Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 14 - Chapter 14: Anihan ng mga Aswang

Chapter 14 - Chapter 14: Anihan ng mga Aswang

Paisa-isa nang nagsisulputan ang mga nilalang sa baryo, anyong tao pa ang mga ito ngunit bakas sa mga mukha nito ang matinding paglalaway, nanlilisik din ang mga mata nito na animoy nagliliwanang sa gitna ng mahamog na kadiliman.

Ipinakalat naman ni Mina s kanyang mga kasama ang mga kaibigan niyang aghoy na magsisilbi nilang taga-ulat sa sitwasyon ng bawat isa. Bawat myembro ng kanilang grupo ay may aghoy na nakaupo sa kanilang mga balikat, ito din ang magsisilbi nilang gabay sa pakikipaglaban.

Sa kanilang pagmamasid ay unti-unti na nilang napapansin ang pagpapalit anyo ng mga ito kasabay ang walang humpay na pag-alulong ng mga aso sa paligid. Lahat ng bahay noon ay nagsara na ng kani-kanilang mga bintana at pintuan na tila ba naniniwala ang mga ito na iyon ang magiging susi ng pagiging ligtas nila sa kamay ng mga aswang. Hindi naman iyon pinansin ng grupo nila Mina dahil maaga pa lamang ay naabisuhan na nila ang mga ito na magsara ng kanilang bahay sa pagsapit ng dilim. May mangilan-ngilan lamang na tinawanan ang kanilang mga paalala na hindi naman nila pinag-aksayahan pa ng oras.

Ilang minuto pa ang lumipas ay umalingasaw na nga sa hangin ang nakakasukang amoy ng mga aswang. Halos patakbo na ang mga ito sa paglapit sa mga bahay-bahay na animoy sabik na sabik na makatikim ng laman ng tao. Sa paglundag nila at paglapag sa mga bubungan ay rinig na rinig nila ang pagsisigawan ng mga pamilya sa loob ng kani-kanilang pamamahay. Halos pwersahan kung sirain ng mga ito ang mga bubong nitong gawa sa dahon ng niyog. 

Hindi na naatim pa ng grupo ni Mina ang mga pangyayari kaya nagdesisyon na ang mga ito na lumbas sa kanilang pinagkukublian.

"Hoy mga aswang, tingin dito." Tawag ni Kuryo sa dlawang aswang na sumisira sa isang bubong ng bahay. Napahinto naman ito at lumingon sa kanya habang umaangil. Tila ba galit na galit ito sa kanyang pag-abala sa kanyang ginagawa. Napangisi naman si Kuryo at agad na tinigalpo ang aswang na ikinalaglag nito sa lupa nang nakatulala. paisa-isa nilang pinabagsak ang paunang hanay ng mga aswang na sumalakay sa baryo. Alam nilang mahihina ang mga ito kaya naman ay nanatiling nakakubli sila Mina at ang dalawang ermetanyo.

Sa kanilang pagbubuno, ay paunti-unting nalalagasan ang bilang ng mga aswang habang walang kahirap-hira silang pinapabagsak ng grupo nila Obet. Nakakalat sa bawat sulok ng baryo ang mga antinggero at bawat grupo ay may dalawang albularyo silang kasam na siyang magiging tagagamot at depensa nila kapag nasa alanganin na sila. Habang abala si Kuryo sa pakikipaglaro sa mga mahihinang aswang ay nakamasid naman ang grupo ni Obet sa paligid para sa mga di inaasahang pag-atake. 

Sa kanyang pagmamasid ay napansin niya ang isang lupon ng wakwak na paparating mula sa kalangitan. Naghihiyawan ang mga ito na agad naman umatake sa kanila.

"Mga kasama, sa taas, tumingin kayo sa taas." Sigaw ni Obet habang inaabisuhan ang kanyang mga kasamahan. Ngunit huli na ang lahat, napakabilis ng pangyayari at ang iba sa kanila ay nadagit ng mga wakwak at walang awang dinala sa himpapawid at ibinagsak sa lupa. Ang mga kasamahan nilang bumagsak ay agad na nilapa ng mga maranhig na bigla na lamang sumulpot kung saan. Walang nagawa ang mga karga ng mga ito dahil hindi nila napaghandaan ang pag-atake mula sa himpapawid. Dali-dali namang lumabas ang iba pa nilang mga kasama upang mahatiran ng tulong ang mga kasama nilang maari pang isalba. 

Nabahala naman si Mina nang makita ang biglaang pag-atake ng mga wakwak sa himpapawid. Mabilis siyang nag-usal upang agad na mahatirang ng tulong ang kanyang mga kasama. Patuloy lamang ang naganap na pakikipaglaban nin obet sa mga maranhig at mga wakwak. Ramdam nila ang pagkadehado nila sa laban dahil hindi maabot ng kanilang mga sandata ang mga wakwak na lumilipad sa kalangitan. Nang walang anu-ano'y, nagsisulputan ang mga baging sa lupa patungo sa mga wakwak na lumilipad. Mabilis na napaluputan ang mga wakwak na nasa himpapawid na agad din namang nagsibagsakan. 

Nang makita ito ni Obet at Kuryo ay agad silang napatingin kay Mina at napangiti. Malaking tulong kasi ito sa kanila upang mabilis nilang makitilan ng buhay ang mga wakwak na kanina pa nagpapahirap sa kanila. Wala namn nagawa si Mina kundi ang makisali sa laban kahit pa hindi ito umaayon sa kanilang naunang plano. Hindi din niya kasi na maatim na muli pa silang malagasan ng mga kasama dahil ayaw na ayaw niya nag nakakakita ng taong namamatay sa harapan niya.

Akamng papasugod siya sa labanan nang bigla siyang maantala, biglang nanginig ang buong sistema niyang nang maramdaman ang isang nakakapangilabot na presensya sa lugar. Agad nilang narinig ang malakas na tawa na tila nanggagaling sa isang napakalaking tao.

"Tingnan mo nga naman. Ang itinakda!" Sambit nito at humalakhak ng nakakaloko. Nilingon ni MIna ang pinanggalingan ng boses at nakita niya ang isang nilalang na halos kasingtaas ng dalawang tao. Matikas ang pangangatawan nito at halos bakat dito ang pagiging bihasa nito sa mga digmaan. Nanlaki ang mata ni Mina nang makita ito, ramdam na ramdam niya dito ang presensya ng demonyong minsan na niyang nakita sa isa sa kanyang mga panaginip. 

"Huminahon ka Mina." Paalala ng kanyang gabay nang maramdaman nito ang biglaang pagbabago sa emosyon ng dalaga.

"Napakalaki mo na itinakda. Una kitang makita ay sampo o mahigit ka pa lamang." Nangungutyang wika niya habang nakangisi. Napasimangot naman ang dalaga at hindi ito sinagot. Mariin niya itong pinagmamasdan, ito ang demonyong kumitil sa buahy ng kanyang ina? HIndi siya sigurado ngunit iyon ang isinisigaw ng kanyang puso. "Masaya ako't ikaw na mismo ang naglapit ng iyong sarili sa akin. " Wika nito sabay atake sa dalaga. Mabilis naman iyong nasalag ng gabay niyang hari  ng mga engkanto gamit ang mahiwaga nitong espada.

"Mina, usalin mo ang kampilan ni Mapulon." wika ng hari ng mga engkanto habang nakikipagtagisan ito ng lakas sa Aswang. Muli namang nanumbalik si Mina sa kaniyang huwesyo at mabilis na nag-usal. Paglabas ng sandata ni Mapulon ay agad niyang inatake ang aswang na iyon kasam ang kanyang gabay na engkanto.

"Anong uri ka?" tanong ni Mina habang nakikipaglaban dito. Malakas na tawa lamang ang isinagot ng nilalang habang umiilag sa kampilang hawak ng dalaga. 

"Napakalakas mo na itinakda, ako'y natutuwa dahil sa oras na mapasakamay ko ang iyong buhay ay hihirangin akong hari ng lahat." Wika nito at tila baliw itong umatake sa dalaga. Walang humpay ang ginagawa nitong pag-unday ng saksak sa dalaga gamit-gamit ang matatalas nitong kuko. Hanggang sa tuluyang manghina ang dalaga at mapagod ito sa kakasalag ng mga atake nito. Maging ang engkanto niyang kasangga ay nagapi na din ng aswang na iyon at napaluhod na ito sa lupa. Mabilis niyang itinaboy ito sa hangin upang maglaho ito at hindi mapaslang ng aswang.

"Hindi ko alam kung ano ka, pero isa lang ang alam ko, Isa kang demonyo at hindi ka magwawagi laban sa kabutihan. Kahit ikamatay ko, ay sisiguraduhin kong isasama kita at ikukulong sa impyerno." Sigaw ni Mina at iwinasiwas ang kampilan sa aswang. Napamulagat si Mina nang masalag ng aswang ang kampilan gamit lamang ang kamao nito.

"Malakas ka itinakda, pero kulang pa ang lakas mo para kitilan ako ng buhay. " wika nito at itinaas ang nangingitim at matutulis nitong kuko. Akmang uundayan na niyang saksak si MIna ay bigla niya itong nabitawan at tumilapon ito sa di kalayuan.

"Ayos ka lang, Patawad kung ngayon lang ako." Wika ni Isagani habang tinutulungang makatayo ang dalaga. Habol-habol ni Mina ang kanyang hininga habang umiiling sa binata.

"Ayos lang ako. Mag-iingat ka hindi ordinaryo ang aswang na iyan. Marahil ay isa siya sa mga pinuno ng mga uri  nito." Pabulong na wika ni Mina habang pinagmamasdan ang pagbangon ng aswang sa kinalagpakan nitong lupa. 

"Ang itinakda at ang gabunang isinumpa ng mga uri niya. Napakagandang kombinasyon. Isang nilalang sa kanan at ang isa naman ay sa kaliwa. Ano na anak ni Alejandro, naaalala mo pa ba ako?" nakangising tanong nito. 

Nanlilisik ang mga mata ni Isagani at galit na galit itong umangil sa nilalang nang banggitin nito ang pangalan ng kanyang ama.

"Marahil ay hindi mo na ako natatandaan, sabagay, sanggol ka pa noon nang una kitang makita. Matalik kong kaibigan ang iyong ama. At ako din ang dahilan ng kanyang pagkawasak." Wika nito sabay tawa ng nakakaloko. Tila ba sinasadya nitong galitin si Isagani upang manaig ang puto sa kalooban nito. 

Dahil sa galit ay mabilis na nag-usal si Isagani upang makapagpalit ng anyo. Hindi nila alintana ang labanan sa kanilang paligid dahil para bang sa mga oras na iyon ay sa kanila amang umiikot ang oras at panahon. Matapos siyang makapagpalit ng anyo ay wala na siyang sinayang na oras. Mabilis siyang tumakbo para atakihin ito ngunit walang-kahirap hirap lang itong nasasalag ng aswang.

Nang makita naman ito ni Mina ay agad niyang tinulungan si Isagani. Walang pag-aalinlangan niyang ginamit ang kanyang kakayahan upang mabigyan ng proteksiyon ang binata kahit pa lahat ng dapat na natatamong pinsala ng binata ay napupunta sa kanya. Hindi naman ito napansin ni Isagani dahil ang buong akala niya ay matagumpay niyang naiilagan ang  mga pag atake nito. Hanggang sa biglang magliyab ang mga kamay ni Isagani na agad niyang ikinagulat, sanhi upang mapatigi siya, bahagyang lumayo sa kanya ang aswang at napalingon si Isagani sa dalaga.

"Huminahon ka tao, huwag galit ang pairalin mo." saway na wika ni Adlaw sa binata. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Mina na halos duguan na habang nakatayo ito at taimtim na nag-uusal sa kanyang likuran. Nababalutan ito ng isang liwanag habang bumubuka-buka ang bibig nito sa pag-uusal na tila hindi nito alintana ang  mga sugat sa buo nitong katawan.

"Pagtuunan mo ng pansin ang iyong kalaban tao dahil ginagawa ng itinakda ang kanyang parte upang wala kang matamong  pinsala sa labang ito." wika ni Sinag at muling pumaloob ang anyo nito sa kanyang katawan. Sa mga oras na iyon ay tila ba ang buong pagkatao ni Isagani ay biglang nabalot ng nagniningas na apoy dahil sa init na kanyang nararamdaman. Dahil doon ay muli niyang ibinaling sa aswang ang kanyang buong atensiyon. gamit ang kanyang mga kuko ay inundayan niya ito ng sunod-sunod na atake hanggang sa tuluyan niya itong masukol. Napaatras naman ang aswang sa kanya habang nanlilisik ang mapupula nitong mga mata. Hindi ito makapaniwala dahil ramdam na ramdam ng aswang ang malaking pagbabago sa presensya ng binatang gabunan. Bukod sa pagiging gabunan nito ay tila ba meron pa itong isang pagkatao na lubhang sumisilaw sa kanya. Nang ilibot niya ang kanyang paningin sa paligid ay nakita niyang unti-unti nang nasusukol ng mga antinggero ang kanyang mga galamay. Pagkuwa'y ngumisi ito sa binata nang nakakaloko.

"Hindi pa dito nagtatapos ang ating laban anak ni Alejandro, magpalakas ka pa. sa susunod nating pagkikita ay titiyakin kong susunod kana sa sa magaling mong Ama." wika nito. " Kayo ng itinakda ang magiging palaman sa aking sikmura." dagdag pa nito bago ito maglaho sa kanilang harapan. kasabay nang paglaho nito ang paglaho naman ng iba pang mga aswang na nakaligtas sa labanang iyon. Halos mapalupasay sa lupa ang mga antinggero dahil sa pagod at mga pinsalang kanilang natamo sa labanang iyon. Hindi naman ito pinansin ni Isagani dahil agad niyang ibinaling ang atensiyon niya kay Mina na noo'y papabagsak na sa lupa. Agad naman niya itong naalalayan bago pa ito tuluyang bumagsak sa lupa.

"Ayos lang ako. Maghihilom din ang mga sugat na yan." Wika ni Mina nang mapansin ang matinding pag-aalala ng binata. Nanlumo naman si Isagani dahil alam niyang ang mag sugat na iyon ay dapat sa kanya, ngunit hindi niya alam kung paano ito ginawa ng dalaga.

"Sa susunod ayusin mo ang sarili mo." inis na wika ni Sinag at bahagyang itinulak si Isagani sa dalaga. " At ikaw naman, kailan kapa naging padalos dalos ng desisyon? Alam mong makakasama sayo ang gamitin ang usal na iyon ngunit ginamit mo pa rin." galit na sermon naman nito sa dalaga. garan niyang nilapatan ang dalaga ng paunang lunas upang maibsan ang sakit nitong nararamdaman habang si Isagani naman ay tahimik lang na nagmamasid sa mga ito. Hindi na siya nakakibo sa sinabi ni Sinag dahil alam niyang may kasalanan din siya sa nangyari sa dalaga at lubos niya itong pinagsisisihan. Hindi din niya magawang magalit dito dahil alam  niyang nag-aalala lamang ito sa kalagayan ng dalaga.