Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 17 - Chapter 17: Pitong Mutya ng Kalikasan

Chapter 17 - Chapter 17: Pitong Mutya ng Kalikasan

Sa kanilang pagdadasal ay ramdam na ramdam ni Nestor ang napakakomportableng init na yumayakap sa kanyang buong pagkatao. Patuloy lamang siya sa kanyang paghingi ng tawad sa panginoon habang taimtim na nangangakong kailanman ay hindi na niya ulit kalilimutan ang mga aral nito. Sa kanyang pagdarasal ay hindi niya naiwasan ang maluha. Nakaluhod sila sa gitna ng kanyang kubo, sa harap ng batong hugis itlog. Iyon ang mutyang pilit nilang ginigising.

Ayon pa kay Tandang Ipo na lubhang makapangyarihan ang mutyang iyon ngunit kapag hindi napangalagaan ng maayos o di kaya naman ay mawalan ng tiwala doon ang nagtatangan ay mabilis itong lumilisan o natutulog. Ang mutyang iyon ay galing pa sa Sapang nakakubli sa mundo ng mga engkanto at hindi ito basta basta nakukuha ng kahit sino. Ang gabay nito ang siyang kusang nagbibigay sa taong karapat dapat dito.

Sa pagkakataong nilisan ng gabay ang mutya ay magiging ordinaryong bato na lamang ito at ang mutya ay muling magbabalik sa naturang sapa at maghihintay ng panibagong magtatangan dito.

Sa kalagitnaan ng pag-uusal ni Mina ay naramdaman niya ang muling pagtibok ng mutya. Dagli niya itong kinuha at ipinasuot kay Nestor. Habang hawak-hawak niya ito ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pagdarasal. Matapos magsambit ng pitong buhay na salita ay agad naman niya itong iniihip sa mutya. Kasabay niyong ang pagliyab nito na lubha namang ikinagulat ng mga antinggerong nanonood sa kanila. Kulay asul ang liyab nito na animoy hindi talaga ito isang apoy kundi isang lagaslas ng tubig.

Napamulat naman si Nestor ng maramdaman ang napakalamig na presensya sa kanyang dibdib.

"Lanao..." Tanging sambit ni Nestor. Matapos niyang sambitin ang mga katagang iyon ay lumitaw sa harapan nila ang isang engkantong tubig na tila nababalutan ng malaasul na lumot. Mahaba at matulis ang tenga nito at purong itim ang mga mata nito. Meron itong tatlong hiwa sa gilid ng kanyang leeg na maihahalintulad mo sa hasawang ng mga katao.

"Kaibigan,nagbalik ka." Masayang wika ni Nestor na halos hindi makapaniwalang muli silang magkikita ng kanyang gabay.

"Hindi kita kailanman nilisan kaibigan. Sadyang nagapi lamang ako ng puot sa iyong puso. " Sagot nito at nilingon ang dalaga.

"Maraming salamat itinakda sa muling pagising sa akin. Tatanawin kong malaking utang na loob ito. Sadya ngang pinagpala ka ni Bathala." Wika nito habang hinahagkan ang kamay ng dalaga. Pagpapakita ng pagpupugay nito.

Umiling naman si Mina at ngumiti dito.

"Ginawa ko lamang ang nararapat. Batid kong pareho ninyong kailangan ang isa't isa." Simpleng sagot naman ng dalaga. Pansamantala nilang iniwan ang dalawa upang makapag usap ang mga ito at maibalik ang dati nilang koneksyon, habang sila naman ay nagsimulang talakayin ang magiging plano nila para sa nalalapit na muling pag atake ng mga aswang.

Dumaan ang gabing iyon na nakapagpahinga sila ng walang pangamba. Katulad ng sinabi ni Nestor, hindi umatake ang mga aswang kung kaya't inaasahan nilang bukas ng gabi ito magsisimulang gumalaw.

Ayon pa kay Nestor, may mga kasamang sigbin ang mga aswang na lubhang nagpahirap sa kanya at sa mga taong pilit na lumalaban kahit walang mga tangan. Kinabukasan, papasikat pa lamang ang araw ay nagsidatingan na ang mga kalalakihang nakatira sa naturang baryo.

"Nestor, nakahanda kaming magbuwis ng buhay para ipagtanggol ang ating baryo. "

"Tama, ganun din naman, kung hindi kami lalaban, mamamatay din kami. Mas mabuti nang mamatay ng lumalaban kesa mamatay nang nagtatago sa loob ng aming bahay na bahag ang buntot."

"Hindi kami bulag at lalong hindi kami bingi. Alam naming ipinagtatanggol mo ang baryo ng mag-isa. Nawalan ka din at nais din naming ipaghigante ang mga kaanak naming ginawang pagkain ng mga aswang. Ni hindi man lang sila namin nabigyan ng maayos na libing ." Naiiyak na samo ng isa pang lalaki.

"Mga kasama huminahon kayo. Huwag nating pairalin ang galit sa ating puso. Huwag niyong hintayin na lamunin ng galit  ang inyong mga puso. Lubos lang itong ikatutuwa ng mga demonyong iyon. " Wika ni Nestor na noo'y hindi alam kung paano pakakalmahin ang mga kalalakihan. Nilingon nito ang dalawang ermetanyo at  si Mina.

Napangiti lamang si Mina habang ang dalawang matanda ay tatawa tawa naman. Natutuwa ang mga ito dahil sa ipinapakitang katapangan ng mga lalaking iyon.

"Kung iyon ang gusto nila hayaan mo sila, wala akong nararamdamang puot at galit kundi ang pagmamalabis nilang mailigtas ang mga kabaryo nilang nag aalala. " Wika ni Tandang Ipo habang nakangiti.

"Ngunit isang paalala, ang mga aswang ay isang kalaban na hindi tulad ng mga ordinaryong tao. Ang mga ito ay halang pa ang kaluluwa sa demonyo mismo. Kahit anong pagmamakaawa ay hindi nila pinapakinggan. Sa oras na sumali kayo sa laban, hindi na kayo makakaatras kaya pag isipan nyong mabuti ito."

"Nakapag isip na ako, wala na akong pamilyang naghihintay sa akin. Mamatay man ako, ikatutuwa ko iyon dahil sa huli ay nagkaroon ako ng silbi sa lipunan." Wika ng isang lalaki.

Agad din namang sumang ayong ang mga kasama nito. Nasa pito  noon ang mga kalalakihang iyon at lahat sila ay may dala dalang tabak at bolo. Sipat din nila na buo ang loob ng mga ito sa desisyon nila kaya wala na silang nagawa kundi ang hayaan ang mga ito.

"Tandang Ipo, mamamatay lang sila. Hindi pa man nagsisimula ang laban ay paniguradong sila ang uunahin dahil sila ang mahihina sa ating pangkat. Ni wala silang tangang mutya o agimat man lang. Paano nila lalabanan ang aswang gamit lamang ang ordinaryong tabak at bolo?" Wika ni Obet na bakas sa mukha nito ang pag aalala at hindi pag sang ayon sa desisyon ng mga ermitanyo na ikinatawa naman ng dalawang matanda.

"Obet, nakalimutan mo yata, kasama natin si Mina." Wika ni Tandang Karyo. Napakunot naman ng noo si Obet. Hindi nito maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng matanda. Hindi niya maintindihan kung ano ang koneksyon ni Mina sa mga ito. Ibinaling naman niya ang tingin sa dalaga na noo'y titig na titig sa pitong kalalakihan. Napansin niya itong kumuha ng mga bato sa lupa at nag-usal. Nagsambit ito ng labindalawang buhay na salita bago iniihip sa mga hawak na bato. Muli niya itong inilapag sa lupa at napansin nila ang unti-unting pagbiyak ng mga bato.

Gulat at mangha ang naghalo-halong emosyon sa mukha ng mga antinggero at albularyo nang makita nilang ang kaninang mga bato ay naging mga mutya na buhay. Nagliliwanag ang mga ito at tumitibok pa.

"Teka , totoo ba ito? Paanong naging mutya ang mga batong iyon." Tanong ni Obet.

"Obet talaga. Nakalimutan mo na ba ang koneksyon ni Mina sa kalikasan? Lubos siyang kinalulugdan ng mga diwata at ni Bathala. Para sa mga engkanto, ang mga tulad ni Mina ay nahahanay na sa lupon ng mga diwatang kanilang pinagsisilbihan. Ang mga mutyang iyan ang patunay ng kalakasan ng koneksyon ni Mina sa kanila. " Sagot ni Tandang Ipo.

"Sabi ko naman sa inyo, malaki ang maitutulong ni Mina sa pagsama niya sa atin. O, hanggang ngayon ba duda pa rin kayo sa kapatid ko?" Buong pagmamayabang na wika ni Sinag. Napakamot naman si Obet .

Isa-isang pinalapit ni Mina ang mga lalaki sa harapan  at pinapili sa mga mutyang hawak niya.

"Magdasal ka at makiramdam, piliin niyo ang mutyang sa pakiramdam nyong tumatawag sa inyo. Lubos akong natutuwa sa inyong tapang at lubos ding nalulugod ang mga engakntong gabay ng mga mutyang ito. "

"Ako na ang mauuna, Ako si Poldo." Wika ng lalaki. Matikas ang pangangatawan nito, may kayumanggi itong balat at may katapangan din ang wangis nito. Tumitig ito sa mga mutyang hawak ng dalaga, muli niyang ipinikit ang mata upang magdasal, humingi siya ng patnubay sa Ama bago muling iminulat ang kanyang mga mata. Sa kanyang pagmulat ay naagaw agad ang pansin niya ng mutyang tila magliliyab sa kanyang paningin. Mabilis niyang kinuha ito sa palad ni Mina at naramdaman niya ang biglaang paglukob sa kanya ng napakainit na presenya.

"Ang mutya ng santelmo." Sambit ni Mina at makahulugang ngumiti sa lalaki. "Mukhang naakit mo ang isang santelmo dahil sa pagmamalabis mong makatulong sa iyong kapwa. " Dagdag pa nito.

Nagpatuloy na sila hanggang sa tuluyan na ngang nakapili ang mga ito ng mutyang kanilang tatanganin. Isa-isa naman silan sinanay ng mga antinggero sa mga dapat nilang gawin at mga dapat na usal na gagamitin. Mga pangunahing usal pang kombate lang muna at usal ng sabulag ang kanilang itinuro upang kahit papaano ay mayroon silang laban sa mga aswang. Nariyan din ang mga usal pambakod at poder na siyang pangunahing depensa naman nila sa iba't ibang klaseng nilalang.

Pagsapit ng dilim ay sinigurado na nilang nasa loob ng isang bahay ang lahat ng mga tao sa baryo. Mas madali kasi nila itong mapoprotektahan laban sa mga aswang. Ang bahay ni Poldo noon ang kanilang napili dahil sa lahat ng bahay roon ay ito lang ang may kalakuhan at magkakasya ang mga natitirang tao sa baryo. Sa paglalim ng gabi ay doon nila naramdaman ang pagsimoy ng isang maalinsangang hangin at pagbaho ng hangin hudyat na nalalapit na ang mga aswang sa baryo.