dahil makalipas ang ilang segundo ay muli itong ngumiti ng pagkatamis-tamis sa binata.

"Nasasabi mo lamang iyan dahil sa naguguluhan ka pa. Sa oras na magdesisyon kang sumama sa amin. Maiintindihan mo ang dahilan kung bakit ka umiiral sa mundong ito." Wika nito bago tumalikod at nilisan ang lugar.

Hindi na iyon sinundan nila Mina dahil alam niyang babalik ang mga ito. Batid nilang sa oras na magkubli na ang araw ay siya naman pagbabalik ng mga ito upang maghasik ng lagim. Dahil sa mga pangyayaring iyon ay minadali na nila ang kanilang trabaho sa bukid. Matapos ang kanilang pag-aani ay isinalaysay naman nila kay Gorem at Amante ang kanilang pagdadaupang palad sa grupo ng babaeng takda. .

Pagdating nila sa bahay ni Tata Teryo ay agaran din ang kanilang paghahanda. Nais nilang lumayo muna roon upang kahit papaano ay maiwasan nilang madamay ang mga taong tahimik na naninirahan sa Belandres.

Iniiwasan din kasi nilang madamay ang matandang albularyo at si Maya na noo'y nalalapit ng manganak.

Sa pagdating nila sa bukana mg bayan ay doon nila nasipat ang papalapit din grupo ng babae. Kasa-kasama nito ang iilan sa mga aswang na noo'y naglalakad ng nakatuwad habang ang mga ulo nito ay nasa gitna ng kani-kanilang mga hita. Nanlilimahid din sa langis ang buong katawan ng mga ito na halos kasing itim na ng uling. Nanlilisik ang mga mababalasik at mapupula nitong mata habang nakausli naman sa mga bunganga nito ang kanilang mga pangil na animoy sa aso.

Tila ba hindi alintana ng babaeng iyon ang nakakasulasok na amoy na nanggagaling sa mga kasama nitong aswang. Maging ang nakakasuka nitong anyo ay tila ba normal na dito.

"Ito na ba ang grupong ihaharap mo sa akin?" May pangungutyang tanong ng babae. Iniangat nito ang belo sa kanyang mukha at dun nila nasipat ang maganda nitong pagmumukha. Walang kapintasan kang makikita sa wangis nito ngunit sa likod ng maganda nitong mukha ay nagkukubli ang isang maladem*nyong anyo.

"Ano ba ang pakay niyo at hindi niyo tigilan ang paghahasik ng kasamaan? Hindi pa ba sapat ang inyong mga sumpa at nais pa ninyong muling maparusahan?" Tanong ni Mina na ikinatawa naman ng babae.

"Pakay? Isa lang naman ang pakay namin, ang paslangin ka at makuha ang lahat ng ninanais namin." Wika ng babae at walang anu-ano'y mabilis itong naglaho sa paningin nila at biglang lumitaw sa harapan ni Mina hawak-hawak ang isang itim na kris. Agad naman itong nasalag ng kampilan ni Mapulon na hawak naman ni Mina. Nagsipaggalawan na din ang iba pa nilang mga kasama at doon na nga nagsimula ang labang pinakahihintay ng lahat.

Hindi masukat ang lakas at kakayahan ni Mina at ng babae, halos pantay lang kung tutuusin ang kanilang mga kakayahan kung kaya't hindi masasabi kung sino talaga ang magwawagi. Samantalag habang nagtutunggali ang dalawang itinakda at patuloy din ang pakikipaglaban nil Luisa sa mga aswang at iba pang kampon na dinala nito.

Noon lang din naipamalas ni Luisa ang tunay na kakayahan ng kanyang mutya at ng kanyang gabay. Sa pagpapatuloy ng kanilang labanan ay doon lamang napagtanto ni Mina na tila ba pinaglalaruan lamang sila ng kanilang mga kalaban. Dahil sa bawat pagbagsak ng isa ay may dumaratung na tatlo.

"Sino ka, bakit hindi ka magpakilala?" Tanong ni Mina sa katunggali nito. Napangisi lamang ang babae at bahagya nitong iminuwestra ang kanyang mukha rito.

"Tawagin mo na lamang ako sa pangalang Alisha, ang anak ng karimlan at nag-iisang kabiyak ni Sitan." Wika nito at inihambalos kay Mina ang hawak nitong itim na kris. Mabilis iyong inilagan ni Mina at nanlalaki ang matang tinitigan ang babae.

"Kabiyak ni Sitan?" Bulalas ng dalaga. Isang kikabot ang bumalot sa kanyang buong sistema nang marinig ang pangalan na iyon.

"Oo tama ka Mina. At alam mo ba kung saan ako nanggaling?" Nakangising tanong nito sabay hawak sa kamay ni Mina.

Pilit na nagpumiglas ang dalaga sa pagkakahawak ni Alisha ngunit sadyang napakalakas ng hawak nito. Ilang sandali ba ay bigla siyang natigilan dahil isang memorya ang kusang nagpupumilit na pasukin ang kanyang utak.

Sa memoryang iyon ay nakita niya ang kanyang inang kausap ang isang magandang babae, buntis rin ito kagaya ng nanay niya. Tila ba nagpapaalam ito sa isa't-isa. Parehong nag-iiyakan ang mga ito habang nagyayakapan.

Dahan-dahang nabura ang mga imahe nito at biglang nagbago na ang kanynag mga nasisilayan.

Nakita niyang kausap ng babae ang isang matandang hukluban sa isang baryo. Nagkukubli ito sa isang itim na belo habang patuloy na may tila ibinubulonh sa babaeng buntis. Maya-maya pa ay tila galit na galit ito sa kanyang mga naririnig at bigla itong nagwala at nagsabi ng...

"Ang anak ko ang mas karapat-dapat maging takda. Bakit ang anak ni Loring? Mas malakas ako kay Loring, dahil ba siya ang anak ng punong babaylan?" Pasigaw na angil nito. Kitang-kita ni Mina ang nakakakilabot na ngisi ng hukluban bago muling naglaho ang mga imaheng iyon.

Muli na namang umikot ang mundo niya at nagbago ang kanyang mga nasisilayang imahe.

Iyon ang mga panahong sabay silang ipinanganak ni Mina. Habang nanganganak si Loring ay nabalot ng kakaibang liwanag ang buong baryo ng Maasil subalit habang ipinapanganak naman si Alesha ay nabalot ng makapal na hamog ang kanilang lugar. Hindi naman mawari ni Mina kung saang lugar iyon dahil hindi ito pamilyar sa kanya. Ngunit kitang-kita niya ang mga nagtatakbuhang mga aswang roon na animo'y nagsisigalakan sa pagsilang kay Alesha.

Bigla namang naputol ang mga imaheng iyon nang maramdaman niya ang pagtarak ng kris sa kanyang tiyan. Marahas itong binunot ni Alesha at tumawa.

"Isa lang ang dapat na maging takda. Ikaw na anak ng isang mahinan babaylan ay hindi kailanman mananalo sa tulad kong anak ng pinakamataas na uri ng babaylan." Pasigaw na wika nito at muling itinarak kay Mina ang Kris.

Subalit sa pagkakataong iyon ay mabilis itong nasalag ni Isagani ng kanyang mga kuko. Saglit na natigilan si Alesha nang makita ang mukha ng binata. Nabalot ng lungkot ang mukha nito ng ilang saglit ngunit napalitan din iyon nang puot nang mkita nito kung paano nito alalayan si Mina.

Galit, inggit, panibugho ng damdamin ang nangingibabaw sa kanya nang mga sandaling iyon.

"Sa akin dapat ang mga tingin na iyan, sa akin dapat ang lahat ng iyong natatamasa. Lahat ng iyong mga gabay maging ang pagmamahal ni Bathala. " Pasigaw na wika ni Alesha. Binalot ito ng itim na pwersa na kaagaran namang nilabanan ni Mina. Habang nakasandal ang kanyang likod sa dibdib ng binata ay nag-usal siya ng labindalawang buhay na salita upang mapigilan ang anumang binabalak ni Alesha. Ramdam kasi niya ang unti-unting pagkamatay ng lupa sa ginagawa nito.

Sa kanyang pag-uusal ay lubos naman naapektuhan si Isagani habang nakahawak sa kanyang balikat. Kitang-kita niya ang pagkasunog ng balat nito sa bawat salitang kanyang binibigkas.

"Ituloy mo lang, huwag mo akong alalahanin." Bulong ni Isagani sa dalaga nang maramdaman nitong tila nag-aalangan na si Mina.

Dahil sa sinabing iyon ni Isagani ay pikit-mata niyang ipinagpatuloy ang pag-uusal hanggang sa makabuo siya ng isang napakalaking harang sa palibot ni Alesha. Lahat ng pwersa nito ay mabilis na hinigop ng harang na iyon at napawalang-bisa.

Sa halip naasindak ay ngumisi ito at may kung ano itong itinapon na tumagos sa harang. Dahil sa bilis ng mga pangyayari ay hindi ito nailagan ni Mina at tumarak iyon sa kanyang tiyan.

"Hanggang sa muli Mina, nawa'y makaligtas ka sa lasong aking iginawad sayo." Humalakhak ito nang malakas bago muling tinitigan ang mukha ng binata.

"Hanggang sa muli, mahal ko " wika nito at ikinumpas nito ang kanyang mga kamay bago ito naglaho ng parang bula sa kanilang paningin. Maging ang mga aswang nitong kasama ay tila ba naglaho na lamang at nang ilibot nila ang paningin ay para bang walang nangyari.